AMY
Nakapagpalit na ako ng damit sa loob ng parang isang dressing room at ang tanging masasabi ko lang ay napakalambot nitong suot ko. Hindi siya katulad ng mga nasusuot ko sa bahay namin noon na basta't kasya ay okay na. Umikot-ikot pa ako ng ilang beses sa harapan ng isang mahabang salamin, kung saan nakikita ko ang itsura ko mula ulo hanggang sa aking paa.
"Ang ganda," ani ko sa sarili. Kung sinuman ang makakakita sa akin ay sigurado akong hindi nila agad maiisip na isa lang akong janitress sa bar na ito. Kaso hindi ko rin masisiguro dahil isa nga itong uniporme at baka marami na ang nakagamit ng mga ito, nilalabahan na lang para sa susunod na gagamit.
"Amy, hindi ka pa ba tapos diyan?" rinig kong pagtawag sa akin ni manager Alicia. "May mga customer na rito at kailangan mo nang sanayin ang sarili mo sa ganitong trabaho, hindi natin alam kung gaano kakalat uminom ang mga 'to," dagdag pa niya na para bang hindi pa siya sanay sa mga dumadalo sa kanyang bar.
"Patapos na po," magalang na tugon ko, hindi na siya sumagot pa kaya nagmadali na ako sa bawat kilos ko. Inayos ko pa saglit ang ilang pirasong buhok ko na humaharang sa harapan ng aking mukha bago ko napagpasyahang lumabas na mula sa dressing room na iyon. "Parang... hindi naman ako magmumukhang janitress nito, Manager Alicia," nahihiyang sabi ko sa kanya.
Nakataas ang hinlalaki niya sa isang kamay at nakatupi naman ang iba pa niyang daliri upang iparating na bagay naman sa akin ang aking kasuotan. "Watch your words, Amy. Hindi ka pa nakakapagsimula magtrabaho kaya hindi mo pa masasabi 'yan."
Hindi ko man maintindihan pero tila ba'y natakot ako sa kanyang sinambit, na parang sa isang iglap ay magiging madungis na rin ako katulad ng mga nakikita ko sa ibang lugar. Pero, kahit na ganoon ang aking naisip ay nilakasan ko pa rin ang loob ko dahil ginagawa ko naman ito para kina mama at papa, wala naman siguro akong tinatapakan na tao sa pagpasok ko sa trabahong ito.
Sa ilang oras ng unang araw ko sa aking trabaho ay nakaramdam na agad ako ng matinding pagod. Sa bawat daraanan ko ay mayroong nagbabatuhan ng kung anu-anong kagamitan at pati na rin ang mga bote ng alak na kanilang ininuman ay basta na lang nila binabasag. Lumalagatak na ang pawis ko at nagsimula na itong tumulo mula sa aking noo, papunta sa aking leeg at hanggang sa makarating na ito sa aking likuran. Hinahabol ko na lang din ang hininga ko kasi nauubusan na ako ng segundo para man lang huminga ng malalim. Dire-diretso ako sa pagwawalis, pagpupulot, pagpupunas at pagtatapon ng kani-kanilang mga basura. May option naman sila para itapon ang mga iyon ng sila lang ang gumagawa o 'di kaya ay iligpit man lang nila sa lamesa at itabi sa isang gilid, hindi 'yung napakabarubal.
Gustuhin ko man magreklamo ay hindi ko magawa dahil baka alisin agad ako sa trabaho sa unang araw ko. Ramdam ko na ang init na nanggagaling sa sikat ng araw na siyang tumatagos sa mga bintana ng bar na ito, kaya sa palagay ko ay tanghaling tapat na. Walang tigil ako sa pagsulyap sa paligid para tingnan kung may nakaligtaan ba akong kalat at pati na rin para hanapin kung nasaan si manager Alicia. Gusto ko lang sanang malaman kung mayroon ba akong oras ng pahinga o talagang kailangan ko ituloy ito hanggang sa magmadaling araw na.
Nang bahagyang kumalma ang kapaligiran at mga taong nag-iinuman ay ginamit ko na iyon bilang pagkakataon kong umakyat sa second floor para hanapin siya. Naglakad ako sa mahabang carpet at sa gilid ay ang magkakasunod-sunod na mga kwarto na nilalaan para sa mga VIP lamang ng bar. Iba't ibang numero ang nakapaskil sa bawat pinto ngunit pare-parehas naman itong kulay asul. Hindi ako nag-aksaya ng panahon ko para silipin ang bawat isa roon dahil alam ko namang nasa pinakadulo nagtatago si manager, kaya roon na ako huminto.
Kumatok ako ng mahigit tatlong beses. "Manager Alicia?" tawag ko sa kanya habang patuloy lang ako sa pagkakatok. Hindi ako nakatanggap ng tugon mula sa loob kaya sinubukan kong ikutin ang doorknob nang mahawakan ko ito. Hindi naman iyon naka-lock kaya napag-isipan ko na pumasok sa loob at maghintay na lang na dumating siya. "Manager Alicia, papasok na po ako ah," mahinang sambit ko at dahan-dahan ko na rin tinulak ang pinto.
"Anong ginagawa mo rito, Amy?"
"Ay palaka!" Bulalas ko at pabagsak kong nabitawan ang doorknob kaya sumara uli ang pinto bago pa man ako tuluyang makapasok doon. Bumilis ang t***k ng aking puso at parang mas naunahan pa ako nitong tumalon kaysa sa akin. "M-Manager!"
Tiningnan niya ang kwarto sa tabi ko at agad din ibinalik ang atensyon sa akin. "So, anong ginagawa ng janitress sa isang VIP room?" pag-uulit niya sa kanyang tanong, pero sa pagkakataong ito ay mas nadama ko ang authority na para bang pilit akong ibinabaon nito sa lupa.
"G-G-Gusto ko lang po sanang maitanong sa inyo kung... may oras po ba ako para sa sarili ko," diretsang sagot ko at hindi ako nagsinungaling pa, wala rin naman saysay ang pagsisinungaling sa ngayon dahil wala naman akong nakita sa loob ng VIP room na tinutukoy niya. "Magpahinga at kumain po, mga ganoon po," dagdag ko pa para mas malinawan siya at hindi maguluhan.
"Nasa baba lang naman ako, pinagmamasdan ko ang kilos mo kung kaya mo ba talaga maging isang janitress. Hindi mo ba ako nakita?" nagtatakang aniya tsaka siya umiling na hudyat para balewalain ko na lang din ang una niyang sinabi. "Para sa katanungan mo, kung kailan mo gustuhin ay pwede naman. Wala naman akong ipinagbawal sa 'yo, 'di ba?"
Tumango na agad ako dahil baka bawiin pa niya iyon at mawalan pa ako ng pahinga. "Maraming salamat po, Manager Alicia."
"Sige na. Go back to work or rest na muna sa lobby," nginitian ako ni manager at nilagpasan na ako.
Naglakad na ako pabalik sa hagdan kung saan ako nanggaling pero tila ba'y naestatwa ako sa aking nasilayan. Mga babaeng estudyante na paakyat sa kinaroroonan ko.
"Amy?"