Kahit walang balak ay napilitan akong umuwi ng maaga. Wala akong ibang tambayan, uuwi din ng maaga ang lahat ng kaibigan upang tapusin ng maaga ang proyektong pinapagawa sa ekskwelahan. Hindi ako makapag-umpisa dahil hindi pa nagdadala ng mga gamit si Tito boy na aking kailangan.
Kung manghihingi ako sa sarili kong mga magulang ay sigaw lang ang matatanggap ko mula sa kanila kaya di na ‘ko umaasa pa. Nang makarating sa bahay ay wala akong naabutan na nag-iingay, nakahinga din ng maluwag ng malaman na nasa trabaho si papa at mag-oovertime.
Binuksan ko ang TV habang tahimik na kumakain at nilinis ang lababong naiwan na makalat. Ang mag-isa sa loob ng bahay na ‘to ay langit para sa akin, kung ang iba ay gusto nila may kaharutan sa akin ay mas gusto ko maging mapag-isa.
“Ayan, malapit ko ng matapos ang isang libro.” Masayang usal ko bago pinublish ang isang parte sa akin akda.
Ito na lang ang nag-iisa kong kasiyah, ang pagsusulat, hindi ko kayang mawala ‘to dahil mababaliw ako sa dami ng kung ano-anong pumapasok sa isipan ko. Dito ko lang din nailalabas ang gusto ko, ang pangarap kong pamilya, pang-araw araw at kung ano-ano pa na gusto ko sa buhay na di ko makuha na hindi ko makuha sa reyalidad ng buhay.
“Ang aga mo ata,” ani Mama ng pumasok sa loob na may dalang mga damit, “Tignan mo muna ‘to, baka may gusto kang bilhin. Pinabebenta sa ‘kin yan, kung mabenta ko ay akin na ang tubo.” Paliwanag niya.
Lumapit ako at tinignan isa-isa ang bago niyang paninda. “Lahat naman ito ay luma. Mahirap na ‘to ibenta kahit sa murang halaga mo pa ibigay, dipende kung ibibigay mo ibebenta mo sa mga matanda.” Aniko.
“Hayaan mo na,” tugon niya. “Kahit lang dyan ay kumita ako. Nag-resign ako sa trabaho para maalagaan kayo, ngayon ay hindi ko maibigay ang mga pangangailangan niyo. Hindi naman tayo kailangan umasa sa tatay mo, nakita mo ang ginawa niya nakaraan?” pagak itong tumawa.
Hindi ako umimik, pumasok muli sa aking isipan ang imahe ni papa. Ang mukha niyang galit na galit habang dinuduro kami ni mama ‘t pilit pinapalabas ang perang hindi naman namin nahawakan at kinuha. “Nahanap niya na ang pera, sinabi niya sa akin kanina, itinago niya ang pera sa isang gilid at nakalimutan niya lang kung saan niya inilagay. Hindi ko makalimutan kung paano siya mag-impwentra, pilit na sinisisi sa atin ang bagay na hindi naman ginawa.”
“Galit pa din siya?”
“Wala siyang karapatan na magalit, ang hilig niya magturo ng tao na di inaalam kung tunay ba o hindi. Dadalhin ko hanggang sa kamatayan ang ginawa niya, hinding-hindi ko kakalimutan.” May lungkot sa boses nito.
Hindi ako umimik at nanatiling nakikinig. Hindi ako magaling magbigay ng payo at ayaw ko magisisi sa bandang huli dahil nagsalita ako, kaya ang makinig lang ang kaya kong gawin upang maibsan ang sama ng loob ni mama.
“Siguradong mauulit at mauulit ‘to, ma.” Usal ko bago inayos ang kanyang paninda, “Alam kong matagal pa pero kung makatapos ako ay gusto ko na kaagad umalis dito sa bahay, kayo na ang bahala kung gusto niyo sumama o manatili dito.”
“Kung hindi lang ako naawa sa inyong magkakapatid ay babalik na ‘ko sa magulang ko. Hindi ko na kaya pang pakisamahan ang ama mo, dati pa ‘ko nagtitiis dahil hindi ko kayo kayang iwan.” Naluluha ang kanyang mga mata na agad niyang pinunasan.
Nag-usap kami ni mama, nagkwekwentuhan habang nagsasabi siya ng kanyang mga problema. Hindiman ako ang paborito niyang anak ay alam ko pa din ang pakiramdam na iniipon ang lahat sa dibdib at kahit anong mangyari ay mahirap mawalan ng isang ina.
“Huwag ka lang magkakamali ng desisyon na gagawin. Sa edad mo, dyan nag-uumpisa maging mausisa ang mga bata at natatakot ako na mabuntis kayo ng maaga. Patunayan mo ang sarili mo, ang papa mo, hindi ‘yon maniniwala hanggat wala kang maipagmamalaki sa kanya.” payo nito.
Wala akong balak magpabuntis o mag-asawa, nakakatakot ang responsibilidad mas lalo na ang mangangako sa isa ‘t isa na magsasama sa hirap at ginhawa pero sa huli ay ako din ang magiging kawawa. Hindi mo masasabi kung sino nga ba ang matino, sasabihin ng iba na mabuting tao ‘yan at siya ang dapat na piliin mo pero kung magkakasama na kayo sa isang bubong ay doon na makikitaan ng tunay na ugali.
Sa tuwing nakakakita ako ng masayang pamilya, napapatanong ako sa sarili kung totoo nga bang masaya sila o sa pakitang tao lang para walang masabi ang iba sa kanila? Sa panahon ngayon, iyon na ang ginagawa ng iba na nagpopost sa social media na Kunwari ay masaya sila.
“Masyado pong mataas ang pangarap ko para sa ganyan, hindi ko sasayangin ang pinaghirapan ko.” Dahil lang sa hindi lang makapaghintay sa tamang oras. Pagtapos nito, pagmay sarili na ‘kong pera ay gusto kong alagaan ang sarili ko at i-spoiled sa mga bagay na hindi ko makuha ngayon.
“Mahirap sabihin ‘yan.” Tugon nito na walang pagtitiwala.
Maliit akong ngumiti bago hiniwalay ang isa sa mga damit na napili ko. Kailangan ko supportahan si mama sa negosyo niya, hindi ko man gusto ang desenyo ay kailangan ko pa din bigyan siya ng lakas ng loob para mabenta ang lahat ng mga ito.
“Ibibigay ko sa lingo ang bayad nito, ma, bibigyan ako ni Tito Boy sa sahod niya.” aniko tsaka nagpaalam ng babalik sa kwarto. Kailangan ko muli maglinis, panay ang kalat ni Ellie na hindi naman marunong maglipit.
Kung sino pa ang dugyot ay siya pa ang hindi marunong maglinis. Nakakapikon madalas pero kailangan kong kontrolin ang aking sarili kesa ang patulan ang wala namang utak na katulad niya.
Mabilis ang paglipas ng oras, puno man ako ng stress sa bahay ay kabaliktaran naman kung kasama ko ang aking mga kaibigan. May kaunting tampuhan na nangyayari pero agad din naming nasusulusyonan ng pag-uusap. Ayaw ko na may kaalitan, gusto ko na masaya lang kami at walang plastikan. Ayaw ko na pati sila ay dumagdag sa problema ko.
“Hazel, punta daw tayo kela Joana bukas. Magdala ka ng damit, magswiswimming tayo sa bahay nila.” Excited ang boses ni Mariel sa kabilang linya.
“Wala akong pera.” ang unang problema na humadlang sa akin.
“May swimming pool sa bahay nila, wala naman atang entrance doon at kailangan lang ng pamasahe.”
“Ah, okay, ayusin ko na ang mga gamit ko.” paalam ko. Mukhang may paggamitan na ‘ko ng binili ko kay mama.
Dali-dali kong inayos ang mga damit ko, kasama ang tsinelas na dadalhin. Mas maganda ng hindi nila malaman kung saan ako magpupunta, mas lalo na si Ellie na inggitera na gagawa ng paraan para hindi ako makasama. Inayos ko na ang lahat ng kailangan ipasa bukas at pati sa susunod na araw.
“Gusto mo ba talaga mag-aral o gumawa na lang ng kalokohan?! Wala ka ng ginawa kundi ang bigyan kami dito ng sakit sa ulo!” nangangalaiti si mama at si Ellie ay mukhang walang pake.
“Wala nga akong kasalanan. Siya ang nangunguna, tinapos ko lang ang inumpisahan niya.” mas matapang niyang sigaw pabalik kay mama.
Ang lakas ng loob niya sigaw-sigawan si mama at hindi respetohin palibhasa ay alam niya sa kahit anong gawin niya ay kakampihan siya ni papa. Kaya akala mo kung sino siyang hari dito sa bahay kung umasta, kung makapag-utos at sigawan ang mga tao dito.
“Sana hindi nalang kita pinanganak.” Dinig kong usal ni mama bago pinunit ang papel na hawak, “ang ama mo ang dalhin mo sa school niyo, nakakahiya ka! Wala akong anak na katulad mong demonyo!”
“Edi wag! Hindi ako papasok hanggat hindi kayo pupunta.” Pananakot nito.
“Sino ang tinakot mo?” sabay ngisi ni mama dito.
Bumababa ‘ko at saktong nakita ako ni mama. Nag-umpisa itong mag-ingay na walang habas na sinasagot ni Ellie ng walang habas. Bakit ba ako nagkaroon ng kapatid na bastos at walang respeto?
Napabuga ako ng hangin at hinayaan silang mag-ingay. Si Ellie naman ang paniniwalaan sa bandang huli ni papa at walang magagawa si mama kundi ang magpunta sa school katulad ng narinig ko kanina.
“Anong tinitingin-tingin mo?!” galit niyang sigaw sa akin.
Inirapan ko lang siya at kumuha ng tubig. Kung hamon lang ‘to para sa pasensya ko, please lang, malapit ng maubos at ibato itong baso na hawak ko.
“Hindi ako makapaghintay na sampalin ka ng karma, sigurado na hindi lang ‘yon basta-basta dahil panghabang buhay mong pagsisihan.” Aniko na may ngisi sa labi.
“Pwes, bago dumating ang karma ko, ako muna ang magiging bangungot mo.” tugon niya na siya din may ngiti sa labi. Tignan natin.