CHAPTER XI: Thank You

2542 Words
“Nasa sentro na sila, Kuya Austere. Dala ni Ginoong Romaen ang kanyang hukbo. Kailangan n’yo nang makaalis dito ngayon din!” Natataranta na si Graeson kaya napatayo na ako sa aking upuan. Kailangan na naming kumilos kung ‘di baka maabutan kami ng Romaen Lumice na ‘yan na hindi ko naman kilala! Tang ‘na naman kasi nitong tunay na Austere ayaw pa rin akong kausapin! “Graeson, ihatid mo na sina Faith at Arima sa may labasan. Balikan mo ko rito para sa mga gamit natin.” Agad na napatango si Grae sa ‘kin. “Masusunod, Kuya Austere. Arima, tara na.” Hinawakan niya si Arima sa kamay at wala namang pag-aalinlangan na sumunod ang kapatid ko sa kanya. Saglit akong dumaan sa kusina para bigyan ng utos si Faith, naguguluhan siyang napatingin sa akin. “Ano’ng nangyari, Kuya?” Napasulyap ako kay Grae. “Sumama ka sa kanya. Hintayin n’yo kami roon sa labasan. Huwag na huwag kayong mag-iingay, naiintindihan n’yo?” Naguguluhan man sa takbo ng mga pangyayari ay napatango na lang sa ‘kin si Faith. Hindi na siya nag-atubiling iwan ang nakasalang at sumama kay Grae. Nang masiguro kong nakaalis na sila ay dali-dali akong umakyat sa taas para kunin ang aming mga gamit. Mabuti na lang talaga ay nagpumilit si Faith na mag-impake na kami kagabi. Kung ‘di kulang na ang oras namin sa pagtakas ngayon. Kinuha ko ang aking bag sunod ang kay Faith at saka ang bag ng mga libro na ibinigay sa ‘min nila Darcy. Ang manta ni Arima ay dala-dala niya na kaya ang bag na lang ni Grae ang pinulot ko. Apat na bag ang buhat ko nang maabutan ako ni Grae sa may hagdan. “Kuya Austere, ba’t dala n’yo rin ang kustal ko?” tanong niya sabay kuha ng dalawang bag sa ‘kin. “Isasama ka namin. Nangako ako sa Tiyong mo na dadalhin kita sa pupuntahan namin nila Faith,” paliwanag ko. “T-Talaga ho?” mangiyak-ngiyak niya akong tinitigan. Crap! Wala na kaming oras para magdramahan. Kailangan na naming makaalis dito! “Oo, kaya tara na.” Nauna na akong naglakad sa kanya palabas ng bahay. Laking gulat ko na lamang nang matanaw ko sa ibaba ang hukbo ng mandirigma na nakasuot ng itim na uniporme. Nagtatanong na sila sa mga magsasaka sa baba! Hinahanap nga nila kami! “Akala ko talaga mag-isa na akong maiiwan dito,” humihikbing wika ni Grae habang nakasunod sa ‘kin. Hindi ko na siya binigyang pansin dahil may mas mahalaga pa kaming dapat gawin ngayon—takas! Kailangan naming makatakas dito! “s**t!” Napamura ako sabay takbo papunta sa direksyon nila Faith. Mabuti na lang ay agad din akong sinundan ni Grae. Tang ‘na ang aga-aga! Ba’t kailangan mo akong parusahan ng ganito, Austere! “Isuot mo ‘to, Faith.” Nagmamadali kong ibinigay sa kanya ang bag niya sabay lingon kay Grae. “Damn it, Grae! Buksan mo na ‘tong pinto!” sigaw ko. “Ito na nga. Masaya lang naman akong isasama n’yo ako, ah,” naluluha niyang wika sabay kapa sa bakod na kahoy. Napatigil kami nang bigla na lamang naming marinig ang papalakas na ingay ng pagmartsa sa tapat ng bahay. Malapit na sila! Damn! Hindi ko na makontrol ang aking paghinga! “Grae! Ano na!” natataranta kong tanong. “Ito na.” Tumigil ang pagmartsa at narinig namin ang tatlong malalakas na pagkatok sa bahay. Sa bahay na tinutuluyan namin sila tumigil. “Tao po. Nandiyan ba ang anak ni Gardo Callisto? May nais lang sana kaming malaman.” Napalunok ako nang marinig ko ang isang malalim na boses. His voice is too deep. It’s scary. “Mukhang walang tao, Pinuno,” rinig kong wika ng isang lalaki. “Sirain n’yo ang pinto.” Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ko ang kanyang sinabi. Automatiko akong napalingon kay Grae at tinulungan na siyang kapain ang pader. Maya-maya pa ay narinig ko ang malakas na pagsipa sa pinto ng bahay saktong pagbukas ng sekretong pinto rito sa likuran. Dali-dali kaming nagsilabasan at agad din na isinara ang secret door. f**k! Muntik na akong atakihin sa puso! “Wala pong tao rito, Pinuno,” rinig kong wika ng isang lalaki mula sa kabila ng bakod. Sumenyas ako kina Grae na huwag na munang gumalaw, baka kapain ng mga naghahabol sa ‘min ang bakod kapag may marinig silang ingay mula rito sa likod. “Hindi kaya nagsinungaling sa inyo ang matandang mangangalakal na ‘yon, Pinuno?” Nagsalubong ang kilay ko nang may mabanggit silang tindero. Teka, huwag mong sabihin . . . “Shh, Baldomaro. Walang kasalanan dito si Hidalgo. Tama ang sinabi niya at sapat na rin ang nakuha nating impormasyon.” Mahinang tumawa ang lalaki bago nagpatuloy. “Naglalakbay nga ngayon ang mga anak ni Gardo Callisto.” Tumiim ang aking bagang nang marinig ko ang apelyido ni Austere. Ano ba ang kailangan sa ‘min ng lalaki ‘to? Ba’t niya ba kami hinahanap? “Paano n’yo ho nasabi, Pinuno?” naguguluhan na tanong ni Baldomaro. “Mainit pa ang nakasalang sa kalan. Halata na dali-dali itong iniwan. Mukhang nalaman nilang paparating tayo kaya agad din silang tumakas.” Crap, kami nga talaga ang pakay ng Romaen na ito. “Ipagpapatuloy natin ang ating paghahanap bukas. Dito na muna tayo manatili baka sakaling bumalik pa ang mga batang ‘yon dito.” F*ck off! Manigas kayo riyan! “Masusunod po, Pinuno.” Narinig namin na dahan-dahan na silang naglakad papalayo sa puwesto namin. Nang tuluyan nang tumahimik sa kabilang bahagi ng bakod ay naibuga ko na lamang ang hininga ko na hindi ko napansin na kanina ko pa pala pinipigilan. Hayop talaga ang, Hidalgo na ‘yon! Akala ko ba nag-aalala siya sa ‘min! Kaya pa lang bilhin ng pera ang pag-aalala niya. Mas masahol pa siya sa hayop! “K-Kuya, sino ‘yon? Ba’t niya kilala si Papa?” Napalingon ako kina Faith saka sila nginitian. Nakayakap siya kay Arima na nakabalot ng manta na gawa ni Geneve. Maraming salamat proteksyon ba ibinigay nila sa ‘min. Kahit wala na sila, patuloy pa rin nila kaming binabantayan. “Hindi ko rin alam kung ba’t kilala niya si Papa. Kailangan nating mag-ingat sa kanya,” tugon ko. Tuwid akong tumayo saka pinagpagan ang aking sarili. Malalim akong huminga bago nilapitan sina Faith at Arima. Inalalayan ko silang makatayo pagkatapos ay ikinulong sila sa aking yakap. Hindi ko alam kung ano’ng mangyayari sa ‘kin kung pati rito ay iiwan nila ako. “I promise, I’ll protect you both. Kahit ikamatay ko pa,” bulong ko. “Ano pong sabi n’yo, Kuya? Hindi ka po namin maintindihan?” tanong ni Faith habang nakakulong pa rin sa yakap ko. Napangiti ako bago ko sila pinakawalan. “Mahal na mahal ko kayo,” wika ko. Napanguso si Faith. “Ba’t parang kulang, Kuya?” reklamo niya. “Basta ‘yon na ‘yon. Tara na. Kailangan na nating umalis dito,” nakangiti kong wika at nauna nang naglakad. Hangga’t maaari gusto kong iparamdam sa kanila ang pagmamahal ko verbal man o physical. Walang kasiguraduhan ang buhay ko rito sa Argon. Maaaring bukas ay mamatay na ako. O hindi naman ay magpalit na kami ng katawan ng totoong Austere. Kaya habang nandito ako, ipaparamdam ko ang pagmamahal ko bilang imperpektong panganay. Tulad ng payo ni Darcy, ang Red River ang ginawa kong palatandaan habang naglalakad kami. Kapag hindi ko na naririnig ang agos ng tubig ay nag-a-adjust agad kami para bumalik sa direksyon ng ilog. Mas naging madali na rin ang paglalakbay namin ngayon dahil sa compass ni Grae. Alam ko kung ano’ng oras na sa pamamagitan ng posisyon ng araw. Pero hindi ko alam kung ano ang posisyon namin kaya malaking tulong talaga ang compass. “Maraming salamat nga pala,” biglang wika ni Grae habang naglalakad kami papuntang hilaga. “Salamat din,” tugon ko. Nasa unahan namin sina Faith at Arima, magkahawak-kamay na naglalakad habang nagmamasid sa kagubatan. “Sa totoo lang, alam ko nang darating ang araw na mag-iisa ulit ako, tanggap ko ‘yon. Pero ang kinakatakutan ko ay baka wala na akong makasama kapag iniwan na ako ng mga taong pinili akong samahan.” Napalingon ako kay Grae. “Ah, alam mo pa lang ayaw sa ‘yo ng mga taga-Leal?” tanong ko. Napatango siya. “Noon pa. May sapat naman silang dahilan para magalit sa ‘kin. Pagkatapos ba naman akong iiwan ng ama ko sa ampunan nagnakaw pa talaga siya at pumatay. Nakatakas siya kaya sa ‘kin binabato ng mga taga-Leal ang kasalanan niya,” kuwento ni Grae. Napatango na lang ako. Ang gago naman ng magulang niya pero nakakabilib siya, ah. Nagagawa niya pa rin na ngumiti at umaktong masaya sa harapan ng ibang tao kahit nasasaktan na siya. May pagkakatulad nga kami. Ang pinagkaiba lang ay hindi naman ako masyadong duwag katulad niya. “Nangako ako kay Tiyong Darcy mo,” wika ko. “Marami na ang nangako kay Tiyong Darcy nababantayan ako. Tulad ‘nung tatlong tinali natin sa puno, nangako rin sa kanya ang mga ‘yon. Pero ikaw pa lang ang pinanindigan ang kanyang sinabi kay Tiyong.” Napangiti si Grae sa ‘kin. “Ibahin mo ako sa kanila. Pero hindi ko maipapangako ang kaligtasan mo kaya kailangan mong tulungan ang sarili mo. Sa lahat ng bagay ay uunahin ko ang mga kapatid ko. Mahalaga sila sa ‘kin, Grae.” Napatingin ako sa direksyon nila Faith. “Naiintindihan ko. Susubukan kong maging matapang para sa ‘yo at sa, ehem, kapatid mo—este sa mga kapatid mo.” Matalim ko siyang nilingon. “Hindi ibig sabihin na malapit ako sa Tiyong mo ay malapit na rin ako sa ‘yo. Magkaiba kayo, naiintindihan mo?” pagbabanta ko. May pag-aalinlangan niya akong nginitian. “Naiintindihan ko po. Siya nga pala, ano’ng laman ng libro na ibinigay ko sa ‘yo kanina. Ayon sa bata na nagbigay ‘nun sa ‘kin sa bayan ay isinulat daw ito ni Tiyong habang nandoon sila sa Cerda.” Napatigil ako sa paglalakad dahil sa sinabi ni Grae. Tama! ‘Yong libro nga pala. Kailangan kong makita ang laman nito. “Faith, Arima, magpahinga na muna tayo rito,” wika ko. Napalingon sila sa ‘min saka kami nilapitan ni Grae. Napagdesisyunan naming pumuwesto malapit sa pangpang ng ilog. Kailangan naming manatili malapit sa ilog, that’s the rule. Habang busy sa pagkain sila Faith, naisipan kong tingnan ang libro na ibinigay ni Grae kanina. Iba ang cover nito sa mga libro na natanggap ko tungkol sa paggamit ng espada. Nang buksan ko ang libro, bumungad sa ‘kin ang malinis na sulat-kamay ni Darcy. Hindi ito libro kung ‘di journal niya. Nakatala rito ang mga importanteng bagay tungkol sa paglalakbay nila papunta sa Nayon ng mga Patay. Sampung pahina lang ang may sulat sa libro at ang huling pahina ay para sa ‘kin. Para sa kaibigan kong si Austere, Nang una kitang makita sa loob ng bahay ko, alam kong hindi ka lang basta binata na naghahanap ng matutuluyan. Nag-uumapaw sa saya ang puso ko nang malaman kong kaibigan ka ng anak kong si Grae. Dagdag pa, hindi ko mapigilan na purihin ang guwapo at maganda mong mga kapatid. Sa totoo lang ay pamilyar sa akin ang kulay ng ‘yong mga mata. Kung inaakala mong magkaedad lang tayo dahil sa bata kong itsura ay nagkakamali ka. Kuwarenta anyos na kami ng asawa ko at sa loob ng nagdaang taon ay naging masaya talaga kami. Nang matandaan kong galing ka sa Nayon ng Gama, huli na dahil nandito na ako sa Nayon ng mga Patay. Pero sana sa pamamagitan ng sulat na ito ay maipakilala ko ang aking sarili bilang malapit na kaibigan ng iyong ama—si Gardo Callisto, ang kilalang mandirigma ng Gama. Magaling humawak ng espada ang iyong ama kaya nawa’y makatulong ang aking mga libro sa ‘yong pagsasanay. Huwag mo itong papabayaan, ha? Minana ko pa ang mga aklat na ‘yan kay Nanay Cora. Kaya mahalaga ang mga ‘yan sa ‘kin. Nais ko lang sana na sabihin sa ‘yo na salamat dahil alam kong sa mga oras na ito ay kasama mo si Grae. Marami na ang nangako sa ‘kin noon pero sa ‘yo lang napanatag ang puso ko. Sana ay hayaan mo si Grae na magmayabang sa kapatid mong si Faith. Malinis ang intensyon niya sa dalaga at umamin na rin siya sa ‘kin tungkol sa nararamdaman niya para sa kapatid mo. Wala pang nagugustuhan si Grae simula nang malaman niyang iniwan siya ng kanyang ina, Austere. Labis-labis ang aking kasiyahan sa dinala mong magandang pagbabago sa tahanan namin. Oras lang nating nakasama ang isa’t isa. Nang marinig ko ang kagustuhan mong makatawid sa Great Wall ay nabuhayan kami ng loob ni Geneve. Sa maikling oras na nakasama ka namin ay nabigyan mo kami ng pag-asa na magpatuloy. Napapagod na ang lahat dito sa Argon, Austere. Nawawalan na kami ng pag-asa dahil araw-araw ay mas dumarami ang biktima ng hindi maipaliwanag na mga halimaw na ito. Narito ang libro na isinulat ko para sa iyong paglalakbay. Napansin kong mahina ka pagdating sa mga direksyon kaya malaki ang maitutulong nito. Sa huli, gusto kong sabihin na hindi kabaliwan ang pangarap mong makatakas sa lugar na ito. Alam kong mararating mo ang iyong paroroonan kaya hindi na ako nagdalawang-isip pa na ipaubaya si Grae sa ‘yo. Maraming salamat sa maikling panahon na nakausap kita. Ang totoo ay isa rin ako sa nawawalan na ng pag-asa pero binuhay mo ang puso ko. Alam kong mamatay kami rito. Pero hindi ito magiging sayang dahil alam naming may magpapatuloy sa paghahanap namin ng kalayaan. Mag-iingat ka sa iyong paglalakbay, magiting na pinuno ng Gama. Maraming salamat at nakilala kita. Blanko ang natitirang pahina ng libro na ito dahil ikaw ang hinihintay nila. Babasahin ko na lang ang ‘yong idinagdag sa muli nating pagkikita. Darcy Huerta Tuloy-tuloy na ang pag-agos ng mga luha ko habang nakatingin ako sa pangalan ni Darcy. Hanggang sa ang tahimik kong paghikbi ay nauwi na sa paghagulhol. “K-Kuya, ayos ka lang?” nag-aalala na tanong ni Faith sa ‘kin. Napayakap ako sa journal ni Darcy at mas lalo pang napahagulhol. “Kuya . . .” sambit ni Arima saka ako niyakap. Sa totoo lang, hindi ko kinaya ang mga natanggap kong salita mula kay Darcy. Ang sakit sa puso but at the same time ay napupuno nito ang pagkatao ko. Simula nang mawala sila Mama, simula nang iwan ako ni Kate, pakiramdam ko ay napakawalang kuwenta kong tao. Pero ngayon, pagkatapos kong mabasa ang liham mula sa taong isang beses ko lang nakatagpo, masaya akong nabubuhay ako ngayon. Lubos akong nagpapasalamat sa Dios dahil ang akala kong buhay na patapon ay pumukaw kahit paano sa nawalan na ng pag-asang mga puso. Masaya akong naging bahagi ako ng buhay mo, Darcy. Ipinapangako kong mabubuhay ako at hahanapin ko ang kalayaan na pinapangarap natin para sa ating mga minamahal.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD