Matapos sabihin ni Demetrius ang mga kataga na iyon sa amin, tila ba umakto siya na walang nangyari at tila ba hindi niya nais aminin na sinambit niya ang mga salitang iyon sa amin – tila ba iniiwasan niya ang usapin na iyon sapagkat nang akmang magtatanong ako sa kaniya, bigla na lamang siyang tumayo sa kaniyang kinauupuan.
May ngiti na muli sa labi nito na para bang wala lamang ang nangyari, na labis na ikinagulo ng aking isipan, ngunit nang makita ko na para bang may mali sa kaniyang kinikilos, hinayaan ko na lamang siya at hindi na nagsalita pa.
Pati si Alana ay pinanatili na lamang ang pagtikom ng kaniyang bibig na para bang nahinuha niya na hindi ito ang tamang oras upang magsabi nang kung ano mang makasasakit pa kay Demetrius – tila ba alam niya na walang magandang mangyayari sa aming tatlo kung ipagpapatuloy pa namin ang pag-uusap tungkol sa nangyari sa nakaraan ni Demetrius na hindi rin naman niya nais na banggitin sa amin.
“Ano ang nais ninyong kainin?” tanong niya bigla sa amin habang naglakad siya nang nakaharap ang kaniyang likod sa aming dalawa ni Alana.
Hindi nakatakas sa aking paningin na para bang iniiwasan niyang ipakita sa amin ang kaniyang tunay na nararamdaman. Nakita ko kung paano niya pinipilit ang kaniyang sarili na hindi ipakita ang kaniyang tunay na nararamdaman sa pamamagitan ng pagpapakita ng ngiti sa kaniyang mga labi – mga ngiti na alam kong may kaakibat na lungkot sapagkat ang kislap ng kaniyang mga mata ay para bang malayo sa salitang ‘kasiyahan.’
Mukhang napansin din iyon ni Alana sapagkat siya ang sumagot sa tanong ni Demetrius. “Ayos lamang kaming dalawa ni Ambrose,” sambit niya nang may maliit na ngiti sa kaniyang na para bang hindi niya nais na mas lalo pang lumungkot ang paligid nang dahil sa mga napag-usapan namin kanina.
Hinawakan pa nga ni Alana ang aking mga kamay na para bang kinukuha nito ang aking atensiyon, bago ito bumulong at sinabing, “Huwag na lamang na’ting ungkatin pa ang kaniyang nakaraan sapagkat tila ba hindi niya nais na sabihin sa atin ang katotohanan. Hindi pa siya handang isiwalat kahit na kanino man ang mga hinagpis na kaniyang naranasan nang dahil sa kaguluhan sa mundong ito.”
Unti-unti akong tumango nang marinig ko iyon sa kaniya sapagkat alam ko na hindi talaga nais pang sabihin ni Demetrius ang nangyari sa kaniyang nakaraan. Alam ko na may malalim na dahilan kung kaya hindi niya gusto pang ituloy ang kaniyang mga sinasabi sa amin ni Alana kani-kanina lamang.
Nakikita ko rin sa kaniyang mga mata na hindi niya rin gusto na makita namin na siya ay nasasaktan nang dahil sa pag-alala sa kaniyang nakaraan. Nakikita ko na hindi na niya gusto pang maaalala ang mga hinagpis na kaniyang naranasan.
“Huwag na kayong mahiya sa akin!” sabi ni Demetrius sa aming dalawa ni Alana, na naging dahilan upang titigan ko na naman siya sapagkat hindi ko maiwasan na pagmasdan ang emosyon na pilit niiyang itinatago sa aming dalawa ni Alana. “May pagkain naman ako rito sa aking tahanan, kaya maaari pa na tayong tatlo ay makakain.”
Hindi ko iniiwas ang aking tingin kay Demetrius habang siya ay nakikipag-usap kay Alana na para bang nais niyang kalimutan namin ang pinag-uusapan namin kanina. Tumatawa pa nga ito na para bang hindi siya ang taong kaharap namin kanina, ngunit alam ko na sinusubukan lamang niya na iwaksi ang usaping iyon sa aming isipan.
Habang pinagmamasdan ko ang ekspresiyon sa mukha ni Demetrius, at habang tinitignan ko ang emosyon na nais niyang itago sa aming dalawa ni Alana, hindi ko mapigilan na tanungin ang aking sarili. Hindi ko mapigilan na magtanong sa aking isipan.
Paano kung ganoon din ang aking maramdaman kapag naalala ko na ang lahat nang nangyari sa aking nakaraan? Paano kung mas naisin ko nang sana… sana ay hindi ko na lang pala inalam ang mga nakalimutan kong mga ala-ala? Paano kung nasa dulo na ako ng paghahanap nang katotohanan ay tsaka pa ako magsisisi sapagkat hindi ko aakalaing iyon pala ang nangyari sa aking nakaraan?
