Chapter 15

1741 Words
Pagkatapos kong basahin ang nakasulat sa kalatas tumingin ako sa direksyon ni Lorde Ornelius. Seryoso pa rin ang ekspresyon ng mukha niya. Pero, unti-unti siyang ngumiti at tinanguan ako. Nginitian ko rin siya. Batid kong napahanga ko siya. "Asya, Asya, Asya!" sambit ni Sheena. "Asya, Asya, Asya!" sambit din ni Lescha. "Asya, Asya, Asya!" sambit din ni Serfina. "Asya, Asya, Asya!" sambit din nina Onessa, Alisiah, at Aissa. "Asya! Asya! Asya!" sigaw ni Kai habang tinataas ang kanang kamay at nakangiti sa'kin. Nagpatuloy lang sila sa pagsambit ng pangalan ko hanggang sa nakisabay na rin ang karamihan. Napangiti na lang ako. Sinisigaw nila ang pangalan ko. Parang musika ito sa pandinig ko. Tiningnan ko ang kalatas na hawak ko saka itinaas ito. Lalong lumakas ang pagsigaw nila ng pangalan ko. Sa wakas, may napatunayan din ako sa Puerre, sa Gránn, sa Karr, at sa buong Azthamen. Sa Qarthen Palace... Naglalakad ako sa pasilyo ng Qarthen Palace. Minamasdan ko ang mga bagay-bagay na naroon. Hindi ko kasi ito nalibot noong Azthia Ball dahil sa nangyari sa'kin. Pero, ngayon may pagkakataong malibot ko ito. Tumingin-tingin lang ako sa mga larawang nakakabit sa dingding. Hindi sa'kin pamilyar ang mga wangis sa bawat larawan. Pero, may isang larawan ang nakakuha ng atensyon ko. Nakalagay ito sa pinakadulo. Hindi ko namumukhaan ang wangis nito pero pakiramdam ko parang may kahawig siya. Nilapitan ko ito at tinitigan nang mabuti. Ang kaniyang mga mata parang nakita ko na iyon dati. Dumako ang tingin ko sa hawak niyang sandata. Nanlaki na lang ang mga mata ko nang mapagtanto kung ano ang hawak niya. Pero, baka nagkakamali lang ako o kawangis lang nito iyon. "Kay gandang nilalang hindi ba?" biglang tanong sa likuran ko kaya agad akong napalingon dito. Nakuha agad ng atensyon ko ang mga mata nito. Parang nakikita ko ang mga mata ko sa kaniya. Pero, imposible nagkataon lang siguro. "Lorde Irman," sambit ko at yumuko. "Nagagalak akong makilala ka young Ladynne. Pero, hindi mo na kailangan pang yumuko sa akin, Asya," sabi niya kaya napaangat ang ulo ko. Napangiti ako nang pilit dahil parang nakaramdam ako ng hiya sa kaniya. Tumabi siya sa'kin at pinagmasdan din ang larawang nasa harapan namin. Mapait siyang ngumiti rito. "Kilala ninyo siya?" tanong ko. Tumango siya at nagsalita ,"Oo Asya. Matalik kaming magkaibigan," Ramdam ko ang lungkot sa pananalita niya. Pero, ang nakaagaw ng pansin ko ay sinabi niyang magkaibigan sila. Parang may ibig sabihin kasi ito. "Anong nangyari sa kaniya?" kyuryos kong tanong. "Namatay siya nang maaga. Dalawampu't dalawa lang siya noon nang lisanin niya ang Azthamen," lungkot nitong sabi at maluha-luha ang mga mata. Ngayon, batid ko na. Hindi lang siya basta isang kaibigan. Ramdam ko sa pananalita niya. "Minahal mo siya, hindi ba?" sabi ko kaya napatawa siya. "Oo, minahal ko siya," sagot niya. "Bakit siya namatay?" usisa ko. "Hindi ko alam. Bigla na lang siyang nawala at naiwan ang espada," sagot niya. Nagkaroon ako ng ideya kung sino ang tinutukoy niya. Dahil nabanggit din iyon ng punong Marcas. Ang nilalang na tinutukoy ni Lorde Irman ay si Asilah, ang nagmamay-ari ng pinakamalakas na sandata sa buong Azthamen. "Siya si Asilah, tama ba ako?" pagsisiguro ko. "Oo at nasa pangangalaga mo ang espada," sabi niya. "Pero, sa kasamaang pala, pati ang espada nawawala rin," nanghihinayang na sabi ko. Hanggang ngayon hindi pa rin bumabalik ang espada ni Asilah. Kailangan ko pa naman iyon sa nalalapit kong pagsali sa Azthia Tournament. Kapag hindi pa iyon bumalik maliit ang tiyansang manalo ako. Iyon ang kalakasan ko sa pakikipaglaban. Hindi iyon maaaring mawala sa akin. "Saan iyon napunta?" tanong ni Lorde Irman. "Hindi ko alam. Nawala na lang iyon nang magtuos kami ni—" Nagdadalawang isip ako na sabihin sa kaniya ang ginawang pagpaslang sa'kin ni Dylenea. Tiyak kong hindi niya ako paniniwalaan. Salita ko ito laban sa anak niya. "Nang magtuos kayo ng anak ko at napaslang ka niya, tama?" dugtong niya sa sinabi ko kaya nagtaka ako. Paano niya nalamang napaslang ako ni Dylenea? Bakit alam niya ang tungkol sa bagay na iyon? "Paano?" tanging lumabas lang sa bibig ko. "Nakita ko. Sinaksak ka niya," sabi niya. Napakunot noo ako. Ibig sabihin magdamag siyang nanood ng laban namin ni Dylenea. Nasaksihan niya lahat. Nanlaki rin ang mga mata ko nang mapagtanto ang lahat. May isang nilalang na tumulong sa'kin kaya ako nakaligtas sa kamatayan. Ito ang dahilan kung bakit ako nabuhay muli. "Niligtas mo ako?" tanong ko kaya napangiti siya. "Oo," ikli niyang sagot. "Pero, bakit? Hindi ka ba masaya? Magiging Seeker Game Victor si Dylenea kapag nawala ako. Siya sana ang nanalo," giit ko sa kaniya. Umiling lang siya na tila hindi tinatanggap ang salita ko. "Dahil hindi ka pa puwedeng mamatay. May mga dapat ka pang gawin," paliwanag niya. "Salamat naman kung ganoon. Salamat sa pagliligtas sa'kin," emosyonal na sabi ko. Ngumiti siya at niyakap na lang ako. Ewan ko ba pero parang nakaramdam ako ng lukso ng dugo. Katulad ng naramdaman ko kay Dylenea nang una ko itong makita. Naramdaman ko rin ang yakap ng isang ama kay Lorde Irman. Parang gusto ko na lang umiyak sa mga bisig niya. Maya-maya kumalas ako ng yakap sa kaniya. "Nga pala, pagbati Asya. Karapat-dapat kang manalo," nakangiting sabi niya. "Sinuwerte lang po ako. Dalawang beses akong napaslang. Mabuti na lang at hindi ako pinabayaan ng kalikasan. Nang dahil sa inyo ng Mermus nasungkit ko ang titulo," sabi ko. Nag-usap pa kami nang matagal ni Lorde Irman bago niya ako inalok na bumisita sa Kartell Castle, ang tirahan ng mga Spellure. "Lorde Irman, matanong ko lang. Kung kaibigan mo si Asilah bakit napunta kay Lorde Ornelius ang espada niya?" kyuryos kong tanong. Kahit pa na may alam na ako kung bakit. Pero, nais ko kasing malaman ang panig niya. "Dahil siya ang katipan ni Asilah," sagot ni Lorde Irman kaya napakunot noo ako. Paano naging magkatipan ang dalawa e sa magkapatid sila? "Nakatitiyak ka ba riyan, Lorde Irman?" ani ko. "Oo, Asya. Si Ornelius ang dahilan kung bakit kami nagkahiwalay ni Asilah. Mas pinili siya ni Asilah dahil pareho sila ng lahi. Alam mo naman diba na bawal sa Azthamen ang magkaroon ng koneksyon ang dalawang nilalang na nagmula sa ibang lahi, hindi ba?" sagot niya kaya napatango na lang ako. Nakaramdam ako ng awa sa kaniya. Wala siyang kaalam-alam na ang dalawa ay magkapatid. Matagal na panahon siyang naniwala na iyon ang dahilan. Kung maaari ko lang sanang sabihin sa kaniya ang nalalaman ko. "May galit ka po ba sa Lorde ng Gránn?" tanong ko. "Magsisinungaling ako kung hindi. Mahal na mahal ko si Asilah. Handa akong suwayin ang batas ng Azthamen makasama lang siya. Pero, siya ang sumuko," lungkot niyang sabi. Naglalakad kami sa pasilyo ng Kartell habang pinag-uusapan ang mga bagay na iyon. "Paano po kung mali pala ang pinaniniwalaan niyo? Paano kung may malaking dahilan kung bakit si Lorde Ornelius ang pinili ni Asilah?" tanong ko kaya ngumiti siya nang mapait. "Hindi magsisinungaling si Asilah. Kaya alam kong tama ang pinaniniwalaan ko," sagot niya kaya napatango na lang ako. Nakakalungkot pero nagsinungaling na nga ang babaeng akala niya'y hindi ito magagawa. Naaawa ako sa kaniya. Masyado siyang nabulag ng pagmamahal niya kay Asilah kaya paniwalang-paniwala siya rito. "Nga pala Asya, nabanggit mong nawawala ang espada ni Asilah. May sandata ka bang magagamit sa darating na Azthia Tournament?" pag-iiba ng usapan ni Lorde Irman. "Wala pa Lorde Irman," sagot ko. "Tamang-tama may ibibigay ako sa'yo," nakangiting sabi niya. Tumuloy kami sa isang maliit na silid. Medyo may kalumaan na ito. Marahil ay hindi ito masyadong ginagamit. Napupuno na kasi ito ng mga alikabok at sapot. "Pasensya ka na Asya hindi na kasi ginagamit ang silid na ito," sabi niya. "Ano po ba ang silid na ito?" tanong ko. "Dito tumutuloy si Asilah dati. Malapit kasi siya kina ama at ina. Kaya, madalas siya rito at dito na rin siya nagpapalipas ng gabi," sagot niya sa katanungan ko. Nilapitan ni Lorde Irman ang lumang tokador at binuksan ito. Nagsilabasan ang mga maliliit na nilalang dito. May kinuha siya sa loob ng tokador at pinakita sa'kin. Isang malaki at makapal na libro. Sinarado niya muna ang tokador at tuluyang lumapit sa'kin. "Ano po iyan?" kyuryos kong tanong. "Libro ni Asilah. Isang sekretong libro," sagot niya kaya nakyuryos ako lalo. "Anong klaseng libro at ano ang sekreto nito?" tanong ko. Hinipan niya muna ang pabalat nito kaya napaubo ako sa dami ng alikabok. "Paumanhin, Asya," sabi niya. Matapos mawala ang alikabok, binuksan niya ito at kinuha ang bagay na nakabaon doon. "Ito ang mga punyal ni Asilah. Maaari mo itong magamit bilang sandata mo," sabi niya. Namangha ako sa taglay nitong ganda. Luma na pero maganda pa rin pagmasdan. "Bakit niyo po ito ipapagamit sa akin?" tanong ko. "Dahil wala kang sandata na gagamitin para depensahan ang sarili mo sa Azthia Tournament. Isa pa matagal nang walang gumagamit nito. Sayang naman kung hindi magagamit," sagot niya saka inabot sa'kin ang dalawang punyal. Tinanggap ko ito at pinagmasdan nang mabuti. Napakagandang punyal. Kagaya ng espada may simbolo din ito. "Maraming salamat, Lorde Irman. Pangako iingatan ko ito," ani ko. Lumabas na kami ng silid na iyon at naglakad ulit sa pasilyo. Nag-uusap lang kami ni Lorde Irman tungkol sa naging buhay ko sa Gránn nang makasalubong namin ang nilalang na malaki ang galit sa'kin. "Anong ginagawa mo rito? At, bakit mo hawak ang mga punyal na iyan? Bakit nasa iyo ang mga punyal ni Asilah?" galit nitong tanong. "Dylenea, ako ang nag-imbita sa kaniya. Binigay ko rin sa kaniya ang mga punyal," paliwanag ni Lorde Irman. "Ano?! Bakit mo iyon nagawa ama?! Alam mong kinamumuhian ko siya. Hindi siya maaaring makatapak ng Kartell Castle. Hindi niya maaaring kunin ang sandata. Nasa kaniya na ang Great Sword of Asilah. Bakit mo pa rin binigay sa kaniya iyan? Hindi siya karapat-dapat sa sandata na iyan," giit ni Dylenea. "Dylenea, ama mo ang kausap mo. Karapat-dapat din si Asya sa sandata," ani Lorde Irman. "Hindi. Mas karapat-dapat ako. Kahit ang titulo," sabi niya at sinamaan ako ng tingin. "Hindi. Hindi ka karapat-dapat. Pagkatapos mong paslangin si Asyanna, sa tingin mo karapat-dapat ka pa rin?" sabi ni Lorde Irman. "Kinamumuhian kita ama! Kinamumuhian—" Hindi pa natatapos ni Dylenea ang sasabihin niya nang makatanggap siya ng isang malutong na sampal sa kaliwang pisngi niya. Naluha siya sa ginawa sa kaniya ng ama niya. "Ayoko na sa'yo," mariin niyang sabi at tumakbo paalis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD