"Hindi ginugulo mo lang ang isipan ko!" sagot ni Asyanna.
Tumayo siya at pinagpag ang kasuotan. Hindi siya naniniwala sa salita ng espiritu. Paano niya paniniwalaan ang isang nilalang na hindi naman nakikita ng mga mata niya?
"Wala kang alam sa pagkatao ko," sabi ni Asyanna at handa na sanang umalis nang maapakan niya ang isang bagay.
Sa pagkakatanda ni Asyanna, ito ang kwentas na suot-suot niya. Pinulot niya ito at tinitigan nang mabuti. Hindi niya alam pero parang may nag-uudyok sa kaniya na buksan ito. Hinawakan niya nang mahigpit ang kwentas at sinubukan itong buksan. Lumiwanag ito kaya naman nabitawan niya ito. Hinarang niya ang kamay niya sa paningin niya.
"Asyanna, mahal ko,"
Binaba niya ang kamay niya at tinitigan ang babaeng papalapit sa kaniya. Nakangiti ito at parang maluluha ang mga mata. Nagliliwanag ang buo nitong katawan.
"Sino ka?" kabadong tanong ni Asyanna.
"Ako si Asilah...Odette...ang iyong ina,"
Hindi nakapagsalita si Asyanna. Sa wakas ay nakita na ng mga mata niya ang wangis ng espiritung kumakausap sa kaniya.
"Bakit parang kahawig ko ang babae? Bakit nakakaramdam ako ng lukso ng dugo? Ibig bang sabihin nito ay nagsasabi siya ng totoo? Na siya ang ina ko?" sabi ng isip ni Asyanna.
Napailing siya dahil kalokohan lamang ang sinasabi ng espiritu. Hindi dapat siya agad maniniwala rito. Marahil ay patibong lang ito at pakana ng kalaban. Baka kinukuha lang nito ang loob niya.
"Hindi, hindi,"
"Asya, huwag kang matakot sa akin. Huwag kang matakot sa iyong ina," sambit nito at tumigil sa harapan niya.
Tiningnan niya ito sa mga mata at nakita ang mga nangyari sa espiritu. Hanggang sa isinilang ang babaeng kawangis niya na pinalaki ng lalaki. Ang Lorde ng Gránn na kamakailan lang ay kaniyang sinaktan.
Parang maluluha si Asyanna. Parang may kurot sa puso niya. Nakokonsensya siya sa ginawa niya sa Lorde. Muntikan na niya itong mapaslang kamakailan lamang.
"Asya," sambit nito at nilahad ang kamay.
Nagdadalawang isip si Asyanna kung tatanggapin ito. Pero, may nag-uudyok sa kaniya na tanggapin ito.
"Paano kung niloloko niya lang ako? Paano kung may binabalak pala siyang masama?" tanong ng isip ni Asyanna.
"Huwag kang matakot sa akin. Lapitan mo ang iyong ina," mahinahon nitong sabi.
Dahan-dahan niyang hinakbang ang mga paa niya papalapit sa espiritu. Ngumiti ito kaya naman nabawasan ang pag-aalinlangan niya sa espiritu. Nanginginig ang mga kamay niyang tinanggap ang kamay nito.
"Anak ko, matagal na panahon akong naghintay na makasama kang muli. Heto at hawak ko na ang kamay mo," naluluha nitong sabi.
Dahan-dahan itong lumapit sa kaniya at niyakap siya. Nakaramdam si Asyanna ng pagmamahal. Parang nabuo bigla ang matagal nang nawawalang piraso sa buhay niya. Sa hindi niya maipaliwanag na dahilan, niyakap niya rin ito pabalik. Tumulo ang mga luha sa kaniyang mga mata at napahikbi na lang.
"Anak, patawad kung nawala ako sa tabi mo. Patawad kung kailangan mong pagdaanan ang lahat ng ito," iyak nitong sabi.
Pero, tahimik lang si Asyanna. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin.
"Huwag kang mag-alala. Babalik ka rin sa dati," makahulugan nitong sabi at hinalikan siya sa pisngi.
Nang halikan siya nito sa pisngi, isa-isang bumalik ang lahat ng alaalang nawala sa kaniya. Naramdaman niya ring nawala ang itim na mahika na bumabalot sa kaniya. Pero, parang may nagbago. Bumalik nga ang dating siya pero nawala naman ang alaalang nakilala niya ang ina niya.
"Sino ka?" gulat niyang tanong at bumitaw sa yakap nito.
Sa isang iglap lang ay nakalimutan niya ang kayakap na espiritu. Sinadya ni Asilah na burahin sa alaala ni Asyanna ang nalaman nito para sa ikabubuti ng Magium young Ladynne.
"Asya, ako ito si Asilah. Ang espiritu na kumakausap sa iyo," ngiti nitong sabi habang may namumuong luha sa mga mata nito.
"Asilah!" iyak na sabi ni Asyanna at niyakap ito nang mahigpit.
Hindi alam ni Asyanna kung bakit niya ito niyakap. Pakiramdam niya kasi may malaki itong parte sa puso niya at sa buhay niya.
"Asilah, natutuwa akong makilala ka at mayakap,"
"Ako rin mahal ko,"
"Asilah, ang kapatid ninyo, si Lorde Ornelius. Nasaktan ko siya," iyak na sabi ni Asyanna.
"Hindi mo iyon sinasadya,"
"Ang mga kaharian na nilusob at pinatumba ng Rebellion dahil iyon sa akin. Pinagtaksilan ko sila. Ang mga kaibigan ko, pinagtaksilan ko sila. Binigo ko ang Azthamen," pagsisi ni Asyanna sa sarili at kumalas sa yakap.
"Hindi mo iyon kasalanan Asya. Kinontrol ka ng Rebellion. Wala kang kasalanan,"
"Pero, ako pa rin ang dahilan," giit ni Asyanna.
"Asya, makinig ka. Makakabawi ka pa, maililigtas mo pa ang Azthamen,"
"Pero, wala sa akin ang espada mo Asilah. Nawawala maging ang punyal. Hindi ko maililigtas ang Azthamen," lungkot niyang sabi.
"Hindi nawawala ang espada, Asya," ngiting sabi nito at nilahad ang kamay.
Lumitaw sa palad nito ang espada.
"Paano niyo po nahanap?" nagtatakang tanong ni Asyanna.
"Kahit kailan hindi nawala ang espada, Asya. Kusa itong naglaho dahil batid nitong mapapahamak ka, na magbabago ka. Ang espadang inakala mong akin ay huwad lamang. Kaya, sa nakaraan mong laban hindi ito kasing lakas ng orihinal na espada," sagot nito.
Inabot nito sa kaniya ang espada kaya napaluha siya. Akala niya hindi na niya ito mahahawakan muli.
"Salamat, Asilah. Salamat sa tiwala mo," sabi ni Asyanna at niyakap itong muli.
"Hala, humayo ka na Asya at iligtas ang Azthamen,"
"Hindi kita bibiguin, Asilah," sabi ni Asyanna at ginamit ang kakayahang maglaho.
"Anak ko, masakit man sa akin ang ginawa ko. Pero, hindi ko naman hahayaang mapahamak ka nang dahil sa pagkatao mo," sabi ni Asilah at unti-unti siyang naglaho.
Lumitaw si Asyanna sa Nuclos. Naabutan niya ang Rebellion na naghahanda. Hindi niya pinahalata na bumalik na siya sa dati. Nagpanggap pa rin siya bilang si Annaysa.
"Heneral!" sambit ng revro.
"Panginoon, nagbalik na ang heneral!" sigaw ng isa pang revro.
Lumapit si Asyanna sa kinaroroonan ni Necós. Tiningnan niya ito sa mga mata at yumuko.
"Annaysa, ang akala ko ay napano ka na. Natauhan ka na ba? Alam mo na ba na ikaw si Annaysa at niloloko ka lang nila?" tanong nito.
"Patawarin ninyo ako panginoon kung nagduda ako sa pagkatao ko at sa inyo. Handa akong paglingkuran kayo, patawad," sagot ni Asyanna.
"Kung ganoon, pamunuan mo ang paglusob sa Karr,"
Nanlaki ang mga mata ni Asyanna.