Nahagip ng paningin ko si Jona na naglalakad sa may gilid ng kalsada at tila nagmamadali ang mga hakbang nito kung kaya hindi niya napapansin ang mga taong nabubunggo. Inihinto ko ang sasakyan sa kaniyang tabi at saka tinawag siya. "Jona!" Tila wala siya sa sarili at nagpatuloy lamang sa kaniyang paglalakad. Mahinang tinampal ko ang aking noo at saka mabilis na bumaba ng sasakyan. Malalaki ang mga hakbang na naglakad ako palapit kay Jona at agad kong iniharang ang katawan ko sa kaniyang daraanan. "Jona..." "Wala akong panahon ngayon na makipaglokohan sa'yo, Teacher. Nagmamadali akong makauwi dahil kinakailangan ni Papa makainom ng gamot," saad niya sa'kin. "Halika na!" Kinapitan ko ang kanang braso niya at saka marahang hinila siya patungo sa aking sasakyan. "Anong ginagawa mo?"

