Chapter Two

1296 Words
"PERFECT!" Napapalakpak pa ang bading nang matapos ito sa final touch ng kan'yang make-up. Pagkatapos ay iniladlad ang kanina pa naka-curler na buhok sa magkabilang gilid ng kan'yang tainga. "Look at yourself. Mukha ka talagang prinsesa!" Hindi alam ni Irish kung dapat bang ma-flattered sa sinabi nito o hindi. Pero hindi maipagkakaila, ang laki nga ng ipinagbago ng kan'yang hitsura matapos siyang ayusan nito. "Don't forget your Colombina mask," paalala ni Melissa, ang baklang make-up artist niya. Binuksan nito ang itim na box sa ibabaw ng table at inilabas doon ang maskara na gagamitin niya sa party mamaya. Masquerade ang theme ng engagement party nila ni Steve. Yes. Their engagement party. Dahil sa hindi nito pagtatantan sa kan'ya na halos hindi na siya makatulog ng ilang gabi kaya napilitan siyang pumayag sa kagustuhan nito. Pinasadahan niya ng tingin ang kaniyang kabuuan sa malaking salaming nasa harapan. Wala siyang alam sa mga tawag sa iba't ibang uri ng gown at tela, pero ang suot niya ay pinasadya pa ni Steve sa isang sikat na fashion designer. Kulay itim ang suot niyang gown na pa-V ang neckline. May mahaba iyong slit sa kanang bahagi kaya sa konting paggalaw niya ay lumalantad ang kan'yang maputi at makinis na hita. Puno ng kumikinang na beads ang bawat bahagi niyon. Kaya naman mistula siyang kumikinang na brilyante kapag tinatamaan ng liwanag. Marahang ikinabit ni Melissa ang maskara sa magkabilang likod ng kan'yang tainga. Mahigpit na bilin niya kay Steve na dapat ay walang makakakita ni isa man sa mga bisita ng kan'yang hitsura. Iyon ay para maprotektahan niya ang sarili kung sakali mang magkakaletse-letse ang kanilang plano. At least walang makakaalam ng totoo niyang mukha, maliban na lamang sa pamilya nito na kilala na siya. Mayamaya pa ay inalalayan na siya ni Melissa pababa sa bulwagan kung saan darausin ang party. Marami nang bisita sa baba nang lumabas sila. Habang pababa si Irish ng hagdan ay pinagtitinginan siya ng mga tao. Agaw-atensyon kasi ang suot niyang kumikinang. Sa may baba ng hagdan ay hinihintay na siya ni Steve. Alam niya ang disenyo ng damit at maskara na suot nito kaya sigurado siyang ito nga ang kan'yang fiancé. Pagdating niya sa pinaka-ibabang baitang ay inabot nito ang kan'yang kamay na nakabalot ng itim na guwantes. Hinalikan nito iyon at biglang nagpalakpakan ang mga tao. Nagtungo na sila sa kanilang table at ilang minuto pa ang lumipas ay nagsalita na ang emcee. "Ladies ang gentlemen, tonight, we celebrate the engagement of Steve Ian Fortaleza and his long time girlfriend, Irish Montalibano. Thank you for coming and complying with the theme and protocol. Let us all enjoy our party tonight." Wala nang speech pa pagkatapos niyon. Nag-serve na ng pagkain ang mga waiter at waitress sa bawat table. Pagkatapos nilang kumain ay isa-isa siyang pinakilala ni Steve sa mga mahahalagang bisita. Hindi alam ni Irish kung ano pang sense niyon gayong hindi naman nakikita ang kanilang mga mukha. Mahigpit na pinatupad nila sa protocol ang hindi pagpe-face reveal. "Try it." Inabutan siya ni Steve ng isang glass of red wine. Alam nitong hindi siya umiinom pero sinubukan niyang simsimin iyon. "Just enjoy the night," bulong pa ni Steve sa kan'ya. "Just imagine tonight is just a JS Prom," dugtong pa nito sabay mahinang tumawa. "I'm kind of enjoying it," tugon naman ni Irish. Ang totoo kasi ay ngayon lamang siya naka-attend ng ganitong klase ng party. First class, masarap ang pagkain, matamis ang wine, at higit sa lahat ay masquerade. Para siyang bida sa pinanonood niyang pelikula. Parang fairytale. Bukas na niya poproblemahin ang lahat, basta ngayong gabi ay magsasaya siya. "Shall we?" Inilahad ni Steve ang isang kamay at agad siyang hinila sa gitna ng dancefloor. Ipinatong nito ang isang kamay sa kan'yang tagiliran at ang isa ay pinang-alalay sa kan'yang isang kamay. Isang sweet music ang isinalang ng DJ. "Thank you," mayamaya ay sabi ni Steve habang nasa kalagitnaan sila ng pagsasayaw. "For what?" Bahagya niyang inilapit ang tainga sa bibig nito. "For playing the role as my fianceé." Nang matapos ang unang tugtugin ay bumalik na sila ni Steve sa kanilang table. Saglit itong nagpaalam na magsi-CR kaya siya lamang mag-isa ang natira. Dumaan ang waiter na may dalang kopita ng alak. Kumuha siya ng isa at dahan-dahang sumimsim ng wine. Panay ang lingon niya sa paligid upang pagmasdan ang mga tao. Everyone seemed to enjoy the party. May mga mag-partner na sweet na sweet sa isa't isa. May magkayakap at may bigla na lamang nag-perform ng kissing scene. Hindi niya maintindihan pero parang bigla siyang nainggit. Sa mga movie na napanood niya kasi ay laging may ganoon. Kailan kaya niya mararanasang mahalikan ng lalaking totoong nagmamahal sa kan'ya? Naputol ang pag-iilusyon niya nang may lalaking biglang sumulpot sa kaniyang harapan. Tiningala niya ito at halos mabali ang leeg niya sa sobrang tangkad nito. Nakalahad ang isang palad nito sa kan'ya, at kahit hindi ito magsalita ay alam niya ang pakay nito. Ang makasayaw siya. Ilang segundo siyang nag-isip kung pauunlakan ba ito o hindi. Wala siyang ideya kung sino ito, ngunit hindi niya rin tiyak kung kilala siya nito. Mayamaya ay narinig niya ang paghugot nito ng isang malalim na hininga. Tila naiinip na ito sa kaniyang pagtugon. Kung tatanggi naman siya ay baka magalit ito. Kaya't naisip na lang niyang pagbigyan tutal ay wala namang nakakakita sa kanilang mukha. Aabutin pa lamang niya ang palad nito nang bigla nitong hilahin ang kaniyang kamay. Nagulat pa siya nang bigla nitong hinapit ang kan'yang beywang. Nagkadikit ang mga katawan nila na nagdulot sa kaniya ng kakaibang sensasyon. Inakay siya nito patungong dancefloor. Siya naman ay nakatitig lang dito at hindi makapagprotesta dahil mahigpit ang pagkakahawak nito sa kaniya. Sa tangkad ng taong ito ay napapatingala siya. Tanging ang mga labi at mga itim lamang ng mata nito ang nakikita niya. Gusto sana niya itong kausapin. Tanungin kung sino ito o tanggalin ang maskarang suot upang makita ang hitsura nito ngunit hindi maaari. Nalanghap niya ang mabangong hininga nito. Kasabay pa niyon ang halimuyak ng pabangong nagmumula sa katawan nito. Dumako ang mga mata niya sa matipuno at malapad nitong dibdib. Parang kay sarap sumandal doon at magpahele. Nang magsimulang pumailanlang ang isang soft music ay marahang sumabay ang kanilang katawan. Pakiramdam niya ay isa siyang prinsesa na isinasayaw ng isang prinsipe. Saglit pa siya nitong binitawan at siya'y umikot habang hawak nito ang isa niyang kamay. Pagkuwa'y muli siya nitong hinawakan nang mahigpit. Nakatungo ito sa kaniya at halos mahalikan nito ang kaniyang mga labi. Dumaan pa ang ilang saglit, tila pansamantalang naging sentro ng kan'yang mundo ang lalaki. Wala silang imikan ngunit pakiramdam ni Irish ay mahaba na ang kanilang pinagsamahan. Panaka-naka ay nagtatama ang kanilang paningin. Hindi namamalayan ni Irish na kanina pa pala bahagyang nakabuka ang kan'yang mga labi. Tila naghihintay iyong madantayan nito. Mayamaya pa ay naramdaman niya ang mas humihigpit na hawak ng lalaki sa kan'yang bandang likuran. Napakapit tuloy ang isang kamay niya sa suot nitong tuxedo. Lalo niyang naramdaman ang matitigas nitong kalamnan. Bahagyang ngumiti sa kaniya ang lalaki. Lumabas ang pantay at maputi nitong mga ngipin. Siya naman ay parang natutulala. Kanina pa niya nais makita ang hitsura nito. Itinaas niya ang isang kamay at tinangkang itaas ang suot nitong maskara. Ngunit mabilis siyang napigilan ng lalaki. Umiling-iling pa ito, nagbababala na hindi maaari ang gusto niya. Malapit nang matapos ang musika ay wala pa ring pag-uusap na nagaganap sa kanila. Gusto niyang alamin ang pangalan nito bago man lang sila maghiwalay ngunit hindi niya alam kung paano magsimula. Hanggang sa matapos ang tugtugin, titig lang dito ang nagawa niya. Ngunit isang pangyayari ang hindi inaasahan ni Irish. Biglang sinaklit ng lalaki ang kan'yang batok at ginawaran siya ng halik sa mga labi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD