"Panginoon, nakahanda na po ang vectum," sabi ng revro.
Tumayo si Necós mula sa pagkakaupo at tumingin sa labas.
"Dalhin ang bihag sa punong bulwagan," utos niya.
Tumango ang revro at nagpaalam.
"Azthamen... Azthamen...magiging akin ka rin," sabi niya at napangisi.
"Necós, ano may naisip ka nang paraan para mapaghiwalay sila?" tanong ni Sanara pagkapasok ng silid.
"Pumunta ka mamaya sa punong bulwagan at masasaksihan mo ang mangyayari sa kaniya," sagot ni Necós at humarap sa kapatid.
Napangisi si Sanara dahil mawawalan na siya ng karibal.
Sa Punong Bulwagan...
"Magandang gabi mga minamahal kong revro. May maganda akong ibabalita sa inyo. Ang ating paghihirap ay masusuklian na rin. Batid ko ang inyong hirap at pagod para lang ipaglaban ang ating prinsipyo, ang ating karapatan. Dugo at pawis ang naging puhunan natin para lang makamit ang nais natin. At ngayong gabi, makakamit na natin iyon. Dahil hawak natin ang alas!" mahabang sabi ni Necós.
Umingay ang paligid sa huli niyang sinabi. Tiyak nilang isang magandang alas ang tinutukoy ng panginoon nila.
"Hawak natin ang nag-iisang bastarda! Tiyak kong mapapabagsak natin ang Gránn lalo na ang Karr sa pamamagitan ni Asyanna Puerre!" dagdag pa niya kaya lalong umingay ang paligid.
Pumunta sa gitna ang mga revro habang hawak si Asyanna na pilit namang pumipiglas.
"Magiging daan si Asyanna ng pagbagsak nilang lahat!" ani Necós kaya sumalungat si Asyanna.
"Kahit kailan hindi kayo magtatagumpay sa binabalak ninyo!" ani Asyanna.
Lumapit sa kaniya si Necós at hinawakan siya sa mukha.
"Hindi nga young Ladynne. Pero, 'pag kasama ka, oo. Mapapabagsak natin ang mga namumuno sa Azthamen," wika ni Necós.
Napangiti si Asyanna kaya napangiti na rin si Necós. Pero, hindi nito inasahan ang sunod na ginawa ng Magium young Ladynne. Bigla siya nitong dinuraan sa mukha. Sa galit niya nasampal niya si Asyanna nang malakas.
"Asya!" reaksyon ni Jamir kaya sinamaan siya ng tingin ni Necós.
Samantala, si Asyanna ay ngumisi lang. Kaya, lalong nainis ang panginoon ng mga rebelde.
"Hindi mo dapat iyon ginawa, young Ladynne," mariin nitong sabi.
"Ang ano? Ang duraan ka sa mukha? Dapat lang dahil masyadong mataas ang pangarap mo," saad ng young Ladynne kaya sinampal siya nito muli.
Tumawa nang malakas ang Magium young Ladynne saka nagsalita, "kahit ilang beses mo pang pagsasampalin ang mukha ko. Hindi mo ako mapapakinabangan,"
Sumama ang tingin ni Necós. Hindi niya nagustuhan ang tabas ng dila ng dalaga kaya sinigawan niya ito, "huwag mo akong binabastos, young Ladynne. Hindi mo alam kung ano ang kaya kong gawin!"
Ginalaw ni Asyanna ang ulo niya kaya binitawan ni Necós ang mukha niya.
"Hindi mo rin alam ang kaya kong gawin Necós," matapang na sabi ni Asyanna.
"Panginoon, Lorde Necós," paglilinaw ni Necós.
Tumawa nang malakas ang Magium young Ladynne sa sinabi nito.
"Nagpapatawa ka ba? Ikaw Lorde? Kailan ka pa naging Lorde?" tumigil si Asyanna sa pagsasalita at napaisip. Pagkatapos ay nagsalita muli, "Oo nga pala, Lorde ka ng Rebellion. Pero, sa Azthamen...salot ka lang,"
Nagalit si Necós sa binitawan nitong salita. Halos mapunta na lahat ng dugo niya sa mukha.
"Ang latigo!" galit na sigaw ni Necós.
Agad namang binigay sa kaniya ang hinihingi niyang latigo.
"Ipaluhod 'yan!" utos niya sa mga revro.
Sapilitan nilang pinaluhod ang Magium young Ladynne. Pumunta si Necós sa likuran habang hawak ang latigo. Ang latigo na hawak niya ay hindi isang pangkaraniwang latigo. May tinataglay itong mahika na kapag dumampi sa balat matinding sakit at hapdi ang mararamdaman ng isang nilalang.
"Panginoon, huwag ninyong gawin iyan kay Asyanna. Lalo lang na hindi siya aanib sa atin," saad ni Jamir nagbabakasakaling makinig ito sa kaniya.
"Alam mo ang batas natin, Jamir. Ang siyang lumabag ay parurusahan. Nilabag niya ang kauna-unahang batas kaya dapat lang na turuan siya ng leksyon," sagot ni Necós at hinampas ang latigo sa likod ni Asyanna.
Napakagat ng labi si Asyanna para mapigilan ang pagsigaw niya. "Asya!" sigaw ni Jamir.
"Isang tulad niya ay nararapat lang parusahan!" nanggigigil na sabi ni Necós at nilatigo muli ang Magium young Ladynne.
Pinigilan naman ni Asyanna ang sarili na maging mahina sa paningin ng lahat. Tiniis niya ang sakit at hapdi ng kamandag ng latigo.
"Dahil pinaslang niya si Chaross, ang inyong kasamahan, ang aking katipan," nanggagalaiting sabi ni Necós at binuhos ang buong lakas sa paglatigo rito.
Doon na napasigaw ang Magium young Ladynne. Halos masubsob na siya sa sahig. Mabuti na lang at ginawa niyang suporta ang mga kamay niya.
"Asya! Panginoon tama na!" giit ni Jamir.
"Jamir, hindi ka dapat naaawa sa babaeng iyan!" ani Sanara na nagseselos na dahil matindi ang pag-aalala ng lalaking iniibig niya sa Magium young Ladynne ng Gránn.
"Kung tutuusin, dapat pinaslang na kita. Pero, bago kita paslangin papakinabangan muna kita," sabi ni Necós at nilatigo muli ang dalaga.
"Kahit ilang ulit mo pa akong saktan ng latigo, hin...ding-hin...di...ako...magpapa...gamit...sa iyo! Hin...ding...hindi!" hirap na sabi ni Asyanna dahil sa tindi ng sakit na nararamdaman niya.
Ramdam niyang umaagos ang dugo sa likod niya at batid niyang namantsahan na nito ang kasuotan niya.
"Bakit ba mas pinipili mo sila? Sila na ang tingin sa iyo ay marumi at outcast sa Azthamen. Hindi ka ba naaawa sa sarili mo? Sinaktan ka nila Asyanna. Tinugis ka nila na parang rebelde. Sa tingin mo ba mahalaga ka sa kanila? Hindi Asyanna, hindi. Hinayaan ka nga nilang makuha namin. Kahit na hawak naman nila ang makapangyarihang libro. Nakakaawa ka Asyanna. Nagpapakamartir ka sa kanila samantalang sila hinayaan ka lang," saad ni Necós.
"Da...hil hin...di...ako...tak...sil...tulad...ng...isa...riyan," sagot ni Asyanna at tumingin sa direksyon ng nilalang na kanina pa nakatingin sa kaniya.
Sinundan naman ito ng tingin ni Necós.
"Si Illyós ba ang tinutukoy mo?" tawang tanong nito.
"Asyanna, ang pangalan ko ay Sanara Dethon at ang panginoon namin ay si Necós Dethon. Hindi ba Dethon din ang apelyido ni Illyós? Ngayon alam mo na kung bakit siya nagtaksil sa inyo. Naging espiya lang siya roon," sabat naman ni Sanara.
"Magkapatid kayong tatlo?" 'di makapaniwalang tanong ni Asyanna.
"Ano sa tingin mo?" patanong na sagot ni Sanara.
"Ngayon, Asyanna. Binibigyan kita ng pagkakataong umanib sa amin. Gantihan mo sila Asyanna," ani Necós kaya napailing lang ang Magium young Ladynne.
"Hindi. Hindi ko pagtataksilan ang Gránn. Hindi ako magtataksil sa Azthamen," sabi ni Asyanna kaya sumeryoso ang mukha ni Necós.
Nahihirapan siyang kumbinsihin ito.
"Akin na ang vectum!" sigaw niya.
Binigay sa kaniya ng revro ang isang bote na ang laman ay vectum, isang itim na mahika. Kaya nitong baguhin at
ibahin ang memorya ng isang nilalang.
"Kung hindi kita makukuha sa salita, idadaan na lang kita sa gawa," sabi ni Necós at binuksan ang bote.
"Ano iyan?" kinakabahang tanong ni Asyanna.
"Daan para makalaya sa martir mong pag-iisip," sagot ni Necós at mas lumapit kay Asyanna.
Umatras naman ang Magium young Ladynne dahil iba ang nararamdaman niya sa bote na hawak ni Necós.
"Hawakan siya," utos ni Necós sa mga revro.
Hinawakan ng mga revro si Asyanna para hindi ito makagalaw.
"Hmp...hmp..!" impit na sigaw ni Asyanna dahil pilit nilalagay ni Necós sa bibig niya ang vectum.
"Kaunting patak lang nito at tiyak kong bagong Asyanna ang makikilala ng lahat," sabi ni Necós.
"Hmp...hmp...!" nagtagumpay nga si Necós sa nais niya.
Nailagay niya ang vectum dito. Pinipigilan naman ni Asyanna na lunukin ang nilagay sa bibig niya. Pero, sadyang nanlalaban ang vectum sa loob ng bibig niya. Hanggang sa nailunok ng Magium young Ladynne ang itim na mahika. Napaubo siya at hindi mapakali. Binitawan naman siya ng mga revro. Napahiga ang Magium young Ladynne habang hawak-hawak ang leeg. Nararamdaman niya kasi ang epekto nito. Napasigaw din siya dahil unti-unti nitong binubura ang mga alaala niya.
"Hindi! Hindi! Huwag!" sigaw ni Asyanna.
Sumenyas si Necós na kalagan ang tali ng Magium young Ladynne. Agad naman itong sinunod ng mga revro. Matapos kalagan ang bihag agad na tumayo si Asyanna at pasuray-suray na naglakad. Hawak-hawak niya ang ulo niya dahil nahihilo na siya. Bigla na lang siyang ngingiti kapag may alaalang pumapasok sa utak niya. Pero, napapawi rin iyon pagkatapos itong mabura. Sa isang sandali parang nabaliw ang Magium young Ladynne. Awang-awa si Jamir sa dalaga dahil sa nangyayari sa kaniya. Gusto niyang kunin ang dalaga at ilayo siya sa lahat. Pero, hindi niya magawa dahil tiyak niyang pipigilan siya ng mga kasamahan niya.
"Mga minamahal kong revro, sa ilang sandali. Isisilang muli ang bagong Asyanna. Nalalapit na ang ating tagumpay!" wika ni Necós kaya umingay ang paligid.
Hindi na rin sila makapaghintay na mangyari ang ninanais nila.
"Ahh!" malakas na sigaw ni Asyanna dahil tuluyan nang kinain ng vectum ang mga alaala niya.
Sa High Castle...
Sa isang mahabang lamesa nakaupo ang dalawampu't tatlong kasapi ng konseho. Ang mga Lorde, Ladynne at Knight. Palaging kumpleto ang kasapi ng konseho sa tuwing may pulong na magaganap. Pero sa ngayon, kulang ito ng isa. Walang nakaupo sa tabi ni Lorde Ornelius. Dapat ang kabalyero niya ang naroon. Pero, hindi ito mahagilap.
"Ornelius, wala yata ang kabalyero mo," puna ni Lorde Ignacio.
"Naglakbay siya sa malayong lugar," seryosong sagot ng Lorde ng Gránn.
"Nakapagtataka naman. Bakit siya maglalakbay sa ganitong panahon? Tiyak kong alam niya na nanganganib ang Azthamen dahil sa biglang pagsulong ng mga rebelde," sabi ni Lorde Ignacio.
Tahimik lang si Ornelius dahil ayaw na niyang magsalita pa. Tiyak niyang may nais ipahiwatig ang Lorde ng Nassus.
"Baka naman umanib na siya sa Rebellion gaya ng bastarda mong anak," dagdag pa nito kaya ang uminit ang ulo ni Ornelius. "Hindi umanib ang anak ko sa Rebellion. Hindi niya iyon magagawa. Binihag siya ng mga rebelde. Naroon ka ng araw na iyon. Nasaksihan mo ang pagkuha sa kaniya. Paano mo nasasabing umanib ang anak ko?" matigas niyang sabi.
"Hindi ba't lumabag siya sa batas, nakalimutan mo na? Alam naman nating ang mga lumalabag sa batas ay mga rebelde. Malay natin palabas lang ang lahat. Malay natin niloloko lang pala tayo ng bastarda," ani Ignacio kaya napakuyom ng mga kamay ang Lorde ng Gránn.
"Tama na iyan. Baka mapunta pa sa alitan ang lahat. Kaya tayo naririto para lutasin ang problema, para paghandaan ang nagbabadyang pag-atake ng Rebellion. Kaya walang magagawa ang sagutan ninyong dalawa para mailigtas ang Azthamen," ani Lorde Irman.
Pinakalma ni Ornelius ang sarili dahil anumang oras baka masuntok niya ang alibughang Lorde ng Nassus.
"May nakakaalam ba sa inyo kung saan dumaan ang mga rebelde nang araw na sumulong sila at binihag ang young Ladynne?" tanong ni Lorde Irman.
"Wala. Pero, baka si Ornelius may alam. Sa Gránn nangyari ang insidente malay natin..." sagot ni Ignacio.
Bumaling ang Lorde ng Karr kay Ornelius.
"Hindi ko alam. Wala ako roon nang sumulong sila. Hindi ba't ikaw ang naroon Ignacio?" sabi rin ni Ornelius.
"Anong nais mong palabasin Ornelius?" seryosong tanong ni Ignacio.
"Nagtataka ako Ignacio. Hawak mo ang Argon ng mga oras na iyon. Bakit hindi mo ito ginamit? Bakit hinayaan mong makuha nila ang anak ko?" sabi ni Ornelius.
"Bakit ko naman gagamitin ang Argon? Hindi naman mahalagang nilalang ang anak mo. Isa siyang kriminal," sagot ni Ignacio.
"Siya ang Seeker Game Victor at Azthia Tournament Victor. Mahalaga siya sa Azthamen," giit ni Ornelius.
"Kahit kailan hindi naging mahalaga sa Azthamen ang isang kriminal," sagot naman ni Ignacio.
Nagsukatan ng tingin ang dalawang Lorde.
"Tama na iyan," sita ni Irman.
Padabog na tumayo si Ornelius at nilisan ang pulong. Sumunod naman sa kaniya si Alyanna, ang asawa niya.
Sa Sargonis...
Dahan-dahang iminulat ni Asyanna ang kaniyang mga mata. Napahawak siya sa ulo niya dahil nakakaramdam pa rin siya ng sakit.
"Maligayang pagbabalik Annaysa!" nakangiting sabi ni Necós.
Nagtataka namang tumingin si Asyanna sa kaniya.
"Napaslang ka ng mga kalaban, Annaysa. Pero, dahil sa akin muli kang nabuhay. Utang mo ang buhay mo sa akin," ani Necós.
Hindi makapaniwala si Jamir sa sinabi ng panginoon nila.
"Ako? Pinaslang ng mga kalaban? Sino ba ang mga kalaban?" nagtatakang tanong ni Asyanna dahil wala siyang maalala.
Ni pangalan niya ay hindi niya matandaan. Nagtataka siya sa kausap kung bakit Annaysa ang tawag nito sa kaniya.
"Ang mga namumuno sa Azthamen," sagot ni Necós.
"Azthamen?" ani Asyanna.
"Ang tawag sa mundo natin. Ang mga kalaban na inagaw sa atin ang ating teritoryo. Kaya, narito tayo sa malayo," sagot ni Necós.
Tumingin si Asyanna sa paligid hanggang sa mapako ang mga mata niya sa isang binata. Nakatitig lang ito sa kaniya. Nagtataka siya kung bakit awang-awa ito sa kaniya. Mababakas sa mga mata nito ang lungkot.
"Sino siya?" tanong ni Asyanna.
"Siya si Jamir," sagot ni Necós.
"Jamir? Saan ko nga ba iyon narinig?" tanong ng isip ni Asyanna.
"Annaysa, kailangan mo nang magpahinga. Kakailanganin mo ng lakas bukas," sabi ni Necós at tinulungan siyang makatayo.
"Bukas?" nagtatakang tanong ni Asyanna.
"Lulusubin natin ang Gránn. Makakasama mo si Illyós," sagot ni Necós at tinuro si Illyós.
Sinundan naman ito ng tingin ng young Ladynne. Napakunot noo siya.
"Bakit pamilyar sa akin ang kaniyang wangis?" nagtataka niyang tanong.
"Ihatid si Annaysa sa kaniyang silid," utos ni Necós sa mga tagasunod niya.
Hanggang sa marating ni Annaysa ang silid na nakahanda sa kaniya, nagtataka pa rin siya sa nangyayari. Wala siyang maalala kahit ni isa. Parang blangko ang utak niya.
"Asya...Asya...mahal ko," bulong ng isang tinig.
"Sino ka?" tanong ni Asyanna habang patingin-tingin sa paligid.
Nagtataka siya dahil wala naman siyang nakita na tumatawag sa pangalan na iyon.
"Nasaan ka? Bakit hindi kita makita?" tanong niyang muli.
"Hindi mo talaga ako makikita sa ngayon Asyanna," sabi nito.
"Asyanna? Sino siya?" nagtatakang tanong na naman ng young Ladynne.
"Isang babae na malakas at matapang. Isang babae na may kinakaharap ngayong suliranin, hindi lang sa Azthamen, pati sa sarili niya. Isang babae na tiyak kong magbabalik din sa takdang panahon," sagot nito kaya lalong naguluhan ang Magium young Ladynne.
"Hindi kita maintindihan," sabi niya pero hindi na nagsalita pang muli ang tinig.
"Asyanna, sino ka ba? Bakit may parte sa puso ko na gusto kang makilala?" tanong ng isip niya.