Chapter 5

1080 Words
AMY Kasalukuyan na kaming naglalakad patungo sa paaralan at hanggang ngayon ay nakakapit pa rin si papa sa braso ko. Si mama ay diretso lang na nakatingin sa kanyang dinaraanan at kanina pa hindi umiimik. Hindi ko malaman kung ano ba ang dapat kong sabihin at gawin dahil baka may mali na naman na maganap. Ayaw ko rin namang manisi ng ibang tao dahil hindi rin iyon tama. Pero, ang pagsisinungaling ba para maisalba ang reputasyon ng isang tao ay mali rin? "Mom, Dad... Umuwi na lang po tayo, please?" pagmamakaawa ko sa kanila kaso parang wala naman din gumagana. Nasa harapan na kami ngayon ng gate pero nakakapagtaka kung bakit ito sarado. "Magandang umaga po sa inyo. Ano pong kailangan ninyo, Ma'am, Sir?" tanong ng isang guwardiya na regular na nagbabantay rito tuwing morning shift ng klase. "Ihahatid lang sana namin ng tatay niya ang anak namin sa loob," diretsang sagot ni mama nang hindi man lang ibinabalik ang pagbati. Sumusulyap-sulyap din si mama sa paaralan kagaya ko, marahil ay nagtataka rin siya dahil hindi naman ganito dapat ang umaga ng isang eskuwelahan. "Bakit parang wala pa yatang tao sa loob?" pabalik na tanong ni mama sa guwardiya. Napakamot sa ulo ang guwardiyang lalaki at hinubad ang kanyang salamin sa mata na pang-display lang din naman. "Hindi po ba sinabi sa inyo ng anak niyo ang schedule ng klase sa araw na ito, hanggang sa susunod na linggo?" pabalik-balik ng tingin ang lalaki sa aming tatlo nila mama at papa. Napabitaw ng hawak si papa sa akin tsaka niya ako tiningnan. "Amy, alam mo ba ang sinasabi niya?" Simpleng pag-iling ang ginawa ko at sa puntong iyon ay humakbang si papa palapit sa guwardiya. "Eh wala naman pala siyang alam sa schedule, schedule na sinasabi mo eh! Kung papasukin mo na lang kaya kami? Kailangan namin makausap ang guro niya at may trabaho pa kaming kailangan habulin ng asawa ko," mahabang paliwanag ni papa at mukhang nasindak naman niya ang guwardiya kasi napagmasdan ko ang marahang paglunok nito. "Pasensya na ho kayo pero ako lang po ang naririto ngayon hanggang sa susunod na mga araw," nanghingi ng paumanhin ang guwardiya at naawa naman ako sa kanya. Ginagawa lang naman niya ang trabaho niya pero parang minamasama pa iyon nila mama at papa. "Wala po kasing klase ng isang linggo, pahinga po para sa mga guro, estudyante at sa lahat ng nagtatrabaho rito maliban na lang sa akin. Ako kasi ang inasahang magbantay rito para kung sakaling ganito nga, may pumunta ng hindi alam ang schedule ay mapaalalahanan ko na agad at hindi na mag-aksaya pa ng oras." Bumuntong hininga si papa at hinatak naman na siya ni mama paatras. "Sorry rin, wala kasi sinasabi sa amin itong anak namin at mukhang hindi rin niya naabutan dahil sa aksidenteng naganap sa bahay namin. Babalik na lang kami ulit," pamamaalam ni mama bago siya tumalikod at nanguna nang maglakad pabalik sa aming tinitirhan. Ilang minuto lang ang lumipas ay nakabalik na nga kami sa hut pero hindi na ako sumunod sa kanila sa loob. Nagpaiwan ako sa labas at hinayaan ko na lang ang mga binti't paa ko na dalhin ako kung saan nito gusto. Maya-maya pa ay hindi ko na namalayang nasa harapan na naman pala ako ng Llorin's Bar. Tinitigan ko lang ang pinto roon at nagdadalawang isip kung papasok ba ako o hindi. Doon ko lang din naalala ang sinabi sa akin ni Manager Alicia na kailangan ko magsimulang magtrabaho rito, simula pa lang ng umaga hanggang maghatinggabi. Itutulak ko na sana ang pinto para makapasok na ako pero bigla na lang din itong nahatak mula sa looban at pwersahan akong nakapasok dahil doon, muntikan pa akong madapa pero mabuti na lamang ay nagawa ko pang i-maintain ang balanse ng katawan ko. Umayos ako ng pagkakatayo at kunwaring naglinis ng aking kasuotan bago ko tiningnan kung sino ang nagbukas ng pinto. "M-Manager!" Tinaasan ako ng kilay ni Manager Alicia at pinagmasdan ako mula ulo hanggang paa na para bang ngayon lang niya ako nakita. "Excuse me? Who are you and how do you know that I am the manager of this bar?" nanatiling nakataas ang isa niyang kilay habang binibigkas ang katanungan niyang iyon. Inilagay ko ang isa sa mga kamay ko sa tapat ng aking dibdib. "Ako po ang na-hire niyo bilang janitress dito sa bar ninyo kahapon, si Amy, 'yung batang nasunugan ng bahay ang pamilya kaya hinangad kong tumulong sa kanila sa ganitong pamamaraan," muling pagpapakilala ko sa aking sarili. Pumitik siya at inakbayan ako na para bang magkaibigan lang kami at walang agwat ang aming edad. "Ah, ikaw pala 'yan! Sorry, kagigising ko lang. Magtatrabaho ka na ba agad? Wala ba kayong klase ngayon?" tanong niya sa akin habang kinakaladkad niya ako papasok sa lobby ng bar. "Kung pupwede po sana, magsisimula na ako para makabangon na agad kami at makahanap ng matino-tinong matitirhan," tugon ko tsaka siya lumayo sa akin at iniharap niya ang isang palad niya sa mukha ko. "Wait for me, hon." Iyon na lang ang narinig ko sa kanya at hindi ko na naitanong pa kung bakit dahil dali-dali rin siyang nagtungo sa isang kwarto sa sulok. Hindi naman naging matagal ang aking paghihintay dahil bumalik din siya agad. Nagtataka akong nakatingin sa hawak-hawak niya, isang uniporme ng janitress. Mahaba iyon na parang dress ngunit simple lang at wala gaanong disenyo roon. Tinuro ko lang iyon at kunware ay hindi ko alam ang nais niyang ipahiwatig sa akin. "Para saan po iyan, Manager Alicia?" "Para sa iyo, ito ang susuotin mo tuwing oras ng trabaho mo. Maliwanag ba?" Inabot niya sa akin ang damit na iyon at agad ko rin naman din kinuha, sa pangangambang baka tanggalin niya agad ako sa trabaho kung hindi ko masunod ang kauna-unahan niyang utos sa akin. "Marami pang gan'yan sa loob, pwede kang magdala sa uuwian mo o rito ka na lang din palagi magpalit." Tumango lang ako sa kanya. Hindi ko na sinabi kung alin sa dalawa ang gagawin ko kasi bawal ko rin naman iuwi ito. Mapapagalitan lang ako nila mama at papa. Pero... Hanggang kailan ko nga ba ito maililihim sa magulang ko? Mabuti naman ang intensyon ko pero baka iba ang isipin nila kaya natatakot akong umamin. Alam ko namang pahihintuin lang nila ako sa trabahong ito kaya mas maganda na sigurong manahimik na lang sa ngayon. Siguro naman ay darating din ang araw na makakapag-open up ako sa kanila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD