“Gusto mo rin na marating ang Great Wall?”
Napailing si Darcy sa ‘kin sabay tingin sa mga kabahayan na nasa ibaba ng burol. Hindi ba sabi niyang pareho ang pangarap namin? Hindi ko siya maintindihan.
“Hindi ‘yan ang nakatakdang mangyari sa ‘kin, Austere. Ang papel ko bilang Darcy Huerta ay ang magbigay-daan para makamit ang kalayaan,” matalinghaga niyang wika.
“P’wede ko bang malaman kung ano ang ibig n’yong sabihin?” Napangiti siya sabay inom sa kanyang tasa. Ilang segundo muna siyang natahimik bago nagsalita ulit.
“Simula nang imulat ko ang aking mga mata ay may mga Grosque na rito sa Argon. Namulat akong may halimaw na dapat kong takasan para mabuhay hanggang sa namatay ang Nanay ko. Isa siyang Gerero habang si Tatay Tasyo naman ay manggagamot. Nakaligtas si Tatay pero araw-araw siyang nagdurusa sa alaala ni Nanay Cora.”
Natahimik ako dahil sa aking nalaman. Si Tatay Tasyo at ako ay walang pinagkaiba. Nang iwan ako ng pamilya ko, nang mawala sa ‘kin ang nag-iisang tao na tumutulak sa akin para mabuhay, pakiramdam ko ay araw-araw akong pinaparusahan.
Ipinagpatuloy ni Darcy ang kanyang pagkukuwento at tahimik naman akong nakikinig.
“Gusto ni Nanay Cora na makamit ang kalayaan. Gusto niyang makahanap ng lugar na malaya ang lahat sa mga Grosque. Kapalit ng kalayaan na gusto niyang makamit ay ang buhay niya. Pero naging daan ang kanilang sakripisyo para sa bagong pagkakataon. Kami ang nagpatuloy sa sinimulan ng mga nauna sa ‘min. Ngayon ay nakahanap na kami ng bagong ruta na magkokonekta sa dalawang mapa.” Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ko ang sinabi ni Darcy.
“A-Alam mo ang tungkol sa dalawang mapa? Ang Mapa ng Argon at ang Mapa ng Payaso?” hindi makapaniwala kong tanong. Crap! Hindi ko inaasahan ito!
“Oo. Maraming nayon ang hindi naniniwala sa isang mapa dahil hindi raw ito totoo. Gawa-gawa lamang daw ito ng mga baliw pero ang Leal ay iba sa kanila.”
Naisuklay ko ang aking mga daliri dala ng labis na kasiyahan. f**k. Akala ko talaga wala na akong patutunguhan. Sinunod ko ang sinabi ni Austere nang walang pag-aalinlangan pero hindi ko maitatanggi na naguguluhan din ako. Pero heto si Darcy ngayon, ang patunay na baliw nga ako. Baliw na baliw sa kagustuhan na mailagay sa ligtas na lugar ang mga kapatid ko.
“Ano ang balak ng Leal?” tanong ko. Pakiramdam ko ay hindi ako makakatulog kung hindi masasagot ang lahat ng tanong na bumabagabag sa ‘kin.
“Sa ngayon, ang koneksyon ng dalawang mapa pa lang ang nalutas namin. Hindi pa namin alam kung paano makatawid sa kabila. Pero bukas mahahanap na rin namin ang sagot sa aming katanungan.” Nakahinga ako nang maluwag dahil sa aking narinig.
“Saan kayo pupunta bukas?” usisa ko. Napakamot si Darcy sa kanyang batok saka mahinang natawa.
“Alam mong hindi namin p’wedeng ilabas ang impormasyong ito. Pero sasabihin ko ito sa ‘yo dahil may nararamdaman akong kakaiba sa ‘yo, Austere.” Napangiti ako kay Darcy. Nagtitiwala siya sa ‘kin. Damn, ang sarap sa pakiramdam na pagkatiwalaan ng isang magiting na mandirigma.
