Chapter:13

1202 Words
Malalim siyang bumuga ng hangin. Tuwang-tuwa ang mga ito kapag pinapahirapan siya ng matapobreng biyenan niya. Nagsimula na siyang linisin ang malawak na guest room. Binakyum niya nang maigi ang malawak at marmol na sahig ng kuwarto. Kiniskis niya nang maayos ang bawat sulok ng kuwartong iyon. Sinunod na rin niya ang malalaking bintana. Nang masigurado niyang malinis na ang buong guest room ay agad din niyang nilinis ang pinakamalawak na banyo. Namangha pa siya nang makita kung gaano kalaki ang loob noon. Para na kasi iyong isang buong silid. Sa isip-isip niya, iba talaga kapag mayaman. Iba kapag may salapi. Anuman ang gustuhin ng mga ito ay masusunod. Tulad na lang nito—ang pagkakaroon ng magandang bahay, pagkakaroon ng ganito kalaking palikuran, may kasama sa bahay na uutusan. Higit sa lahat, kayang umapi at manghamak ng mahihirap na kagaya niya. Dahil silang mga mayayaman, ang tingin nila sa sarili ay makapangyarihan dahil sa pagkakaroon ng maraming pera. Malalim siyang bumuntong-hininga. Mas mainam na rin siguro na naging mahirap siya kaysa sa mayaman at may kumikinang na diyamante sa katawan, kung ang pagkatao mo naman ay malupit at mapanghamak ng kapwa. Hapong-hapon na nang matapos si Elaina sa paglilinis. Masakit ang kanyang likod at mga braso, ngunit pinili niyang huwag magreklamo. Tahimik niyang inayos ang huling kurtina at saka muling tiningnan ang kabuuan ng silid. Malinis. Maayos. Walang kapintasan. Malalim siyang humugot ng hininga. Sa nakikita niya, maayos na nagawa niya ang paglilinis ng guest room. Marahil hindi na siya masi-sermonan ni Donya Octavia. Marahang bumukas ang pinto. Napalingon siya. Napatigil si Arkin sa may entrada ng guest room. Nakasuot pa rin ito ng coat, tila kagagaling lamang sa kung saan. Ngunit ang mga mata nito—agad bumagsak sa kanya. “At bakit ikaw ang naglilinis nito?” Kunot na kunot ang noo tanong sa kanya ni Arkin. Mababa ang boses nito, ngunit nasa tinig nito ang pagtataka. Nagulat siya. “A-Arkin… kanina ka pa?” Hindi ito sumagot. Lumapit ito, mabagal ang hakbang. Tumingin ito sa kanyang mga kamay—may bahid pa ng panlinis. Sa kanyang noo—may manipis na pawis. “Sino ang nag-utos sa’yo?” Napalunok siya. Alam niya kapag sinabi niyang si Donya Octavia nga ang nag-utos sa kanya na maglinis ay nakatitiyak siya na magtatalo o baka pa nga mag-away ang mag-ina. At ayaw niya iyon mangyari. Ayaw na niya dagdagan pa ang problema ni Arkin. “W-wala. A-ako ang nagprisinta na maglinis dito, total wala naman akong ginagawa.” Pagsisinungaling niya. Tumigas ang panga ni Arkin. Tila hindi ito kumbinsido sa kanyang sinabi. “Ano ka ba naman? Sanay ako sa ganitong gawain, saka ito na lang ang maitutulong ko—” Hindi niya natapos ang sasabihin nang marahan siyang hawakan ni Arkin sa baba at itinaas ang kanyang mukha. “Huwag mong sabihin sa akin na wala kang ginagawa,” mariin nitong saad. “Asawa kita. Hindi ka katulong dito.” May kakaibang init ang titig nito—hindi pagnanasa. Hindi lambing. Galit. Para sa kanya. “Arkin… okay lang naman,” mahina niyang sabi. Malalim itong bumuga ng hangin, tila nagpipigil ng inis. “Hindi kita pinakasalan para gawing utusan,” bulong nito sa kanyang buhok. “Pinakasalan kita dahil mahal kita.” Napapikit si Elaina. Sa unang pagkakataon maghapon, may pakiramdam siyang may kakampi siya. Marahang lumayo si Arkin at tinitigan siya—mula noo pababa, parang may napansin. “Sumasakit ang likod mo.” Hindi iyon tanong. Ngumiti siya nang pilit. “Medyo lang.” Isang mababang buntong-hininga ang pinakawalan ni Arkin. Pagkatapos, walang sabi-sabi, binuhat siya nito. “A-Arkin!” “Huwag kang malikot,” sagot nito, ngunit may bahid ng ngiti. “Ipapahinga kita.” Dinala siya nito pabalik sa kanilang silid. Marahan siyang inilapag sa kama. Hindi mainit ang mga kilos nito ngayon—kundi maalaga. Umupo ito sa gilid at marahang minasahe ang kanyang likod. Napasinghap siya, hindi sa kilig kundi sa gaan ng pakiramdam. “Masaya ka ba dito?” tanong nito bigla. Natahimik siya. “Masaya ako… dahil ikaw ang kasama ko,” sagot niya. Saglit na napapikit si Arkin, para bang may pinipigil. “Kung may problema man, huwag kang mag-atubiling sabihin iyon sa akin. Lagi mong tatandaan, Elaina, asawa kita, hindi katulong, kaya huwag mo nang uulitin iyon. Ang gusto ko, mag-aral ka para sa kinabukasan mo—higit sa lahat, para sa sarili mo,” mahina nitong sabi. At sa paraan ng pagkakasabi nito, alam niyang hindi iyon basta pangako. Dahil sa pagmasahe ni Arkin kay Elaina, nakatulog ito. Hinayaan na muna niya ang asawa sa mahimbing nitong pagkakatulog. Alam niyang napagod ito sa paglilinis ng guest room. Maingat siyang tumayo sa kama at kumuha ng damit sa kabinet. Matapos makapagpalit ay lumabas siya ng kuwarto. Agad hinanap ng kanyang mga mata ang kanyang ina. Hindi maaari ang ganito. Dumiretso siya sa kuwarto ng mga magulang. Dala ng inis ay hindi na niya nagawa pang kumatok. Naabutan niya ang kanyang ina na busy sa pagrerepaso ng ilang dokumento sa mesa nito. Nagulat pa nga ito nang makita siya. “Ma, can we talk?” Pigil ang inis na saad niya sa ina. Tumigil ito sa ginagawa at hinarap siya. “Tungkol saan?” “Tungkol kay Elaina, Ma.” Napataas ang kilay ng donya nang marinig nito ang pangalan ni Elaina. Maya-maya pa ay tumayo ito mula sa pagkakaupo. Tila hindi nito gustong marinig ang sasabihin niya. “Anong tungkol sa asawa mo?” “Bakit ninyo naman pinaglinis ng guest room si Elaina? Ma, asawa ko iyon, hindi katulong na maaari ninyong utusan. May mga maid na dapat gumawa noon.” “Yan ba ang sumbong sa’yo ng asawa mo? Hindi ko siya inutusan. Siya mismo ang nagprisinta na maglinis. Dahil wala naman siyang ginagawa at naisip ko na rin na baka hinahanap ng katawan ng asawa mo ang mga bagay na nakasanayan, kaya pumayag ako. Ganoon na ba talaga kasama ang tingin mo sa akin?” Pagsisinungaling na sagot ni Donya Octavia. Pinigil niya na huwag tumaas ang boses sa sinabi ng anak. Sa kaloob-looban niya ay gigil na gigil siya kay Elaina. Kung maaari nga lang, ngayon din mismo ay kaladkarin niya ang babaeng ito. Ngunit kailangan niyang magtimpi. Kailangan niyang maging mabait sa paningin ng kanyang anak para sa mga plano niya para sa asawa nitong mangmang.Kailangan niyang makuha ang loob ni Arkin. “Aaminin ko, hindi ko gusto na siya ang pinakasalan mo. Ngunit napag-isip-isip ko, ano pa nga ba ang magagawa ko? Siya ang pinakasalan mo. Kaya kahit masakit man sa kalooban ko, kailangan kong tanggapin iyon. Iho, pagpasensyahan mo na ang mga inasal ko sa asawa mo nitong mga nakaraan. Hayaan mo at hihingi rin ako ng paumanhin sa kanya.” Mapagpakumbabang saad ng donya. Kailangan niyang magbait-baitan kay Arkin para maisagawa niya ang kanyang plano sa asawa nito. Kailangan niyang mapaniwala ito. At dahil sa sinabi ng donya, mukhang nakuha at naniwala naman ito sa kanya. Nang makaalis ang anak ay gigil siyang sumilip sa bintana. Hinding hindi siya makakapayag na ang mangmang at walang pinag-aralan si Elaina ang magbibigay ng apo sa kanya. Hindi ito nababagay sa kanyang unico iho.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD