Chapter 46

1028 Words
Gaya ng inutos ng Terra, gumawa ang Ignis ng apoy. Agad namang gumawa ng masisilungan ang Terra. Saka nila inalalayan si Asyanna na makasilong. "Sa—la—mat," nanginginig na sabi ni Asyanna. "Heneral, dito lang po kayo. Huwag kayong aalis dito hangga't hindi pa bumabalik ang lakas ng katawan ninyo. Gagawa kami ng harang para hindi ka malapitan kaagad ng mga kalaban," sabi ng Terra. Tumango lang si Asyanna at tinapat ang mga palad sa apoy. "Ngayon na," sabi ng Ignis sa Terra. Dinikit ng Ignis ang palad niya sa lupa. Dahil sa init nito unti-unting natunaw ang mga nyebe at yelo sa lupa sa kinaroroonan ni Asyanna. Kaya, nabawasan kahit papaano ang lamig. Samantala, gumawa naman ng kakahoyan ang Terra. Nakapalibot ito kaya Asyanna. Hindi lang mga kahoy ang ginawa nito. Gumawa rin ito ng mga baging at mga mababangis na hayop para maprotektahan ang kanilang heneral. Nang masiguro nilang ligtas pansamantala ang kanilang heneral bumalik na sila sa digmaang nagaganap sa pagitan ng Rebellion at Frostbitus. "Gagantihan ko ang Frost na iyon. Makikita niya. Hindi niya dapat ginagalit ang isang tulad ko," usap ni Asyanna sa sarili. Tumagal pa siya roon ng tatlong oras bago bumalik ang lakas at init sa katawan niya. "Humanda ka sa akin," sabi niya at lumabas sa kinaroroonan niya. Muli siyang nakaramdam ng lamig pero hindi na masyado dahil nanggaling siya sa mainit na lugar. Tinanaw ni Asyanna ang mga rebelde at Frostbitus. Halos patas lang ang laban ng mga ito. Hinanap ng mga mata niya ang Frost na nakalaban niya. Hindi naman siya nabigo dahil nakita niya ito kaagad. Napakuyom siya ng mga kamay dahil sa ginawa nito sa kaniya. Nang bigla niyang maalala si Amaris. Hinanap niya ito pero hindi niya ito mahanap. Binalikan niya ang lugar na kinabagsakan nila kanina. Halos maiyak siya nang makita na nakahandusay pa rin ito sa malamig na nyebe. Dali-dali niya itong nilapitan at sinuri kung humihinga pa ito. "Amaris! Amaris! Naririnig mo ba ako?" tanong ni Asyanna. Iminulat nito ang mga mata at umungol nang mahina. Nilalamig ang tamarra kaya nanghihina ito. "Patawad Amaris kung hindi kita naprotektahan. Patawarin mo ako," sabi ni Asyanna pero umungol lang ang tamarra. Niyakap niya ito at sa isang iglap lang ay nasa lugar muli siya na pinanggalingan niya kanina. "Magpagaling ka Amaris. Huwag kang susuko, lumaban ka. Kailangan pa kita," bulong ni Asyanna at hinalikan ito sa ulo, "babalikan kita," Pagkatapos niyang tulungan si Amaris agad siyang nagtungo sa kinaroroonan ni Xáxa. Nagulat ang Frost Byte young Ladynne dahil nasa harapan niya ang heneral ng Rebellion na akala niya'y namatay na sa lamig. "Nagulat ka yata, Frost. Hindi mo ba inasahan na makita akong muli?" ani Asyanna. Hindi nakasagot si Xáxa dahil hindi pa rin siya makapaniwala na nasa harapan niya ang bastarda. Imposible kasi na mabuhay pa ito lalo't nahulog ito kanina sa nagyeyelong tubig. Ilang minuto lang ang kayang itagal ng mga nilalang na kagaya nito. "Ako naman ngayon," sabi ni Asyanna at ginamit ang kakayahang maglaho. Lumitaw siya sa likuran nito at sinugatan ito. "Ah!" daing ni Xáxa at napaluhod. "Hindi pa 'yan sapat para sa ginawa mo sa akin at kay Amaris," galit na sabi ni Asyanna. "Bakit ba nag-aalala ka sa tamarra na iyon. Hindi mo naman iyon pag-aari," sabat ni Xáxa kaya sinakal siya ni Asyanna mula sa likod gamit ang braso.. "Si Amaris ay alaga ko, pamilya ko siya," sagot ni Asyanna. "Hindi siya iyo. Pag-aari siya ni Lorde Ydarro. Ninakaw niyo ang racial pet ng namayapang Lorde ng Karr," saad naman ni Xáxa. "Hindi ko siya ninakaw. Kusa siyang pumunta sa akin," giit ni Asyanna at tinutok ang talim ng espada sa leeg nito. "Sige Asyanna, paslangin mo ako," matapang na sabi ni Xáxa. "Papaslangin talaga kita dahil muntikan mo na akong mapaslang pati si Amaris," gigil na sabi ni Asyanna at diniin ang espada sa leeg nito. Maya-maya, nakaramdam ng lamig ang kamay ni Asyanna. Tiningnan niya ito at nagulat sa nakita. Naging yelo ang espada niya. "Paanong—" Hindi pa niya natatapos ang sinasabi niya nang tumilapon siya palayo. Pahiga siyang bumagsak sa nagyeyelong lupa. "Ah!" daing niya sa sakit. Dumagdag pa ang lamig na naramdaman niya sa likuran niya. Inis siyang tumayo at tumingin kay Xáxa na nakangisi. Ginamit ni Asyanna ang kakayahan niyang maglaho at lumitaw sa kinaroroonan ni Amaris. Nilapitan niya ito at dinama kung malamig pa ito. Napangiti siya nang maramdaman na medyo mainit na ito. "Magpagaling ka Amaris," bulong niya pagkatapos ay lumapit sa apoy. Kinuha niya ang espada ni Asilah mula rito. Iniwan niya ito kanina sa tabi ng apoy para lalong lumakas ang enerhiya nito. Gumamit muna siya ng pansamantalang espada. Mabuti na lang at naisipan niya iyon. Kung hindi, baka ang espada ni Asilah ang naging yelo. Tumitig pa siya sa apoy nang makaisip siya ng paraan. Hindi niya alam kung tama ba ang ginagawa niya pero susubukan niya ang planong naisip niya. Huminga siya nang malalim at kumuha ng sanga. Nilagyan niya ito ng apoy pagkatapos ay lumitaw muli sa lokasyon niya malapit kay Xáxa. Nagtatakang tumingin sa kaniya ang Frost Byte young Ladynne kung bakit may dala itong apoy. Ngumisi lang si Asyanna kaya nanlaki ang mga mata ni Xáxa nang makuha kaagad ang nais gawin ni Asyanna. Kaya, agad siyang nagpakawala ng matutulis na yelo at snow flakes. Pinalakas niya pa lalo ang mga nyebe. Pero, hindi natinag si Asyanna. Lumapit pa siya lalo sa kinaroroonan ng Frost Byte young Ladynne. "Anong gagawin mo?" kinakabahan nitong tanong. "Ito," sagot ni Asyanna at bigla na lang lumitaw sa tabi niya. Sinakal niya ito gamit ang braso niya at inilapit ang apoy sa Frost Byte young Ladynne. "Ahhhh!" sigaw ni Xáxa nang makaramdam ng init. Tila napapaso ang kalamnan niya dahil dito at hindi siya makapag-isip nang maayos. "Sige, Frost. Damhin mo ang init ng kahinaan mo," ani Asyanna at mas inilapit ang apoy rito. "Ahhh!" pagsusumigaw ni Xáxa. Unti-unting nalapnos ang balat niya hanggang sa may lumabas na tubig galing dito. Para itong yelo na natutunaw. "Ahhh!" sigaw nito nang diniin ni Asyanna ang apoy sa balat ng Frost Byte young Ladynne.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD