"Tila natatakot ka yata, Ladynne. Tama ba, isa kang Ladynne?" ani Asyanna.
"Yanna ano ba talagang nangyayari sa iyo? Tila hindi mo na ako kilala. Yanna, ako ito, si Onessa. Kapatid kita," saad ni Onessa kaya natigilan si Asyanna.
"Kapatid?" nagtatakang tanong ni Asyanna sa isip niya.
"Tama Asya, kapatid mo siya. Kaya huwag mo siyang sasaktan," sabi rin ng tinig.
Pilit inalala ni Asyanna na may kapatid siya pero sumasakit lang ang ulo niya kaiisip kung totoo ang sinasabi ng Ladynne.
"Hindi mo ako maloloko Ladynne. Wala akong kapatid," sabi ni Asyanna kaya nasaktan si Onessa.
Pero, pilit niyang pinatatag ang loob niya. Dahil tiyak na gagamitin iyon ng kalaban para mapatumba siya.
"Hindi kita niloloko, Yanna. Nagsasabi ako nang totoo," ani Onessa at sinalag ang atake nito.
Nainis si Asyanna dahil hindi niya maisahan ang Magium Ladynne. Magaling kasi ito sa pakikipaglaban.
"Yanna, pakiusap itigil mo na ito. Bumalik ka na sa amin," pagsusumamo ng Magium Ladynne pero hindi siya pinakinggan ng Magium young Ladynne.
Patuloy pa rin ito sa pakikipaglaban sa kaniya. Tila wala na itong balak na tumigil pa.
"Titigil lang ako kapag napabagsak ko kayo," saad ni Asyanna.
Sumeryoso ang mukha ni Onessa.
"Hindi ako makakapayag sa gusto mong mangyari. Patawad sa gagawin ko, aking kapatid," seryosong sabi ni Onessa pero may bahid ito ng kalungkutan.
Hindi niya pa rin matanggap na ibang nilalang na ngayon ang pinakamamahal niyang Yanna. Pinagdarasal na lang niya na magising ito isang araw at bumalik sa kanila.
"Heneral ang kausap mo, Ladynne. Hindi ka ba natatakot sa maaari kong gawin?" sabi ni Asyanna.
"Hindi ako natatakot kahit saktan mo pa ako, Yanna! Pero, natatakot ako na masaktan kita!" sigaw ng isip ni Onessa.
Ngumisi ang heneral ng Rebellion dahil hindi nakasagot ang Magium Ladynne ng Gránn. Iniisip nito na baka nasindak niya ang Magium Ladynne.
"Paumanhin sa gagawin ko, Ladynne. Hindi kita nais saktan. Pero, hinaharang mo kami. Isa kang balakid," sabi ng isip ni Asyanna at mabilis na inatake ang Magium Ladynne.
Hindi inasahan ni Onessa ang nangyari. Bigla na lang siyang bumagsak sa lupa at nakaramdam ng kirot sa tagiliran. Hinawakan niya ito at nakita ang dugo sa kamay niya. Parang nawalan siya ng hangin sa katawan at tumigil ang t***k ng puso niya. Unti-unti ring humina ang pandinig niya at nanlabo ang paningin. Takot si Onessa na makita ang sarili na may dugo sa katawan o anumang sugat. Kapag ganoon bigla na lang siyang mawawalan ng malay.
"Onessa!" sigaw ng lalaki na patakbo sa direksyon nilang dalawa.
Lumuhod ito at sinalo ang nakatatandang kapatid. Napatingin dito si Asyanna at napangisi.
"Onessa, ayos ka lang? Onessa, sumagot ka!" tarantang sigaw ng lalaki.
"Anong nangyari?" tanong ng isa pang lalaki na kararating lang.
Batid ni Asyanna kung sino ang dumating. Sila na marahil ang sinabi ni Onessa. Si Lorde Dhavene at Lorde Daneve.
"Hindi ko alam na mahina pala ang loob ng Ladynne na iyan," puna ni Asyanna kaya napatingin sa kaniya ang lalaki na unang dumating.
Bakas sa mukha nito ang inis at galit. Tumayo ito at lumapit sa kaniya.
"Wala ka talagang utang na loob Asya. Matapos ka naming tanggapin sa pamilya namin ito ang igaganti mo sa amin? Kami na natitira mong pamilya? Asya, ano bang kasalanan ni Onessa sa iyo para saktan mo siya? Asya, mahal na mahal ka niya. Kahit pa na hindi kayo magkapatid na buo," panunumbat ni Dhavene.
Naging blangko ang mukha ni Asyanna dahil hindi niya alam ang pinagsasabi ng Magium Lorde sa kaniya.
"Dhavene, hindi mo na dapat pa kinakausap ang bastarda at taksil na iyan," sabat ni Daneve.
Sumama ang mukha ni Asyanna dahil sa narinig. Humigpit ang paghawak niya sa espada niya. Tila nasaktan siya sa sinabi nito kahit na alam niya sa sarili niya na nagsisinungaling ang mga ito.
"Hindi ako bastarda. Hindi ako taksil. Kayo ang mga taksil. Nang dahil sa inyo kaya ako napaslang!" nanggagalaiting sabi ni Asyanna.
Iyon ang nakita ni Asyanna sa isipan niya. Pinaslang siya ng mga ito. Pero, nagulat pa rin si Asyanna dahil bigla na lang iyon lumabas sa isip niya.
"Bakit naalala ko iyon bigla? Ibig bang sabihin nito malapit ko nang maalala ang lahat?" tanong ng isip niya.
Napakunot noo si Dhavene sa sinabi ng young Ladynne.
"Asya, ano bang pinagsasasabi mo? Hindi ka namin pinaslang. Wala ni isa sa amin ang pumaslang sa iyo," giit ni Dhavene.
"Huwag niyo akong nilalansi. Naalala ko ang pangyayari kung saan walang awa niyo akong pinaslang," ani Asyanna.
"Mali iyang sinasabi mo Asya," saad din ni Daneve at lalapitan sana ang Magium young Ladynne pero tinapat nito ang espada sa kaniya. Kaya, natigilan siya at napatitig dito.
"Ibang-iba ka na talaga. Hindi ka na namin kilala," sabi ni Dhavene.
"Hindi niyo talaga ako kilala," saad ni Asyanna at aatake na sana nang may humampas sa likuran niya. Nilingon niya ito at inis na tiningnan.
"Pagbabayaran mo ito!" galit niyang sigaw sa isip.
Humarap siya rito at inatake. Walang kahirap-hirap niya itong itinumba.
"Maling kinalaban mo ako, Magium Crafter," sabi ng isip niya.
Nilingon ni Asyanna ang kinaroroonan ng magkapatid pero wala na ito. Nakaalis ang mga ito habang kinakalaban niya ang umatake sa kaniya. Sa inis niya sumigaw siya nang malakas.
"Revro! Pasukin ang kastilyo!" agad namang sumunod ang mga revro at tuluyang lumapit sa kastilyo para pasukin ito.
"Hindi kayo makakatakas sa akin, hindi," galit niyang sabi sa isip.
Sa Viaple Castle...
"Ina, si Onessa!" tarantang sabi ni Dhavene.
Buhat ng mga bisig niya ang walang malay na Magium Ladynne.
"Anong nangyari sa kaniya?!" ani Alyanna at nilapitan ang anak.
"Si Asyanna...siya ang namumuno sa Rebellion," wika ni Daneve at sinipa ang dingding.
"Sinabi ko na sa inyo kanina ayaw ninyo maniwala," sabat ni Onaeus na nakaupo.
May benda na ang braso niya na ang dahilan ay si Asyanna.
"Imposible. Bakit naman aanib si Yanna sa mga rebelde?" 'di makapaniwalang saad ni Alisiah, isa sa mga malapit kay Asyanna bukod kay Onessa at Aissa.
"Dahil naisip niyang wala naman talaga siyang lugar dito. Baka naisip niya na sa Rebellion talaga siya nababagay," sagot ni Onaeus.
"Pero, ang ipinagtataka ko, bakit wala siyang maalala?" nagtatakang sabi ni Dhavene.
"Iyan din ang ipinagtataka ko. Pinagpipilitan niyang Annaysa ang pangalan niya at hindi Asyanna," biglang sabi ni Onessa na kakagising lang.
"Onessa, kumusta ang pakiramdam mo?" tanong ni Dhavene.
"Hindi maayos. Dahil ang Asyanna na kilala natin nagbago na. Hindi na siya ang Asyanna na nakasama natin sa loob nang mahabang panahon," malungkot na sabi ni Onessa.
Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nila. Marahil ay iniisip nila kung ano ba talaga ang nangyari sa Magium young Ladynne at nagkaganoon.
"Baka naman may ginawa ang mga rebelde kaya siya nagbago," basag ni Aissa sa katahimikang namutawi sa kanila.
"Tama, Aissa. Natitiyak kong may ginawa sila sa kapatid natin," sang-ayon ni Onessa.
"Sang-ayon din ako. Kailangan nating ipagbigay-alam ito sa ama ninyo," sang-ayon ni Alyanna.
"Pati ba naman ikaw ina pinapahalagahan mo na ang taksil na bastardang iyon?" 'di makapaniwalang sabi ni Onaeus.
Magsasalita na sana si Alyanna nang makarinig sila ng pagsabog.
"Nakapasok ang mga rebelde! Takbo!" sigaw sa loob ng kastilyo.
"Nakapasok na sila! Nasaan si ama?!" tarantang sabi ni Onessa.
"Nasa silid niya kasama si Illyós," sagot ni Onaeus.
Nagmamadaling pinuntahan nila ang Lorde sa silid nito. Pero, nagulat sila sa kanilang nadatnan. Nakataas ang mga kamay ni Ornelius habang nakatapat rito ang espada ni Illyós.
"Illyós, anong ginagawa mo?" gulat na sabi ni Alyanna.
"Alyanna, huwag kayong lalapit dito!" saad ni Ornelius.
"Illyós, isa ka ring rebelde?" ani Alisiah at tumingin kay Onessa na gulat na gulat pa rin sa nangyari.
"At, maging si Asyanna. Hindi nga makapaniwala ang inyong ama," sagot ni Illyós.
"Isa kang taksil, Illyós!" galit na sabi ni Alyanna.
"At, si Asyanna. Tiyak kong nakita niyo na siya, tama?" ngising sabi nito kaya napakuyom ng mga kamay si Onessa.
Hindi siya makapaniwala sa nakikita. Ang lalaking pinakamamahal niya ay isang rebelde. Isang kalaban at isang taksil. Nasasaktan siya sapagkat naglihim ito sa kaniya. Nasasaktan siya sapagkat napagtanto na niya ang lahat. Kaya siya pinaibig ng kabalyero para magawa ang plano nito.
"Anong ginawa ninyo sa kapatid ko?" galit na tanong ni Onessa habang pilit pinipigilan ang luha na nagbabadyang tumulo.
"Binago lang naman ng panginoon namin si Asyanna. Para hindi niyo na siya maapi pa, para mapabagsak kayong lahat. Lalo na ang Gránn at Karr," sagot ni Illyós.
"Hindi niyo mapapabagsak ang Gránn. Maging ang Karr," sabi ni Onessa.
Napatawa si Illyós sa sinabi ng kaniyang katipan. Dahil hindi nito maintindihan ang ibig niyang sabihin.
"Iyan ang akala ninyo. Dahil sa oras na malaman ninyo ang tungkol kay Asyanna tiyak kong masusurpresa kayong lahat. Hindi ba Lorde Ornelius?" ani Illyós at binaling ang tingin kay Ornelius.
Masamang tumingin sa kaniya ang Lorde.
"Hindi mo alam ang sinasabi mo Illyós. Wala kang alam," giit ni Ornelius.
Tumawa nang malakas ang taksil na kabalyero.
"Iyan ang akala mo. Alam ko lahat pati ang tunay na pinanggalingan ng pinakamamahal mong bastarda," wika ni Illyós.
"Illyós, bakit hindi mo na tuluyan iyan nang makuha na natin ang Gránn," biglang sabi ni Asyanna at pumasok sa loob.
"Isang magandang pagkikita ng mga Puerre," sabi ng isip ni Illyós.
"Ikaw ang hinihintay ko heneral. Nais kong ikaw ang tumapos sa buhay nito," sagot ni Illyós kaya napangisi ang Magium young Ladynne.
"Isang karangalan sa akin ang makapaslang ng isang Lorde," tugon ni Asyanna at nilapitan si Ornelius.
Tinitigan niya ito sa mga mata. Pero, napaiwas din siya ng tingin dahil nakaramdam siya ng kirot sa puso. Pakiramdam niya kasi parang papaslang siya ng isang ama.
"Illyós, ilabas ang iba. Ako nang bahala sa Lorde na ito," utos ni Asyanna.
"Narinig ninyo ang sinabi ng heneral namin. Sumunod kayo sa akin," ani Illyós.
"Hindi. Ama!" iyak ni Onessa.
"Ornelius!" iyak din ni Alyanna.
"Susunod kayong lahat kay Illyós o pupugutan ko ng ulo ang Lorde na ito?" banta ni Asyanna.
"Yanna, kapag may nangyaring masama kay ama, kakalimutan kong kapatid kita," banta rin ni Onessa.
"Natakot naman ako sa banta mo, mahina ang loob," sarkastikong sabi ni Asyanna.
"Umalis na kayo," sabi ni Ornelius.
"Pero, Ornelius—"
Sinamaan ng tingin ni Asyanna si Alyanna.
"Inuulit ko umalis na kayo. Humingi kayo ng tulong sa Quert," ani Ornelius kaya napilitang umalis ang pamilya niya.
Naiwan sa silid si Asyanna at Ornelius.
"Asya, masaya ako at hindi ka nila sinaktan," tuwang sabi ni Ornelius.
"Hindi talaga nila ako sasaktan. Hindi gaya ninyo," sagot ni Asyanna.
"Hindi ka namin sinaktan...anak ko," giit ni Ornelius.
Lumapit sa kaniya si Asyanna at bumulong.
"Talaga?" tanong niya.
"Siyang tunay Asya," ani Ornelius.
"Ama, gusto kitang mayakap, maaari ba?" ani Asyanna kaya napangiti ang Magium Lorde.
"Hindi ko iyan tatanggihan," tugon ni Ornelius.
Pero, lingid sa kaalaman niya may nakahandang patalim sa likuran ni Asyanna. Niyakap ni Asyanna nang mahigpit si Ornelius at binitawan ang mga salitang tumatatak dito.
"Hindi kita ama. Kahit kailan hindi kita naging ama," sabi ni Asyanna at sinaksak ang Magium Lorde.
Napahawak ito nang mahigpit sa young Ladynne.
"Talo ka na Lorde ng mga Magium. Amin na ang Gránn," sabi ni Asyanna at tinulak ito.
"Asya," hirap nitong sabi.
Pero, hindi siya pinansin ng Magium young Ladynne. Kinuha nito ang kapa niya na may bahid na ng dugo at iniwan na lang siyang nakahandusay sa sahig. Nagmamadaling umakyat ng tore si Asyanna at sumigaw.
"Rebellion, atin na ang Gránn!" malakas niyang sigaw kaya napatigil ang lahat at tumingala sa kaniya.
Hawak-hawak ng kamay ni Asyanna ang duguang kapa ng Magium Lorde. Iwinagayway niya ito para makita ng lahat.
"Hindi! Hindi! Ama!" iyak na sigaw ni Alisiah.
"Ornelius!" iyak din ni Alyanna.
Napatingin sa direksyon nila si Asyanna at ngumisi. Pagkatapos ay inutusan ang mga revro.
"Dakpin sila!" utos niya kaya umatras ang mga natitirang Magium.
Hinila nila Dhavene at Daneve ang kanilang ina at kapatid na si Alisiah dahil ayaw ng mga ito na sumama.
"Wala kang puso Asyanna!" galit na sigaw ni Alisiah.
Pero, humalakhak lang ang Magium young Ladynne.
"Bumagsak na ang Gránn. Kailangan na naming humanda," bulong ni Irman sa 'di kalayuan.
Napailing na lang siya at sumakay ng Tamarra.