“Mula rito sa Leal, maglalakbay kami putungo sa Cerda. Babaybayin namin ang Tabi upang makarating doon. Ito ang tandaan mo, Austere. Ang Tabi ang pinakamabisang palatandaan dito sa Argon. Huwag mong kakalimutan ‘yan.”
Napatango ako kay Darcy. He’s talking about the Red River. Tama, napansin ko rin talaga na mula sa Gui hanggang sa marating namin ang nayon na ito ay may naririnig kaming agos ng tubig. Ang tunog ng tubig ay isa ring palatandaan ko.
“May mga lugar pa rin dito sa Argon na hindi pa napupuntahan ng tao. May nakapunta na siguro pero hindi na nakabalik. Kaya mas mabuti nang maging maingat,” dagdag pa niya.
“Tatandaan ko ang ‘yong sinabi. Maraming salamat,” wika ko. Napangiti si Darcy sa ‘kin.
“Magaling. Ngayon mula sa Nayon ng Cerda, papuntang Kanluran, ay makikita n’yo ang isang batis. Konektado pa rin ito sa Tabi. Pero mas madali itong madadaanan dahil hindi malakas ang agos ng tubig dito. Ang Tabi ang patunay na walang katotohanan ang karagatan na nakalagay sa Mapa ng Argon, Austere. Base sa aming nadiskobre, ang Tabi lang ang pumapagitna sa dalawang mapa.”
Shit! Bale hindi lahat ng nakaguhit sa Mapa ng Argon ay totoo? Ano ang naisip ng gumawa nito para linlangin ang mga tao? Para ilayo ang lahat sa kapahamakan? Ah, pabilis nang pabilis ang t***k ng puso ko sa bawat impormasyon na aking nalalaman.
Parang kanina lang ay gusto nang sumabog ng utak ko dahil hindi ko maintindihan ang mapa. Tapos ngayon ay ipinapaliwanag ito sa ‘kin ni Darcy nang detalyado!
I can’t believe I’m saying this. Pero nakatadhana nga sigurong magkrus ang landas namin ni Graeson. Nakatadhana nga sigurong makilala namin sina Darcy at Geneve. May plano ang Dios. Sa pagkakataong ito ay umaayon na sa ‘kin ang tadhana.
“Ano’ng mayro’n sa kabilang bahagi ng batis?” Kumakalabog ang puso ko habang hinihintay ko ang tugon ni Darcy. He took a deep breath before answering.
“Ang Nayon ng mga Patay.” Crap. Totoo nga. Nasa Mapa ng Payaso ang Nayon ng mga Patay! Konektado nga ang dalawang mapa. In your face, Manong Hidalgo!
Hindi ko na napigilan ang excitement ko. Malapad akong napangiti sabay hilamos ng aking mga palad. Napakalapit na lang ng Great Wall. Walang hiya! Kaunti na lang ay mararating na namin ito. Ngayong alam na namin kung saan banda konektado ang dalawang mapa, ang sa ‘min na lang ay ang pagtawid.
“Dapat nga lang itong ipagdiwang. Ilang henerasyon na ang nagdaan at ngayon lang ito nadiskobre,” nakangiting wika ni Darcy. Napaangat ang tingin ko sa kanya, suot pa rin ang aking malapad na ngiti.
“Ano’ng mayro’n pagkalagpas sa Nayon ng mga Patay?” masigla kong tanong.
Natahimik si Darcy saka pilit na napangiti. Dahan-dahang nabura ang ngiti sa aking labi dahil sa naging reaksyon niya. Isa lang ang ibig sabihin nito.
“Wala pang nakalabas ng buhay sa Nayon ng mga Patay, Austere.” Tama nga ako. Malalim na napabuntonghininga si Darcy.
“Hindi kami sigurado kung nakatawid ba sila sa kabila o isa na rin sila sa mga taong naging biktima ng halimaw na naninirahan doon.” Napalunok ako nang marinig ko ang kanyang sinabi. Biglang nanghina ang aking katawan dahil sa aking nalaman.
“M-May nakatira roon na Grosque?” Tumatambol ang aking puso habang nakatingin ako sa seryosong mukha ni Darcy.
“Oo, pero ni isang beses ay hindi ko pa ito nakita. Hindi ko alam kung gaano ito kalaki o ano ang itsura nito. Bukas siguro ay magkakaharap na kami,” pabiro niyang sabi. Pero para sa ‘kin ay may mas malalim pa itong kahulugan.
“Aalis talaga kayo?” malungkot kong tanong.
“Oo, kaya gusto ko sanang humingi ng pabor sa ‘yo. Tutal pareho naman tayong baliw na nangangarap, sana mapagbigyan mo ako.” Sandali akong natahimik saka ko tinanguan si Darcy.
“Sige, ano ‘yon?”
“Isang linggo. Kung sa loob ng isang linggo ay hindi pa rin kami nakabalik, isama mo si Grae sa inyo.” Malungkot siyang napangiti.
Pakiramdam ko ay nilamukos ang puso ko dahil sa kanyang sinabi. Ito na nga ba ang ayaw kong marinig. Alam kong tao lang din si Darcy. At lahat ng tao ay hindi nahuhulaan ang mga susunod na mangyayari sa kanilang mga buhay.
Nakakalungkot lang dahil maging siya ay sigurado nang maaaring hindi na siya makabalik. Isa nga siyang magiting na mandirigma. Isang gererong may puso.
“Mahal na mahal mo nga talaga ang anak mo,” wika ko. Mahina siyang natawa.
“Oo, mahal na mahal. Kahit hindi sa ‘kin si Grae, anak na ang turing ko sa kanya. Hindi kami makabuo ni Geneve. Pero hindi naman ito naging hadlang para mahalin pa namin lalo ang isa’t isa. Walang kulang sa ‘min, Austere. Mas dinagdagan pa ni Grae ang pagmamahalan namin,” tugon niya.
Kaya pala nakapagtataka na si Graeson lang ang may kulay-abong mga mata. Pero kung hindi sila ang mga magulang ni Grae, sino ang tunay nitong ama’t ina?
Nahalata siguro ni Darcy na naguguluhan ako sa mga sinabi niya kaya ipinagpatuloy niya pa ang kanyang pagkukuwento.
“Iniwan si Graeson sa bahay-ampunan noong sanggol pa siya. Nasa edad sampu siya nang dalhin siya ni Tatay rito sa bahay. Nakuha niya ang atensyon ng tatay ko dahil sa kulay-abo niyang mga mata at masayahin niyang mukha.” I snort at Darcy.
“Mayabang pero duwag naman,” wika ko.
“Ganyan talaga siya. Paraan niya siguro ito para iahon ang kanyang sarili,” napangiti si Darcy sa ‘kin.
Pinagsisihan ko tuloy ng kaunti ang sinabi ko. Napagtanto ko kasing may magkakapareho rin pala kami ni Grae. Madalas akong nakangiti sa labas kapag kaharap ko ang maraming tao. Ayaw ko kasing makita nilang mahina ako. Ito ang defense mechanism ko para hindi ako kaawaan. Ang magmamayabang siguro ni Grae ay defense mechanism din niya.
Ngayon ay naiintindihan ko na kahit papaano si Graeson. Nakikilala ko na kung anong klase tao siya pero hindi pa rin ako boto sa kanya para kay Faith. Saka na kapag kaya niya nang ipakita sa ‘kin na karapat-dapat siya para sa kapatid ko.
“Ayos ba? P’wede mo na ba siyang isama sa paglalakbay n’yo?” pakiusap ni Darcy.
“Ba’t parang sigurado kang hindi ka na makakabalik?” tanong ko. Napasandal siya sabay tingala sa kalangitan.
“May mga laban talagang alam mong maaaring hindi ka na makauwi, Austere. Tanggap na namin ito ni Geneve. Upang makamit ang kalayaan may mga taong ipinadala para ilaan ang kanilang buhay at sa tingin ko ay ito ang misyon namin. Pero ikaw,” napalingon siya sa ‘kin, “nararamdaman kong malayo pa ang mararating mo. Kaya sana kahit si Graeson na lang ang itawid mo sa impyernong ito.” I can sense the eagerness in Darcy’s eyes. Sa mga oras na ito ay nakakatiyak akong hindi na ako makakatanggi sa kanya.
“Hindi kita bibigyan ng sagot dahil parang sinabi ko na rin na—alam mo na. Pero mananatili akong totoo sa usapan natin, susubukan ko ang makakaya ko para ihatid ang anak mo sa lugar na nais nating marating.” Kapwa kami napangiti sa isa’t isa.
Ang buong akala ko ay makakayanan kong itawid ang sarili ko sa lugar na ito nang mag-isa, na si Austere lang ang inaasahan. Hindi pala. Sa takot kong magtiwala muli, nakakalimutan kong may mga tao pa rin pa lang totoo at may mabuting hangarin. Para kay Darcy, para sa katulad kong naghahanap ng pahinga sa lugar na ito, gagawin ko ang makakaya ko.
Pagkatapos naming mag-usap ay nagtungo na kami sa aming kanya-kanyang silid. Pahiga na sana ako nang makaramdam ako ng pagkauhaw kaya naisipan kong magtungo sa kusina.
Pagdating ko sa kusina ay natutop ko ang aking bibig nang maaninag ko mula sa kabilang bahay sina Darcy at Geneve. Magkatabi lang naman kasi ang dalawang bahay. At ang kaharap ng kusina nitong bahay na tinutuluyan namin ay sala na nila Darcy.
Napalunok ako saka dahan-dahan na kumuha ng tubig. Nauuhaw na nga kasi ako!
“D-Darcy . . . D-Dahan-dahan lang, haah,” rinig kong ungol ni Geneve. Walang hiya! Mabuti na lang talaga nakapatay ang mga lampara!
“Mahal ko. Mahal kong Geneve . . .” Ah! My ears! Kailangan ko nang makaalis dito!
“D-Darcy, kung ito man ang huli nating pag-iisa. Gusto kong sabihin sa ‘yo na ikaw lang ang lalaking minahal, mamahalin at gusto kong mahalin sa susunod kong buhay.” Biglang sumikip ang aking dibdib nang marinig ko ang sinabi ni Geneve.
“Mahal, ako rin. Ikaw lang ang babaeng gusto kong mahalin. Mahal na mahal kita, Geneve.”
Malungkot akong napangiti pagkatapos kong marinig ang naging tugon ni Darcy sa kanyang asawa. Maingat akong umakyat papunta sa second floor at saglit na sumilip sa kuwarto nila Faith.
Nakabukas ang lampara sa silid nila kaya nakikita ko ang payapa nilang mga mukha. Kung sakali mang dumating ang araw na magpapaalam ako sa kanila, sana nagawa ko na ang lahat ng aking mga kakaya para sa ikabubuti nila ni Arima.
Hindi ko pa tuluyang mabitawan ang konsensya ko dahil sa trahedyang sinapit ni Kate noon. Sana kahit paano ay makalaya ako sa aking nakaraan sa pamamagitan ng pagtulong ko kina Faith. Sana magawa ko siyang iligtas sa mundong ito.
PAGKAGISING ko ay wala na sina Darcy at Geneve. Madaling araw pa raw silang umalis sabi ni Graeson kaya kaming apat na lang ang nandito sa bahay.
“Nakapagpaalam ka ba ng maayos sa kanila?” tanong ko kay Grae habang nag-aagahan kami.
Si Grae ang naghanda ng agahan kaya wala nang ginawa si Faith kundi ang maupo at kumain. I didn’t know that this guy could cook.
“Opo. Sa bawat pag-alis nila ay pinipilit ko talaga ang sarili kong bumangon para ipaghanda sila ng makakain. Alam ko namang babalik pa sila. Pero ba’t ngayon pakiramdam ko ay tuluyan na talaga silang nagpaalam.”
Tahimik lang akong nakatingin kay Grae habang tuloy-tuloy na ang pag-agos ng kanyang mga luha. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Mabuti na lang ay kasama ko sina Faith at Arima. Napatayo sila sa kanilang upuan at binigyan ng mahigpit na yakap si Grae. I don’t know how to comfort someone. Kaya ang magagawa ko lang ngayon ay panindigan ang pangako ko kay Darcy.
Isang linggo. Sa loob ng isang linggo ay wala akong ibang ginawa kundi ang maghintay at magsanay gamit ang mga libro ni Darcy. Inatasan raw si Grae na ibigay ang mga ito sa ‘kin. Sayang lang daw at wala siya rito para turuan ako.
I honestly cried after receiving Darcy’s books. Palihim akong umiyak sa loob ng aking silid at kinaumagahan ay buong araw akong nagsanay.
Si Faith din ay nakatanggap ng libro mula kay Geneve. Ayon kay Grae, ito raw ang pinakamamahal na libro ng Tiyang niya. Kaya nagulat siya nang sabihin nito na ibigay ito kay Faith. Malaki raw ang maitutulong nito sa aming paglalakbay. Ang iniwan naman nila para kay Arima ay manta. Isang blanket na si Geneve mismo ang gumawa.
Alam kong dito pa lang ay napansin na ni Grae ang pamamaalam ng tumatayong magulang niya. Kaya nang dumating ang nakakalungkot na balita sa amin ay hindi na siya naiyak. Tahimik niya lang na tinanggap ang tsapa nina Darcy at Geneve pagkatapos ay nagpasalamat.
Hindi na nga sila nakabalik. Alam na nga talaga ni Darcy ang mangyayari.
Sana. Sana ay magawa kong tuparin ang ipinangako ko sa kanya. Sana ay magawa kong maitawid si Grae sa Great Wall.
“Kulang ng isang halamang gamot, Grae,” wika ni Faith habang hinahalo ang nakasalang sa lutuan.
Sa loob ng isang linggo ay ang laki ng naging improvement niya sa paggawa ng mga gamot sa tulong ni Grae. Ako naman ay may major development din. Mas naging magaan na ang espada ko pagkatapos ng araw-araw kong pagsasanay sa tulong din ni Grae.
Alam na alam niya ang gagawin. Siguro dahil nasanay siya kina Darcy. May malaki naman pa lang dahilan para magmayabang ang lokong ‘to.
“Teka, pupunta ako sa sentro! Hintayin n’yo ako rito!” sigaw niya.
Tatlong araw na ang nagdaan pagkatapos naming mag-alay ng panalangin para sa yumao niyang mga magulang. Hindi na mahanap ang katawan nina Darcy at Geneve kaya ang kanilang tsapa ang naging koneksyon namin sa kanila. Bukas naming balak na ipagpatuloy ang aming paglalakbay. Pero lingid sa kaalaman ni Grae ay isasama namin siya.
Nakaupo lang ako rito ngayon sa sala habang nagbabasa kasama si Arima. Si Faith naman ay patuloy pa rin sa paghahalo habang hinihintay si Grae. Ilang sandali pa ay nakabalik din ang hinihintay namin. Napakunot ang aking noo nang mapansin kong tagaktak ang kanyang pawis.
“Oh? Ba’t hinihingal ka?” tanong ko. Napahawak si Grae sa kanyang dibdib, dito ko na napansin na may hawak siyang lumang libro.
“I-Ipinabibigay sa ‘yo ng―haa―ng b-batang inutusan ni Tiyong Darcy,” habol-hininga niyang sabi sabay hagis sa ‘kin ng hawak niya. Agad ko rin naman itong sinalo at ibinalik din ang aking atensyon sa kanya.
“Hindi mo naman kailangan na tumakbo,” wika ko. Tuwid siyang napatayo saka nag-aalala kaming tiningnan.
“Kailangan n’yo nang makaalis ngayon,” wika niya. Napakunot ang aking noo.
“Bakit? Bukas pa namin planong ipagpatulo—”
“Hindi p’wede! Kailangan n’yo nang umalis, Kuya Austere. Hinahanap kayo ni Ginoong Romaen Lumice, sa tingin ko ay balak niya kayong patayin!”
Ha! Sino si Romaen Lumice! Lintik ka, Austere! Ba’t ba hindi ka pa nagpaparamdam hanggang ngayon! Hindi ko alam ang tungkol sa buhay mo rito. f**k!