Chapter 47

1006 Words
"Tama na! Tama na! Parang awa mo na!" iyak ng Frost Byte young Ladynne. Pilit na ginagamot ng Frost Byte young Ladynne ang natamo niyang paso pero hindi niya kaya. Dahil patuloy pa rin siyang pinahihirapan ni Asyanna. "Hindi ka na maililigtas ng kapangyarihan mo, Frost. Hindi mo kaya ang bagsik ng apoy na ito," sabi ni Asyanna habang hawak pa rin ang sanga na may apoy. Isa sa mga kahinaan ng Frostbitus ay ang apoy. Kahit na kaya nila itong labanan, mahihirapan pa rin silang puksain ito. Dahil ang init ng apoy ay kaya silang tunawin at maaari sila nitong mapaslang. "Asyanna, parang awa mo na. Itigil mo ito!" pakiusap nito. Pero, hindi nakinig ang heneral ng Rebellion. Galit ito dahil sa ginawa ng Frost Byte young Ladynne. At, hindi basta-basta nawawala ang galit niya dahil sa ginawa ni Necós. "Asya...Asya...Mahal ko...Itigil mo iyan...Makinig ka sa akin...Hindi sila kalaban...Asya..." bulong ng hangin kaya natigilan si Asyanna. Hinanap niya ito pero hindi niya nakita. Nagtaka siya dahil bigla na lang siyang kinausap ng pamilyar na tinig. Parang narinig na niya ito dati. At, ang mas ipinagtataka niya bakit Asya ang itinawag sa kaniya. Dahil doon nabitawan niya si Xáxa. Tila nawala siya sa sarili. "Frost Byte! Ang young Ladynne Xáxa!" sigaw ng Frost. Tinulungan nila ito na makaalis sa kinaroroonan nito. "Heneral, tumatakas ang mga Frost," ulat ng revro. "Hayaan mo sila," sabi lang ni Asyanna. Gaya ng utos ni Asyanna hinayaan nga ng mga rebelde na makatakas ang Frostbitus. "Amin na ang Ferrox," bulong ni Asyanna at ngumisi. "Heneral, susunod na ba tayo sa Nuclos?" tanong ng Terra. "Oo, kailangan nating tulungan si Necós," sagot ni Asyanna. "Narinig ninyo ang sabi ng heneral. Tayo na!" sabi ng revro. Samantala, palaisipan pa rin kay Asyanna ang narinig niyang tinig. Nagtatanong siya sa sarili niya kung sino iyon at bakit ngayon niya lang ito narinig. "Heneral, ayos lang po kayo?" alalang tanong ng Aqua. Tumango lang si Asyanna at umalis. Binalikan niya si Amaris sa kinaroroonan nito. "Amaris?" tawag niya. Tumayo ito at umungol. Napangiti si Asyanna dahil maayos na ang tamarra. Nilapitan niya ito at niyakap. "Hindi ko alam kung anong gagawin ko kapag nawala ka sa akin. Hindi ko rin alam kung bakit ganito ako mag-alala sa iyo," usap ni Asyanna. Binaba ng tamarra ang ulo nito kaya hinimas ito ni Asyanna. "Tayo na sa Nuclos, Amaris," sabi ni Asyanna at sumakay dito. Umungol muna si Amaris bago lumipad. Tinahak nila ang malamig na himpapawid patungong kanluran. Sa Nuclos... "Paslangin ang pinuno ng Rebellion!" sigaw sa ilalim. "Amaris, bilisan mo," utos ni Asyanna nang marinig iyon. Binilisan ni Amaris ang paglipad. Maya-maya, natatanaw na ni Asyanna ang kinaroroonan ng mga rebelde at Aqualous. Pinalilibutan ng mga Aqua Seccu at Aqua Sailor ang mga bihag na rebelde maging si Necós. "Amaris, ngayon na," utos ni Asyanna. Binuka ni Amaris ang bibig niya at may lumabas na malaking enerhiya rito. Hindi ito napansin ng mga Aqua kaya nagulat sila nang sumabog sa harapan nila ang ibinuga ni Amaris. Agad silang tumingala sa himpapawid at ganoon na