Chapter one

2116 Words
BAKAS sa mukha ng 27-year-old fine artist na si Izaria Pastelero ang pananabik na makarating sa probinsiya at sa muling pagkikita nila ng kababatang si Virna Cabral. Sa halip na pitong oras ay limang oras lang niyang tinahak mula Maynila hanggang sa bayan ng Santa Cruz sa Ilocos Sur. Lisensiyadong driver siya at mag-isa niyang minaneho ang sariling van na puno ng mga painting material niya. Mas gusto niyang bumiyahe sa gabi upang makalanghap ng sariwang hangin sa daan at walang traffic. Pagkadako niya sa Pampanga ay dumaan siya sa express way papuntang North Luzon. Nagreserba na siya ng tulog bago siya bumiyahe kaya ayos lang na hindi siya matutulog pagdating. Halos alas singko na ng umaga nang ihinto niya sa tapat ng mataas na gate ang Toyota Hiace-grandia niya. Inaasahan na niya ang pagbukas ng gate at pagsalubong sa kanya ni Virna. Madalas kasi ang pag-update nito sa kinaroroonan niya habang nasa daan. Pumasok ang sasakyan niya sa loob ng malawak na bakuran at ipinarada sa bakanteng carport. Nagagalak na si Virna na buksan niya ang pinto ng van. Pagluwa pa lamang niya ay sinalubong na siya agad nito ng mahigpit na yakap. Hindi matawarang tuwa ang pinamalas nito, at ganoon din naman siya. “Baka naman puwede mo muna akong pababain dito, besh,” paanas na pakiusap niya sa kaibigan. Yakap pa siya nito. “Sorry, besh! Naku, pasensiya ka na. Na-carried away lang,” nakangiting wika nito matapos kalasin ang pagkakayakap sa kanya. Bumaba siya mula sa driver's seat. Hindi pa niya naisabit nang maayos sa kanang balikat ang sling bag ay siya naman ang sabik na yumakap rito. Humigpit din ang yakap ng kaibigan. “Na-miss talaga kita, besh!” galak na sabi niya rito. “Me too, besh. Eksakto lang ang dating mo, at nakapaghain na ako ng mainit na sopas. Alam ko kasi na paborito mo ‘yon,” ani ni Virna. “Wow! So, what are we waiting for? Nagutom kasi ako sa haba ng biniyahe ko,” aniya. Kumalas ang mga yakap nila. “Let's go inside!” akay ni Virna sa kanya. Sumunod siya rito. Maliwanag at maaliwalas ang paligid dahil sa mga spot light na nakapalibot sa buong bahay. Puro malalapad na salamin ang mga bintana, pati na ang main door. Maraming beses na rin na nakapapasyal si Izaria sa bahay ng kaibigan. Pero tatlong taon na ang nakalilipas magmula nang huling pasyal niya kaya marami na ang nagbago. “Wow, besh! Malaki na talaga ang improvement ng bahay mo. Naipasalamin mo na lahat ng mga naglalakihang bintana. Ito na ba ang tatlong taon mong pinagpawisan from your furniture business?” paghanga niya. Nilibot niya ang paningin sa maluwang na sala na napalamutian ng mga mamahaling kagamitan. “Oo, besh. Pero, nakalulungkot nga lang kasi mag-isa lang ako dito sa three-story house ko. Next year pa kasi darating ang parents ko from Italy at mag-for good na sila rito. Mabuti nga at naisipan mong magbakasyon dito para may kasama naman ako,” wika ng kaibigan.  Iginigiya siya nito patungo sa kusina. Sumabay siya rito sa paglalakad. “Don't worry, besh, kalahating taon mo akong makakasama. Nakita mo naman ang sasakyan ko, ang laki, at kumpleto lahat ng kakailanganin ko,” masaya na sabi niya kay Virna. “Halata naman, besh. Alam ko naman na dala-dala mo lahat lalo na ang mga painting material mo. Buti ka pa nga at nagamit mo ang pinag-aralan mo sa Baguio. Wala kasi akong interest sa pagpi-painting kahit marunong naman ako. Sabay nga tayong nagtapos ng fine arts course pero pagninegosyo talaga ang linya ko,” pahayag ng kaibigan. Inaasekaso siya nito. Natutuwa siya sa ginagawa nito. Prenteng naupo siya sa wooden chair na may foam habang inaabot ang mangkok na may mainit na sopas. Hindi na niya pinatagal pa at humigop ng isang kutsarang sabaw. Wala siyang nabitawang salita, at tuloy sa pagkain. “Sabi ko sa iyo eh, magugustuhan mo ‘yang luto ko. Wala ka pa rin talagang ipinagbago, Iza. Ikaw pa rin ang kaibigan kong matakaw sa sopas na may maraming mushroom. Pati katawan mo ganoon pa rin, still slim,” wika nito. Medyo tumaba kasi si Virna. Payat ito noong huling pagkikita nila. Napapa-thumb's up lang siya bilang tanda ng pagtugon niya. Sarap na sarap siya sa inihanda nito. Matinding gutom din kasi ang inabot niya sa daan dahil dire-deretso ang biyahe niya. Natigilan siya nang may maalala. Naka-hang sa hangin ang hawak niyang kutsara. “Alam mo, besh, kanina bago ako makarating sa gate ay may nakasalubong akong maroon na kotse. Tumigil siya at binuksan ng nakasakay roon ang bintana. Mukhang mayaman at maganda. Nagkatinginan kami at ngingitian ko sana kaso nakabusangot naman,” kuwento niya. “Then?” pag-aabang ni Virna sa sasabihin pa niya. Humigop muna siya ng sabaw saka sumagot. “Wala naman. Para kasing may something akong naramdaman,” sagot niya. “Baka natotomboy ka na, besh,” pilyang sabi nito. Muntik pa niyang malunok nang buo ang nginunguyang mushroom. Pagkuwa’y napangisi at umiling-iling siya. “Besh talaga, palabiro ka pa rin,” “Parang hindi ka na nasanay sa akin. Hayaan mo na ‘yon. Anyway, matutulog ka pa ba?” pag-iba nito sa usapan. Umiling lang siya. Nagpatuloy siya sa pagkain. Matapos siyang makipagbunuan sa mangkok at kutsara ay sinamahan siya ni Virna para magpahinga muna sa sala. Magkatabi lang sila sa mahabang sofa. Komportableng naupo siya sa malambot na sofa habang tinitipa ang screen ng Iphone12-ProMax na cellphone niya. Marami kasi ang dumating na mensahe at mga notification sa f*******: account niya. Nagtitipa na rin ang kaibigan sa cellphone nito pero panay ang silip sa cellphone na hawak niya. “Bongga kung maka-cellphone! More or less nasa seventy thousand pesos ang halaga niyan, besh. Ako nga nagkasya na sa twenty thousand,” pagkukuwenta ng katabi. Napangiti lang siya sa sinabi nito. Nag-reply muna siya sa mga mensaheng natanggap. “Mataas kasi ang internal memory nito, besh,” hindi makalingon na sagot niya. “Akalain mo, besh, ang dami mo palang suki sa paintings mo lalo na sa sss. Pero wala sa itsura mo na tiba-tiba ang bulsa. Kung hindi ka lang maputi at mistisa baka mapagkamalan kang tindera sa isdaan,” pilyang puna ni Virna. Napangisi siya. Nasipat niya ng tingin ang katabi at pairap na ngumisi. Tama rin naman si Virna. Nagmana siya sa Spanish mother niya na maputi at wavy ang itim na buhok. Madalas din siya na mapagkakamalang si ‘Marimar’ sa teleserye. “Uy grabe siya! Nagpoporma din naman ako kapag lumalabas. Lagi mo kasi akong nakikita na naka-apron. Natural kailangan ko magsuot ng apron dahil madungis ang pagpipinta. At saka, hindi naman ako mataas magpresyo sa mga paintings ko kaya marami ang tumatangkilik. Marami akong paintings na ibinebenta through online at meron din naman sa art gallery. Pero sa ngayon, madalang ang pagtanggap ko ng made-to-order. May igo-goal kasi ako kaya naisipan ko magbakasyon dito,” paliwanag niya. Napalingon ang kaibigan. Wala itong bakas ng tuwa sa mukha. “Akala ko ba, kaya ka nagbakasyon dito dahil namimis mo ako,” nagtatampong saad nito. “Of course, yes! Namimis naman talaga kita. Kasama iyan sa goal ko.” Hinawakan niya sa kamay ang nagtampong kaibigan. “Totoo ba ‘yan?” pangungumpirma nito. Umaliwalas na ang mukha ng kaibigan at pagkuwa’y ngumiti. “Oo nga. Sasamahan kita habang nagbabakasyon ako rito, at the same time ay gagawa ako ng series ko,” aniya. “Well, ano namang series ‘yan?” kuryos na tanong nito. “Tungkol sa rice farming. Magmula sa paghahanda ng lupa, pagtatanim, at hanggang sa pag-ani. Isang on the spot painting na hindi lang basta nanggaling sa malikot na isip ko,” sagot niya. Napatango ang kaibigan. “Great idea, besh. Susuportahan kita diyan. Tamang-tama, mayamaya lang ay magsisimula nang mag-aararo ang mga magsasaka sa kabilang lote. Malapit lang naman dito. Medyo asensado na kasi ang teknolohiya ng farming dito. Mangilan-ngilan na lamang ang gumagamit ng mga makalumang pamamaraan sa paghahanda ng mga lupaing taniman,” anito. “That's so exciting, besh!” tuwang sabi niya, “Mas maganda nga ang ganoon para makita ang naitutulong ng makinarya sa mga farmer.” “Okey pala kung ganoon. Sige, sasamahan at tutulungan na kita mamaya sa paghahanda mo ng mga gagamitin. May kakilala ako roon na pwedeng mag-assist sa atin. Malawak kasi ang bukirin doon.” Hindi na makapaghihintay si Izaria at sabik na siyang matungo ang malawak na bukirin na sinasabi ni Virna. Kaagad silang gumayak papunta sa bukid. Kung ano ang suot niya ay iyon na rin ang pinatungan niya ng itim na apron na ginagamit niya kapag magpipinta. Si Tata Arman ang nilapitan nila na tenant sa malawak na bukirin. Pinahintulutan sila nito na puwede siyang magsagawa ng painting activity sa loob ng malawak na taniman ng palay. Makinarya na ang nag-aararo o bumubungkal ng lupa. Gamit ang oil paint ay sinimulan na niyang ipinta sa framed canvas ang lupain na dinaanan ng traktora. Habang si Virna naman ay abala sa pakikipagkuwentuhan sa singkuwenta anyos na si Tata Arman. Naka-focused ang atensiyon ni Izaria sa lalaking magsasaka na nakaupo sa driver's seat ng tractor na naghahanda para bungkalin ang lupa. Tatlo kasi ang tractor na gumagana roon pero ang dalawa ay natatanaw niya sa malayo. Bihasa na siya sa pagpipinta kung kaya ay mabilis at nagagaya niya ang anumang anggulo na nais niyang ipinta sa canvas. Tinuunan niya ng atensiyon ang postura ng lalaki na nakasuot ng pantalon na nabahiran ng putik. Naka-long sleeve na pangbukid. Halos mata na lamang nito ang makikita dahil nabalot ng kung anong tela sa mukha nito. Nakasumbrero ito na yari sa anahaw. Gayang-gaya niya ang buong imahe at nakapaligid dito na tila kuha ng isang malinaw na camera. Nakikipagkuwentuhan pa rin si Virna sa ginoo habang siya ay abala sa pagpahid ng paint-brush sa canvas. Hindi pa naman matindi ang sikat ng araw kaya hindi na siya gumamit ng payong. Nasa gitna kasi siya ng pilapil. Nakatutulong pa ang sariwang hangin sa konsentrasyon niya. Limang minuto na lamang ay matatapos na niya ang ipinipinta. Nire-replenished na lamang niya ang kulay sa kaunting bahagi ng mukha ng lalaki na nasa tractor. May anim na metro lang kasi ang distansiya niya rito. “Wow, ang bilis!” puna ni Virna sa gawa niya nang makalapit sa kanya, “Parang saglit lang akong nakipagkuwentuhan kay Tata Arman ah, natapos mo na kaagad ‘yang pini-painting mo?” “Ganito talaga, besh. Ito na kasi ang buhay ko, ang pagpipinta. Pati mga malilikot na bagay ay napatitigil ko sa canvas,” nakangiting saad niya. Napansin ni Virna ang lalaki sa painting niya kung saan kuhang-kuha niya ang bawat anggulo nito. “Wow ha! May model pa talaga sa painting mo,” puna nito. Ibinaling nito ang tingin sa lalaking nasa tractor. “Maganda ba, besh?” konsulta niya sa kaibigan. “Parang ang guwapo, besh!” “Itong painting ang tinutukoy ko,” angil niya. Binalingan ni Virna ang painting niya.  “Ay sorry! Hindi lang maganda, sobrang ganda talaga!” “Thanks!” Binalikan ni Virna ng tingin ang lalaki.    “Parang ngayon ko lang nakita ang lalaki na iyan dito. Halos kabisado ko na kasi ang pananamit at galaw ng mga kasamahan ni Tata Arman dito,” nagtatakang saad ni Virna. “Really? Baka naman nag-hire sila ng bagong kasama,” hula niya. Sa painting siya nakatingin. Napakislot siya nang kalabitin ni Virna ang kaliwang balikat niya. Sinulyapan niya sa mukha ang kaibigan at napansin niya ang pagngunguso nito sa lalaki. Tinapunan niya ng tingin ang lalaki na bumaba mula sa tractor. Matangkad ito at may makisig na pangangatawan. Hindi nga lang niya ito namukhaan dahil may takip sa mukha na parang ninja. “Ngayon ko lang talaga siya nakita sa lugar na ito. Walang may ganyan katangkad na kasamahan ni Tata Arman dito. Parang basketbolista yata siya kasi ang tangkad niya, besh. At ang tindig niya, nai-imagine ko si ‘Clark Kent’, ‘yong si superman,” anito. Nag-i-ilusyon ni Virna. Napatingin siya rito. Napangisi siya sa sinabi ng kaibigan. Pero sa loob-loob niya ay tama rin naman ito. Hindi lang niya maamin na sa simula pa lamang niyang makita ang lalaki ay may kung ano nang nagpaparamdam sa sistema niya. Mukhang nagkakainteres na siya rito kaya todo ang pag-ayos niya sa imahe nito sa painting niya. Subali’t biglang nabaling ang paningin niya sa babaeng naroon sa malayo. Hindi siya sigurado pero mukhang nakita na niya ito. Alam niyang hindi ‘yon nagtatrabaho sa bukid dahil sa magarang kasuotan nito at naka-sunglasses pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD