"Ano pang hinihintay mo Annaysa? Paslangin mo na ang Aqua!"
Nilingon ni Asyanna si Necós. Nakatayo ito sa malaking bato at nakatingin sa direksyon nila ni Kai. Nilingon din niya ang Aqua. Nakahandusay ito sa lupa at naliligo ang katawan sa sariling dugo.
"Annaysa, alalahanin mo. Hindi natin makukuha ang Nuclos kapag hindi mo siya pinaslang," mariing sabi ni Necós.
Hinawakan ni Asyanna nang mahigpit ang espada at umikot sa puwesto ni Kai. Mabibigat ang mga hininga niya at nanginginig ang mga kamay. Kinakabahan siya sa gagawin niya sa binata.
"As-ya...hin-di i-kaw...'yan," hirap na sabi ni Kai bago umubo ng dugo.
"Asya, mahal ko. Huwag mong gagawin iyan. Pakinggan mo ako!"
Biglang natigilan si Asyanna nang marinig ang tinig na iyon sa isipan niya. Narinig na naman niya ang boses na kumakausap sa kaniya.
"Annaysa, ako ang bumuhay sa iyo. Utang mo sa akin ang buhay mo kaya susundin mo ang utos ko," giit ni Necós.
Naguluhan si Asyanna dahil sa boses ng tatlo. Nalilito siya kung sino ang paniniwalaan at kung sino ang susundin. Hindi na sumusunod ang puso at isip niya sa katawan niya. Nais sundin ng isip niya ang tinig na iyon. Nais din sundin ng puso niya ang salita ni Kai. Nais naman ng katawan niya ang utos ni Necós.
"Asya, pakiusap makinig ka sa akin,"
"Heneral Annaysa, kapag hindi mo sinunod ang utos ko mapipilitan akong huwag kang isama sa huling digmaan,"
"As-ya, bu-malik ka,"
"Tama na! Pakiusap!" sigaw ni Asyanna at binitiwan ang espada.
Tiningnan niya muna sina Necós at Kai bago tumakbo papalayo.
Takbo lang ang ginawa ni Asyanna. Parang mawawala siya sa sarili. Maraming bagay ang gumugulo sa utak niya. Parang sasabog na ito. Hindi na niya alam kung ano ang gagawin.
"Ahhh!" sigaw ni Asyanna nang dumausdos siya pababa ng bangin.
Mabuhangin ang lupa kaya naman patuloy lang siyang dumausdos pailalim. Nawala na sa sarili si Asyanna kaya nagpabaya na lang siya. Kahit na masukal at puro bato ang nadadaanan niya. Tumigil lang ang pagdausdos niya nang tumama ang katawan niya sa malaking bato. Napahiyaw siya sa sobrang sakit. Parang umalog ang kaloob-looban niya at nanginig ang kalamnan.
"Asya, magpahinga ka muna. Ipikit mo ang iyong mga mata," sabi ng tinig kaya dahan-dahan niyang pinikit ang kaniyang mga mata.
Samantala, sa Nuclos patuloy pa rin ang sagupaan ng Rebellion at Aqualous. Pero, nangingibabaw ang lakas at puwersa ng mga rebelde. Napasok na nila ang kastilyo. Wala na rin ang mga Mellows dahil tumakas na ang mga ito. Dalawa sa mga Mellows ang nasugatan at hindi papayagan ng Lorde ng Nuclos na madagdagan iyon. Kaya mas pinili nitong lisanin ang kaharian kahit pa na makuha ito ng kalaban.
"Rebellion! Nasa atin na ang Nuclos!" sigaw ni Necós nang mapaslang niya ang heneral ng Aqua Racial Forces.
Nagbunyi ang buong Rebellion dahil nagtagumpay sila sa kanilang pakay. Nakuha nila ang Nuclos.
"Karr, mapupunta ka rin sa akin," sabi ni Necós sa sarili.
