Bumulusok papunta sa direksyon ng Rebellion ang mga pana at sibat na pinakawalan ng Aeries. Hindi man iyon masyadong makita ng mga mata, malaki naman ang magiging pinsala niyon sa kalaban. Gaya ng inasahan ni Zefirine, nakapinsala nga iyon sa hukbo ng Rebellion. Kaya, nanggagalaiting sumigaw si Asyanna na ikinagulat ng lahat maging si Necós.
"Faxla xil jath!"
Hindi makapaniwala ang Aer Flyer young Ladynne ng Tarll sa narinig. Isang sinaunang lengguwahe ang binigkas ni Asyanna at iilan na lamang ang mga nilalang na marunong niyon.
"Asya, sino ka ba talaga?" kyuryos na tanong ng isip ni Zefirine.
"Avante!" dagdag pa ni Asyanna.
Sumugod naman ang mga rebelde kahit may nakaabang na malakas na hangin at kulog at kidlat.
"Aeries! Sugod!" sigaw din Zefirine at sumugod naman ang mga ito.
Pero, nagulat ang mga rebelde dahil biglang nawala ang mga Aeries. Lingid sa kaalaman nila ginamit ng mga Aeries ang hangin para makalipat ng lokasyon. Bigla na lang lumitaw sa tabi ng mga ito ang mga Aer. Samantala, nilapitan naman ni Zefirine ang Magium young Ladynne ng Gránn. Masama ang tingin nito sa kaniya na parang malaki ang galit nito.
"Batid kong hindi ikaw si Asya. Isa kang huwad," sabi ni Zefirine.
"Jin qolafinxa Annaysa fananqo (Hindi ko alam ang pinagsasabi mo. Annaysa ang pangalan ko)" giit ni Asyanna kaya nagtaka ang Aer Flyer young Ladynne.
"Kahit ano pang pangalan ang banggitin mo o kung sino ka man hindi kita aatrasan," matapang na sabi Zefirine at sumugod sa heneral ng Rebellion.
Umatake siya gamit ang espada na gawa sa hangin. Sinalag naman ito ni Asyanna. Pero, napaatras pa rin ang heneral ng Rebellion dahil sa tindi ng lakas nito. Nagalit siya kay Zefirine kaya naman gumanti rin siya. Bigla siyang nawala kaya natigilan si Zefirine. Bigla ring naalala ng Aer Flyer young Ladynne ng Tarll ang kakayahan ni Asyanna na maglaho.
"Tanging si Asyanna lang ang kayang gumawa niyon nang walang ginagamit na mahika o puwersa," puna ng isip niya.
Pinakiramdaman ni Zefirine ang paligid baka bigla na lang lumitaw ang heneral ng Rebellion at maisahan siya. Pinakinggan niya ang bulong ng hangin kaya naman nalaman niya kung saan ang kalaban. Nang malaman niya kung saan lilitaw si Asyanna agad niyang tinaas ang espada niya kaya naisangga niya ito.
"Bakit may pagkakapareho kayo ni Asyanna? Ikaw ba talaga siya?" tanong ni Zefirine.
"Annaysa ang pangalan ko," giit muli nito at sinipa siya sa tagiliran na hindi niya inasahan.
Nakaramdam ng inis si Zefirine kaya naman ginamit niya rin ang hangin para makalipat ng lokasyon. Lumitaw siya sa likuran ng Magium young Ladynne ng Gránn at inatake ito. Lalong nagalit si Asyanna sa ginawa ng Aer Flyer young Ladynne ng Tarll.
"Ikaw ba talaga si Asya?" tanong muli ni Zefirine pero hindi siya sinagot ni Asyanna.
Bagkus may tinawag itong pangalan.
"Amaris!" tawag ni Asyanna.
Isang nilalang ang lumipad papunta sa direksyon ng heneral ng Rebellion. Nanlaki ang mga mata ni Zefirine dahil nakikilala niya kung anong uri ng nilalang ang tinawag ni Asyanna.
"Paano ka nagkaroon ng isang Tamarra?" nagtataka niyang tanong.
Hindi pa rin siya sinagot ng Magium young Ladynne ng Gránn. Nang makalapag ang tamarra sa tabi ni Asyanna agad siyang sumakay dito at pinalipad ito. Sinundan ng tingin ni Zefirine ang papalayong Magium young Ladynne. Nagtataka siya sa bigla nitong paglayo. Pero, ikinagulat niya ang sunod na ginawa ni Asyanna. Bumuga ng malaking enerhiya ang tamarra sa direksyon ng mga Aeries. Kaya, dali-daling gumawa si Zefirine ng harang para hindi matamaan ang mga Aeries. Dahil walang kaalam-alam ang mga ito na may umaatake sa himpapawid.
"Aer Flyer!" sigaw ni Zefirine kaya kaagad na sumugod ang mga Aer Flyer sa direksyon ni Asyanna.
Sumipol nang malakas si Zefirine at maya-maya dumating ang isang pegasus. Agad siyang sumakay dito at sumunod sa direksyon nina Asyanna at ng mga Aer Flyer. Para hindi makalapit ang mga Aeries gumawa si Asyanna ng harang. Hindi ito masira ng mga Aeries dahil sa tibay at lakas nito. Sa pangalawang pagkakataon, gumawa ng malaking buhawi si Zefirine at tinira ito sa direksyon ni Asyanna. Ngunit, hindi natakot ang heneral ng Rebellion. Tila nagustuhan pa nito ang atakeng ginawa ng Aer Flyer young Ladynne ng Tarll. Nang dumikit ang malaking buhawi sa harang na ginawa ni Asyanna ay lumikha ito ng pagsabog at bumalik sa direksyon ng mga Aeries. Nanlaki ang mga mata ni Zefirine dahil hindi nasira ng malaking buhawi ang harang. Kaagad pinigilan ni Zefirine ang buhawi. Sa inis niya, pinalaki pa niya ito lalo at pinalakas. Napuno ng malalakas na hangin ang digmaan. May ilang nililipad na dahil sa tindi ng lakas nito. Tanging mga Aeries at si Asyanna lang ang natitirang maayos ang estado.
"Hindi ninyo makukuha ang Tarll!" sigaw ni Zefirine at ipinukol ang pinalakas na buhawi sa direksyon ni Asyanna.
Pero, hinawi lang ito ni Asyanna. Kaya, parang bula itong naglaho. Hindi makapaniwala si Zefirine sa ginawa ni Asyanna. Isang malakas na puwersa ang pinakawalan niya at mahihirapan ang kahit sino na talunin ito. Sa unang pagkakataon, nasilayan nila ang nakakakilabot na ngisi ng Magium young Ladynne ng Gránn. Nagsitayuan ang mga balahibo ni Zefirine dahil doon. Pero, hindi niya ito pinahalata sa heneral ng Rebellion. Dahil tiyak niyang lalo itong matutuwa kapag nagpakita siya ng takot. Sa halip na magpadala sa takot, sumugod siya kay Asyanna.
Samantala, si Asyanna naman ay nakahanda na sa atake na gagawin ng Aer Flyer young Ladynne ng Tarll. Ginamit muli ni Zefirine ang hangin para makalipat ng lokasyon. Pero, hindi niya inasahan ang sunod na nangyari. Nang lumitaw siya sa likuran ni Asyanna bigla siyang sinaksak nito. Pinadaan ito ni Asyanna sa tagiliran niya. Natigilan si Zefirine at maluha-luhang tiningnan si Asyanna sa mga mata. Ngunit, ni katiting na awa ay wala ito. Nasiyahan pa ito sa sitwasyon ng Aer Flyer young Ladynne.
"Asyanna," nahihirapang sambit ng Aer Flyer young Ladynne.
"Ako si Annaysa, heneral ng Rebellion at siyang magpapabagsak sa buong Azthamen," malamig na sabi ni Asyanna at hinugot ang espada.
Bumulwak ang masaganang dugo mula sa tagiliran ng Aer Flyer young Ladynne. Napahawak siya sa sugat niya at bumagsak na lang sa lupa.
"Magpaalam ka na sa pinakamamahal mong Tarll at sa Azthamen," huling sabi ni Asyanna at iniwan itong duguan.
Dumausdos ang mainit na likido sa pisngi ng Aer Flyer young Ladynne. Nasaktan siya sa ginawa ng kaibigan niya.
"Ikaw nga si Asyanna," huling sabi niya at nawalan ng ulirat.