"Sinabihan na kita diba? Napakatigas kasi ng ulo mo. Ano pa bang magagawa natin? Mag-empake ka na dahil siguradong di ka na makababalik d'yan sa bahay ng lolo mo." pag-aalburoto ni mama nang ibalita ko sa kanya ang nangyari kahapon. Hindi ako sinundo ni kuya Kristoff kahapon. Marahil ay dinamdam talaga nito ang mga sinabi ko, ngunit alam kong hindi ko habang-buhay maiililihim ang pagbabalik ko. Lalo pa't napakalawak ng koneksyon ng mga Cardenas.
Kapansin-pansin naman ang hindi pag-imik nina tito Jack at Rick sa akin. Tila ako hindi nag-eexist kung daanan nila. Alam kong disappointed sila sa nangyari pero hindi ko naman kontrolado 'yon. Kung sana ay hindi na lamang ako nagpumilit magpunta sa salon. Nasa huli talaga ang pagsisisi.
---
Mabilis lumipas ang mga araw. Isang linggo na simula nang magkita kami ni kuya Kristoff, ngunit hindi na ito muling nagparamdam. Naputol ang aking pagmumuni-muni nang mag-ring ang aking cellphone. Tawag ito mula sa isang unknown number. Malakas ang kutob kong si kuya Kristoff na ito kaya sa nerbyos ay hindi ko nagawang sagutin ito. Makalipas ang dalawang tawag ay nag-iwan nalamang ito ng mensahe.
"I'll fetch you at around 7 later tonight" basa ko sa text na ipinadala niya. Matagal ko nang napagdesisyonang sasama ako, ngunit hindi ako magdadala ng gamit upang hindi nila ito ma-misinterpret bilang pagsang-ayon ng pagtira ko roon.
Labis pa rin ang lumbay na nararamdaman ko sa tuwing naaalala ko kung saan kami saglit na nagpunta bago niya ako ihatid pauwi. Matapos kong hindi makakuha ng sagot nang itanong ko kung saan niya ako dadalhin ay namayani ang nakabibinging katahimikan sa pagitan namin nang piliin ko nalamang na huwag na lamang abalahin siya sa kan'yang pagmamaneho. Makalipas ang ilang sandali ay huminto kami sa tapat ng kulay pulang higanteng gate. Napakataas nito na halos hindi ko na makita kung ano ang nasa loob nito. Matapos bumusina ay napansin ko ang dalawang gwardya na natatarantang buksan ang gate.
May tiwala man ako ay hindi ko pa rin magawang maging kalmado lalo pa't mukhang abandonadong resthouse ang malaking bahay na nasa harapan ko. Walang mga katabing bahay sa area na ito at wala rin akong nakikitang sasakyan na napararaan. Siguro ay nababakas sa aking mukha ang pagkabahala kaya nagdesisyon na itong kausapin ako. "May ipapakilala ako sa'yo. Ayaw ko sanang masaktan ka at wala ako sa lugar para magsabi, Kris pero karapatang mong malaman." Natuon ang atensyon ko sa main door ng malaking bahay nang may lumabas na bata na kamukha ko. Kasunod nito ay isang middle aged na babaeng na mukhang nag-aalbutoto sa galit dahil sa batang ngayon ay nagtatatakbo palapit sa fishpond. Narinig ko ang mahinang pagtawa ni kuya na nagdulot ng sobrang kalituhan sa akin. Sino ba sila at kailangan ko pa silang kilalanin?