“Tang ‘na.”
Matalim kong nilingon si Graeson pagkatapos kong suriin ang bakod na yare sa matibay na kahoy na nasa harapan ko. Sinabi niyang tutulungan niya kaming makahanap ng ligtas na matutuluyan. Pero heto kami sa labas ng mataas na bakod na ‘to, malapit nang abutan ng dilim.
Hindi nga kami nahirapan na magpunta rito sa Nayon ng Leal. Ang problema nga lang ay hindi kami makakapasok sa entrance dahil sa mahigpit na security nila. Mukhang aware na si Graeson dito kaya diretso na rito sa likuran ang paggiya niya sa ‘min. Pero saan kami dadaan!
“Saglit lang naman,” wika niya saka naglakad papalapit sa bakod.
Marahan niya itong kinapa hanggang sa may narinig akong click sound at tumambad sa ‘min ang isang pinto. Naguguluhan akong napalingon sa kanya.
“Ba’t may ganito rito? Alam ba ‘to ng pinuno n’yo?” usisa ko.
“Sekreto ko ‘to. Dito ako madalas dumaan kapag gusto kong magliwaliw,” napakamot siya sa kanyang batok, “hindi naman kasi sa lahat ng araw masaya sa loob.”
Bigla kong naalala ang narinig kong usapan ng mga kasamahan niya kanina. Mukhang aware nga siyang may mga taong ayaw sa kanya. Pero ano ba ang nagawa niya para ipagtabuyan siya ng mga tagarito?
May napatay ba siya? May ginahasa? Ano kaya ang nagawa ng lalaking ito to the point na magagawa ng isang nayon na iligaw siya para lang hindi na makabalik?
Gusto kong malaman kung ano ang nagawa ni Graeson para na rin sa ikabubuti ko at nila Faith. Mahirap na baka nagpapanggap lang siya ngayon. Kailangan kong maging maingat.
“Sigurado ka bang walang mangyayaring masama sa ‘min pagkapasok namin sa pinto na ‘yan?” seryoso kong tanong sabay sulyap sa papalubog na araw. Kaunti na lang ang oras bago tuluyan na sakupin ng kadiliman ang buong kagubatan.
“Oo naman! Pinapangako ko po, ligtas kayo rito,” tugon ni Grae.
Napalingon ako kina Faith, bakas sa mukha nila na hinihintay lang nila ang magiging desisyon ko. Sa totoo lang, nakakatakot magtiwala pero sa mga oras na ito ay wala na kaming choice. Kukulangin na kami sa oras kapag umatras pa kami ngayon.
Hinarap ko muli si Graeson sabay bunot ng aking espada. Napaigtad siya at agad niyang itinaas ang mga kamay sa ere habang takot na takot akong tinitigan sa mata. Itinutok ko sa leeg niya ang hawak kong sandata at walang emosyong nagsalita.
“Makinig ka, Graeson Huerta. Kapag may nangyaring masama sa mga kapatid ko, hindi ako magdadalawang-isip na sunugin ka ng buhay.” Ilang beses siyang napakurap dahil sa aking sinabi saka dahan-dahan na napatango.
“P-Pangako. Hangad ko rin ang kaligtasan ng pamilya mo.” Nakaramdam ako ng kapanatagan nang marinig ko ang kanyang naging tugon.
Ibinalik ko na ang aking espeda sa lagayan nito sabay lingon kina Faith. Tuluyan nang lumubog ang araw at sinakop na nang kadiliman ang buong paligid. Malamig na rin ang ihip ng hangin. Kailangan na naming pumasok sa loob.
“Mauna na kayo, Faith,” utos ko.
Tumalima si Faith habang hawak ang kamay ni Arima. Muli akong sumulyap sa direksyon ni Graeson, nakangiti siya habang palihim na pinagmamasdan ang kapatid ko. Nang mapansin niyang nakatitig ako sa kanya ay peke siyang napaubo sabay iwas ng tingin. Ayusin niya lang talaga.
Nang makapasok kami ay agad din na ni-lock ni Grae ang sekreto niyang pinto. Napabuga na lang ako ng hangin bago ako napalingon sa aking likuran.