Alam ko na may hindi magandang mga pangyayari sa aking nakaraan, sapagkat kahit hindi pa sabihin sa akin ni Alana, alam ko na isa sa kaniyang mga dahilan kung bakit niya tinatago sa akin ang nangyari sa aking nakaraan sapagkat alam niyang masasaktan lamang ako. Alam ko na nais lamang niya akong protektahan sa isang bagay na nangyari sa akin noon.
Alam ko na kahit na ano pa man ang aking gawin, may mga bagay talaga na hindi ko kontrolado, kagaya na lamang nang mga nangyari sa aking nakaraan. Alam ko na hindi nalalayo na maaaring masaktan ako kung ano pa man ang aking maaalala, ngunit iyon lamang ba ang aking dahilan upang tigilan ko na ang paghahanap ng katotohanan?
Iyon lamang ba ang aking panghahawakan upang matakot akong harapin ang katotohanan? Magpapatalo ba ako nang dahil lamang sa aking naiisip na siguradong masasaktan talaga ako sa oras na maalala ko na ang lahat?
Hanggang sa oras na nagluluto si Demetrius sa kaniyang mumunting kusina, patuloy pa rin akong nagtatanong sa aking isipan – patuloy ko pa ring iniisip kung ano na ba ang dapat kong gawin sapagkat tila ba napanghinaan ako ng loob nang mahinuha ko na para bang nais na lamang kalimutan ni Demetrius ang nangyari sa kaniyang buhay.
Bigla ko na lamang naisip na sa bawat araw na pinipilit ko ang aking sarili na alalahanin ang lahat, mayroon ring tao na katulad niya na nais na lamang kalimutan ang kaniyang nakaraan.
Na sa bawat pagpupumilit ko na malaman ang katotohanan, may mga taong ninananais na lamang na ibaon sa limot ang lahat nang nangyari sa kanilang buhay.
Hindi ko na napigilan pa ang aking sarili na mapa-buntong hininga sapagkat hindi ko talaga maiwaksi sa aking isipan na hindi ko na ninanais pang maaalala ang lahat sa akin – tila ba napanghinaan na talaga ako ng loob nang dahil sa mga naiisip ko na mga bagay na alam kong maaari talagang mangyari sa akin sa huli.
“Ambrose.” Napukaw lamang ang aking pag-iisp nang marinig ko ang marahang pagtawag ni Alana sa aking pangalan.
Doon lamang ako nag-angat nang tingin nang may nagtatanong na kislap sa aking mga mata na para bang hindi ko mawari kung bakit niya bigla na lamang ako tinawag. Napansin ko rin na nakatingin na rin pala si Demetrius sa akin na para bang nagtataka siya na bigla na lamang akong nanahimik.
“Ayos ka lang ba?” Si Demetrius ang nagtanong ng bagay na iyon, na naging dahilan upang mahinuha na ko na baka matagal na akong nakatitig sa kawalan at hindi ko lamang napansin na sila ay nakatingin na rin sa akin sa napaka-habang oras. “Hindi kita masyadong kilala, ngunit naisip ko na hindi ka naman ganito sapagkat ibang-iba ang Ambrose na nakilala ko kani-kanina lamang.”
Lihim akong napaubo nang sabihin niya ang mga bagay na iyon, at akmang sasabihin ko sa kanila na ayos lamang ako, ngunit bago ko pa man magawa ang bagay na iyon, bigla na lamang pumalakpak nang isang beses si Demetrius na para bang may bigla siyang naalala.
Napataas naman ang isang kilay ni Alana nang dahil doon at nawaksi ang kaniyang atensiyon sa akin. Nakatingin na siya kay Demetrius na para bang hinihintay nito ang akmang sasabihin nito, ngunit hindi ko na napigilan pa ang aking sarili na matawa nang dahil sa mga sumunod na sinabi ni Demetrius sa aming dalawa ni Alana.
“Ngayon ko lamang napagtanto na hindi pa nga pala tayo nakapagpakikilala sa isa’t-isa.” Nakita ko ang pagkunot ng noo ni Alana na para bang hindi niya inaasahan na iyon lamang pala ang sasabihin ni Demetrius at ako naman ay hindi na napigilan pa ang aking pagtawa sapagkat alam ko na umaakto kaming tila ba magkakaibigan na matagal nang hindi nagkikita at hindi mga taong kakikilala pa lamang sa isa’t-isa.
Napa-buntong hininga pa si Demetrius habang malalim ang kaniyang iniisip, na mas lalong nakapagpatawa sa akin – at siya ring dahilan kung bakit nakalimutan ko ang aking problema kahit na ilang minuto lamang.
“Parang nakakatwang isipan na kanina pa tayo nag-uusap-usap ngunit wala man lang ni isa sa atin ang nagbigay pansin na hindi pa tayo nakapagpakikilala sa isa’t-isa,” bumubulong siya habang sinasabi niya ang bagay na iyon, ngunit rinig pa rin naman naming dalawa ni Alana ang bawat katagang sinasabi niya.
Mas lalo pa akong natawa nang dahil sa mga pinagsasasabi niya ngayon, habang si Alana naman ay patalim nang patalim ang tingin kay Demetrius na para bang hindi siya makapaniwala na talagang ang lalim nang iniisip nito nang dahil lamang sa hindi pa kami nagpapakilala sa isa’t-isa.
Malakas na napa-buntong hininga si Alana na para bang hindi na niya maatim pa na ganoon ang mga pinagsasasabi ni Demetrius, at mukhang nakuha naman niya ang atensiyon ng lalaki sapagkat napalingon ito sa kaniyang direksiyon.
“Alam mo…” binitin pa ni Alana ang kaniyang sinasabi, habang iwinawasiwas pa niya ang kaniyang kamay na para bang naiinis na talaga siya. “Magpakilala na lamang tayo sa isa’t-isa nang hindi ka na mag-isip nang malalim diyan.”
Muli akong natawa nang dahil sa tono ng boses ni Alana habang sinasabi niya ang mga katagang iyon na para bang labis na talaga siyang naiinis, ngunit agad rin akong tumigil nang lumipat sa akin ang matalim na pagtingin niya.
“At ikaw naman, Ambrose,” sabi niya, kaya naman agad kong sinubukan na pigilan ang aking sarili sa pagtawa sapagkat kahit hindi niya sabihin, alam ko na na naiinis na talaga siya sa aming dalawa ni Demetrius. “Kani-kanina lamang ay lugmok na lugmok ka riyan. Ngayon naman, para kang isang baliw na tumatawa riyan.”
Agad ko namang itinaas ang aking dalawang kamay na para bang sumusuko na ako at hindi na magsasalita pa, ngunit hindi ko pa rin maiwasan ang ngiti na pilit na kumakawala sa aking labi sapagkat nakatatawa naman talagang isipin na para bang napakalapit na namin sa isa’t-isa kahit na kakikilala pa lamang naming lahat.
Napa-buntong hininga na lamang si Alana at napailing, bago ito na ang naunang nagpakilala kay Demetrius na kanina pa nagpapalipat-lipat ang tingin sa aming dalawa ni Alana na para bang may ginagawa kaming mali – kahit na nasisigurado kong wala naman talaga kaming ginagawa maliban na lang sa paninita sa akin ni Alana kani-kanina lamang.
“Ako si Alana,” pagpapakilala ni Alana sa kaniyang sarili, bago niya inilahad ang kaniyang kamay kay Demetrius na agad naman nitong tinanggap upang makipagkamay sa kaniya. “Galing ako sa karatig bayan nitong lugar ninyo.” Agad namang naghiwalay ang kamay nilang dalawa at sumunod nang nagpakilala si Demetrius sa aming dalawa.
“Ako si Demetrius, at ako ang nag-iisang tao rito sa aming bayan ang may lakas nang loob upang magpasaya sa mga tao gamit ang aking angking mahika,” may ngiti sa kaniyang mga labi habang pinakikilala niya ang kaniyang sarili, at sa pagkakataong ito, nakikita ko na hindi lamang iyon pekeng ngiti.
Totoo na iyon, at hindi ko alam kung bakit, ngunit nakahinga ako nang maluwag nang makita ko na tunay na siyang masaya ngayon at hindi na siya umaakto lamang. Nararamdaman ko rin na gumaan na ang kaniyang kalooban, ngunit nararamdaman ko rin na may natitira pa ring bigat sa kaniyang puso at isipan na pilit niyang iwinwaksi upang hindi na namin makita at maramdaman pa iyon.
“Ako naman si Ambrose,” sambit ko, at hindi ko na pinahaba pa ang aking mga sasabihin sapagkat wala pa rin naman akong maaalala maliban sa pangalan na ibinigay sa akin ni Alana – nang dahil sa isang kadahilanang hindi ko rin mawari kung ano iyon.
“Ayon lamang iyon?” hindi makapaniwalang tanong ni Demetrius na para bang hindi siya naniniwala na iyon lamang ang aking sasabihin, ngunit nang tumango ako sa kaniya, napa-buntong hininga na lamang ito. “Ano ang iyong mahika?” tanong pa niya na para bang nais niya talaga iyong malaman, ngunit ngumiti lamang ako sa kaniya sapagkat hindi ko rin alam ang aking sasabihin.
“Wala siyang maaalala na kahit ano maliban sa kaniyang ngalan,” sabat ni Alana sa aming usapan, at hindi ko na siya pinigilan pa sa pagsasalita sapagkat nararamdaman ko na mapagkakatiwalaan naman si Demetrius pagdating sa bagay na katulad nito. “Kaya rin kami naririto sa inyong lugar dahil ninanais niyang malaman ang katotohanan sa likod ng kaniyang nakaraan.”
Unti-unting nanlaki ang mga mata ni Demetrius nang marinig niya ang bagay na iyon na para bang hindi niya inaasahan na ganoon pala ang aking dahilan kung bakit ako naririto – na para bang ni minsan ay hindi niya naisip na iyon ang aking dahilan kung bakit kami naririto ni Alana ngayon sa kanilang bayan.
“Kahit ang iyong mahika ay hindi mo maalala?” tanong niya sa akin nang may bahid na pagkagulat sa kaniyang boses. Agad naman akong umiling upang sagutin ang kaniyang tanong. “Napakaimposible naman ng bagay na ‘yan!”
“Kahit na ano ang aking pilit, hindi ko maaalala ang aking mahika.” Napa-kunot naman ang aking noo nang may maisip ako habang sinasambit ko ang bagay na iyon kay Demetrius. “Iniisip ko ng ana baka wala naman talaga akong mahika?”
Makahulugang tumingin ako kay Alana na para bang may ninanais akong ipunto nang sabihin ko ang bagay na iyon, ngunit nag-iwas lamang siya nang tingin at hindi na nagsalita pa nang kahit na ano – isang indikasyon na wala siyang aaminin sa akin, kagaya na lamang noong mga nakaraang araw na pinipilit ko siyang sabihin ang kaniyang mga nalalaman.
Napa-buntong hininga na lamang ako at napailing. Hindi ko na lamang siya pinilit pa at nagpatuloy na lamang ako sa pakikipag-usap kay Demetrius na ngayon ay parang luluwa na ang kaniyang mga mata nang dahil sa labis na gulat na nararamdaman.
“Napakaimposible naman na wala kang mahika, Ambrose!” Nais kong takpan ang aking tainga sapagkat napakalakas ng kaniyang boses habang sinasabi niya ang bagay na iyon, ngunit pinigilan ko ang aking sarili at sa halip ay ngumiti lamang ako sa kaniya at hindi na nagsalita pa.
Tumingin naman siya kay Alana na para bang nanghihingi siya ng kasagutan dito, ngunit alam ko na hindi rin naman magsasalita si Alana nang tungkol doon sapagkat naririto ako sa kaniyang harapan. Alam ko na hindi siya magsasabi nang kung ano sapagkat matagal na niyang sinabi sa akin na naghihintay siya ng tamang pagkakataon upang masabi niya sa akin ang lahat – at alam ko na hindi pa ngayon ang pagkakataon na kaniyang pinaka hihintay.
Alam ko na malayo pa ang panahon na iyon, kaya naman hindi na rin ako umaasang magsasabi siya sa akin nang kahit isang nalalaman niya tungkol sa katotohanang nais kong malaman – ang nakaraan na hindi ko na alam kung nais ko pa ba talagang malaman.
“Wala ka bang nalalaman tungkol sa kaniya?” pagtatanong ni Demetrius kay Alana, ngunit nag-iwas lamang ito ng tingin sa kaniya at bigla na lamang nitong binago ang usapan naming tatlo.
“Alam niyo? Kumain na lamang tayo at para bang nagutom ako nang dahil sa mga pinag-uusapan natin ngayon.” Nauna pa siyang naglakad patungo sa maliit na hapagkainan ni Demetrius, at gumaya na rin ako sa kaniya kahit na nalipat sa akin ang nagtatanong na tingin Demetrius.
Alam ko na naguguluhan siya sa inaakto naming dalawa ni Alana. Alam ko na napakaraming tanong sa kaniyang isipan, ngunit alam ko rin sa sarili ko na hindi ko rin naman alam ang aking isasagot sa kaniya kaya naman umiling na lamang ako sa kaniya upang ipabatid na hindi ko nais na pag-usapan ang koneksiyon naming dalawa ni Alana.
“Halika na at kumain na lamang tayong tatlo,” sambit ko sa kaniya, bago ko tinapik ang kaniyang balikat at tuluyan na akong lumapit kung nasaan nakaupo si Alana.