''A-aalis ka?”
Tanong ni Elaina nang makita na nag-iimpake si Arkin ng mga damit nito sa maleta. Panandalian itong tumigil sa ginagawa at hinarap siya. Kinuha nito ang magkabilang kamay ng asawa at marahang hinagkan ang mga iyon.
“Yes, babe. Sorry kung hindi ko agad sa’yo nasabi. But don’t worry, two weeks lang akong mawawala.”
Two weeks? Nanlumo siya sa narinig buhat sa asawa. Nilukuban siya ng takot. Tila tambol din sa lakas ng t***k ang puso ni Elaina. Iyong isang linggo na nga lang na wala rito sa mansyon ang asawa niya ay para na siyang mamatay sa mga pinaggagawa sa kanya ng ina nito. Dalawang linggo na naman siyang pahihirapan ng kanyang matapobreng biyenan. At panigurado rin siya na sa dalawang linggo na iyon ay katakot-takot na gutom ang aabutin niya.
“Babe, huwag ka nang malungkot. Babalik din naman ako agad. Kailangan ko lang talaga mag-out of the country dahil sa ka-business meeting ko sa US. I need to do this dahil sa naging sunod-sunod na problema ng kumpanya. Saka araw-araw kitang tatawagan.”
Saad sa kanya ni Arkin. Hindi rin nakaligtas sa paningin nito na nalungkot siya sa muling pag-alis nito. Malalim siyang bumuga ng hangin. Ano pa nga ang magagawa niya kung hindi ang maghintay sa muling pagbalik nito at pagtiisan ang kalupitan ni Donya Octavia sa kanya? Kahit paano ay naging magaan ang pakiramdam niya nang sabihin sa kanya ni Arkin na araw-araw siya nitong tatawagan.
“M-mag-iingat ka roon, ah. Saka pakiusap, tawagan mo ako.”
Saad ni Elaina.
Maagang umalis si Arkin.
Tahimik ang mansyon habang isinasara nito ang pintuan ng sasakyan. Ilang segundo pa itong tumingin sa bintana ng kanilang silid kung saan nakatayo si Elaina, pilit na pinipigilan ang pagluha nito.
Ngumiti ito at kumaway.
Ngumiti rin siya.
Hanggang sa tuluyang umalis ang sasakyan at maglaho sa gate ng mansyon.
At kasabay noon—
Parang may kung anong nagbago sa hangin.
Unti-unting nawala ang ingay ng makina. Unti-unting bumalik ang katahimikan.
Isang mabagal na palakpak ang umalingawngaw mula sa likuran niya.
“Tapos na ang palabas, Elaina.”
Nanigas siya.
Dahan-dahan siyang lumingon.
Nakatayo si Donya Octavia sa may pintuan ng sala. Nakataas ang isang kilay. Nakapulupot ang mamahaling bestida sa katawan nito, ngunit mas matalim pa sa patalim ang titig na ipinupukol sa kanya ni Donya Octavia.
“M-Mama…” mahina niyang bati.
Mapang-uyam na ngumiti sa kanya ang matandang donya.
“Stupida! Huwag na huwag mo nga akong matawag na Mama! Nakakadiri! Wala akong manugang na mangmang at hampas-lupang katulad mo! Umalis na ang anak ko,” malamig nitong sabi. “Kaya ang nararapat na itawag mo sa akin ay Donya Octavia.”
Parang may malamig na tubig na ibinuhos sa buong katawan ni Elaina.
“Ano po ang ibig ninyong sabihin?”
Lumapit si Donya Octavia. Mabagal. Sinusukat siya mula ulo hanggang paa.
“Ibig kong sabihin,” huminto ito sa harap niya, “oras na para bumalik ka sa lugar mo.”
Nanlumo siya at napalunok.
“Simula ngayon,” dugtong nito, “ikaw ang magbabantay sa kusina. Ikaw ang maglilinis ng buong mansyon. At bawal kang kumain hangga’t hindi ko sinasabi.”
Napatitig siya rito.
“Pero… may mga kasambahay naman po—”
Hindi pa man niya matapos ang sasabihin, isang malakas na sampal ang ibinigay sa kanya ng donya.
“Hoy, babae! Simula sa araw na ito, isa ka na sa mga kasambahay na iyon. Naiintindihan mo?”
Napayuko siya sa sinabi ng matapobreng biyenan at marahang tumango.
Sa gilid ng sala, naroon sina Sonya at Doray. Hindi maitago ang mapanglait na ngiti ng mga ito.
“Akala mo ba dahil pinakasalan ka ng anak ko, prinsesa ka na?” malamig na tanong ng donya. “Huwag mong kalilimutan kung saan ka galing.”
Parang unti-unting dinudurog ang kanyang dibdib.
“Sa loob ng dalawang linggo,” bahagyang ngumiti si Donya Octavia, “ipaparamdam ko sa’yo kung gaano ka hindi nababagay sa pamilyang ito.”
Tahimik siyang tumango.
Hindi dahil sang-ayon siya.
Kundi dahil wala siyang laban. Bago ito tuluyang bumalik sa kuwarto, kung anu-ano pang mga mabibigat na gawain ang inutos nito kay Elaina.
Lumipas ang mga oras.
Halos hindi siya pinahinga. Mula kusina hanggang bodega. Mula sala hanggang hardin. Kahit ang mga trabahong hindi naman niya dapat gawin ay ipinasa sa kanya.
Pawisan. Gutom. Nanlalambot.
Alas-tres na ng hapon ngunit wala pa siyang kain.
Sa tuwing susubukan niyang kumuha ng tubig, naroon si Sonya upang pagbawalan siya.
“Utos ng donya. Huwag kang bigyan kahit tubig na maiinom.”
“Parang awa mo na naman, Sonya. Uhaw na uhaw na ako.”
Pawisang pakiusap niya kay Sonya, ngunit hindi siya nito pinagbigyan.
Parang gustong umiyak ni Elaina. Uhaw na uhaw na siya at gutom na gutom na rin. Napangiwi na lamang siya nang kumalam ang sikmura niya.
Hindi siya iiyak.
Hindi habang wala si Arkin.
Ngunit nang gabing iyon, sa loob ng kanilang silid—
Doon niya hinayaan ang sarili.
Tahimik siyang napaupo sa kama. Doon siya humagulhol ng iyak. Halos wala pang isang araw na nakaaalis si Arkin, pero heto at nahihirapan na siya sa mga pinaggagawa sa kanya ni Donya Octavia. Kinuha niya ang cellphone.
Walang mensahe.
Walang tawag.
Marahil ay nasa biyahe pa ito.
Pinikit niya ang kanyang mga mata.
“Kaya ko ‘to…” mahina niyang bulong sa sarili.
Ngunit hindi niya alam—
Sa kabilang bahagi ng mundo, habang nakasakay si Arkin sa eroplano—nakaabang si Priea upang maisagawa ang mga plano nito.
Hindi pa sumisikat ang araw ay gising na si Elaina.
Hindi dahil sa kusa siyang nagising.
Kundi dahil sa malamig na tubig na biglang ibinuhos sa kanyang mukha.
“A-ano—?!”
Napabalikwas siya ng bangon. Basang-basa ang damit niya. Nanlalamig ang kanyang balat.
Sa harap ng kama ay nakatayo si Donya Octavia. Hawak pa ang pitsel. Nakataas ang kilay at matalim ang tingin sa kanya.
“Sa bahay na ito,” malamig nitong sabi, “ang mga katulong ay gumigising bago ang amo.”
Nanlaki ang mga mata ni Elaina. “M-Mama—ay D-Donya… ako po ay—”
“Katulong.” Putol nito. “Iyan ka simula ngayon,” putol nito sa iba pa niyang sasabihin.
Ni hindi siya pinahintulutang magpalit agad. Pinababa siya sa kusina nang basa ang damit. Halos mangatog ang tuhod niya dala ng sobrang lamig.
Alas-singko pa lamang ng umaga. Agad siya nitong inutusan ng mga gagawin, lalo na ang pagluluto.
Pinagbalat siya ng patatas. Pinaghiwa ng karne. Pinaghugas ng sandamakmak na pinggan kahit malilinis na ang mga iyon.
At kapag bumabagal siya—
“Huwag kang babagal-bagal, tamad!” sigaw ng donya mula sa sala.
Wala siyang magawa kundi ang humugot na lamang ng hininga. Kailangan niyang tiisin ang pagmamalupit sa kanya ni Donya Octavia para sa kanyang asawa. Mahal na mahal niya si Arkin, kaya magtitiis siya hangga’t makakaya niya.