THIRD POV
"Anong balita? Nagpalit ba ng anyo ang prinsesa nila?" seryosong tanong ng Hari ng mga Black Nine Tailed Fox sa lalaking inutusan niyang magmanman sa prinsesa.
"H-hindi po Mahal na Hari. Dumaan ang kaarawan niya at sumibol ang bilog na buwan kagabi, ngunit hindi ko naramdaman ang pagpapalit anyo niya," magalang na sagot naman sa kaniya ng kaniyang tauhan.
Marahang napatango naman ang hari. "Ano ang reaksyon ng kanilang Hari at Reyna pati na rin ang mga myembro ng konseho?"
"Katulad po ng inaasahan, dismayado po silang lahat sapagkat nanatiling tao ang kanilang prinsesa."
Isang ngiti ang namutawi sa kaniya. "Isang magandang pagkakataon ito. Paniguradong hindi na nila pagtutuunan ng pansin si Akira."
"Itutuloy pa rin po ba natin ang pagkuha sa kaniya? Isa po siyang tao Mahal na Hari," sabi naman ng tauhan.
Agad na nawala ang ngiti sa hari at agad na sinamaan ng tingin ang kaniyang tauhan. "Tuloy ang plano. Dahil naniniwala akong isang Nine Tailed Fox pa rin ang prinsesa. At siya ang kailangan natin upang tuluyang masakop ang mga White Nine Tailed Fox."
"Paano? Hindi siya nagpalit ng anyo Haring Raymond. Baka hindi siya ang prinsesang hinahanap natin," pagsingit naman sa kaniya ng kanang kamay niya.
"Naniniwala akong nilaktawan lang ang prinsesa. Darating din ang panahon na magpapalit siya ng anyo," punong puno ng pag-asang sabi naman ng hari.
Marahang napailing naman ang kaniyang kanang kamay. "Wala pang fox ang nilaktawan ng panahon."
Wala pang naitatala sa kasaysayan ng mga fox ang paglaktaw ng pagpapalit ng anyo. Lahat sila ay nagpalit ng anyo at lumabas ang siyam na buntot pagsapit ng ika-labingwalong taong kaarawan. Ang mga kalahi nilang hindi nagpalit ng anyo ay ipinapatapon sa mundo ng mga tao sapagkat doon ito nababagay.
"May kilala ako. At naniniwala akong gano'n din ang prinsesa," seryosong sabi naman ng hari ng mga Black Nine Tailed Fox.
"Sa tingin ko po ay idadaan din nila sa ritwal ang prinsesa upang maging Nine Tailed Fox siya," sabi naman ng espiya.
Tumawa naman ng malakas ang hari na umalingawngaw sa buong palasyo. Halos maluha na siya sa pagtawa at kinailangan pa niyang huminga ng malalim upang kumalma.
"Nakakaawa sila. Hindi nila lubusang kilala ang kanilang prinsesa. Bantayan mong mabuti si Akira dahil anumang oras ay magpapalit siya ng anyo. At kapag nangyari iyon, kukuhanin na agad natin siya," nakangising utos ng hari sa kaniyang espiya.
"Masusunod po Mahal na Hari," magalang na sabi naman ng espiya.
"Kumusta pala ang aking anak?" pag-iiba ng usapan ni Haring Raymond.
"Ginagawa niya po ang bawat utos niyo Mahal na Hari," mabilis na sagot naman ng espiya.
"Mabuti kung ganoon. Ngunit kailangan mo ring bantayan ang bawat kilos niya. Iulat mo agad sa akin kapag may ginawa siya na makakasira sa ating mga plano," seryosong sabi naman ng hari.
"Opo Haring Raymond."
Tumango si Haring Raymond at pinabalik na niya ang kaniyang espiya sa bahay ni Akira upang magmanman ito pati na rin ang kaniyang anak.
"Base sa reaksyon mo, mukhang inaasahan mo na ang hindi pagpapalit ng anyo ng prinsesa," seryosong sabi sa kaniya ni Rico, ang kaniyang kanang kamay.
Bahagyang napangiti naman si Haring Raymond. "Matagal kong hinintay ang pagkakataong ito Rico. At lahat ng nangyayari ay umaayon sa mga plano ko. Nasisiguro ko na ang tagumpay ng mga Black Nine Tailed Fox," nakangising sagot naman niya.
Napatango na lamang si Rico. Malaki ang paniniwala niya sa bawat desisyon at aksyon ng kaniyang hari. Kung kaya't sa bawat sabihin nito ay agad siyang sumusunod. Simula nang naging hari si Raymond ay naging maayos ang pamumuhay ng mga Black Nine Tailed Fox. Nasaksihan niya ang maayos na pamumuno nito sa lahi nila.
Sa sobrang focus nito sa pagiging hari, naisakripisyo na nito ang sariling pamilya. Hiniwalayan ng asawa si Raymond at dinala ang anak nila sa mundo ng mga tao. Makalipas ang halos sampung taon ay doon lamang nito natagpuan ang anak. Malayo ang loob ng kaniyang anak at hindi malaman ni Rico kung paanong napapasunod ng hari ang anak nito sa kaniya.
"Sa tingin mo ba ay si Akira talaga ang itinakda?" tanong pa ni Rico sa kaniya.
"Hindi puro ang pagiging White Nine Tailed Fox ni Akira. Siya ay anak ng dugong bughaw at ni Rachelle. Kaya naniniwala ako na si Akira ang pinakamalakas na Fox, mapaputi man o itim. Siya ang tagumpay ng lahi natin," paliwanag naman niya.
"Ngunit paano mo siya mapapasapi sa atin kung ang mga magulang niya ay nasa kalaban?" nagtatakang tanong naman ni Rico.
Ramdam ni Rico na may ibang alam si Haring Raymond. Ramdam niyang may hawak itong alas kaya ganoon na lamang kasigurado ang hari na magtatagumpay silang sakupin ang mga White Nine Tailed Fox. Hindi lang niya mawari kung ano ito sapagkat hindi pa nagsasabi sa kaniya ang hari.
"Malalaman mo rin iyan kapag nakuha na natin ang prinsesa. Sa ngayon ay kailangan muna nating hintayin ang pagpapalit anyo niya bago natin isagawa ang pagkuha sa kaniya," nakangising sagot naman ni Haring Raymond.
Tanging tango na lamang ang naisagot ni Rico. Gusto man niyang malaman ang lahat ngayon ay hindi niya gugustuhing pilitin na magsalita ang hari. Kaya wala siyang ibang magagawa kundi ang hintayin ang tamang pagkakataon. Ang tanging hiling lang niya ay sana'y tama ang kutob ng hari na magpapalit pa rin ng anyo ang prinsesang si Akira.