Chapter 48

1294 Words
"Rebellion! Buwagin ang unang hanay ng Aqualous!" utos ni Asyanna. Umabante ang first class rebels at humakbang ng tatlong beses. Lumingon sa kaliwa at kanan na direksyon ang pinuno sa grupong ito. Nang matiyak niyang nakahanda na ang mga rebelde, bumigay na siya ng hudyat. "Sugod!" sigaw nito at tumakbo sa direksyon ng Aqua Racial Forces. Ang first class rebels ay binubuo ng mababang uri ng mga races. Sila ang mga nilalang na medyo may kahinaan pagdating sa labanan. Hinanda naman ng mga Aqua ang kanilang mga sarili sa paglapit ng kalaban. Aminadong kinakabahan sila dahil hindi lang mga rebeldeng Aqua ang makakalaban nila. Kun'di ang iba pang mga lahi na mas piniling umanib sa rebelde. "Asyanna, bakit mo kami kinakalaban? Anong nangyari sa iyo?" nagtatakang tanong ng Lorde Aqua Sailor. Mababakas sa tono nito ang pagkadismaya at lungkot. Hindi inasahan ng Aqua Sailor at Lorde ng Nuclos na makakalaban niya ang babaeng iniibig niya. Si Asyanna ay kaniyang iniibig ngunit wala sa sarili ang Magium young Ladynne. Nasa ilalim siya ng itim at malakas na mahika. "Bakit ko kayo kinakalaban? Dahil hindi ninyo binibigay ang gusto namin. Dahil isa kayo sa dahilan kung bakit ako namatay," sagot ni Asyanna. Nagulat ang magkapatid sa huli nitong sinabi. Nagkatinginan sila at binigyan ng nagtatakang tingin ang isa't isa. "Na kasinungalingan lamang. Asya, wala ni isa sa amin ang pumaslang sa iyo," giit ni Kai nang makabawi sa pagkagulat. "Na siyang tunay," sang-ayon din ni Precipise. Umiling si Asyanna dahil hindi siya naniniwala sa mga tinuran nito. "Huwag niyo akong nilalansi mga Aqua! Huwag niyo akong niloloko!" galit na sabi ni Asyanna at ginamit ang kakayahang maglaho. Lumitaw siya sa tabi ni Precipise at sinugatan ito. Napahiyaw ang Aqua Forther young Ladynne at hinawakan ang tagiliran. Umaagos doon ang dugo na kulay asul. "Ah!" daing ni Precipise. "Precipise!" sigaw ni Kai at nilapitan ang kapatid. Sinalo niya ito ng kaniyang mga bisig nang malapit na itong bumagsak sa lupa. "Hindi handa ang kapatid mo. Hindi siya nababagay sa digmaan. Kung siya ang magiging pinuno ng hukbo ng Aqualous tiyak kung matatalo ito," puna ni Asyanna. Napakuyom ng mga kamay si Kai. Hindi pa rin siya makapaniwalang nagbago na ang Magium young Ladynne ng Gránn. Hindi na ito ang dating Asyanna na nakilala niya. May bahid na ng kasamaan ang kaibuturan nito. "Wala kang karapatan na maliitin ang kapatid ko. Baka nakakalimutan mo ang ginawa niya para sa Nuclos," makahulugang sabi ni Kai kaya napakunot noo ang heneral. Ang tinutukoy ni Kai ay ang mga patibong sa Nuclos na hindi na maalala ni Asyanna dahil sa ginawa sa kaniya ni Necós. "Aqualous! Adras!" sigaw ni Kai kaya umurong ang Aqua Racial Forces. Binuhat ni Kai ang kapatid niya at sumakay ng racial pet, ang horsefish. "Aqualous, huwag niyo kaming tatakasan!" nanggagalaiting sigaw ni Asyanna. Pero, nakalayo na ang mga ito at papunta sa mala-tubig na kastilyo. Nainis si Asyanna dahil hindi manlang niya napahirapan ang magkapatid. Hindi sapat para sa kaniya ang ginawa niyang sugat sa Aqua Forther young Ladynne. "Rebellion, lusubin ang kastilyo!" sigaw ni Asyanna. Gaya ng utos niya nilusob ng mga rebelde ang kastilyo. "Asyanna, dapat makuha natin ang Nuclos!" sigaw ni Necós. Tumango si Asyanna at tinawag si Amaris. Sumakay siya rito at sinundan ang mga Mellows. Hindi siya makakapayag na makatakas ito. May utang pa ang mga Mellows na dapat niyang singilin. "Hindi niyo kami matatakasan mga Aqua!" sigaw ng isip niya. Maya-maya, napahiyaw ang mga rebelde. Tila nakakaranas ito ng matinding kirot. Tiningnan ito ni Asyanna at nakita niyang nakahandusay na ang ilang rebelde. Naguluhan siya sa nangyari. Hindi niya maintindihan kung bakit nagkaganoon ang mga kasama niya. "Anong nangyayari?" nagtatakang tanong niya sa sarili. Hiniling ni Asyanna kay Amaris na babaan ang paglipad nito para matingnan nang mabuti kung anong nangyayari sa mga rebelde. Sinunod naman ng tamarra ang utos ni Asyanna. "Heneral, matatalim ang mga bato! Kahit anong ingat na gawin namin ay nasusugatan pa rin kami!" sigaw ng isang revro. Napakuyom ng mga kamay si Asyanna. Nanggigigil siya sa galit dahil naisahan sila ng Aqualous. "Ako nang bahala na sumunod sa mga Mellows," sabi ni Asyanna at inutusan si Amaris na taasan na ang paglipad. Nagpatuloy si Asyanna sa paglapit sa kastilyo hanggang sa natuklasan niyang isa lamang itong tubig. Pero, huli na ang lahat dahil kusa siya nitong hinihigop. "Amaris, subukan mong lumipad paitaas," suhestiyon niya sa tamarra. Sinubukan naman ito ni Amaris pero hindi nito kaya ang lakas ng tubig. Hanggang sa tuluyan na silang nahigop nito. "Ahhh!" sigaw niya nang lamunin sila ng tubig. Paikot-ikot sila sa kastilyong tubig. Hindi na makalipad nang maayos ang tamarra dahil masyadong malakas ang agos ng tubig. Pinilit ni Asyanna na makaahon pero parang lumalaban sa kaniya ang tubig. "Asya," tawag ng boses. Nilingon ito ni Asyanna at nakita niya ang Aqua Sailor at Lorde na si Kai. Nasa labas ito ng kastilyong tubig at seryosong nakatingin sa kaniya. Pero, mababakas sa mukha nito ang lungkot. "Aqua," sambit ni Asyanna. Nagulat si Kai sa kaniyang nasaksihan. Hindi niya inasahan na nakakapagsalita ang Magium young Ladynne sa tubig. Sa pagkakaalam niya tanging mga Aqua lang ang kayang gumawa niyon. "Sino ka ba talaga Asya?" tanong ni Kai. Nahihiwagaan na siya sa tunay na pagkatao nito. Parang may kakaiba sa Magium young Ladynne. Dahil kung purong Magium ito, hindi nito magagawang magsalita sa ilalim ng tubig. "Ako si—" Saglit na natigilan si Asyanna dahil bigla na lang siyang naguluhan sa pagkatao niya. Annaysa ang nais sabihin ng utak niya pero iba namang pangalan ang sinisigaw ng puso niya. Bukod pa roon, naisip niya rin ang mga kakayahang naipamalas niya sa nakaraang laban. Ayaw man niyang aminin pero nais niyang sumang-ayon sa tinuran ng Aqua. "Nalilito ka rin, hindi ba? Naguguluhan?" tanong ni Kai. "Annaysa, huwag kang makikinig sa sasabihin niya. Nililinlang ka lang ng Aqua na iyan," Napatakip ng mga tainga si Asyanna dahil paulit-ulit niyang naririnig ang boses ni Necós sa isipan niya. Nagtaka si Kai sa kinilos ng Magium young Ladynne. Parang nawawala ito sa sarili. "Ah! Tama na!" sigaw ni Asyanna. Lalong nag-alala si Kai dahil parang may bumabagabag sa Magium young Ladynne. Parang may kumakausap sa utak nito. Kaya naman, tinulungan niya itong makaahon sa kastilyong tubig. Dahan-dahang nakawala si Asyanna sa tubig kasama si Amaris. "Asyanna, dadalhin kita kay Precipise. Matutulungan ka niya," sabi ni Kai nang hindi inaalala ang sitwasyon nila. Dahil sa pag-aalala, nawala sa isip niya na ibang nilalang na ang kaharap niya. "Asya, hindi kita sasaktan. Pangako," sabi ni Kai at unti-unting lumapit kay Asyanna. "Annaysa, paslangin mo ang Aqua!" Hinawakan ni Asyanna nang mahigpit ang espada niya at hinintay na makalapit sa kaniya ang Aqua. Walang kaalam-alam si Kai sa balak ng heneral. "Asya," sambit ni Kai. "Tulungan mo ako," pagmamakaawa ni Asyanna kaya lalong nahabag ang damdamin ni Kai sa Magium young Ladynne. Tuluyang nakalapit ang Aqua Sailor Lorde kay Asyanna kaya naman ngumiti nang malawak ang heneral. "Asya, ikaw na ba iyan?" tanong ni Kai na tinugunan naman ni Asyanna ng simpleng tango. Napangiti si Kai kaya naman agad niya itong niyakap. Pero, hindi niya inasahan ang sunod na nangyari. Bigla na lang siyang sinaksak ni Asyanna. Tumingin si Kai sa mga mata ni Asyanna at lalo siyang nasaktan dahil walang bahid ng awa ang mga mata nito. "As—ya," utal niyang sambit bago siya bitawan ni Asyanna. Bumagsak siya sa lupa habang hawak ang nasaksak na tiyan. "Hindi ko alam na madali ka pa lang mauto, Aqua," pagmamayabang ni Asyanna. Tinitigan siya ni Kai sa mga mata at nakaramdam siya ng kirot sa puso. Parang nasaktan din siya sa nangyari. Pinigilan ni Asyanna ang maluha dahil hindi siya dapat maapektuhan sa sinapit ng Aqua.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD