"Huwag mo siyang intindihin Asya," paalala sa'kin ni Lorde Irman nang palabas na ako ng Kartell Castle.
Tinanguan ko lang siya bilang tugon. Nababahala ako sa mag-ama. Paano kung mag-away silang dalawa? Paano kung masira ang maganda nilang samahan nang dahil sa'kin? Oo nga't napakasama ni Dylenea sa'kin. Pero, ayoko namang masira ang relasyon nilang mag-ama.
Tuluyan na akong umalis ng Kartell Castle dahil hapon na rin. Kailangan ko nang bumalik sa tinutuluyan ko. Napadaan ako sa kumpulan ng mga Azthic. Abala sila sa pakikipag-usap sa isa't isa. Dumiretso lang ako sa paglalakad nang mapansin ako ng isa sa kanila.
"Si Asya mga kalahi!" bulalas nito.
Napatingin ang mga kasama niya sa direksyon ko.
"Binabati kita Asya sa pagkapanalo mo," dagdag pa nito.
"Salamat," kabadong sabi ko.
"Ako rin. Napahanga mo ang lahat. Natalo mo si Dylenea," sabi rin ng isa kaya tipid lang akong ngumiti sa kaniya.
Binati rin ako ng iba pang mga Azthic at puro pasasalamat lang ang sinabi ko. Hindi ko kasi alam kung paano makitungo sa kanila.
"Asya, pagbati sa iyong pagkapanalo!" bati ng isang lalaki na lumapit sa'kin.
Hindi pamilyar sa'kin ang wangis nito. Pero, base sa kasuotan nito isa rin itong Azthic.
"Salamat—"
"Irius Spellure, anak ni Irman," pagpapakilala niya.
Natigilan ako sa narinig ko. Isa siyang Spellure, anak siya ng Lorde ng Karr.
"Nagagalak akong makilala ka Lorde Irius," sabi ko at nilahad ang kamay para makipagkamay sa kaniya.
Tiningnan niya muna ito bago tinanggap.
"Ang ganda mo pala," tila namamangha nitong sabi habang hawak pa rin ang kamay ko.
Tumitig siya sa'kin kaya umiwas ako ng tingin. Naririnig ko ang bulungan ng mga Azthic tungkol sa kaniya.
"Maaari ko na bang makuha ang kamay ko, Lorde Spellure?" sarkastikong tanong ko.
Napatawa siya kaya marahas kong binawi ang kamay ko. Hindi ko gusto ang presensya niya, ang tingin niya sa akin at ang pagtawa niya. Naiinsulto ako kahit na hindi naman dapat. Ewan ko ba ba't ko 'yon nararamdaman.
"Narinig ko na malaki raw ang galit sa'yo ni Dylenea," sabi niya.
"May pakialam ba ako?" patanong kong sagot.
Tumawa na naman siya kaya narindi na ako.
"Alam mo maaari kitang tulungan," makahulugan niyang sabi.
"Alam kong hindi," saad ko at tumalikod na para umalis.
Pero, hinablot niya ang braso ko at pinaharap ako sa kaniya. Nakikita ko sa mga mata niya ang pagkaaliw. Kaya lalo akong nainis.
"Puwede ba bitiwan mo ako?" inis kong sabi.
"Paano kung ayaw ko? May magagawa ka ba?" sabi niya.
Pumiglas ako sa pagkakahawak niya kaya naman nabawi ko ang kamay ko. Agad kong kinuha ang mga punyal na nakalagay sa likod ko at tinutok sa kaniya.
"Ah, dapat na ba akong matakot?" ani Irius.
"Oo. Wala pa naman akong pinipili," ngising sabi ko kaya napahalakhak siya nang malakas.
"At, sa tingin mo natatakot ako? Isa akong Azthic, Magium ka lang. Isa pang Bastarda. Kung ipinagmamalaki mo iyang punyal ni Asilah puwes hindi 'yan uubra," pagmamayabang niyang sabi.
Wala siyang pinagkaiba kay Dylenea.
"Aalis na ako. Wala akong panahon sa isang tulad mo," sabi ko at tumalikod na.
Sinamaan ko ng tingin ang mga Azthic na nakasaksi ng nangyari. Siguradong kakalat ito bukas. Mainit pa ang pangalan ko kaya natitiyak kong malalaman ng lahat ang nangyaring maling pagkakaunawaan sa amin ni Irius.
Tuluyan na akong umalis sa teritoryo ng Azthian dahil dumarami na ang nakikiusyoso. Ayokong dumami pa ang makasaksi ng eksena. Naglalakad lang ako nang matanaw ng mga mata ko ang paparating na punyal kaya agad ako naglaho at lumitaw sa ibang puwesto. Tiningnan ko ang direksyon ng pinanggalingan nito.
"Talagang nakatakas ka sa surpresa ko bastarda," namamanghang sabi nito pero batid ko na may bahid iyon ng pang-uuyam.
"Anong kailangan mo?" malamig kong sabi.
"Ikaw," sagot niya.
"Puwes wala akong panahon para sa'yo," sabi ko at nilagpasan siya.
Pero, hinablot niya ang braso ko at pinilipit ito. Napadaing ako sa sakit nito.
"Hindi ka pa puwedeng umalis. Mag-uusap pa tayo," nanggigigil nitong sabi.
"Wala na tayong dapat pag-usapan pa!" saad ko.
"Mayroon! Gusto kong isuko mo ang titulo mo sa akin. Gusto kong isuko mo rin ang punyal ni Asilah kung nais mong makaalis pa rito," sabi niya.
"Hindi ko isusuko sa'yo lahat ng iyon," matigas kong sabi kaya lalo niyang pinilipit ang braso ko.
Napadaing na lang ako sa sakit nito. Parang inuubos ang lakas ko.
"Isuko mo na kung ayaw mong mabalian ng buto," banta niya.
"Hindi," hirap kong sabi at sinipa siya sa tagiliran.
Agad niyang nabitawan ang braso ko kaya nagkaroon ako ng pagkakataong makalayo sa kaniya. Galit siyang tumingin sa'kin. Nakikita ko sa mga mata ang tindi ng galit niya sa'kin.
"Hindi pa tayo tapos," asik niya at sumugod sa'kin.
Nagpalabas siya ng sandata na gawa sa enerhiya niya at inatake ako. Agad ko itong sinangga ng punyal. Ramdam ko ang tindi ng galit niya sa akin. Dahil binubuhos niya talaga ang lakas niya.
"Bakit ba galit na galit ka sa'kin, Dylenea?" tanong ko.
"Batid mo kung bakit galit na galit ako sa'yo. Kinuha mo lahat sa'kin. Inagaw mo lahat. Ang kasikatan ko, ang titulo ng Seeker Game, ang punyal ni Asilah na dapat sa akin binigay ni ama at ang atensiyon niya!" saad niya.
"Hindi ko inagaw lahat. Batid mong hindi ko inagaw lahat iyon. Sa Seeker Game alam mong pinaghirapan ko iyon. Sa atensyon naman na sinasabi mo, malay ko ba na magiging matunog pala ang pagkatao ko sa kanila. Sa punyal na sinasabi mo, hindi ko iyon inagaw o hiningi. Kusa iyong binigay sa akin. At, sa ama mo. Hindi ko siya inagaw. Kahit kailan hindi ako nang-agaw ng ama ng iba," paliwanag ko sakaling mahimasmasan siya pero nagkamali ako.
"Hindi mo ako madadala sa salita mo bastarda," asik niya at inatake na naman ako.
Kaya, wala na akong nagawa kun'di ang labanan ang mga atake niya. Bawat atake niya ay mararamdaman talaga ang galit niya.
"Hindi ikaw ang tatalo sa akin," asik niya at nagpakawala ng enerhiya.
Hindi ko iyon maiwasan at tumilapon ako sa malayo. Tumama ang likod ko sa punongkahoy. Kaya napadaing ako sa sakit.
"Lumaban ka bastarda! Hindi ba magaling ka?! Labanan mo ako nang magkaalaman na!" sigaw niya.
Nilapitan ko ang punyal na nabitawan ko kanina. Hindi ko siya dapat kinakalaban ngayon. Dahil posibleng isa sa amin ang maaaring mabawian ng hininga kapag nagpatuloy pa kami. Agad akong naglaho at lumitaw sa likuran niya. Agad kong hinampas ang batok niya kaya natumba siya at nawalan ng malay. Inayos ko muna ang sarili ko at iniwan siyang nakahandusay sa lupa.