Ang seryoso kong mukha ay agad na napalitan ng pagkamangha nang tumambad sa akin ang malawak na kapatagan. Sagana ito sa tanim at mga bulaklak na siyang bihirang makita sa lungsod na aking nakasanayan. Grabe, ang ganda rito.
Nasa itaas kami ng maliit na bulu-bundukin habang nasa baba namin ang malawak na palayan at ilang kabahayan. Sa unahan naman ng mga bahay ay ang daanan na papunta yata sa sentro ng nayon.
Napakaganda! Para akong nilagay sa isang laro na hindi lang basta-basta ang graphics. Para rin akong nasa loob ng isang magandang anime. Isang magandang pelikula. Isang magandang panaginip.
“Wow!” bulalas ni Faith habang nakatingin sa tanawin na nasa kanyang harapan.
Yeah, wow talaga. Ano pa ba ang inaasahan ko sa isang Fantasy world? Siyempre may magaganda ring mga lugar hindi lang puro kaguluhan.
Ah, sa television at internet ko lang ‘to nakikita no’n, eh. Madalas ay ganitong mga lugar ang pinupuntahan ko sa mga online games na siyang nagliligtas sa ‘kin sa reyalidad. Pero ngayon, nandito ako kasama si Faith. Ito na nga ang reyalidad ko.
“Maligayang pagdating sa Nayon ng Leal!” masiglang wika ni Grae habang nakatayo siya sa kanan ko.
Masuri kong pinagmasdan ang paligid at dito ko na napansin na dalawang bahay lang ang narito sa puwesto namin. Maliban sa barn at mga bahay ng hayop, may dalawang bahay lamang dito na angkop na tirhan ng tao. Ibig sabihin ba ay sila lang ang dwellers sa dakong ‘to?
May ilang bahay naman sa baba ng palayan, bahay siguro ng mga magsasaka, pero malayo ang mga ito sa bahay na nandito sa parte namin. Isolated masyado ang dalawang bahay na nandito na para bang sinadya nilang lumayo sa komunidad.
“Tara na,” aya ni Grae sa ‘min saka nauna nang naglakad patungo sa pinakamalapit na bahay.
Medieval pa rin naman ang disenyo nito pero mas kaaya-aya nang tingnan kaysa sa mga kabahayan sa nayon ko at sa Gui.
Pagdating namin sa tapat ng pinto ay hindi na kumatok si Graeson. Diretso niya lang itong binuksan saka kami pinatuloy. Nauna akong pumasok at sumunod naman sa ‘kin sina Faith at Arima.
Nang makita ko ang interior ng bahay nila Grae, hindi ko naiwasan na purihin ang simple nitong disenyo. Malinis din ito at maayos na nakalagay ang mga gamit sa sala. Siya ba ang nag-ayos nito?
Sa pagkakatanda ko, namatay na ang Tatay Tasyo niya. Kaya maaaring siya nga lang ang naglilinis dito o hindi naman kaya ay may asawa na siya? Kung gano’n, ba’t pinopormahan niya pa rin si Faith! Lintik ‘tong lokong ‘to!
“Tiyang Geneve, nandito na ho ako.” Napatigil ako nang marinig ko ang sinabi ni Grae. Tama nga ako! May kasintahan nga siy—teka. Tiyang ang sinabi niya, ‘di ba?
“Grae?” boses ito ng babae. “Sandali lang, tatapusin ko lang itong ginagawa ko.”
“Sige ho, Tiyang!” Napalingon sa ‘min si Grae saka kami nginitian. “Maupo kayo.”
Tumango ako sa kanya saka inilapag ang aking gamit sa sahig. Ang sakit na ng likod ko pero wala ito basta makapunta lang kami sa Great Wall. Ayos lang sa ‘kin kahit magsugat-sugat pa ako o mabugbog as long as maligtas ko sila Faith. Bukas. Bukas din ay kailangan na naming ipagtuloy ang aming paglalakbay.
Ilang sandali pa ay may narinig kaming yabag ng mga paa na papunta rito sa sala. Malalim akong huminga para ihanda ang sarili kong salubungin ang Tiyahin ni Grae. Pero automatikong nalusaw ang composture ko nang makita ko ang ayos nito. s**t!
