"Patawarin mo ako, anak ko. Hindi kita pwedeng isama sa kung saan man ako pupunta."
Nakita ko ang isang babae na may hawak na sanggol. Ang babae ay nakasuot ng puting saya at ang ulo niya ay pinapatungan ng hood ng suot niyang kapa. Nakatayo ako sa tabi niya pero mukhang hindi niya ako nakikita.
Inilapag niya ang sanggol sa tapat ng pintuan. May nakapatong na nakatuping papel sa sanggol at bago siya tuluyang umalis ay hinalikan niya ang ulo ng sanggol. Patuloy siya sa pagluha at matagal siyang nakatitig sa mahimbing na natutulog na sanggol at dahan-dahan siyang naglakad papalayo. Nakita ko siyang nagtago sa likudan ng malaking puno at sakto namang nagbukas ang pintuan ng bahay. Lumabas ang isang lalake na nasa mid 20's na. Napakunot ang noo ko ng para bang nakita ko na siya dati. Pamilyar ang mukha niya pero hindi ko maalala kung saan ko siya nakita noon.
Pagkagulat ang rumehistro sa mukha ng lalake at 'agad niyang binuhat ang sanggol. Tumingin siya sa paligid at muling tumingin sa sanggol na mahimbing pa ring natutulog na walang kaalam-alam na iniwan na siya ng kanyang sariling ina. Tumingin ako roon sa babae at nakatakip ang kanan niyang kamay sa kanyang bibig habang patuloy pa rin sa pag-iyak. Tumalikod na siya at tumakbo papalayo.
Lumakad naman ako papunta sa pintuan at bago pa masarahan ng lalake ang pinto ay pumasok ako sa loob ng bahay. Pamilyar din ang bahay na ito ngunit mukha pa siyang bago pati na rin ang mga gamit sa loob. Pakiramdam ko rin ay nakapunta na ako rito. Nasaan na ba talaga ako? Nanaginip ba ako sa mga oras na 'to?
Pagkapasok ng lalake sa loob habang buhat ang sanggol ay sinalubong siya ng isang magandang babae. Kita ko ang gulat at tuwa sa kanyang mukha.
"Saan...p-paano...s-sino..." Hindi makabuo ng tanong ang babae dahil sa pagkagulat. Kinuha niya ang sanggol sa bisig ng lalake at inugoy-ugoy ito sa kanyang bisig.
"Nakita ko lang siya sa labas ng pintuan. Mukhang iniwan siya ng magulang niya rito."
Ngumiti ang babae. "Hulog siya ng langit. Nagdadasal ako kanina na sana biyayaan na tayo ng anak, hindi ko inaakalang ganito ko kabilis makukuha ang hinihiling ko. Salamat sa Panginoon. Napakabuti Niya," naluluhang sabi ng babae.
Lumapit ang lalake sa babae at hinalikan ang noo nito. "We'll take care of him and make him feel like his our own, right?" sabi ng lalake habang pinupunasan ang takas na luha sa pisngi ng kanyang asawa.
"Yes, and we will name him--"
Mabilis akong napadilat at tinamaan ng sinag ng araw ang aking mata. Napapikit ako at inihara ang akIng braso sa liwanag. Dahan-dahan akong bumangon at inilibot ang tingin ko sa paligid. Napakunot ang noo ko nang makitang hindi ko naman kwarto ito. Bakit ako nandito? Pilit kong inaalala ang nangyari kagabi at awtomatikong napahawak ako sa aking leeg. Naramdaman ko ang band-aid na nakadikit dito. Napalunok ako at biglang umagos sa aking isipan ang itsura noong lalakeng binugbog ko kahapon sa school. Mahahaba ang kanyang pangil at ang pula ng kanyang mga mata. Tangina, bampira? Bampira ba talaga siya o nagsuot lang siya ng pangil at kinagat ako sa leeg para takutin ako? Kung gano'n nga, gagantihan ko ang gagong 'yon! Wala pang nakakagawa sa akin nang ganito. Hindi ako titigil hanggat hindi ko napapadugo at napapapaga ang nguso niya.
Pero para talagang...kakaiba siya kahapon.
Ipinilig ko na lang ang aking ulo. Hindi na dapat ako masyadong nag-iisip dahil baka ma-stress ang kaguwapuhan ko, mahirap na. Hindi puwedeng mabawasan ang kaguwapuhan ko kahit 0.00000001% lang. Tumayo na ako at lumakad papunta sa pinto. Bubuksan ko na sana ang pinto pero bigla itong nagbukas. Bago pa ako makaiwas ay humampas na sa mukha ko ito kaya napahiga na lang ako sa sahig. Humawak ako sa aking ilong dahil sa sobrang sakit.
"Anak ng pu---" Hindi ko na rin naituloy ang sasabihin ko nang biglang magdagsaan sila. Hindi yata nila ako napansin dahil natapakan pa ako ng isa sa kanila.
"Nasaan si Ivo?" narinig kong tanong ni Grey.
"Akala ko ba natutulog lang siya riyan? Niloloko mo ba kami Vanessa?" narinig ko namang tanong ni Julius.
"Why am I stuck with these idiots? He's lying on the floor."
Sabay-sabay silang tumingin sa akin at napairap naman ako sa kawalan. Ang sakit ng ilong ko! Asset ko pa man din ang ilong ko dahil ang tangos-tangos. Kapag 'to na-damage mabubugbog ko talaga ang mga tukmol na 'to.
Inilahad ni Casper ang kamay niya kaya 'agad ko itong kinuha. Tilungan niya akong tumayo at masama akong tumingin sa kanila. Paglipat ko naman ng tingin kay Vanessa ay 'agad akong ngumiti. Ang ganda-ganda talaga niya. Nakasuot siya ng simpleng kulay blue na dress na hanggang itaas ng tuhod niya at nakalugay ang itim at mahaba niyang buhok na kulot sa dulo.
"Anong ginagawa mo sa sahig, Ivo?" tanong ni Julius.
Inambahan ko naman siya ng suntok pero mabilis siyang tumakbo papunta sa likudan ni Vanessa. Sa pagkakaalam ko siya 'yung bigla na lang nagbukas ng pinto kaya tumama sa mukha ko. Kapag talaga nabali ang buto sa ilong ko pipira-pirasuhin ko ang katawan niya, makita niya.
"Nakikita mo 'to?" turo ko sa ilong ko na sobrang pula. Buti na lang hindi dumugo. Tumango-tango lang siya. "Kapag 'to na-damage ng dahil sa 'yo..."--itinaas ko ang aking kanang kamay, itinapat sa aking leeg at nagmuwestra na nilalaslas ito gamit ang kamay ko--"...patay ka sa 'kin."
"Sorry na! Malay ko bang nasa likod ka ng pinto? Bakit ka ba kasi nandito? 'Di ba dapat nakahiga ka pa? Okay ka na ba? Wala ka bang nararamdamang kakaiba?" sunod-sunod na tanong niya.
Napakunot naman ang noo ko. "Wala naman akong nararamdamang kakaiba. Bakit? Anong meron?"
Lumapit sa akin si Vanessa at tinanggal ang band-aid sa aking leeg. "Wala na ang sugat mo sa leeg. Ibig sabihin lang no'n ay kahit anong oras ay magpapakita na ang mga senyales kaya kailangan na nating maghanda..."--tumingin siya sa akin gamit ang malalamig niyang titig--"...at pati na rin ikaw."
"Maghanda? Para saan?"
Ang gulo talaga nilang kausap kahit kailan. Magsasalita sila ng kung ano-ano ng hindi man lang pinapaintindi sa akin kung saan ba tungkol ang mga sinasabi nila. Nagmumukha tuloy akong olags. Pero 'di bale ng maging olags, guwapo naman. Mehehehe.
"Makinig ka, Primitivo--"
"Sabi ng 'wag Primitivo, eh!" bulyaw ko kay Vanessa.
Sinamaan niya ako ng tingin kaya 'agad kong itinikom ang bibig ko. "Shut the f*ck up and listen carefully."
Tumango-tango ako sa kanya na parang tuta.
Take note, isang cute na tuta, okay?
"There are many changes that will happen to you and if that happens, come to us and we will help you. You are not normal. You are a vampire."
Matagal ko siyang tinitigan at napahalakhak na lang ako sa sinabi niya. Ano raw? Bampira ako? Hindi ko alam na mahilig palang magbiro itong si Vanessa. Tawa lang ako nang tawa habang hawak ang tiyan ko. Hindi pa ako nakatawa nang ganito dati, salamat kay Vanessa. Hindi ko talaga kinaya ang mga sinabi niya. Sino namang maniniwala sa sinabi niya? Kalokohan. Hindi totoo ang mga bampira.
"Ako na ba ang susunod na Edward Cullen? Magsa-shinning shimmering splendid ba ako kapag tumapat sa araw? Patawa ka rin, eh," sabi ko sa kanya habang tumatawa pa rin. Hindi ko talaga mapigilang matawa eh. "Magaling pa, uuwi na lang ako. Kagabi pa ako nagu-good time, eh. Una, 'yung nakaaway ko kahapon na naglagay pa talaga ng pangil at contact lens na pula para lang magmukhang bampira. At ang gago, kinagat pa ako! T*ngina niya. Tapos ngayon naman, sasabihin niyong bampira rin ako?" Muli akong natawa. "Hindi totoo ang mga bampira. Sige, diyan na kayo." Bahagya kong ikinaway ang aking kamay at lumabas na ng pinto. Wala na namang pumigil sa akin kaya nagdire-diretso na ako.
Pumunta muna ako sa school para kuhanin ang motor ko. Mamaya pang tanghali sana ako papasok pero tinatamad na ako kaya aabsent na muna siguro ako. Nang makuha ko na ang motor ko ay pinaharurot ko na ito papunta naman sa bahay ko. Kahit na nakakadiring isipin, nakakapanibagong hindi ko gaanong nakita ang matandang hukluban na 'yon.
Wala pang ilang minuto ay nakarating na ako sa bahay. Ipinarada ko ang aking motor sa may tapat ng gate at 'agad na pumasok. Naamoy ko naman ang kung anong niluluto niya. Napangisi na lang ako. Tamang-tama pala ang dating ko dahil mukhang nagluluto ng almusal si Papa.
Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at sumilip sa loob. Napatingin ako sa unahan at nanlaki ang mata ko nang makita si Papa na may dalang baril. Itinutok niya ito sa akin at walang sabi-sabing ipinutok ito. Napatungo ako at nakita kong tumama ang bala sa pinto. Sunod-sunod na mura ang lumabas sa aking bibig. Ano ba'ng trip ng hukluban na 'to?! Papatayin niya ba ako sa nerbiyos o sadyang balak niya akong patayin gamit ang baril niya?!
Tumayo ako at masamang tumingin sa kanya. "Anong problema mo, hukluban?!" sigaw ko sa kanya. "Balak mo ba akong patayin?!"
"Ayan! Ganyan ang reaksyon ko at kung anong nararamdaman mo, gano'n din ako nang hindi ka umuwi kagabi! Aatakihin ako sa puso sa pag-aalala sa 'yong g*go ka, ah! Saan ka nanggaling? Hindi ka naman inuumaga ng uwi dati, ah? Alam kong puro ka kalokohan pero umuuwi ka naman ng tama sa oras!" Namumula sa galit ang kanyang mukha.
Nakahinga naman ako ng maluwag ng hindi na nakatutok ang baril niya sa akin.
"Malaki na ako, Papa! Hindi mo na kailangang mag-alala sa 'kin! Alam ko na naman ang ginagawa ko, eh! May ginawa lang kaming project ng mga kaklase ko kaya hindi na ako nakauwi. Kailangan kasi naming ipasa--" Hindi ko naituloy ang sasabihin ko nang makita kong ikinakasa niya ang baril at mukhang balak na paputukan ulit ako. "O-oo na! Oo na! Sasabihin ko na ang totoo! May nakaaway ako kagabi habang pauwi ako at hindi ko na nalaman pa kung ano'ng nangyari kasi bigla akong nawalan ng malay. Nagising na lang ako ng nasa bahay na ako ng isa sa mga kaklase ko."
Ibinaba na niya ang baril sa lamesa at lumapit sa akin. Nagpamewang siya sa akin at pinanliitan ako ng mata. "Nakaaway? Bakit? Ano na namang ginawa mo?"
"Sila ang nauna, 'no! Naninigarilyo lang ako sa likod ng building no'ng lapitan nila ako. Wala naman akong ginawa kundi ang iwasan ang atake niya hanggang sa mapagod na siya at sinipa ko lang siya ng isang beses. Tapos nung pauwi ako, nagulat na lang ako nang makita siya na may pangil at mapula ang mata. Ginu-good time yata ako at kinagat pa ang leeg ko!" Pagkatapos kong sabihin sa kanya ang nangyari ay hindi ko alam kung bakit bigla na lang siyang natulala. Ikinaway-kaway ko ang aking kamay sa mukha niya. "Hoy, ayos ka lang ba?"
"A-ah. Sa susunod mag-iingat ka at baka mamaya hindi ordinaryong tao ang makabangga mo! K-kumain na tayo!" Tumalikod na siya at lumakad papunta sa kusina.
Sumunod ako sa kanya at umupo na ako. Inihain na niya ang niluto niyang meat loaf at itlog. Nakahain na rin sa lamesa ang kanin. Kahit prito, magaling talagang magluto si Papa. Lahat nga yata ng potahe ay kaya niyang lutuin kaya hinding-hindi ako magugutom.
Nagsimula na akong kumain at gano'n din siya. Naalala ko naman bigla 'yung panaginip ko kagabi. Naalala ko tuloy si Mama.
"May itatanong nga pala ako sa 'yo." Hindi siya nagsalita at patuloy lamang sa pagkain. "Ano nga palang nangyari kay Mama? Ang naaalala ko lang kasi tungkol sa kanya ay no'ng nakikipaglaro siya sa akin. Siguro mga 4 years old ako noon tapos hindi ko na maalala pa 'yung mga nangyari sa kanya."
Nabitawan niya ang kanyang kutsara kaya naglikha ito ng tunog. Natigilan siya at lumipas ang ilang minuto na hindi siya nagsasalita. Ito ang unang beses na nagtanong ako sa kanya na tungkol kay Mama.
"Okay lang kahit hindi mo na sagutin," sabi ko sa kanya. Mukha kasing nahihirapan siyang sabihin. Hindi ko naman siya pipilitin kahit na gustong-gusto ko talagang malaman.
"Namatay ang Mama mo dahil sa sakit niyang cancer. Hindi mo na siya matandaan kasi nga masyado ka pang bata. Palagi na siyang naka-confine noon sa ospital kaya hindi mo na siya nakikita at dahil nga bata ka pa, hindi mo alam ang mga nangyayari. Namatay siya noong 4 years old ka rin dahil hindi na kaya ng katawan niya," paliwanag niya.
Nakita ko ang lungkot sa mga mata ni Papa. Hindi ko na dapat itinanong.
Kinuha ko ang lahat ng ulam at inilagay sa plato ko. Sunod-sunod ko itong kinain hanggang sa maubos na. Tanging nakuha niya lang ay isang pirasong meat loaf at itlog. Gulat na gulat siya sa ginawa ko at pagkatapos kong maubos lahat ng iyon ay pinunasan ko ang aking labi gamit ang likod ng palad ko. Ngumisi ako sa kanya at pagkatapos ay dumighay ako ng sobrang lakas.
"Salamat sa pagkain."
Unti-unting nagpalit ang ekspresyon sa kanyang mukha. "Primitivo Lerman Raques! Bakit mo inubos ang ulam!"
Tumayo ako at tumakbo papunta sa pinto. Nakita ko naman siyang tumakbo na rin at hinabol ako. Lumabas ako ng pinto at tumakbo naman ako papunta sa gate.
" 'Wag ka ng magalit! Masarap naman ang luto mo, eh!" tumatawang sabi ko. Sumakay na ako sa aking motor at tumigil siya sa pagtakbo hanggang sa gate na hingal na hingal. "Hukluban ka na talaga. Ang bilis mong mapagod, eh, kaunti lang naman ang itinakbo mo," nakangisi kong sabi sa kanya.
"Loko ka talaga," umiiling na sabi niya habang nakangiti.
"Hindi bagay sa 'yo ang lungkutan effect. Para kang bading." Akmang babatuhin niya ako ng napulot niyang bato pero hindi niya itinuloy. "Sige na. Magpalamig ka muna. Babalik na lang ako mamaya. Hindi ko na dapat itinanong 'yung tungkol kay Mama, masyado ka tuloy nagpaka-emo." Pinaandar ko na ang motor ko.
"Siraulo ka talagang bata ka pero...salamat."
Napangiti na lang ako at pinaharurot na paalis ang motor. Dumiretso na lang ako sa may park. Dahil sa sobrang aga pa ay wala pang gaanong tao rito. Ipinarada ko ang aking motor at binitbit ang aking helmet. Umupo ako sa isa sa mga bench at pinanood lamang ang pagsayaw ng tubig sa may malaking fountain.
Gustong-gusto ko talagang malaman ang mga bagay na tungkol kay Mama pero hindi ko naman magawa kasi nga alam kong malulungkot ang hukluban na 'yon. Kakaunti na lang ang naalala ko tungkol sa kanya. Kinuha ko ang aking wallet at nakalagay rito ang picture ni Mama. Naalala ko na naman 'yung mag-asawa sa panaginip ko. Kamukha no'ng asawang babae si Mama pero syempre, mas maganda pa rin si Mama.
Ano kayang ibig sabihin ng panaginip kong 'yun?
"Pwede bang makiupo?"
Tumingala ako at nakita ko ang isang babae na sobrang ganda. Nakasuot siya ng puting t-shirt na pinapatungan ng kulay itim na cardigan at puting palda na hanggang sa kanyang tuhod. May hawak siyang isang boquet ng bulalak.
"Sige po." sagot ko sa kanya.
Ngumiti siya sa akin at umupo sa aking tabi.
Naging awkward naman ang paligid. Sa dami ba naman kasi ng bench dito bakit kaya dito pa siya naupo?
"Wala ka bang pasok? Mukhang High School student ka, eh."
Napatingin ako sa kanya. Nakatungo siya habang hinahawakan ang mga bulaklak na hawak niya. "Aabsent muna po ako ngayon."
Tumango-tango siya. "Alam mo, may anak din ako. Siguro kasing edad mo na siya ngayon." nakangiting sabi niya.
Anak? Mukha lang siyang fresh graduate sa college. O baka baby face lang talaga siya.
"Nasaan na po siya ngayon?"
Hindi ko alam kung bakit bigla akong naging interesado at mukha kasing sobrang lungkot niya kahit na nakangiti siya. Parang may kung ano sa kanya na pamilyar sa akin kahit alam ko sa sarili kong ngayon lang kami nagkita.
"Napalayo siya sa akin--hindi, inilayo ko siya sa akin. It's all my fault. I didn't take care of him well. I'm a bad mother." Tumulo ang luha sa kanyang mga mata at 'agad ko namang kinuha ang aking panyo sa aking bulsa. Iniabot ko ito sa kanya at nag-aalangan naman siya kung kukunin niya ito o hindi kaya ako na ang nagpunas ng kanyang luha. "S-salamat. Napakabait mong bata." Kinuha niya ang aking panyo at siya na ang nagpunas sa luha niya.
"Hindi ko alam kung ano'ng nangyari talaga sa pagitan ng anak mo at sa 'yo pero hindi mo dapat sinisisi ang sarili mo. Kung nasaan man siya ngayon, dapat siyang magpasalamat dahil ikaw ang kanyang ina at isinilang mo siya. Hindi ka naman siguro niya sinisisi kaya hindi mo dapat sinisisi ang sarili mo. Siguro iniisip ka rin niya. Siguradong mahal ka niya. Kaya hindi ka dapat nalulungkot." Hindi ko alam kung bakit lumalabas 'to sa bibig ko. Hindi naman ako ganitong mahilig mag-advice. I never cared for anyone. Pero pagdating kay Papa at isama na rin natin ang babaeng 'to, merong pakiramdam sa akin na gusto ko silang protektahan.
"What's your name?" tanong niya sa akin.
"Primitivo Lerman Raques pero tawagin niyo na lang po akong Ivo dahil ayaw ko talaga sa pangalang Primitvo. Ang baho-baho," reklamo ko sa kanya.
Saglit siyang natigilan ng sabihin ko ang aking pangalan at may kumawala na namang luha sa kanyang mata pero agad niyang pinunasan. Ngumiti siya at tiningnan ang aking mga mata. Ngayon ko lang napansin na kulay brown ang mata niya. Pareho kami ng kulay ng mata.
"Okay, tatawagin kitang Ivo dahil gusto mo. Ako nga pala si Pristine. Tita na lang ang itawag mo sa akin."
"Taga saan po ba kayo? Ngayon ko lang kasi talaga kayo nakita, eh."
"Galing pa ako sa malayong lugar at pumunta lang ako rito para may bisitahin," sagot niya.
"Sino po?" muli kong tanong.
"Ang anak ko."