CHAPTER 1
AKIRA POV
“No!”
Napabalikwas ako ng bangon kasabay ng biglang pagbilis ng t***k ng puso ko. Namumuo rin ang pawis ko sa noo at tumataas baba ang aking balikat dahil sa aking paghinga na animo’y galing ako sa pagtakbo.
“Akira!”
Napatingin ako sa pintuan ng kwarto ko. Kilala ko ang boses na iyon kaya agad kong binuksan ang pinto. Bumungad sa akin si Miro at ang ibang bodyguards ko. Hinihingal sila pare-pareho.
“Agad kaming napatakbo ng marinig namin ang sigaw mo. Ayos ka lang ba?” may pag-aalalang tanong sa akin ni Miro.
Hindi na ako nakasagot pa dahil kusa nang tumulo ang mga luha ko. Ang makita ko si Miro na nandito ay nabawasan ang takot ko. Yumakap ako ng mahigpit kay Miro.
Hindi ko alam kung paano uumpisahan ang magkwento sa kanya. Nanaginip kasi ako ng mga lalaking kulay pula ang mga mata. Lahat sila ay hinahabol ako at hindi raw sila titigil hanggang hindi ako nakukuha. Takbo lang ako ng takbo hanggang sa mapadpad ako sa kakahuyan. Napalibutan ako ng mga lalaking humahabol sa akin at konting konti na lang ay makukuha na nila ako.
Weird mang sabihin pero pakiramdam ko ay totoong totoo ang panaginip ko at nakakaramdam ako ng sobrang takot. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang takot na nararamdaman ko ngayon. Idagdag pa ang pagkahingal ko na tila totoong tumakbo ako.
“Ano bang nangyari?” nag-aalalang tanong sa akin ni Miro.
“Nanaginip ako. Nakakatakot sila Miro. Gustong gusto nila akong makuha.” umiiyak kong sabi sa kaniya.
Ayokong sabihin sa kaniya ang tungkol sa mga lalaking kulay pula ang mga mata. Ayokong madagdagan ang pag-aalala ni Miro.
“Tahan na. Panaginip lang iyon.” pag-alo niya sa akin.
Inilayo ako bahagya ni Miro at marahan niyang pinunasan ang mga luha ko. Unti unti na akong kumakalma nang mapagtanto ko na hindi lang si Miro at ang mga bodyguards ang nandito.
Isang lalaki ang nakasandal sa may pader at matamang nakatingin sa amin. Matangkad siya, maputi at mapungay ang kaniyang mga mata. Halatang kagagaling lang niya sa flight dahil may dala siyang maleta at isang bag.
"Sino ka?” deretsong tanong ko sa lalaking iyon.
“Siya si Kanji Shin.”
Nagtatakang tumingin ako kay Miro. Kanji Shin. Bakit parang pamilyar ang pangalan niya? Muli akong tumingin kay Kanji Shin na nakatingin pa rin sa amin. Parang pamilyar din ang mukha niya. Nagkita na ba kami dati?
"Nagkakilala na ba tayo Mr. Kanji?" hindi ko napigilang tanong sa kaniya.
“Babe, ano kasi. Si Kanji ang magtuturo sa iyo ng mga pangself-defense mo.” pagsingit naman ni Miro.
Biglang bumilis ang t***k ng puso ko at namamawis na naman ang mga kamay ko. Nagkakaganito lang ako kapag natatakot o natetense ako. Ganitong ganito ang nararamdaman ko noong mga panahong nakakapanaginip ako ng isang lalaking blurred ang mukha. Ito ang pakiramdam na hinahanap ko noon kapag kasama ko si Miro.
Ipinilig ko ang ulo ko at ibinalik ko ang tingin kay Miro.
“Teka, tama ba ang narinig ko? Magtuturo sa akin?"
“Yes babe, utos iyon ng parents mo.”
“Heto na naman sila sa pagiging over-reacting at over-protective.”
“Hayaan mo na. Alam mo namang kahit malayo sila, hindi sila panatag kung hindi sila sigurado sa kaligtasan mo.”
“Hindi pa ba sila nakakasiguro sa kaligtasan ko? Sampung bodyguards tapos hindi pa ako masyadong nakakalabas sa bahay na ito.” inis kong litanya.
“Naghimutok na naman ang babe ko.”
Lumapit sa akin si Miro at mahigpit na niyakap ako.
Napangiti na lang ako. Ganito ang ginagawa niya kapag nagrarant na ako tungkol sa paghihigpit sa akin ng mga magulang ko. Ito ang paraan niya upang kumalma ako at mapigilan ang sarili kong magsalita ng kung ano-ano.
“Excuse me. Bukas na ako mag-uumpisang magturo. Magpapahinga muna ako.” pagsingit sa amin ni Kanji Shin.
Bumaba si Kanji Shin at sumunod din sa kaniya ang mga bodyguard ko. Nagtaka naman ako dahil sa palagay ko ay hindi sa baba ang magiging kwarto niya. Lahat kasi ng rooms sa bahay na ito ay nandito sa ikalawang palapag. Ang mga kwarto sa baba ay para sa mga katulong. Ang kwarto ng mga bodyguards ko ay sa katabi lang ng kwarto ko. Isang guest room na lang ang bakante at ‘yon ay nasa left wing ng mansion.
“Parang gusto ko nang magselos kay Kanji. Iba ang tingin mo sa kaniya.” may halong pagtatampong sabi ni Miro.
“Huwag kang maarte diyan Miro. Hindi bagay sa iyo.” pairap kong sabi sa kaniya.
Hindi ko pa nakitang magselos si Miro dahil wala naman akong nakakasalamuhang iba bukod sa mga katulong at bodyguards ko. Ngayon na lang ulit ako nakakilala ng ibang tao.
“Never mo pa akong tiningnan ng ganoon.” seryosong sabi ni Miro.
Isang buntong hininga ang pinakawalan ko bago magsalita ulit.
“Inaalala ko lang kung nagkita na kami. Parang pamilyar kasi siya sa akin. Hindi ko lang maalala kung saan ko siya nakita.”
Ginulo ni Miro ang buhok ko at bahagyang ngumiti. Hindi ko alam kung nagseselos ba siya o pinagtitripan niya lang ako.
“Wala ka na kasing ibang taong nakikita bukod sa akin at sa mga tao dito sa bahay niyo kaya siguro iniisip mo na nakita mo na si Kanji noon. Hayaan mo, kapag natuto ka na ng martial arts, paniguradong papayagan ka na ng parents mo na lumabas ng bahay.”
“Teka nga pala, akala ko umuwi ka na sa inyo?”
May bahay din sina Miro dito sa Los Angeles. Simula kasi noong naging kami ni Miro ay mas pinili na rin niyang dito mag-aral. Naging madali rin naman ang paglipat niya rito dahil matagal na siyang gustong pag-aralin ng kaniyang mga magulang sa ibang bansa. Pumapasok siya sa isa sa mga university dito samantalang ako ay nagho-home school. Sinubukan kong pakiusapan sina Mommy na papasok din ako sa paaralan dito pero hindi nila ako pinayagan. Kaya hanggang ngayon ay pakiramdam ko, isang preso pa rin ako.
Alam na rin nina mommy na boyfriend ko si Miro. Nang malaman nila ito ay pinayuhan nila ako na huwag masyadong magmadali pagdating sa pag-ibig. Hindi naman sila tutol sa amin pero hindi rin sila ganoon ka-aprubado kay Miro. Lagi akong pinapaalalahanan ni Mommy na dapat daw sigurado ako na mahal ko talaga si Miro. Ang ibang mga magulang, ang gusto nila ay sigurado na mahal ang kanilang anak samantalang ako, kung sigurado ba raw ako na mahal ko si Miro.
Maayos naman ang relasyon ni Miro sa mga magulang ko pero nandoon pa rin ang pakiramdam ko na hindi nila masyadong gusto si Miro para sa akin.
“Tinawagan ako ni Tita. Pinasundo niya sa akin si Kanji para ihatid dito.”
“Ikaw pa talaga ang inutusan ni Mommy.”
“Okay lang ‘yon. Sige na. Matulog ka na dahil simula na ng training mo bukas. Good night Akira. I love you.”
“I love you too.”
Hinalikan ako ni Miro sa noo bago siya lumabas ng kwarto. Nahiga naman ako sa kama at naalala ko na naman ang panaginip ko. Taong kulay pula ang mga mata? Weird. Dala na rin siguro ito ng mga nababasa ko sa mga libro. Bukod sa pag-aaral kasi ay wala akong ibang libangan kundi ang magbasa ng mga fantasy stories.
Isang buntong hininga ang pinakawalan ko bago ko ipikit ang mga mata ko. Kailangan kong magpahinga at mag-ipon ng maraming energy para bukas. Pakiramdam ko kasi ay istrikto ‘yong Kanji Shin. Hindi man lang siya ngumingiti at ‘yong mga tingin niya na animo’y kinikilatis niya ako ng mabuti.
KANJI SHIN POV
Sinabi ko lang kina Miro at Akira na magpapahinga na ako pero ang totoo ay hindi ko kayang panoorin kung gaano sila ka-sweet. Lumabas muna ako ng bahay at umupo dito sa may garden nina Akira. Iyong mga gamit ko ay ibinigay ko na lamang kay Louie at siya na raw ang bahalang mag-ayos sa kwarto ko. Pabor naman sa akin iyon dahil gusto ko munang lumanghap ng sariwang hangin.
Noong gabing sinugod ng mga Black Nine Tailed si Akira at muntik na siyang makuha ng mga ito, pinili namin na alisin sa alaala ni Akira ang lahat ng tungkol sa mga Nine Tailed. Kaya maski ako ay hindi na niya maalala. Masakit para sa akin ang gawin iyon pero kinailangan naming gawin ‘yon para sa ikabubuti niya. Kailangang mabura sa isipan ni Akira ang tungkol sa lahi namin hanggang sa sumapit ang ika-labing walong kaarawan niya.
"Kanji."
Napalingon ako kay Miro na kararating lang dito sa may garden. Puno ng pag-aalala ang mga mata niya. Walang pinagbago si Miro, maliban na lang sa katotohanan na mahal niya talaga si Akira.
"Bakit?"
“Nabanggit sa akin ni Akira na parang pamilyar ka raw sa kanya. Ibig bang sabihin ay maaari ka niyang maalala kahit na anong oras?”
“Huwag kang mag-aalala. Kahit anong gawin ng isipan niya ay hindi niya ako maaalala, not until she becomes 18.”
“Sigurado ka ba diyan?”
“Yes. At isa pa, nandito ako para sanayin siya. Iyon lang ang pakay ko rito dahil napag-utusan lang ako.” walang emosyon kong sabi sa kaniya.
“I just want to make sure.”
Iyon lang ang sinabi niya at umalis na siya. Napailing na lang ako. Masyadong territorial si Miro. Sana lang ay makontrol niya ang pagseselos niya dahil hindi siya makakatulong sa pag-eensayo ni Akira.
Inaamin kong nasaktan ako nang tinanong ako ni Akira kung sino ako. Nang makita ko siya ay kusang bumalik sa isipan ko ang mga panahong kami ang magkasama. Malaki na ang pinagbago ni Akira. Hindi na siya nakasalamin dahil contact lense na ang gamit niya. Hindi na rin masyadong mahaba ang kanyang buhok at sa tingin ko ay nag-iba na rin ang pananamit niya. Punong puno na rin ng emosyon ang kanyang mga mata.
Malapit na rin ang kanyang ika-labing walong taong kaarawan kaya kailangan nang maihanda ang kanyang katawan sa maaaring mangyari. Sana lang ay maging maayos ang takbo ng lahat at hindi siya maguluhan kapag magkasama kami. Kampante ako na hindi babalik ang alaala niya pero nangangamba ako sa maaaring maging takbo ng isip niya. Over-thinker si Akira at alam kong hindi siya titigil sa kakaisip kung sino ako.