Sa kabilang banda, nakabulagta pa rin ang Magium young Ladynne. Marungis ang mukha nito at madumi ang kasuotan. Wala rin sa tabi nito ang espada na ginamit nito sa labanan kanina. Kung titingnan, nakakaawa ang lagay nito dahil parang pinagkaisahan ito.
"Asya, mahal ko, gising na. Imulat mo ang iyong mga mata, mahal ko," sabi ng tinig.
Nagkaroon ng malay si Asyanna at nilibot ng tingin ang kabuuan ng lugar. Hindi sa kaniya pamilyar ang lugar. Iyon ang unang beses na napadpad siya sa lugar na iyon. Masukal ang paligid, maraming naglalakihang mga bato, at mabuhangin ang lupain. Bumangon siya pero napadaing na lang dahil sa p*******t ng katawan.
"Asya," tawag ng tinig.
Napahawak si Asyanna sa pisngi dahil parang may humaplos doon. Naramdaman niya ang malamig na ihip ng hangin. Pakiramdam niya hinalikan siya ng hangin.
"Sino ka ba talaga? Bakit palagi kang nagpaparamdam? Anong kailangan mo sa akin?" usisa ng Magium young Ladynne.
"Hindi mo ako makilala dahil hindi mo ako maalala. Hayaan mong ipaalala ko sa iyo kung sino ako at ang buo kong pagkatao. Isa akong Half-bred. Nagmula ako sa lahi ng Magia at Azthian. Isa akong Ladynne pero itinago iyon ng ama ko. Itinago rin niya ang buo kong pagkatao. Kilala ako sa tawag na Asilah pero ang totoo kong pangalan ay Odette Puerre,"
Napaisip si Asyanna sa huli nitong sinabi. Parang pamilyar sa kaniya ang pangalan na Odette. Saan nga ba niya iyon narinig?
"Ako ang nagmamay-ari ng pinakamalakas na sandata at espada sa buong Azthamen. Ako rin ang kauna-unahang nilalang na nanalo ng titulo sa Seeker Game at Azthia Tournament. Si Irman Spellure ang aking katipan. Nagmahalan kaming dalawa pero pinagbabawal ang koneksyon na iyon. Kaya, umiwas ako sa kaniya para wala sa aming mapahamak. Hindi naging madali ang lahat. Dahil sa kasagsagan ng Azthia Tournament, nagkaroon ng malaking isyu. May naganap na krimen sa araw mismo ng championship battle. Ako ang napagbintangan ng lahat. Hinabol nila ako. Nagpakalayo-layo ako noon dahil ayokong maparusahan nang dahil lang sa salang hindi ko naman ginawa. Nagtago ako sa Eshner Forest, sa pinakapusod nito, sa puno ng pinakamalaking Marcas. Lingid sa kaalaman ni Irman nagkaroon kami ng anak, isang babae. Theia ang ngalan niya. Itinago ko sa lahat ang tungkol sa anak namin dahil ayokong mapahamak si Theia. Lalo pa't pinaghahanap ako ng Azthamen. Akala ko ay magiging ligtas na kami ng anak ko. Pero, nagkamali ako. Nawala sa isip ko ang Argon. Ginamit nila iyon kaya ako natunton. Nakipaglaban ako sa mga humahabol sa akin. Pero, hindi ko sila kinaya. Para tumagal pa ang buhay ko, pinili kong maglaho para hindi nila ako tuluyang mapaslang. Kaya, akala ng lahat napaslang ako. Pero, ang totoo naging espiritu ako. Nang mga oras na iyon, dumating si Ornelius, ang nakakatanda kong kapatid. Kinuha niya ang anak ko na ipinagpapasalamat ko dahil alam kong magiging ligtas si Theia. Ang anak ko ay pinalaki ng Lorde ng Gránn. Tinuring niya itong parang tunay na anak. Kilala siya bilang bastarda ng mga Puerre. Asyanna...ikaw si Theia,"
Nanlaki ang mga mata ni Asyanna sa narinig. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang narinig. Hindi niya alam kung maniniwala siya sa tinuran ng espiritu.