Sinindihan ko ang aking sigarilyo at sumandal sa dingding. Nandito ako sa likod ng building para manigarilyo. Lunch break ngayon at wala akong ganang kumain. Nabusog kasi ako kanina sa tinapay at Milo, eh.
Naisip ko, kahit nakakatakot ang eskwelahang ito ay normal naman pala ito higit pa sa inaakala ko. Lumang-luma na kasi ang mga building at idagdag pa na ang dilim-dilim ng kalangitan sa parteng ito. Ang ipinagtataka ko lang ay ni hindi ko man lang nababalitaan na may ganitong school dito sa lugar namin. Kung nalaman ko lang sana ng mas maaga, eh, ’di matagal na akong pumapasok dito. Mukha namang walang maangas sa school na ito eh. Kanina nga no’ng dumaan ako sa hallway ay para bang iniiwasan nilang makasalubungan ako ng tingin. Bakit kaya? Masyado na ba talaga akong guwapo na hindi nila kayanin na tingnan ako? Hay Ivo, the best ka talaga.
Nang matapos akong manigarilyo ay itinapon ko ito at tinapakan. Umalis na ako sa pagkakasandal at lalakad na sana ako paalis nang biglang may dumating na limang lalake. Hinarangan nila ang dinadaanan ko at mukhang naghahanap sila ng gulo. Nasa gitna nila ang isang lalake na may malaking pangangatawan. May kulay pula siyang buhok at singkit ang kanyang mga mata. Ang apat naman niyang kasama ay may mga weird ding kulay na buhok. Mukha silang rainbow kapag pinagsama-sama.
“Anong nakakatawa?!” sigaw sa akin no’ng lalakeng may pulang buhok ng makita niya akong tumawa.
Tumigil ako sa pagtawa at masamang tumingin sa kanya. “Ikaw at ang mga alipores mo ang nakakatawa,” nakangising sabi ko sa kanya. “Ikaw, mukha kang manok dahil sa pulang buhok mo. At ikaw...”–itinuro ko ’yung lalakeng may dilaw na buhok–“…mukha kang sisiw dahil d’yan sa dilaw mong buhok…”–itinuro ko naman ’yung tatlo pang lalake na may pink, violet at brown na buhok–“Kapag pinagtabi-tabi naman kayong tatlo, para kayong tig-iisang scoop ng ice cream.”
Nakita ko naman kung paano unti-unting sumama ang mga itsura nila dahil sa galit. Napangisi na lang ako. Siguro hindi talaga puwedeng hindi ako mapapaaway sa unang pasok ko sa eskwelahan. Para bang nakadikit na ’to sa sistema ko at hindi ko na maaalis pa. Hindi ko naman kasalanan na mapaaway ako. Sila ang unang lumalapit at inaangasan ako. Ang pinakaaway ko pa naman sa lahat ay ang inaangasan ako at ipinapakita sa akin na para bang ang galing-galing nila pero kapag kinalaban ko na ay wala na silang magawa pa.
“Ang yabang mo, ah! Por que kabilang ka sa Royal Class, ang angas mo na! Bakit? Sino ka ba? Ah, baka bagong aso ng Royal Class?”
Napakunot ang noo ko dahil sa sinabi niya. Hindi muna ako nagsalita para pakalmahin ang sarili ko pero isang salita pa niya manlalagas ang ngipin niya sa suntok ko.
“Alam ko na Boss, baka tagapaglinis siya ng room ng Royal Class.” Sabay-sabay silang tumawa.
Ngumisi ako at madilim na tumingin sa kanila. Tumigil sila sa pagtawa at sabay-sabay na tumingin sa akin. Dahan-dahan akong lumapit sa kanila habang pinapalagutok ang buto ko sa aking kamao.
“Maikli ang pasensya ko sa mga ganitong bagay at ayokong dinadaanan palagi sa salita. Kung kaya kong tapusin gamit ang kamao ko, gagawin ko. Ayoko sa mga taong puro salita pero sa huli ay wala rin naman palag magagawa.” Paatras din sila ng paatras habang lumalapit ako. “Tangina. Nasaan ang tapang ninyo? Wala pa akong ginagawa. Bakit hindi pa kayo sumugod? Gusto niyo akong bugbugin, hindi ba? Gawin niyo na.” Dumipa ako na para bang wine-welcome ko pa sila.
“T-talagang ang yabang mo ah! H-hindi ka namin aatrasan!” nagkakanda-utal na sabi no’ng lalakeng may pulang buhok.
Napatawa na lang ako dahil sa ipinakita niya. Ang angas-angas niya kanina pero ngayon naman nag-aalangan siya kung susugod ba o hindi.
“Boss! Ano pang hinihintay mo? Sugudin na natin ’yan! Wala namang magagawa sa atin ’yan dahil nag-iisa lang siya!” rinig kong sabi no’ng lalakeng may brown na buhok.
Gaya nang sinabi niya ay ’agad na sumugod sa akin ang tinawag niyang ‘Boss’, ang lalakeng may pulang buhok. Umilag ako sa mga suntok niya at wala akong ginawa kundi ang umilag. Sanay na sanay na ako sa mga ganito at mabilis kong nababasa ang mga galaw niya kaya hindi niya ako mapatamaan. Umilag lang ako nang umilag sa mga suntok niya hanggang sa mapagod siya. Napaluhod na siya sa lupa at hindi na magawang makatayo. Sinipa ko siya at napahiga na siya sa lupa. Tinapakan ko ang dibdib niya at diniinan pa ito lalo hanggang sa mapaubo siya.
Tumingin ako sa mga kasamahan niya at dali-dali silang tumakbo papalayo. Inalis ko na ang paa ko sa dibdib niya at lumakad na paalis sa lugar na ito. Ni hindi man lang ako pinagpawisan.
Ipinamulsa ko ang aking kamay sa aking bulsa at pagliko ko sa building ay sumalubong sa akin ang isang kamao. Tumama ito sa aking pisngi at napaupo ako sa sahig. Hinawakan ko ang aking pisngi at tumingin sa gumawa no’n sa akin.
Nang tumingla ako ay nakita ko si Vanessa na sobrang sama ng tingin sa akin. Napangiti naman ako nang makita siya. Kahit mukhang galit ay ang ganda-ganda pa rin niya.
“Bakit mo naman ako sinuntok? Anong ginawa ko?” tanong ko sa kanya habang tumatayo. Pinagpagan ko ang pantalon kong nadumihan dahil sa pagkakaupo ko. Pinunasan ko naman ang bibig ko gamit ang likod ng aking palad at nakitang may kaunting bahid ng dugo rito. Para sa isang maliit na babaeng katulad niya, ang lakas niyang sumuntok.
“Why did I punch you, you asked?” tumango ako sa kanya. “Because I felt like it.”
Napanganga naman ako sa isinagot niya.
“Sinuntok mo ako dahil lang sa gusto mo?” Napatawa na lang ako pagkatapos. “Eh, kapag hinalikan kita? Puwede ko bang sabihin sa ’yo na rason ay dahil gusto ko?”
Masama siyang tumingin sa akin at itinaas ang kanyang kamao. “Bago mo magawa ’yon, tatama muna ang kamao ko ng isang daang beses d’yan sa mukha mo,” mataray na sabi niya. “By the way, kanina ka pa namin hinahanap, you jerk! May rule sa Royal Class na dapat palagi tayong magkakasama rito sa loob ng school at may rule rin na dapat kasabay ka naming kumain sa cafeteria. Now that you belong to the Royal Class, you will follow our rules.”
Tumango-tango ako sa sinabi niya. “Okay, naiintindihan ko. Nanigarilyo lang ako riyan sa likudan ng building at tsaka...”–napaisip ako kung sasabihin ko ba sa kanyang nambugbog ako at piniling ’wag na lang sabihin. Ano pa kung malaman niya? Atsaka hindi naman ako ang may kasalanan–“...nasaan na nga pala sila?”
“Nasa cafeteria pa rin sila,” sagot niya at nagsimula na siyang lumakad.
Sumunod naman ako sa kanya at sinabayan siya. Napangiti na lang ako habang nakatingin sa mukha niya. Sa lahat talaga ng babaeng kilala ko, kakaiba siya. Ayaw ko kasi sa mga babaeng mabilis makuha o kaya naman sa mga babaeng nagbibigay ng motibo, pero siya ipinapakita niya talagang wala siyang interes sa ’yo at sobrang tapang niya para sa isang babae. At teka, ang lakas din niyang manuntok. Pwede na niyang pantayan ang suntok ko, eh.
“Stop stairing.” Inirapan niya ako at binilisan ang paglalakad. “If you stare at me like that again, I’ll claw your eyes out,” banta niya sa akin.
Ngumiti na lang ako at hindi na siya tiningnan hanggang sa dumating na kami sa cafeteria. Pagkabukas ng glass door ay natahimik ang lahat ng nandito sa cafeteria at lahat sila ay nakatingin lamang sa amin. Anong nangyari? Masyado ba silang na-starstruck sa kaguwapuhan ko? s**t naman.
Napatingin ako sa gitnang bahagi ng cafeteria kung saan may mahabang lamesa at doon nakaupo sina Drake. Kumakaway sila sa amin kaya lumakad na kami papalapit sa kanila. Pagkarating namin ay ’agad na kaming umupo. May mga nakahain ng pagkain sa lamesa at sobrang dami pa.
“Kanina ka pa namin hinihintay. Nag-order na kami para sa ’yo kaya simulan na nating kumain? Kanina pa ako nagugutom, eh,” sabi ni Grey at ’agad na binuksan ang burger sa harapan niya.
“Saan ka ba nanggaling?” tanong ni Caster at ibinaba ang hawak niyang libro. Ang hilig niya talagang magbasa.
“Sa likod lang ng building natin. Nag-yosi lang ako saglit,” sagot ko sa kanya. “Bakit niyo pa ako hinintay? Sana umuna na kayo. Hindi pa naman ako gaanong gutom kaya hindi ako dumiretso rito,” paliwanag ko sa kanila.
“Ayos lang ’yon. Nasanay kasi kami na palagi kaming sabay-sabay na kumakain kaya dahil ikaw ang bago naming kasama, gusto rin naming sanayin ka sa ganito,” sabi naman ni Julius na ngumunguya na naman ng bubble gum. Hindi ba siya napapagod kangunguya?
“In Royal Class, we’re like siblings kaya simula ngayon kapatid ka na rin naming,” sabi naman ni Morris.
“Atsaka kaya ka namin gustong isama rito ay para sagutin ang mga katanungan mo. Alam kong madami kang tanong para sa amin at ito na ang pagkakataon para sagutin ang lahat ng ’yon,” sabi ni Neil.
Tama nga siya. Napakadami kong tanong sa kanila. Unang-una na ay kung bakit ganito ka-itim ang aura ng eskwelahang ito? Ni hindi ko pa ito nababalitaan. Wala nga akong kakilala sa amin na pumapasok dito. Wala ring nagbabanggit sa akin na may ganito palang eskwelahan dito. Madami pa akong tanong bukod dito.
“Ibig sabihin ba puwede na akong magtanong ngayon?” sabi ko sa kanila.
“Nagtatanong ka na nga, eh,” sabi ni Vanessa at inirapan ako.
“Oo, simulan mo na,” sabi naman ni Grey.
Uminom muna ako ng softdrinks bago nagsalita.
“Guwapo ba talaga ako?”
Sabay-sabay silang napaubo na para bang nabulunan dahil sa tanong ko. Ano namang nakakaubo roon? Alam ko namang guwapo ako pero gusto ko ring malaman ang opinyon nila, ’no!
“Gago! ’Yan ba talaga ang tanong mo? Seryoso ka?” bulyaw sa akin ni Casper.
“Ano’ng sa tingin mo?” inirapan ko siya at pabagsak na ipinatong ang coke in can sa lamesa.
“Hindi ka guwapo. Panget ka,” seryosong sabi sa akin ni Vanessa. “Damn it. Wala ka na ba talagang ibang tanong?”
Humalukipkip ako at tiningnan sila nang masama. “Oo na. Ito na. Bakit ganito ang school na ito? Mukha namang normal sa loob pero ang dark ng aura. Sinamahan pa na parang hindi umaaraw sa parteng ito?” tanong ko sa kanila.
Saglit silang natahimik at si Vanessa na ang sumagot. “Gano’n na talaga rito. Matagal ng nakatayo ang school na ito rito. Mga 500 years na siguro nang ipatayo ito ni Grufford McAndrew para sa mga kakaiba at espesyal na estudyanteng kagaya nating lahat dito. Ang Rosario Academy ay exclusive para sa mga nilalang na kahit kailan ay hindi tanggap ng mga tao. Mga nilalang na rito lang nabibilang at mga nilalang na kailangang palaging nakatago. Mga nilalang na nabubuhay sa dilim.”
Napakunot ang aking noo. “Wala akong naintindihan sa sinabi mo. Anong nilalang? Tao lang din naman tayo ditto, ah? Bakit hindi kayo tanggap? Mga bully ba kayo? Gangster? Mga takas ba kayo sa kulungan?” sunod-sunod na tanong ko sa kanila.
Umiling lamang si Vanessa. “There are so many things that you need to know and I guess this is not really the right time. Sorry, tapos na ang pagtatanong. Sasabihin na lang namin ulit kung kailan ka puwedeng magtanong. Pero kung may gusto ka talagang malaman, ikaw ang gumawa ng paraan para mahanap ang mga kasagutan sa mga katanungan mo.” Tumayo na siya at umalis na ng walang paalam. Mas lalo lang akong naguluhan dahil sa tanong ko. Wala na talaga akong maintindihan.
“Tama si Vanessa. Seek for the truth, Ivo. Gustohin man naming sabihin sa ’yo ay hindi pwede dahil alam naming mahihirapan kang intindihin. Mas maganda kung ikaw na mismo ang makakaalam,” sabi naman ni Casper.
Hindi ko na sila kinulit pa. Kung ano man ang dapat kong malaman, may tamang oras naman para doon.
Pagkatapos namin ay umalis na kami sa cafeteira para bumalik sa aming room. Wala pa namang gaanong ginagawa at wala pa ring professors na uma-attend sa amin.
Natapos ang isang buong araw na nagkwentuhan at nagwalanghiyaan lang kami sa room at siyempre, wala si Vanessa kasi abala siya sa pagiging President niya ng SC. Atsaka kapag nasa room siya ay hindi makagawa ng kalokohan ang mga loko dahil makakatanggap sila ng tig-iisang suntok mula rito.
Habang naglalakad ako patungo sa parking lot ay napatigil ako nang may nakita akong isang lalakeng nakatayo sa gitna ng daan. Nasa tapat siya ng poste ng ilaw kaya nakita ko kaagad kung sino siya. Siya ’yung lalake kanina na may pulang buhok. Napansin kong wala na ’yung pasa niya sa pisngi. Sa pagkakaalam ko, ang laki ng pasa niya sa pisngi dahil sa pagkakasipa ko sa kanya kanina.
Lumakad ako papalapit sa kanya at para bang may kakaiba na sa kanya. Masama ang tingin niya sa akin at ang mata niya ay kulay pula. Hindi lamang iyon, mahaba at matulis ang kanyang pangil.
“Sobrang aga naman yata ng halloween sa ’yo, red head. Sorry, wala akong candy, sa iba ka na lang maki-trick-or-treat”
Lalagpasan ko na sana siya nang biglang hawakan niya ang braso ko. Tumingin ako sa kanya at nakita ko ang galit sa mga mata niya.
“Sa tingin mo ba hahayaan na lang kita sa ginawa mo sa akin kanina?!” sigaw niya at mas lalo kong nakita ang pangil niya. “Hah! Hindi mo alam kung anong klaseng lugar ang pinasukan mo, Totoy. Nakikita mo ba kung ano ako, huh? Isa akong bampira at bilang ganti sa pagpapahiya mo sa akin kanina ay papatayin na lang kita at uubusin ko ang dugo mo!”
Pilit akong kumakawala sa hawak niya pero sobrang higpit nito. Anong klaseng nilalang siya?
Biglang sumagi sa aking isip ang sinabi ni Vanessa. Nilalang. Ito ba ang sinasabi niya? Ibig ba niyang sabihin na puno ng ganitong klaseng nilalang ang nasa eskwelahan na iyon?
“Mamatay ka na!”
Hindi ko na nagawang makaiwas sa gagawin niya at naramdaman ko ang masakit na kagat niya sa aking leeg. Unti-unting dumilim ang aking paningin at nakaramdam ako ng sobrang panghihina.