Chapter 2

1100 Words
Narinig ko ang pagpalahaw ng iyak ng isa kong estudyante, kaya nilingon ko iyon upang alamin ang dahilan. "Bakit ka umiiyak, Ella?" tanong ko sa umiiyak na bata at saka humakbang ako palapit sa kinauupuan nito. "Si Jordan po..." humihikbing saad ni Ella. Tumingin ako sa katabing upuan nito kung saan nakaupo si Jordan. "Jordan, may ginawa ka ba kay Ella?" malumanay kong tanong naman kay Jordan. Umiling-iling sa akin si Jordan saka iniyuko ang kaniyang ulo. "Sinungaling ka!" Tumayo si Ella mula sa pagkakaupo saka lumapit kay Jordan upang hampasin sa dibdib ang huli. "Hep!" Pigil ko sa kamay ni Ella ng muling hahampas sana sa dibdib si Jordan. "Tama na 'yan, Ella. Go back to your seat now, sweetie!" Masuyong inalalayan ko si Ella pabalik sa kaniyang upuan. Muli akong bumalik sa harapan ni Jordan saka itinaas ko ang mukha nito paharap sa aking mukha. "May problema ka ba sa kanila, Jordan?" malumanay kong tanong sa kaniya. "W-wala po!" pautal niyang sagot sa akin "Inaway mo ba si Ella?" muli kong tanong kay Jordan. "Hindi po, Sir!" umiiyak na sagot naman nito. Napahugot na lang ako ng malalim na buntonghininga habang pinagmamasdan ang umiiyak na si Jordan. Hindi ko ugaling magalit agad sa mga bata sapagkat iyon ang turo sa amin nina Mama at Papa Steven. Lumaki kaming magkakapatid na pagmamahal ang nakagisnan kahit pa nga hindi namin tunay na ama si Papa Steven. Muli kong pinagmasdan ang umiiyak na si Jordan at napangiti ako sa naisipang gawin sa bata. "Mainam siguro kung ilipat na lang kita ng upuan. Do'n ka na lang banda malapit sa mesa ko," nakangiting anas ko kay Jordan. "Ayoko, Sir! Dito lang po ako," agad na sagot naman sa akin ni Jordan. "Promise po, magbe-behave na ako!" naiiyak pang sabi nito. "Hindi ko pwedeng sundin ang gusto mo, Jordan. Pasensiya ka na, ayusin mo na ang mga gamit mo upang makalipat ka na roon." Itinuro ko sa bata ang upuang paglilipatan niya. Iilan lang naman silang mga estudyante ko pero parati pa rin sumasakit ang ulo ko lalo na't may kinalaman si Jordan. Ilang beses ko na ngang ipinatatawag ang mommy nito ngunit hindi naman sumisipot. Inalam ko ang background ni Jordan at nalaman kong patay na ang kaniyang ama. Nagtatrabaho naman ang kaniyang ina at ayon sa nalaman ko ay siya rin ang breadwinner ng pamilya. Nang tumayo si Jordan, agad ko siyang inalalayan patungo sa bago niyang uupuan. "Hayan, malapit ka na sa akin. Mas madalas na tayong magkikitang dalawa," nakangiting sambit ko kay Jordan saka ginulo ko ang kaniyang buhok. Nang masiguro kong maayos na si Jordan sa pagkakaupo ay nagsimula na ulit akong magturo sa kanila. Humarap ako sa blackboard upang isulat ang babasahin ng mga bata bilang kanilang graded recitation. Marahas akong napalingon nang marinig ko ang malakas na pagpalahaw ng iyak ng isa sa mga bata. "Akin 'yan!" umiiyak na sigaw ni Aldrin kay Jordan. "Akin 'to!" tugon naman ni Jordan. Naghilahan ang dalawang bata sa lapis at walang gustong magpatalo sa kanila. Nanlaki ang mga mata ko nang saksakin ni Jordan ng lapis sa kamay si Aldrin. "Jordan!" nanggigilalas kong bulalas. Mabilis kong nilapitan ang dalawang bata saka pinaghiwalay sila. Itinaas ni Aldrin ang kamay niyang sinaksak ni Jordan ng lapis. Lihim akong napamura sa isipan dahil sa nakitang dugo na umagos mula sa sugat sa kamay ng bata. "Isusumbong kita sa Mommy ko!" humihikbing anas ni Aldrin. Umiyak na rin si Jordan kaya nilingon ko siya. "Mag-usap tayo mamaya, Jordan." Binuhat ko si Aldrin at malalaki ang mga hakbang na tinungo namin ang clinic. "Oh! You are here again, Mr. San Rafael," nakangiting saad sa akin ni nurse Stella. "Oo nga, pwede bang pakigamot mo ulit ang estudyante ko," pakiusap ko kay Stella. "Mukhang suki kayo ng mga estudyante mo rito sa clinic," naiiling na pahayag sa akin ni Stella saka kinuha nito ang medicine kit. "Oo nga!" nakukunsuming tugon ko sa kaniya saka isinapo ko ang palad sa aking noo. Narinig ko ang mahinang pagtawa ni Stella. "Maaga kang tatanda sa mga estudyante mo," buska pa niya sa akin nito. "Mukhang dito lang din sa clinic mauubos ang buong oras nang pagtuturo ko," mapakla ko namang tugon sa kaniya. "Huhulaan ko kung bakit," iiling-iling na wika ni Stella habang inuumpisahan nitong gamutin ang sugat sa kamay ni Aldrin. "Si Jordan 'yan, 'di ba?" dagdag pang sabi nito. "Kilala mo rin pala ang batang iyon," naiiling kong saad sa kaniya. "Sino ba naman ang hindi makakakilala sa batang 'yon na mula prep hanggang ngayong grade two na siya ay suki pa rin ng clinic ang mga batang binu-bully niya," natatawang sagot sa akin ni Stella. Natigilan ako sa kaniyang sinabi at wala sa sariling nilaro ng daliri ko sa kamay ang ilalim ng baba ko. "Jordan is not a bully student. Sadyang playful lang siya na bata at parang kulang din sa pansin ng magulang niya. I think, mayroon pang mas malalim na dahilan kung bakit siya nagkakaganoon at iyon ang gusto kong malaman," pagtatanggol ko naman kay Jordan. Naibaling ko ang tingin sa gawi ni Stella ng malakas na humalakhak ito. "Bakit?" maang kong tanong sa kaniya. "Ikaw pa lang ang nagtanggol sa batang 'yon," natatawang sagot niya sa akin. "Dapat naman 'di ba?! Dahil ako ang tumatayong ikalawang magulang niya sa eskwelahang ito," depensa ko naman sa kaniya para sa aking sarili. "Yes!" naaaliw na tugon sa akin ni Stella. "At pwede ka na rin mag-asawa," patuloy pang sabi nito. "Wala pa sa isip ko 'yan! Si JC muna ang dapat maunang mag-asawa sa aming dalawa," natatawang tugon ko sa dalaga. Napangiti ako nang makita ang paglukot ng mukha ni Stella nang marinig nito ang pangalan ng kakambal kong si JC. Inis na inis si Stella kay JC dahil hindi makalimutan nito ang mga pang-aasar sa kaniya ng kakambal ko noong nag-aaral pa lamang kami. Nauna kaming magkolehiyo sa dalaga ngunit doon din sa mismong campus namin pinapasok ni Tita Ice si Stella upang mabantayan daw namin. Bagay na 'di ko nagampanan sapagkat tutok na tutok ako noon sa pag-aaral pati na rin sa pagbabantay sa mga nakababata kong kapatid. Ngunit kabaligtaran naman ang ginawa ni JC dahil kinarir nito ang bilin ni Tita Ice kung kaya inis na inis sa kaniya si Stella. "Don't say bad words!" nandidilat ang mga matang saad sa akin ni Stella. "Did I say bad words, Aldrin?" tanong ko sa batang ginagamot ni Stella upang lalong asarin ang dalaga. "Wala po, Sir!" inosenteng sagot naman ng bata. Malakas akong napahalakhak nang tampalin ako ni Stella sa braso.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD