Unang tilaok pa lang ng manok ay mulat na ang mga mata ni Bettina. Hindi niya alam kung nakatulog nga ba s’ya o hindi, pero nasisiguro niyang alas-kuatro na sa mga sandaling iyon.
Mabilis s’yang bumangon at inayos ang sarili. Nag-iwan na lang s’ya ng isang maiksing note ng pasasalamat sa lalaki, bago magaan ang mga hakbang na tinungo niya ang pintuan. Binuksan niya iyon, pagkuwa’y sandaling sinilip ang sala. Nang masigurong wala ni anino roon ni JE ay madali s’yang lumabas ng bahay.
Ingat na ingat niyang inilabas ang scooter sa gate. Kailangan kasing makauwi s’ya nang maaga, dahil malilintikan s’ya kapag nalaman ng mga magulang niya kung ano ang nangyari sa kaniya. Di bale ng maglakad s’ya kahit na may kalayuan pa roon ang gasoline station, ang mahalaga ay makauwi siya nang maaga. Sigurado naman s’yang may bukas na sa mga sandaling iyon.
Humigit kumulang tatlong kilometro din ang nilakad niya bago narating ang gasolinahan. Walang inaksayang sandali na lumipat s’ya sa taong naroon.
“Kuya pa-gas nga po,” magalang niyang sabi.
Mabilis na tumalima ang lalaki, pero napakunot ang noo nito nang makita ang gauge ng scooter.
“Naka-full tank ka naman Miss, eh,” napapakamot sa ulong wika nito.
“Ho?” Gulat na tiningnan niya ang gauge. Maging s’ya ay nagsalubong din ang mga kilay nang makita iyon.
Napapailing na ibinalik ng boy ang hose sa pinagkunan nito. Siya naman ay nagtataka sa sarili kung paanong nangyari iyon. Nasisiguro niyang wala na iyong gas kagabi. Maliban na lang kung—
Napalingon s’ya sa pinanggalingan.
Ibig bang sabihin noon nilagyan ni JE ng gas ang motor? Pero paano? Saan naman kukuha ang lalaki? Wala naman s’yang narinig kagabi na lumabas ito ng bahay.
Gulong-gulo ang isip na sumakay na s’ya sa scooter at pinaandar na iyon.
Kung ang lalaki man ang naglagay ng gas doon kagabi, dapat lang s’yang magpasalamat dito. Pero hindi na s’ya maaaring bumalik pa sa bahay nito. Masyado na siyang uumagahin. Tama na siguro ang maikling mensahe na iniwan niya rito.
*****
“Grabe, Betty! Aatakihin yata ako sa paghihintay sa ’yo rito,” salubong agad ni Trina sa kaniya nang makarating siya sa mga ito. Halatang balisang-balisa ito base na rin sa timbre ng boses nito.
Inalis muna niya ang suot na helmet bago ito seryosong hinarap.
“O, bakit ganiyan ang mukha mo?” nag-aalalang tanong nito.
“Palagay mo ba dapat personal akong nagpasalamat sa kaniya?” wala sa sariling tanong niya rito.
“Ha? Ano bang sinasabi mo? Sinong pasasalamatan mo?” kunot-noong tanong nito.
Huminga s’ya nang malalim at tumingin sa papasikat ng araw sa silangan.
“Kay JE,” mahinang tugon niya.
Lalo namang dumami ang gatla sa noo ng kaniyang kaibigan.
“Si JE? Anong mayroon kay JE?”
“Sa bahay ni JE ako tumuloy kagabi. . .” Pabulong lang iyon pero narinig naman ni Trina.
“Ano. . . !?” namimilog ang mga matang bulalas nito. Sa lakas ng tinig nito ay nagulat pa ang mga alagang manok ng tatay nito.
Hinarap niya ito.
“Habang naglalakad ako kanina, sabi ko sa sarili ko, okay lang naman siguro na hindi ako personal na nagpaalam sa kan’ya. Tapos noong nasa gasolinahan na ako, doon ko lang nalaman na puno na pala ’yong tangke ng gas. Palagay ko s’ya ang naglagay niyon,” kwento niya rito.
Halos hindi naman humihinga ang kaibigan na titig na titig sa kaniya.
“Ano sa palagay mo? Tama ba ang ginawa ko? Hindi na rin ako bumalik kahit noong nalaman ko na pinuno niya ng gas itong scooter. Baka kasi hanapin na ako nina Inay at Itay, eh,” dagdag pa niya at nilingon ang daan papunta sa kanila.
Hindi sumagot si Trina kaya nilingon niya ito. Titig na titig pa rin ito sa kaniyq na para bang ibang tao ang nakikita nito.
“Hoy!” untag niya rito.
Tila natauhan naman ito at sandaling kumurap. Pagkatapos ay ilang beses itong huminga nang malalim, bago s’ya hinarap at hinawakan sa kaniyang mga kamay habang kaylapad ng mga ngiti.
“This is it BFF! Sa wakas natupad na ang pinakamimithi mo!” kinikilig pang sambit nito.
Nagsalubong ang mga kilay niya.
“Ano bang sinasabi mo?” litong tanong niya rito.
“Paano kayo nagkita? Anong sabi niya? Ah. . . nakapagpa-picture ka ba sa kan’ya? Anong nangyari sa inyo kagabi?” sunod-sunod nitong tanong na sinabayan pa ng impit na pagtili.
Napatirik na lang ang kaniyang mga mata kasabay ng pag-iling.
“Hindi naman iyan ang ginaganoon ko, eh.”
“Oo na nga, nandoon na tayo. Ano ba talagang nangyari kagabi?” Halata ang excitement sa tinig nito.
“Wala,” maikling sagot niya.
Tumaas ang isang kilay nito.
“Wala? Eh, halata naman d’yan sa mukha mo na mayroon. Huwag ka ngang KJ,” palatak nito.
“Wala nga,” giit niya sabay iwas ng mga mata rito. “T’saka baka hinahanap na ako sa ’min. Uuwi na ako,” mabilis niyang pamamaalam dito bago ito tinalikuran.
“Hep! Hep!” Pero mas mmakakauito at agad na iniharang ang sarili sa kaniyang daraanan. “At sinong may sabi sa iyo na basta-basta ka na lang makauuwi nang hindi nagkukwento sa akin?” nakameywang na wika nito.
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Ano bang pumasok sa isip niya at iyon ang lumabas sa bibig niya kanina? Nasisiguro niyang hindi s’ya titigilan ng kaibigan hangga’t hindi s’ya nagkukwento dito.
Pero. . .
“Sa isang araw na lang. Mag-aaral pa ako para sa midterm natin bukas,” tanggi pa rin niya.
Mariin itong umiling at hinawakan s’ya sa magkabilang balikat, pagkuwa’y pinakatitigan siya sa kan’yang mga mata.
“Baka nakalilimutan mong magkaibigan tayo. At baka rin nakalilimutan mong kahit hindi ka mag-aral, walang dudang papasa ka,” anito.
Napahinga s’ya nang malalim.
“Eh, ano kasi eh. . .” Nagkamot siya ng ulo.
“Anong, eh, ano kasi?” panggagaya nito sa kaniya Na sinabayan pa ng paglabi.
“Wala namang masyadong nangyari. Hindi ko naman alam na bahay niya iyong natapatan ko.”
“’Yon na nga, eh. Sa dinami-rami ng madadaanan mong bahay, bakit eksaktong sa kan’ya pa? Hindi kaya sinasadya ng pagkakataon ito?”
“Ano namang ibig mong sabihin?” takang tanong niya.
“Na sadya talaga kayong pinagtatagpo dahil meant to be kayo! Ihh. . . !” Nagpapadyak pa ito habang magkadaop ang mga palad. Halatang nag-uumapaw ang kilig sa dibdib nito.
Napailing na lang s’ya.
Sinasabi na nga ba. Iyon talaga ang papasok sa isip nito kapag nagkwento s’ya rito.
Eh, hindi ba ikaw din naman. Iyon din ang nasa isip mo kagabi? Bwelta ng likurang bahagi ng isip niya.
“Alam mo, sa tinatagal-tagal na nating sinusundan ang buhay ni JE—mapa-musika man o personal, wala naman tayong nababalitaan na nagka-girlfriend s’ya na inamin niya mismo.”
“Anong namang kinalaman ko roon?” hindi nasusundang tanong niya.
“Na siguro kaya wala pa siyang nagiging kasintahan dahil hinihintay n’ya talaga ang pagdating ng kaniyang the one. . . Ang pagdating mo!” bulalas nito sabay hampas sa braso niya.
Iningusan niya ito.
“Ang advanced mo namang mag-isip. Baka naman kaya wala pa siyang ipinakikilala kasi hindi na kailangang sabihin pa. Baka kontento na ‘yong karelasyon niya sa kung anong mayroon sila,” nakasimangot na tugon niya.
“Ano namang ibig mong sabihin?” curious na tanong nito.
Napatingin siya sa lupang kinatatayuan at tinisud-tisod iyon ng suot na sapatos.
“Sila na ni Aira,” mahinang imporma niya.
Hindi pa rin niya maiwasang makadama ng paninikip sa dibdib sa tuwing maaalala sa isip ang tagpong iyon kagabi. Kahit anong pilit niyang iwaksi iyon sa isipan ay hindi naman mawala-wala ang imahe ng dalawa roon.
“Sila ni Aira!? Paano mo naman nalaman?” gulat nitong tanong.
“Nakita ko sila kagabi na naghahalikan.”
“Ano!?” Namilog ang mga mata nito. “Teka nga. . . teka nga. . . Ano ba kasi talagang nangyari? Paano mo sila nakitang naghahalikan? T’saka, anong naging reaksyon niya nang makita mo sila?” parang pumuputok na armalite ang bibig nito sa sunod-sunod nitong pagtatanong.
Wala ng nagawa si Bettina kundi ikwento lahat sa kaibigan ang mga nangyari kagabi. But she didn’t tell her where exactly his house located, pati na ang itsura ng loob ng bahay ng lalaki. Because she didn’t want other people to know about his private space. Respeto na rin niya iyon sa lalaki dahil sa pagmamagandang loob nito sa kaniya.