“Ingat kayo, ha? Huwag basta-bastang tatawid, maliwanag?” Payo ni Lola Gen bago kami lumabas ng bahay.
“Lola talaga, mukha po ba kaming mga bata tingnan?” Ungot ni Stella na kanina pa nangangating umalis. Hindi ko alam kung namamalik-mata lang ba uuwi ako ulit nang makita ko multong ngiti na may bahid ng lungkot sa mga labi ni Lola Gen, ngunit agad din itong napalitan ng isang nagngangalit na ngiti habang nakatingin sa kanyang apo.
Kulang nalang ay magdabog na siya sa tuwing magsasalita ang Lola niya para magbigay ng walang katapusang mga payo.
Ngumiti ako ng abot tenga. “Mag-iingat po kami, La. Salamat po sa pag-aalala. Alis na po kami!”Paalam ko saka kumaway. Nang kumaway pabalik si Lola Gen ay tumalikod na ako at nagsimulang maglakad sa medyo makipot na lagusan nila. Saka ko lamang nalaman na nauna na pala ang bruhang iyon at iniwan na ako. Napabuntong hininga na lamang ako nang makita itong naka-dungaw sa pinakadulo ng lagusan, kunot-noo akong hinihintay.
Kanina ko pa talaga 'to gustong batukan na medyo malakas-lakas! Bakit ba parang sabik na sabik siya?!
”Ang bagal-bagal mo naman maglakad! Bilisan mo na!” Inip niyang sigaw kahit halos isang metro nalang ang layo ko sakanya.
Imbes na sumagot ay inirapan ko lamang siya.
Nang dalawang hakbang nalamang ang layo sa mula sa pinaka-dulo at kung saan siya nakatayo ay napatigil ako sa paglalakad habang kunot ang noong nakatingin sa bruhang bigla na lamang nagpapadyak sa kalsada na parang isang batang hindi binigyan ng kendi.
“Ano nanamang nangyayari sayo?!” Inis kong tanong.
Mas lalong lumaki ang simangot sa kanyang mukha. “Eh kasi naman ih! Dapat kasi yung dress nalang yung isinuot ko! Naman ih!”Mas lalong lumakas ang pagpadyak niya.
Kung may makakakita sakanya ngayon ay paniguradong iisipin ng mga iyon na nawalan ng isang milyon ang bruhang 'to.
Nang matapos kaming kumain kanina ay pinilit niya muling magpalit ng damit, pilit niyang pinaglaban muli ang ladlad na damit na iyon. Ngunit dahil sa kawalang pasensya ay tinakot ko siya na hindi matutuloy ang lakad kapag nagpumilit pa siya. Kaya't sa huli ay wala rin siyang nagawa kundi sumuko.
“Gusto mo bang bumalik nalang tayo sa bahay? Walang problema sakin yun.” Banta ko na agad naman niyang ikinatigil.
“Di ka naman mabiro! Sabi ko nga tara na ih!” Bawi niya. Sinubukan niyang ngumiti ng matamis ngunit nagmistula lamang itong isang natataeng ngiti. Alam niya talaga na kapag ako na ang nagsabing hindi na kami tutuloy ay talagang wala siyang magagawa.
Sa isip ko ay pinalakpakan ko ang aking sarili.
Ang galing ko talaga!
“Yun naman pala eh.” Ngisi ko at nauna nang maglakad. Sa gilid ng aking mga mata ay nakita ko siyang palihim akong sinisimangutan.
“Maglalakad lang ba tayo?”Tanong ko. Sana naman hindi ano? Kasi kung oo ay ngayon palang sumusuko na ako, baka hindi pa nga kami nakakarating sa pupuntahan namin ay stressed na ako dahil sa kung ano-anong kagagahan ng bruhang 'to.
“Sasakay syempre! Hindi tayo pwedeng mapagod dahil kakailanganin natin ng mataas-taas na energy para mamaya!”Masaya niyang bulalas.
“Pwes, ikaw magbabayad. Wala akong pera 'no.” Ayoko namang gumastos dahil una sa lahat ay kagagawan niya 'to ano!
“Akong bahala sa iyo, kaibigan!” Madamdamin niyang bulalas.
Saktong may dumaan na tricycle. Ikinaway ko ang aking kamay. Nang pumara ito sa aming harap ay agad na kaming sumakay.
Nakipagtalo pa siya kung sino ang mauunang sumakay kesyo gusto daw niya ng preskong hangin. Eh saan ba siya makakahanap ng preskong hangin sa siyudad? Eh puro lang naman usok ng tambutso ang malalanghap dito!
“Salamat po, Manong!” Masiglang pasasalamat ni Stella sa driver ng tricycle habang ibinibigay ang bayad.
Ewan ko ba sa babaeng 'to, mas dumoble yata ang energy niya ngayon eh. Naka-high ba 'to?
Masyado yatang excited na matuhog. Ang hindi niya alam ay literal na tuhog-tuhog ang pupuntahan namin mamaya.
“Akala ko ba ay dadaan muna tayo sa inyo?” Dagling tanong niya nang mapagtanto kung saan kami bumaba.
Sinadya kong dalhin siya dito at kumain ng mga tuhog-tuhog, at kapag malapit nang maghapon ay uuwi muna kami sa bahay at gagawin ko lahat ng mga gawain roon, kahit pa ang maglaba. At habang abala ako sa mga gawain ay pahihingahin ko siya sa kwarto namin ni Debs, dahil paniguradong hindi siya makakatiis sa matinding kaburyuhan at agad na makakatulog. Kilala ko 'tong bruha na 'to eh, tulog mantika.
Binilinan ko na kanina si Debs na kapag umuwi ako sa bahay kasama ang isang 'to ay magpanggap siyang tulog sa kwarto ni Mama.
Paniguradong malalim na ang gabi paggising niya kapag nagkataong matupad ang plano ko.
Sa ngayon, ang kailangan ko lang problemahin ay kung paano ko siya mapapa-payag na ilibre ako ng bonggang-bongga! Hindi naman sa siya lang talaga ang gagastos ng lahat, aambag din naman ako! Pero kunti lang, hihi.
“Mamaya nalang tayo pumunta sa bahay. Sa ngayon, may kailangan muna tayong gawin bago ang lahat.” Makahulugan kong tugon at tunog mambabarang. Bakas ang magkahalong pagkabigo at kalituhan sa kanyang mukha.
“Ano?” Kunot ang noong tanong niya. Sa isip ko ay kanina ko pa siya pinagtatawanan dahil sa kawalang alam.
“Isang ritwal.” Seryuso kong tugon. Alam kong sa mga sandaling ito ay nawe-weirduhan na siya dahil tila gumagana nanaman ang taglay kong pagkaloka-loka.
Halos magsalubong ang kanyang medyo makapal na mga kilay habang mariing nakatingin sa akin. “Anong ritwal nga? Parang tanga ih!”
Ganyan nga! Sabay tayong ma-loka sa mga kalokohan natin!
Hindi naman kasi pwedeng ako lang lagi ang stressed ano!
Ang istoryang ito ay pinamagatang... Ganti ng api!
“Oplan magtuhog-tuhog bago magpatuhog!” Bulalas ko habang naglalaro ang isang pilyang ngisi sa mga labi at nakataas pa ang isang kamay sa ere.
“Hoy! Hinaan mo nga yung boses mo!” Saway niya sa akin habang nakatakip ang isang kamay sa mukha. Nagtaka ako nang mapansin na parang nahihiya siya at umiiwas ng tingin sa iba't-ibang direksyon. Parang natatae ang itsura niya.
Doon ko lamang napagtanto na medyo napalakas pala ang boses ko dahilan para mapatingin sa amin ang mga taong dumaraan sa di kalayuan. Puno ng pandidiri ang kanilang mga itsura. Ngunit tila nangingibabaw ang kanilang mga tingin na puno ng panghuhusga.
Dahan-dahan kong ibinaba ang aking kamay na nanatiling nasa ere. Unti-unting naglaho ang ngisi sa aking mga labi at napalitan ng matinding hiya.
Inilibot ko ang aking paningin sa buong paligid at palihim na nagpasalamat dahil kahit papaano ay mabibilang lang naman ang mga nakarinig sa isinigaw ko.
“Mga kabataan talaga, kay daling magpadala sa tawag ng laman. Sayang, kung sino pa ang mga itinuturing na pag-asa ng bayan...”
Kapwa kami napatigil at sandaling hindi nakakilos nang marinig ang tila bulong ng isang matanda nang eksaktong mapadaan ito sa amin, alam kong sinadya nitong magparinig.
Simple lamang ang sinabi nito, ngunit tila kasing laki ng mundo at sing-bigat ng tone-toneladang bata ang bawat katagang lumabas sa bibig nito. Tumagos ito sa aking puso at tumatak sa aking isipan, bagaman walang mababakas na inis o galit sa tono ni katiting man lang.
Hindi ko maiwasang aminin sa aking sarili na kahit papaano'y tama siya. Ngunit ni minsan ay naisip man lang ba nila na may mga kabataang ang mga pangarap ay sing-taas ng matayog na puno ng niyog, sing-rami ng populasyon ng bansa, at sing-tatag ng puno ng Narra. Ngunit sa kasamaang palad, ay hindi nabigyan ng pagkakataong matupad ang mumunting mga mithiin.
May mga nagsasabing 'Kung ayaw ay maraming dahilan, kung gusto ay maraming paraan.' Marahil, ang mga taong naniniwala sa ganoon ay nabuhay sa sitwasyong marami ang mapagpipilian.
Dahil ni minsan ay hindi nila naranasang pumasok sa sarili kong kasuotan. At mamulat na tila nakabilanggo sa buhay na tanging dalawa lamang ang mapagpipilian...
Pamilya, o Pangarap?
Iyon ang sarili kong realidad.
Natauhan ako mula sa malalim na pag-iisip nang may biglang humila sa aking kamay. Sa sobrang pagkabigla ay hindi ko na nagawa pang kumawala. Nagmistula akong isang lumulutang na bote sa payapa at berdeng karagatan at kusang nagpapatangay sa agos ng kapalaran.
“Dito tayo! Libre ko!” Sabik niyang bulalas nang mismong huminto kami sa pagtakbo sa harap ng mga nakahilerang street foods. Nauna na siyang kumuha ng malaking disposable plastic cup at stick saka walang ano-ano'y kumuha ng maraming fishball at kikiam. Napatingin ako sa may-ari ng tindahan at imbes na magalit ito sa inasta ng bruha ay ngumiti pa. Kung sabagay, kung ako rin naman ay talagang matutuwa ako dahil malaki ang kikitain ko.
Pero hindi ko talaga maiwasang mahiya sa ginagawa ng baliw na'to, masyadong napaghahalataang matakaw.
Pero nang maalala ko ang ginawa niyang panghihila kanina ay palihim akong napangiti. Alam kong sinadya niyang gawin iyon dahil alam niyang malaki ang naging epekto ng mga katagang iyon sa akin. Alam niya kung gaano ko kagustong makapagtapos ng pag-aaral at matupad ang mga pangarap.
“K@$# &£¥¢!” Nahihirapan niyang bulalas habang nakatingin sa akin at nakaturo ang isang daliri sa direksyon ng mga disposable plastic cups at sticks. Punong-puno ng pagkain ang kanyang bibig kaya talagang nahihirapan siyang magsalita.
Minsan napapatanong nalang talaga ako sa kanya kung paano niyang ba niya nginunguya ang ganoong sansamuol? O kung nginunguya niya pa ba bago lunukin?
Bagaman hindi maintindihan ang kanyang sinabi ay nakuha ko naman ang nais niyang iparating. Kaya pagkatapos ko siyang bigyan ng isang nagbabantang tingin ay kumuha na rin ako ng sarili kong lalagyan saka nagsimulang kumain.
Minsan lang talaga akong makakain ng mga ganito at madalas ay libre pa ng babaeng 'to, at kapag kulang ang budget ay pakunti-kunti lang. Kaya nang makasubo ako ng isa ay hindi ko maiwasang sumubo pa ng sunod-sunod, lalo na dahil sa masarap at maanghang na sauce nila. Kapag ganito ay pareho kaming nawawalan ng pakialam sa paligid.
•••
Maga-alas tres na ng hapon kami nakauwi sa bahay, hindi ko alam kung paano ko siya nagawang libangin ng ganoon katagal.
Pag-uwi namin ay naabutan naming tahimik ang bahay kaya sigurado akong nasa loob lang ng kwarto ni Mama si Debs at ginagawa ang utos kong oplan magtulog-tulugan! Nang sa ganun ay wala siyang ibang makakausap!
HAHA
“Gisingin mo ako kapag naka-idlip ako ha?” Paalala niya bago pumasok sa loob ng maliit na kwarto namin ni Debs.
Tumango lamang ako bilang tugon. Napahinga ako ng malalim at naglakad papunta sa kwarto ni Mama na kung saan ay alam kong naroon ang kapatid ko.
Dumungaw ako sa pinto at nakitang tila tinutohanan nga niya ang utos ko. Natulog nga.