lamang ang pagkagulat nila nang makita ang isang tamarra. Bumaba si Amaris at lumapag sa lupa. Umungol ito nang malakas kaya napatakip sila ng mga tainga maliban kay Asyanna. Tumingin si Necós kay Asyanna at ngumisi. Tumango lang ang heneral at bumaba. Nanlaki ang mga mata ng mga Mellows nang makilala kung sino ang dumating. "Asyanna?!" bulalas ni Limu, ang Lorde ng Nuclos. "Asya!" bulalas din ni Kai. "Annaysa ang pangalan ko," malamig na sabi ni Asyanna at tumingin sa babaeng nakatitig sa kaniya. "Alam ko na," sabi lang nito. "Anong alam mo na, Precipise?" nagtatakang tanong ni Kai. "Bakit tila nagulat kayo? Hindi niyo ba inasahan na sasaklolo kami?" ani Asyanna. "Hindi ko inasahan na isa ka nang rebelde, young Ladynne," sagot ni Limu. "Bakit ba pinagpipilitan ninyo na ako si Asyanna?" ani Asyanna. "Dahil iyon ang totoo. Iyon ang katotohanan na pilit mong ipinagkakaila," sagot ni Kai kaya tinaasan siya ng kilay ng heneral. "Anong pangalan mo?" baling sa kaniya ni Asyanna. "Kai...Kai Mellows," sagot nito. "Kung ako nga ang sinasabi ninyong si Asyanna, bakit hindi kita nakilala? Hindi...kita...nakikilala, Aqua," saad ni Asyanna kaya nasaktan ang Lorde Aqua Sailor. "Nagkakilala tayo sa kagubatan ng Eshner. Kinalaban mo ang mga Honner, Raptil, Gigantes, Marcas at iba pang naroroon sa kagubatan. Nakasagupa pa natin ang mga rebelde at doon ko natuklasan na ikaw ang usap-usapan na anak ni Lorde Ornelius," giit ni Kai kaya napakunot noo ang heneral. Hindi niya man iyon naaalala tila nakakaramdam naman ng kurot ang puso niya. Gusto nitong maniwala sa sinabi ng Aqua Sailor Lorde ng Nuclos. "Huwag kang maniniwala sa kanila, Annaysa. Nililinlang ka lamang nila," sabat ni Necós. "Ikaw ang manlilinlang, Necós. Alam ko ang ginawa mo kay Asya. Hindi mo iyon maitatago sa akin," sabat naman ni Precipise kaya nagtatakang tumingin sa kaniya ang heneral. "Anong ibig mong sabihin?" tanong ni Asyanna. Bago pa magsalita si Precipise may binigkas na engkantasyon si Necós kaya lalong lumakas ang itim na mahika na bumabalot kay Asyanna. Kaya, sa isang saglit umiba ang Magium young Ladynne ng Gránn. "Huwag mo akong nililinlang, Aqua," galit na sabi ni Asyanna kaya nagulat si Kai sa biglang pag-iba ng ugali nito. "Hindi kita nililinlang, young Ladynne," mahinahong sagot ni Precipise. "Manlilinlang!" sigaw ni Asyanna at bumaling sa likuran niya saka sumigaw. "Rebellion, sugod!" Sumugod ang mga rebelde na kasama ni Asyanna na kanina pa nagtatago sa gilid. "Aqualous! Protektahan ang Nuclos!" sigaw ni Kai at tumingin kay Asyanna. Ngumisi lamang ang heneral ng Rebellion. "Asya, hindi ikaw ito. Gumising ka, pakiusap. Huwag mong kalabanin ang Azthamen. Huwag mong dagdagan pa ang salang ipinupukol sa iyo. Isipin mong mabuti ang magiging kinahantungan ng lahat," wika ng Lorde Aqua Sailor. "Hindi ko alam ang pinagsasabi mo, Aqua. Nagsasayang ka lang ng laway. Huwag mo rin akong nilalansi. Hindi ka magtatagumpay, sinisiguro ko sa iyo," tugon ni Asyanna at inikot ang espada. "Hindi niyo mapapabagsak ang Nuclos," pagtitiyak ng Lorde Aqua Sailor.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD