"At ang pangatlong champ na papasok sa semi-finals ay si Lorde Kai Mellows!" anunsyo ni Hydrox.
Napangisi na lang ako. Malaki ang posibilidad na makakalaban ko siya. Pero, nakahanda na ako.
Tumayo ako sa kinauupuan ko at naglakad paibaba. Bawat nadadaanan ko ay napapatingin sa'kin. Pero, hindi ko na lang sila pinansin.
"Si Asya!" rinig kong sabi ng isa sa kanila.
Pero, hindi ko ito pinansin at nagtuloy-tuloy sa pagbaba. Nang makatungtong na ako sa unang baitang ng hagdan, tinanaw ko ang dalawang champ na susunod na magtutuos. Sina Zefirine at Sheena. Parehong miyembro ng Racial Forces at kapwa young Ladynne. Isa pa malapit na magkaibigan.
"Mga kababaihan at kalalakihan! Ang susunod na magtutuos ay ang young Ladynne ng Tarll, Zefirine Filere at ang young Ladynne ng Quert, Sheena Sowler!" anunsyo ni Hydrox.
Umingay ang paligid dahil ang susunod na laban ay sa pagitan ng dalawang nilalang na kilala at parehong magagaling.
"Sa tingin mo Asya sino ang mananalo sa kanila?" tanong ng espiritu.
"Hindi ko masasabi kung sino," sagot ko at nagtungo ng labasan.
"Teka, Asya hindi mo papanoorin ang laban ng mga kaibigan mo? E, 'yong susunod na laban?" tanong ng espiritu.
"Hindi," ikling sagot ko at tuluyang umalis ng battlefield.
"Pero Asyanna, kailangan mong manood. Kailangan mong pag-aralan ang mga galaw nila para mapaghandaan mo sila," giit ng espiritu.
"Huwag kang mag-alala. Ako si Asyanna, 'di ba?" sabi ko kaya hindi na siya nakaimik pa.
"Asya!" tawag sa'kin kaya nilingon ko ito.
Isang nilalang na kinaiinisan ko ang tumawag sa akin. Paika-ika itong naglakad papalapit sa'kin. Puno ito ng mga galos, sugat at pasa. Marumi na rin ang kasuotan nito at sira-sira.
"Anong ginagawa mo rito?" walang ganang tanong ko.
"Naglalaro sa Azthia Tournament," sagot niya kaya pinagkrus ko ang mga braso ko.
"Hindi iyan ang ibig kong sabihin. Marami kang sugat at kagagaling mo lang sa laban. Dapat ay sa Healing Wing ka nagtungo at hindi rito," sabi ko.
"Gusto kitang makita," saad niya kaya natigilan ako.
Kumislot ang puso ko at hindi ako nakapagsalita. Parang umiba ang ritmo ng t***k ng puso ko.
"Bahala ka nga diyan," pagsusungit ko at iniwan siya.
Pero, hindi pa ako nakakalayo nang tawagin muli ng Aqua ang pangalan ko.
"Asya!" tawag niya pero hindi ko siya nilingon.
Wala akong panahon para makipaglaro sa kaniya.
"Asya! Ahh!" ani Kai kaya agad ko siyang nilingon.
Natumba siya sa lupa kaya naman agad akong naglaho at lumitaw sa tabi niya.
"Dapat kasi sa Healing Wing ka nagtungo," sabi ko habang tinutulungan siyang makabangon.
"Asya, gusto kita," wikai ulit nito kaya natigilan na naman ako.
Tiningnan ko siya sa mga mata at parang malulunod ako sa kailaliman nito.
"Makita," dugtong niya kaya natauhan ako.
Nahipnotismo ako malamang sa kapangyarihan nito. Isa siyang Aqua kaya sigurado akong kaya niyang ipasailalim ang sinumang nilalang sa kaniya.
"Tumayo ka na at dadalhin kita sa Healing Wing," sabi ko na lang.
"Talaga?" reaksyon niya kaya napatango na lang ako.
"Pero, hindi ko na kaya Asya. Pagod na ako," ani Kai kaya hinawakan ko ang parte ng katawan niya na may sugat.
"Babangon ka o ibabalibag kita?" banta ko kaya agad siyang bumangon.
Mabilis pa sa umaga ang naging kilos niya.
"Maglalaho ba tayo, Asya?" tanong niya.
"Maglalakad," sagot ko kaya bumagsak ang mga balikat niya.
"Kalalaking nilalang tamad maglakad," pagpaparinig ko.
"Hindi ako tamad. Pagod lang talaga," depensa niya.
"E, kasalanan mo naman. Alam naman pa lang pagod na, pumunta pa rin dito," tugon ko.
"Kasi nga gusto kitang makita," ani Kai kaya sarkastiko akong tumawa.
"Bakit mo ako tinatawanan? Seryoso ako Asya," giit niya kaya humalakhak na ako.
"Seryoso sa pakikipaglokohan sa'kin," sabi ko kaya sinamaan niya ako ng tingin.
"Anong tingin 'yan? Gusto mo bang iwan kita rito?" sabi ko kaya ngumiti siya na kinainis ko.
Nagsitayuan kasi ang mga balahibo ko.
At, nakaramdam ako ng kakaibang lamig. Hindi kasing lamig ng yelo. Kakaibang lamig na ngayon ko lang naramdaman.
"Tigilan mo nga ako sa kangingiti mo, nakakakilabot," saad ko kaya sumimangot siya.
Diniinan ko ang pagkakahawak sa tagiliran niya kaya napahiyaw siya sa sakit.
"Asya naman!" ani Kai kaya napangisi ako.
"Isang kalokohan pa at isusunod ko 'yong paso sa balikat mo," banta ko.
Hindi na siya nakaimik pa kaya napangiti na lang ako. Sana naman hindi na siya magsalita hanggang sa makarating kami ng Healing Wing.
"Lord Kai kanina pa namin kayo hinahanap," bungad sa'min ng healer kaya napatingin ako kay Kai at tinaasan siya ng kilay.
"Pasensya na. Naligaw kasi ako," sagot ni Kai kaya nagtatakang tumango lang ang healer.
Kahit sino magtataka talaga sa kaniya. Bakit siya maliligaw e ilang beses na siyang nakatungtong ng Karr?
"Ganoon po ba. Halina po kayo Lorde Kai gagamutin ko na ang mga sugat ninyo," sabi ng healer.
Umiling si Kai kaya napakunot ang noo ko. Tumingin siya sa'kin at nginisian ako. Ano na namang binabalak niya?
"Ayoko. Gusto ko si young Ladynne Asyanna ang gagamot sa akin," wika ni Kai kaya pinanlakihan ko siya ng mga mata.
"Ano?! Bakit ako?" giit ko.
"Lorde Kai obligasyon po naming mga healer ang gamutin ang mga sugat ninyo," saad ng healer.
"Tama siya Kai. Isa pa hindi ako healer," saad ko rin.
"Pero, puwede ka namang maging healer sa ngayon," saad din ni Kai.
Wala nang nagawa ang healer kun'di ibigay sa akin ang gawain niya. Samantala, si Kai ngiting tagumpay dahil napilit niya akong maging healer niya.
"Huwag kang mag-aalala Lorde Kai pagagalingin ko kaagad ang mga sugat mo," labag sa loob na sabi ko.
"Mabuti aking healer. Pagalingin mo ang iyong sugatan na Lorde," sabi naman ni Kai kaya napamura ako sa isip ko.
Inaabuso niya talaga ang pagiging healer ko. Puwes ibibigay ko sa kaniya ang nais niya. Pagagalingin ko siya kaagad.
"Masusunod Lorde Kai," ngising sabi ko at sinimulang linisin ang sugat niya.
"Aray!" reaksyon niya nang punasan ko ng tela ang sugat niya.
"Paumanhin Lorde Kai kabado po kasi ako dahil hindi ako sanay," inosenteng sabi ko.
Pero, sa isip ko gustong-gusto ko ang ginagawa ko. Gusto niyang gamutin ko siya, pagbibigyan ko talaga siya. Pero, pahihirapan ko muna siya. Kung inaakala niyang nauto niya ako nagkakamali siya.
"Dahan-dahan naman, Asya," sabi niya habang iniinda ang sakit.
"Masusunod. Pupunasan ko muna ang mga sugat mo at galos para maging malinis," sabi ko at pinagpatuloy ang ginagawa.
"Aray!" daing na naman niya kaya palihim akong ngumisi.
Pinagpatuloy ko lang ang ginagawa ko. Maya't maya rin ang daing niya sa mga sugat niya. Tawang-tawa naman ako sa isip ko. Maging ang espiritu ay tawa nang tawa.
"Tapos na ba?" hirap niyang tanong.
"Hindi pa. Pinunasan ko pa lang 'yong mga sugat at galos mo Lorde Kai," sagot ko habang pinipigilan ang sarili na tumawa.
"Bakit ano pang gagawin mo?" kabadong tanong niya.
"Malamang po gagamutin na ang mga galos at sugat mo," sagot ko.
Napabuntong hininga siya kaya napangisi ako. Humanda ka sa'kin ngayon Aqua.
"Abeth, 'yong gamot panlunas?" baling ko sa healer na nanood lang sa amin.
Inabot nito sa'kin ang gamot kaya napangisi ako. Hiningi ko kasi sa kaniya ang pinakamatapang na gamot.
"Pigilan mo ang hininga mo," sabi ko at sinimulang gamutin ang mga sugat niya.
Nanlaki ang mga mata niya nang umepekto na ang gamot na nilagay ko. Patingin-tingin siya sa paligid habang kagat ang mga labi. Marahil ay pinipigilan niyang mapasigaw.
Ang nilagay ko kasing gamot ay verakchus, isang uri ng gamot na matindi ang epekto. Kapag ginamit ito sa mga sugat mo, mas gugustuhin mo na lang na mamatay kasi para ka talaga nitong pinapatay. Nagmula ang verakchus sa halaman na vera. Ang katas ng halaman ang kailangan para makagawa ng verakchus. Ang gamot na ito ay nabibili lang sa Toshen. Pero, tanging mga Magium lang ang kayang gumawa nito.
"Ayos ka lang?" tanong ko kay Kai.
Tumango lang siya pero batid kong hindi. Kahit sinong nilalang ganiyan din ang mararamdaman.
"Tiisin mo lang Kai. Mapapabilis niyan ang paghilom ng mga sugat mo," senserong sabi ko.
Ang magandang epekto ng verakchus ay napapadali nito ang paghilom ng mga sugat at binubura nito ang mga maaaring maging pilat sa balat.
"Isa pa Kai," sabi ko at nilagyan ng gamot ang balikat niya.
Hindi na siya nakapagpigil pa at napasigaw na lang siya sa tindi ng hapdi at kirot. Malaki kasi ang natamo niyang sugat doon kaya dinamihan ko na ang paglagay ng verakchus.
"Huminahon ka Kai," pagpapakalma ko sa kaniya.
Naaawa ako sa kaniya. Parang ako ang nasasaktan.
"Bakit mo kasi ginamit ang verakchus sa kaniya Asya? Kita mo nahihirapan siya," sabi ng espiritu.
"Para gumaling na kaagad ang mga sugat niya. Para maayos na ang katawan niya pagdating bukas. At, para makaganti ako," saad ko sa isip ko.
"Pero, nasasaktan ka rin habang tinitingnan siyang ganiyan," sabi ng espiritu.
"Hindi kaya," depensa ko at pinagmasdan ang mga sugat ni Kai.
Unti-unti na itong naghihilom.
"Abeth, saan 'yong pampawala ng malay?" tanong ko sa healer.
"Anong gagawin mo Asya?" tarantang tanong ni Kai.
"Kailangan mong magpahinga at bumawi ng lakas," sagot ko.
Inutusan ko si Abeth na itali ang kaliwang kamay ni Kai. Ako naman naglaho at lumitaw sa tabi niya para itali rin ang kanang kamay niya. Pagkatapos ay tinalian ko rin ang mga paa niya.
"Asya, bakit mo 'to ginagawa sa'kin?" tanong niya.
"Para gumaling ka na at makabawi ng lakas," sagot ko at binuka ang bibig niya.
Pilit siyang pumiglas pero wala na siyang magagawa. Nilagay ko sa bunganga niya ang pampawala ng malay at pilit na pinalunok ito sa kaniya.
"Asya..." sambit niya at nawalan ng malay.
"Makakaalis ka na Abeth, maraming salamat," sabi ko sa healer bago ito umalis.
Inayos ko ang posisyon ni Kai at kinumutan siya.
"Inaalagaan mo talaga siya nang mabuti Asya. Ganiyan din si Asilah dati kay Irman," sabi ng espiritu.
"Anong nalalaman mo tungkol sa relasyon ni Asilah at Lorde Irman?" tanong ko.
"Mahal nila ang isa't isa pero ang pag-iibigan nila ay pinagbabawal," sagot nito kaya napatingin ako kay Kai.
"Sino ang nagpatupad ng batas na iyan?" usisa ko.
"Ang unang Azthic sa Azthamen," sagot nito.
Umupo ako sa tabi ni Kai at pinagmasdan siya. Mahimbing na ang tulog niya. Tiyak kong magiging magaan at masigla siya bukas.
"Kaya, Asya kontrolin mo ang damdamin mo. Alalahanin mo pinakaunang batas ang lalabagin mo 'pag nagkataon," paalala ng espiritu.
"Alam ko," sagot ko at ngumiti nang pilit.
Makalipas ang tatlong oras...
Naalimpungatan ako sa bagay na humahaplos sa buhok ko. Inangat ko ang ulo ko at nakita si Kai na nakangiti. Ngingitian ko sana siya nang maalala ang sinabi ng espiritu kaya sinimangutan ko na lang siya.
"Maayos na ba ang pakiramdam mo?" tanong ko sa kaniya.
"Oo, magaling kasi ang healer ko," sagot niya at ngumiti nang matamis.
Kaya, umiba na naman ang ritmo ng t***k ng puso ko.
"Kung ganoon mabuti. Maaari na akong umalis," sabi ko at tumayo mula sa pagkakaupo.
"Sandali, Asya," pagpipigil niya sa akin.
"Bakit?" nagtatakang tanong ko.
"Salamat," sabi niya kaya napangiti ako.
"Wala iyon," sabi ko lang at tumalikod na.
Napabuntong hininga na lang ako at tinungo na ang pintuan. Nilingon ko muna siya bago lumabas ng silid.
Napahawak ako sa dibdib ko dahil iba na talaga ang nararamdaman ko. Masama na ito kailangan ko itong pigilan.
"Asya? Anong ginagawa mo rito?" nagtatakang tanong ni Precipise nang makita ako sa labas ng silid ni Kai.
Tumingin siya sa pintuan at sa akin.
"Sa loob ka galing. Ginamot mo si Kai," sabi niya kaya napatango ako.
"Mag-iingat ka Asya. Malaking parusa ang haharapin mo kapag hindi ka nag-ingat," makahulugang sabi ni Precipise.
Ngumiti siya nang tipid at pumasok na sa loob. Naglaho naman ako at lumitaw sa silid namin ni Onessa.
"Paano ako mag-iingat?" tanong ko sa espiritu.
"Kalabanin mo ang damdamin mo," sagot nito.
"Nasubukan mo na iyan?" tanong ko rito.
"Oo. Pero, hindi ko rin kinaya. Sinunod ko ang damdamin ko. Isinugal ko ang buhay ko," sagot niya.
Isa rin siya sa nagkasala? Kagaya ni Asilah?
"Espiritu ka ba talaga? O dati ka nang nilalang na gaya namin at nawalan ng katawan nang dahil sa bagay na iyon?" tanong ko rito pero hindi na ito nakasagot pa.
May nililihim ang espiritu. Malalaman ko rin iyon sa takdang panahon.