“Grae!” masigla nitong bati sabay takbo papalapit sa direksyon namin. Agad akong napaiwas ng tingin nang makita kong umaalog ang kanyang dibdib. Takot ako sa babae pero ibang usapan naman ang boobs niya!
“Magandang gabi ho, Tiyang,” magalang na wika ni Grae. Naramdaman kong napatingin sa direksyon namin si Geneve kaya napayukod ako.
“Magandang gabi ho,” wika ko. Nakaupo naman sa tabi ko sina Arima at Faith na ginaya rin ang aking sinabi.
“Magandang gabi rin sa inyo. Sino sila, Grae?” walang pag-aalinlangan niyang tanong sa pamangkin.
“Ah, ih, mga kaibigan ko ho.” Palihim akong napatingin kay Grae. Halatang-halata sa mukha niyang nagsisinungaling siya. Palpak!
“Talaga? Masaya akong makilala ang ‘yong mga kaibigan, Grae.”
Napaangat ang tingin ko nang marinig ko ang malambing na boses ni Geneve. Pero imbes na sa mukha niya ako titingin, sa boobs niya lumanding ang mga mata ko. f**k!
“Oh? Gusto mo ba ang dibdib ko?” natutuwa nitong tanong sa ‘kin. Agad akong napailing sabay lingon sa direksyon ni Faith. Masama na ang tingin niya sa ‘kin. Patay.
“Tiyang naman. Huwag n’yo naman pong takutin ang mga kaibigan ko,” pagtatanggol ni Grae sa ‘kin. Mahinang natawa si Geneve. I’m calling her Geneve without the Tiyang dahil mukhang magkaedad lang naman kami.
“Naku, pasensya na. Bakas sa hitsura ng ‘yong kaibigan na hindi siya sanay sa babae, eh. Kaya natutuwa akong biruin siya.”
Mariin akong napapikit nang marinig ko ang kanyang sinabi. The truth has been spoken. Obvious ba talaga sa ‘kin na hindi ako sanay sa opposite s*x ko? Walang hiya naman talaga, oh.
“Gusto mo bang hawakan ang dibdib ko?” biglang wika ni Geneve.
“HINDI!”
“Huwag po!”
“Tiyang!”
Nagkatinginan kami nina Graeson at Faith nang sabay kaming magsalita. Sandaling katahimikan ang namayani sa sala hanggang sa may nagbukas ng pinto.
“Nandito na ba si Grae, Mahal!”
Napatigil ang lalaking may matipunong katawan nang makita kami. Nakasuot din siya ng medieval tunic na pareho kay Grae. Gulat siyang napatingin sa ‘kin sabay bunot ng kanyang espada.
“Mga tagalabas!” sigaw niya. Napuno ng takot ang puso ko kaya agad akong napatayo sa aking upuan para protektahan sila Faith.
Akmang bubunutin ko na ang aking sandata nang pumagitna sa ‘min si Geneve. Naguguluhan siyang tiningnan ng lalaking bagong dating.
“Mahal, ano ang ibig sabihin nito?” Napabuntonghininga si Geneve.
“Ibaba mo ang iyong armas, kaibigan sila ni Grae,” paliwanag niya. Agad na lumiwanag ang mukha ng lalaki sabay balik ng espada niya sa lalagyan.
“Ba’t hindi n’yo agad sinabi!” masigla niyang sigaw saka naglakad papalapit sa ‘min.
Paano naman namin sasabihin sa ‘yo kung bigla mo na lang kaming planong atakihin, Bogart? Hays, ang bilis pa rin ng t***k ng puso ko. Akala ko talaga magkakagulo na kami.
“Pasensya na kayo. Siya nga pala, ako si Darcy Huerta. Ang magandang babae namang ito ay ang aking asawa, si Geneve Huerta. Kami ang mga magulang ni Graeson,” pakilala niya. Niligpit ko na muna ang aking espada bago siya sinagot.
“Ako si Austere Callisto mula sa Nayon ng Gama,” napalingon ako sa aking likuran bago nagpatuloy, “at sila ang mga kapatid ko, sina Faith at Arima.”
Masiglang napatango si Darcy sa ‘kin. “Nagagalak kaming makilala kayo.”
“Siya nga pala, Tiyong. P’wede ho bang dito na muna sila tumuloy?” may pag-aalangan na tanong ni Grae.
“Walang problema! May bakanteng kuwarto doon sa kabilang bahay. Basta huwag lang sa silid ni Tatay Tasyo baka multuhin sila.” Napahalakhak si Darcy sabay pulupot ng kanyang kamay sa beywang ni Geneve.
“Maraming salamat po. Habang buhay namin itong tatanawin na utang na loob,” wika ko sabay yukod.
“Wala ito! Kumain na ba kayo?” masigla tanong ni Darcy sa ‘min. May pagka-hyper ang pamilya ni Graeson. Nasa dugo siguro nila ang pagiging masayahin.
“Hindi pa nga po, Tiyong, eh!” tugon ni Grae sabay haplos sa kanyang tiyan.
“Aba! Kumain na tayo! Masama ang malipasan ng gutom,” natatawa nitong sabi.
“Tara na sa kusina. Ilagay n’yo na lang muna ang gamit n’yo riyan, Austere,” utos sa ‘min ni Geneve. Tumango ako sa kanya saka sumunod sa kanila patungo sa kusina.
Nakahawak pa rin si Darcy sa beywang ng kanyang asawa. Ang perfect nila sa isa’t isa. Si Geneve ay maganda, sexy at may malaking, ano, hinaharap. Habang si Darcy naman ay makisig, guwapo at tiyak na may lakas na patumbahin ang kahit na sinong magtatangkang kumalaban sa kanya. Masuwerte si Graeson at sila ang mga magulang niya. Pero bakit kulay-abo ang mga mata niya at hindi itim katulad nina Darcy at Geneve? May kaso bang ganito?
“Ano nga pa lang pinag-uusapan n’yo kanina?” usisa ni Darcy saktong pagdating namin sa kusina. Nagkibit-balikat si Geneve bago naglakad papunta sa may lababo.
Naupo naman kaming apat sa tapat ng round table habang si Grae naman ay tinulungan ang Tiyang niya sa paghahanda.
“Wala. Tinanong ko lang si Austere kung gusto niyang hawakan ang dibdib ko.” Nabigla ako sa naging tugon ni Geneve kaya agad din akong napalingon kay Darcy para depensahan ang sarili ko.
“H-Hind—”
“Geneve naman! Ako lang ang dapat na gumawa niyan sa ‘yo,” pagmamaktol ni Darcy.
Yes! I’m safe! Akala ko talaga hindi ko na masisilayan ang bukas. Mabuti na lang ay iba ang naging reaskyon ni Darcy.
“Mahal, sinusubukan ko lang naman siya,” katuwiran ni Geneve.
“Kahit na! Dapat ako lang! Ako lang!”
Napailing na lang ako sa kanilang dalawa. Sure na talaga. Kay Darcy nagmana si Graeson pero sana ay namana niya rin ang pagiging fighter ng kanyang ama. Hindi lang ang pagiging makulit.
Nang lingunin ko si Arima ay nakatakip na ang kamay ni Faith sa tainga niya. Kapwa kami napangiti ni Faith sa isa’t isa habang patuloy pa rin sa pagmamaktol si Darcy.
“Ayos lang kayo?” nag-aalala kong tanong.
“Para ho tayong isang pamilya, Kuya,” nakangiting tugon ni Faith.
Muli akong napalingon kina Graeson. Tinatawanan niya lang sina Darcy at Geneve habang nagsasandok siya ng ulam. Mukha nga kaming isang pamilya ngayon.
Nakakatuwa, ‘no? Kahit ngayon lang kami nagkakilala, iba ang hospitality na natatanggap namin mula sa pamilya ni Graeson. Mali nga sigurong pinagdudahan ko siya. Pero hindi pa rin magbabago ang desisyon kong maging against sa kanya pagdating kay Faith. Kung may magkakagusto man sa kapatid ko, gusto ko ‘yong totoo at handang mamatay para sa kanya.
Naging masaya at maingay ang hapunan namin. Si Arima na inaantok na kanina pa ay biglang nabuhay nang magkuwento si Darcy tungkol sa paglalakbay nila ni Geneve.
Lider si Darcy ng isang pangkat. Isa siyang Gerero, katungkulan na mas mataas sa Montero. Si Geneve naman, hindi lang daw halata sa itsura niya, ay isang magaling na manggagamot. Sa lahat ng laban na pinupuntahan ni Darcy ay kasama niya si Geneve. Siya kasi ang personal nitong manggagamot. Wala namang reaksyon dito ang kanilang pinuno dahil pareho silang magaling magtrabaho.
Hindi mababangis na hayop at pangangaso ang kanilang inaasikaso kung ‘di ang maghanap ng impormasyon tungkol sa mga Grosque. Ang layunin nila ay protektahan ang nayon sa kung ano mang p’wedeng mangyari sa pagitan ng mga halimaw at tao.
Habang nakikinig ako sa kuwento ni Darcy, pakiramdam ko ay nakikinig ako sa kaibigan kong nanalo sa boss level ng isang online game. Ang pinagkaiba lang ay walang revive sa mundong ito. Kapag namatay ka rito ay hindi ka na mabubuhay ulit.
Natapos ang hapunan namin na si Darcy ang center of attention. Sa totoo lang ay nakukulangan pa nga ako sa mga kuwento niya. Pero pinigilan na siya ni Geneve dahil kailangan na naming magpahinga.
Pagkatapos kong tumulong sa pagliligpit ay naisipan kong tumambay na muna rito sa balkonahe. Kailangan kong huminga. Naguguluhan pa ako pero unti-unti ay nakaka-adjust na ako sa mundong ito.
“Gusto mong magkape?” Napalingon ako sa pinagmulan ng tinig at bumungad sa ‘kin si Darcy na may hawak na dalawang tasa.
“Maraming salamat,” wika ko sabay tanggap sa ibinigay niya.
Kasalukuyan akong nakaupo sa kahoy na upuan habang pinagmamasdan ang palayan. Naupo naman sa tabi ko si Darcy sabay buga ng hangin.
“Ang ganda, hindi ba?” tanong niya.
“Oo, napakaganda.” Mahina siyang natawa sa ‘kin.
“Kung tutuusin sapat na ang nayon na ito para makontento ang isang tao pero hindi, eh. Kailangan nating magpatuloy.” Sa pagkakataong ito ay napalingon na ako sa kanya
“Ano ang ibig mong sabihin?” Napangiti si Darcy habang nakatingin sa malayo.
“Maglalakbay kami bukas ni Geneve, Austere. Ngayon pa lang ay magpapasalamat na ako sa ‘yong pagdating,” tugon niya.
“Natatakot ka ba para sa anak mo?” Napasandal ako sa pader sabay inom sa aking tasa.
“Oo. Nag-aalala ako para kay Graeson kaya salamat at may makakasama na siya rito.”
“Aalis din kami bukas,” walang pag-aalinlangan kong sabi. Siya naman ngayon ang napalingon sa ‘kin.
“Hindi kayo mananatili rito?” Napailing ako.
“Hindi. Kailangan naming makapunta sa Great Wall.” Natahimik si Darcy nang marinig ang sinabi ko.
“Pagtatawanan mo rin ba ako?” tanong ko sa kanya. Mahina siyang natawa dahil sa aking sinabi.
“Ba’t ko naman pagtatawanan ang taong may napakagandang pangarap?” Gulat akong napalingon sa nakangiti niyang mukha.
“Hi-Hindi mo ako tatawaging baliw?” tanong ko pabalik.
“Hindi. Dahil ang pangarap mo ay pangarap ko rin, Austere.”
Umihip ang malamig na hangin pagkatapos na magsalita ni Darcy. Ang liwanag lamang na nagmumula sa buwan ang kaagapay namin ngayon. Pero sapat na ito para makita kong totoo ang mga binitawang salita ng gererong kausap ko.