Balak ko sanang ipakain muna sa kanya yung biniling street foods ni Stella para sa kanya pero mamaya na lang siguro. Ayoko naman siyang gisingin, tsaka paniguradong gising pa ang bruhang yun kaya siguradong maririnig niya ang boses ni Debs kapag nagkataon.
Hindi naman masyadong makalat ang bahay dahil masinop din naman ang kapatid pagdating sa mga gawain lalo na kapag wala ako.
Napagdesisyunan kong mag-igib muna ng tubig sa balon para makapaghugas ako ng ilang mga pinagkainan.
“Beh, anong oras na ba?”
Halos mapatalon ako sa aking kinatatayuan nang may biglang nagsalita.
Agad akong napalingon sa likod.
“Wag ka ngang manggugulat!” Asik ko habang nakahawak sa dibdib.
Muntik na akong atakihin sa puso! Akala ko pa naman dinadalaw na ako ng engkanto na nakatira sa punong mangga na yun!
“Sorry, hihi.” Nakangising turan niya habang naka-peace sign.
Inirapan ko lamang siya saka nagpatuloy sa ginagawa. Narinig ko ang mga yapak niya papalapit.
Lintek na! Mag-aalas sais palang ng hapon!
“Maaga pa naman kasi eh. Tsaka hindi pa ako tapos maglinis.”Tugon ko habang pinupunasan ang huling pinggan.
Umupo siya sa ng padekwatro sa upuan nasa may kaliwa ko.
Naghikab siya saka ipinagkrus ang mga braso.“Ih anong oras ba kasi tayo aalis? Madilim na sa labas, oh.” Aniya saka nginuso ang labas ng nakabukas na pinto. Unti-unti na ngang nilalamon ng dilim ang paligid.
“Maya-maya na. Tulog pa si Debs eh.” Palusot ko.
Hayyyyyyy! Ano nang gagawin ko?!
Palpak ang plano!
“Oh, eh gising na pala ang diyosa mong kapatid!” Bulalas niya habang nakatingin sa aking likuran. Awtomatiko din akong napalingon at nakompirma ang sinabi niya.
“Mas maganda ako.” Untag ko.
“Tanggapin mo na beh, mabait ka lang. Medyo balintuna pa nga eh.” Salungat niya na agad ikinabusangot ng aking mukha.
Ako ang kaibigan mo uy!
“Hi, ate Stella!” Dinig kong bati ng kapatid ko sa bruha.
“Hello, Debby! Nagsaing na si ate mo, may binili rin kaming ulam kanina para sayo. Maiwan kana muna namin dito, ah? Ikaw na bahala kay Tita.” Dire-diretsong saad niya. Ni hindi man lang nahingal sa bilis ng pagsasalita niya!
Naglakad si Debs palapit sa lagayan ng mga baso na kung saan ay nasa harap ng pwesto namin.
“Saan lakad niyo, ate?” Usisa niya habang nakasandal sa lumang lababo at inaayos ang magulong buhok.
“Secret!” Aniya habang nakasuot ng makahulugang ngisi. Tumingin siya sa akin at kumindat.
Mahinang tumawa si Debs at nagkibit ng balikat.
Mukhang wala na akong magagawa pa?
“Bakit parang kunti lang yata tayo dito, beh?” Kuryoso nitong tanong habang nagmamasid sa paligid.
Kasalukuyan kaming nasa isang madilim na kanto, kung saan naghihintay ang ilang mga b*yar*n ng isdang masusukwit.
“May kanya-kanyang mga ruta ang mga tulad nila... Natin.” Tugon ko habang nakasandal sa lumang pader at naka-krus ang mga braso.
Tumango siya habang naka-labi. Pinasadahan niya ng tingin ang mga babaeng naroon, tulad namin ay naghihintay rin ng mahuhuling isda. Animo'y hinuhusgahan niya ang pananamit at mga kilos ng mga iyon na nakasanayan niya nang gawin sa tuwing gumagala kami na minsan pa'y nahahawaan ako.
Napatigil ako sa pag-iisip nang may pumarang itim na kotse sa harap namin. Narinig ko ang mahinang bungisngis ng bruhang nasa tabi ko.
Bumukas ang bintana ng sasakyan at dumungaw ang isang lalaking may itsura, tantiya ko ay nasa 30 pataas pa lamang ito. Nakasuot ito ng isang nakakakilabot na ngisi.
“A night to offer, sl*ts?”