Lalong bumilis ang t***k ng aking puso nang nasa harapan ko na si Damian. Makailang beses kung ibinuka ang bibig para magsalita pero wala akong maapuhap na sabihin. Tila ako na-engkanto sa pagkatulala. Nakapanliliit naman ang lalaking ito!
“Are you okay?” Marahil nagtaka siya sa pagkatulala ko.
“Ah, Yeah!” mabilis na sagot ko.
Nakakahiya ka Elyse! Sita ko sa sarili.
Inilibot kong muli ang mga mata sa kabuuan ng opisina niya. “N-Nagulat lang kasi ako. H-Hindi ko akalain na ang Millenia and tinutukoy mong company.”
“I told you malaki ang mawawala sa akin kapag nagdesisyon ang Lolo na ibigay lahat ng ito sa pinsan ko. So, I'm glad you agreed to my proposal.”
Ano ba itong pinasok ko? Hindi pala basta-basta ang Damian na ito. Unti-unting umahon ang mga agam-agam ko. Malabong mapaniwala namin ang mga magulang niya.
“H-Hindi ko kaya! Hindi ko yata kaya.”
“What?” puno ng inis ang boses niya.
“N-Nakikita mo ba ang itsura ko? Walang maniniwalang pakakasalan mo ang tulad ko! Lalong-lalo na ang pamilya mo! Hindi sila maniniwala! Aalis na lang kaya ako, k-kalimutan mo na ang usapan--.”
“Elyse, will you please calm down?” pigil niya ulit sa akin. Nahimigan ko ang tinitimpi niyang inis.
“Damian, h-hindi natin maloloko ang pamilya mo,” sagot ko.
“Hindi naman natin sila lolokohin dahil magpapakasal tayo,” seryosong sagot niya pero hindi ko siya pinakinggan. Humakbang na ako palabas ng opisina niya. “Kapag nagdesisyon kang umalis ngayon ay wala na tayong pag-uusapan pa.”
Natigil ako sa paglakad at nilingon siya. Really? Paano naman ang baby?
“So kakalimutan mo na lang na anak mo itong dinadala ko?” lakas-loob na tanong ko.
“No. Pero maniniwala lang ako kapag napatunayan ko nang akin nga ang batang ‘yan.”
Tinitigan ko siya pero seryoso siya sa sinabi. Bigla ay hindi ko magawang ihakbang ang mga paa.
“I'm proposing marriage to you. I'll help you financially if you accept my offer. Lahat ng pangangailangan mo at ng baby ay pupunan ko. Handa akong humarap sa mga magulang mo at kausapin sila. Think about it.”
“Paano kung makuha mo na ang gusto mo? Kapag inilipat na sayo ng Lolo mo ang company?”
“If that's the case, it'll be a win-win situation for both of us. Pareho na nating makukuha ang freedom natin. I have access to the most powerful people in the country, as well as the best lawyers. Our marriage can easily be annulled. Magiging malaya ka na. But I'm not going to leave you empty-handed, may makukuha ka sa aking malaking halaga sa pagpayag mo sa kasunduang ito. At syempre I’ll still support your child.”
Bago pa man ako makasagot ay biglang tumunog ulit ang cellphone ko at hinugot ko iyon sa sling bag na dala ko. Napangiwi pa ako nang makitang si ate Vicky ulit ang tumatawag. Para bang ipinapaalala pa sa akin kung bakit ako nasa opisina ng Damian na ito. Hindi ko sinagot ang tawag ni Ate Vicky. Nang tingnan ko ulit si Damian ay nakamasid pa rin siya sa akin. Nagbuntong-hininga ako at humakbang ulit pabalik sa pwesto niya. Nakita ko namang napangiti siya sa ginawi ko.
“Okay. A-Ano pa bang dapat kong malaman?” tanong ko.
“Rose will give you the agreement. Lahat ng dapat mong malaman ay naroroon. Please read it carefully at kung may gusto kang ipabago doon ay pwede mong sabihin sa akin para mapag-usapan natin.”
“O-Okay.” Wala sa loob na sagot ko.
“May tanong ka pa ba?”
“Ah..A-Available ka ba sa..sa Sunday next week?”
“Why?” nagtatakang tanong niya.
“K-Kailangang makilala ka na ng parents ko. Papunta sila dito at..at balak kong sabihin sa kanila ang tungkol sayo para hindi sila mabigla kung..kung bigla akong m-magpakasal sayo.”
Pinagmasdan kong mabuti ang magiging reaksyon niya pero seryoso lang siyang nakamasid sa akin.
“Okay. I’ll cancel all my plans for Sunday.”
“Thank you,” mahinang usal ko. Napansin kong nakatitig siya sa akin kaya naiilang na nagtanong ako. “Bakit?”
“Did you have your checkup? You've lost a lot of weight.”
“Ah..h-hindi pa. Medyo nahihirapan kasi akong sabihin sa opisina..” Maging siya pala ay napansin ang pamamayat ko.
“I see. Where do you work?”
“Sa Brilyant, ‘yong brand ng electrical lighting. Sa Finance Department ako.”
Bahagya lang siyang tumango. Maya-maya ay tumayo na siya at naglakad patungo sa table niya. “Rose, bring here the documents,” utos niya sa secretary.
Agad pumasok na si Miss Rose sa opisina. Bahagya siyang tumango at nakangiting inabot niya sa akin ang isang folder. Naiilang na tinanggap ko naman ‘yon.
“Rose, please set an appointment with Doctora Sy. Pagkatapos ay sabihan mo si Miss Ramos kung kailan,” utos ni Damian.
“Okay sir.” Pagkatapos noon ay lumabas na si Rose ng opisina.
“Rose will call you para makapagpa-check up ka. Larry will fetch you para hindi ka na mahirapan sa byahe.”
Napakagat-labi ako. Tila nga isang business deal kung ituring ni Damian ang gagawin naming pagpapakasal. Pero iyon naman talaga ang usapan namin. Mabuti na rin ito kaysa sa lumaki ang bata na walang ama.
“Salamat. Aalis na ako.”
“Okay. Ihahatid ka ni Larry. Don’t forget to read the agreement Elyse,” pahabol sa akin ni Damian. Nang lingunin ko siya ay busy na siya sa laptop at pagbabasa ng ilang documents sa table niya kaya lumabas na ako ng opisina. Agad ngumiti si Miss Rose pagkakita sa akin.
“Fiona, please accompany Miss Ramos. Ihahatid siya ni Larry,” utos nito sa isa pang babae. Agad namang tumalima ang babae na tinawag niyang Fiona at sinamahan ako hanggang kay Larry na nakita kong naghihintay sa isa sa mga bakanteng sofa sa labas lang ng opisina nina Miss Rose.
Pagkadating ko sa apartment ay agad kong binuklat ang dokumento na binigay sa akin ni Miss Rose. Nasa twenty five pages yata iyon at npakadaming nakasaad doon. Naroon ang mga kondisyon ni Damian. Wala namang nadagdag doon bukod sa mga nasabi na niya sa akin. Natigil ang pagbasa ko sa isa sa mga nakasaad doon. Fifty Million Pesos. Iyon ang halagang ibibigay niya sa akin matapos kaming maghiwalay. Napakalaking halaga niyon para sa isang tulad ko. Para na akong tumama sa lotto at sobra pa iyon para mamuhay kami ng kumportable ng anak ko. Gayunpaman, hindi ko maiwasang masaktan. Paano ang baby namin? Napakasakit isipin na kapag pumirma ako sa papel na ito, para ko na ring itinakda na mamuhay ang bata sa wasak na pamilya. Pero wala naman akong ibang choice. Kung hindi ko ito pipirmahan, mas lalong madami ang mawawala sa amin. Mas mabuti pang maniwala na lang sila Nanay na hindi kami nagkasundo ni Damian sa huli.
Maingat kong itinago ang dokumento. Hindi ko pa rin iyon pinirmahan dahil sa kung anong pumipigil sa akin.
Bukas na lang siguro.
NAGING maayos naman ang buong linggo ko sa opisina. Mukhang nagsasawa na rin ang mga kaopisina ko na pag-usapan ako. Hindi ko naman sila pinapatulan. Lahat ng patutsada nila ay pumapasok lang sa kanan kong tainga at lumalabas sa kaliwa.
Tumawag din sa akin si Miss Rose para sabihin ang appointment ko kay Dra. Sy. Kahit papaano ay nakahinga ako ng maluwag. Sa wakas ay makakapagpa-check up na ako. Ang iniisip ko na lang ay kung paano ipapakilala kina Nanay si Damian. Wala pa akong balak sabihin sa kanila na buntis ako dahil ayaw ko namang mabigla sila masyado. Sana lang ay huwag sila makahalata. Sana din ay magustuhan nila si Damian.
Dumating ang araw ng Sabado at maaga akong gumayak. Hindi ko akalain na magiging excited ako para sa checkup. Naglinis din ako ng apartment para sa pagdating nila Nanay mamayang hapon. Maya-maya pa ay tumawag na sa akin ang driver ni Damian para ipaalam na nasa tapat na siya ng apartment ko.
“Hmp! Hindi na nag-abala ang Damian na ‘yon na samahan ako!” bulong ko habang naglalakad palabas. Alam ko na sa isang banda ay hindi pa siya kumbinsedo na sa kaniya nga ang baby. Kahit masakit para sa akin ay hindi ko na lang iyon pinagtuunan ng pansin. Hindi ko siya masisisi at mas lalong hindi ko siya dapat paghanapan. Okay na iyong maalagaan ng maayos ang baby. Pagkakita ko sa sasakyan ay agad akong pumasok doon at naupo sa back seat.
“What took you so long?”
Halos tumalon ang puso ko sa gulat pagkarinig sa boses ni Damian. Naroon siya at nakaupo na rin sa backseat. Base sa reaction niya ay alam ko nang naiinip na siya. Buong akala ko ay ako lang at ang driver ang magkasamang pupunta sa clinic ni Doctora Sy.
“S-Sasama ka?”
“Why? Do you want me to leave?” Lalong nagdilim ang mukha niya.
“Syempre hindi! A-Akala ko lang kasi ay busy ka.” Hindi na siya umimik. Wala kaming imikan buong byahe hanggang sa makarating kami sa clinic ni Doctora Sy.
“Mommy Elyse,” nakangiting bati sa akin ng Doctora nang pumasok kami sa clinic niya. “Mr. Rodriguez! Upo kayo.”
May kinuha siyang papel at binasa iyon, pagkatapos ay nagsimula na siyang magtanong sa akin mula sa mga symptoms ko pati na rin ang last period ko.
“Wala pang twelve weeks si baby, so transvaginal ultrasound ang gagawin natin Mommy, Daddy. Halika dito Mommy, higa ka dito.”
Napalunok ako. Transvaginal? Ano ‘yon? Nag-aalangan na tumayo ako.
“Pakitanggal na muna ang underwears mo at pakisuot itong gown.”
Huh? Bakit kailangang mag-alis ng underwear? Napatingin ako kay Damian na naroon din at nakaupo. Wala naman akong mabasang reaksyon buhat sa kaniya. Parang gusto kong magsisi na naririto pa siya dahil lalo akong naiilang. Kahit nag-aalangan ay sinunod ko ang sinabi ni Doctora. Nagtungo ako sa isang divider at nagpalit ng gown. Iniwasan kong tingnan si Damian nang makapagbihis na ako at pumwesto na sa kamang itinuro ni Doctora.
Napalunok ako pagkakita sa mga apparatus. May hawak na mahabang probe si doctora at hindi sinasadyang napatingin ako kay Damian na noon ay nakamasid din sa aking mukha.
“Doc. Will it be painful?” tanong niya kay Doctora.
“Ah! This might hurt a little. Pero relax lang mommy Elyse, mararamdaman mo lang siya pero hindi naman masakit na masakit. Maya-maya lang ay makikita mo na ang heartbeat ni baby,” bulong sa akin ni Doctora.
Napapikit ako nang maramdaman ko ang pagpasok ng probe sa akin. Maya-maya pa ay nagsalitang muli si Doctora.
“Ayan Mommy ang heartbeat ni baby,” nasisiyahang paalam niya.
Dumako ang tingin ko sa monitor. Kitang-kita doon ang heartbeat ng baby. Para lang iyong isang tuldok pero masasabi mong may buhay na siya. Hindi pa makikitang hugis na siya isang bata. Pinakatitigan ko iyon. Hindi ko maiwasang magtubig ang mga mata. Totoo nga na magiging ina na ako.
Hello baby. Alam mo bang ikaw ang dahilan kaya napapayag ako ng ama mo na magpakasal sa kaniya kahit alam kong isa iyong kabaliwan?
Sinulyapan ko si Damian na walang kakurap-kurap na nakatitig din sa monitor. Hindi ko mabasa nang mga oras na iyon kung ano ang iniisip niya. Tiningnan niya ako at nagtama ang aming mga mata. Alam kong gusto niyang magtanong kaya sinalubong ko ang tingin niya. I wanted to reassure him. Naputol lang ang titigan namin ng magsalita ulit si Doc at sabihing tapos na ang ultrasound.
“Eto ang mga vitamins mo. Dito naman nakasulat kung anong oras ang pag-take ng vitamins. Mukhang healthy naman si baby. Kailangan simula ngayon ay mag-ingat ka na. Iwas stress na rin. I’ll see you next month. Kung may maramdaman kang kakaibang symptoms, tawagan mo ako agad,” paalala sa akin ni Doctora Sy matapos ang checkup niya sa akin.
Napangiwi ako. Iwasan ang stress? Posible kaya iyon sa kasunduang pinasok ko? Sinulyapan ko ang ultrasound result kung saan naroon ang image ng baby namin ni Damian.
Huwag kang mag-alala baby. Magiging malakas ako para sayo.