Kabanata 1
"Aalis na po ako, Mommy!" masiglang sabi ni Eleanor sa kanyang ina na noon ay kasalukuyang nagbubunot ng mga ligaw na damo sa kanilang maliit na hardin.
"Mag-iingat ka, anak. Magtetext o tatawag ka kung gagabihin ka ng uwi," sagot ng ginang. Tumayo ito at inihinto pansamantala ang ginagawa upang tanggapin ang halik na igagawad ng kanyang dalagang anak.
"Yes, Mommy!" masigla pa rin na tugon ng dalaga sabay halik sa magkabilang pisngi ng kanyang ina.
Napapailing na bumalik na lamang sa ginagawa ang ginang, wala na itong magawa pa sapagka't simula bata ay Mommy at Daddy na talaga ang tawag nito sa kanilang mag-asawa sa kabila ng kanilang simpleng pamumuhay.
Masakit man sa kanyang kalooban kapag nakakarinig ng usap-usapan tungkol sa anak dahil sa pagiging ambisyosa nito at mataas ang pangarap ay wala silang magawang mag-asawa kung hindi manahimik at magtiwala sa kanilang anak.
Naniniwala sila na balang araw ay magtatagumpay ito sa buhay at magkakaroon ng magandang kinabukasan gaya ng pinapangarap nito bukod sa makatapos ng pag-aaral.
Napakasipag at madiskarte ng kanyang si Zenobia Eleanor, matalino rin ito at hindi basta-basta gumagawa ng desisyon. Sa tuwina ay pinag-iisipan nitong mabuti ang bawat desisyon bago gumawa ng aksyon.
Samantala, mabilis at masiglang naglalakad si Eleanor papunta sa labasan upang maghintay ng masasakyang jeepney papunta sa kanyang trabaho.
Si Eleanor ay 27-anyos na ngunit hindi pa rin nagkakaroon ng nobyo bukod sa mga kalalakihan na nagtangkang manligaw sa kanya ngunit agad din niyang na-basted matapos malaman na mahirap lamang ang mga ito.
Nagkaroon din naman siya ng mga mayayamang manliligaw ngunit kung hindi gusto lamang siyang gamitin sa pamumulitiko ay may mga asawa naman ang mga ito. Gusto niya ng mayaman ngunit labag sa prinsipyo niya ang maging isang kabit o hindi kaya ay ang gamitin lamang sa pansariling kasiyahan!
Kaya naman sa edad niyang iyon ay hindi pa niya nararanasang umibig at makipag relasyon.
Masyado nga yatang mataas ang kanyang lipad kung kaya wala ng magtangka pang lumapit o sumubok sa kanya lalo na sa kanilang opisina. Isang tao lang naman ang palaging nangungulit sa kanya roon.
Naiinis na itinakip ni Eleanor sa mukha ang kanyang hand bag upang hindi mainitan mula sa sinag ng araw. Masyado siyang maalaga sa kanyang katawan at balat dahil sa isip niya ay iyon ang kanyang magiging unang puhunan o asset upang makabingwit ng gwapong mayaman.
Oo gwapong mayaman, mapili rin naman siya sa hitsura ng kanyang aasawahin, 'no! Gusto niya ng mayaman pero kung hindi naman ito pasok sa panlasa niya ay hindi niya pa rin papatulan.
Dumarami na ang nag-aabang ng jeep mula sa kanyang pwesto at sa isip ni Eleanor ay mukhang mas mahihirapan siya lalo na at may kataasan ang takong ng kanyang sandalyas na suot.
Kaya naman ng may matanaw siyang taxi ay kaagad niya itong pinara.
"Saan ka, Miss?" napaangat ng mukha si Eleanor ng marinig ang magandang boses ng taxi driver. At hindi niya napigilan ang bahagyang pagbuka ng kanyang bibig ng makita kung gaano kagwapo ang lalaki!
"Miss?" kunot noong sabi ng driver ng napansin ang pagkatulala ng dalaga. "I know how good looking I am, but will you please answer my question?"
Doon pa lamang tila natauhan ang dalaga, tumikhim ito upang pagtakpan ang kahihiyan bago naging bahagyang mataray na may kasamang pagka-propesyunal ang kanyang awra.
"To SDACco. Please," tila walang nangyari na tugon ng dalaga.
"Okay, then. Fasten your seatbelt first." sagot naman ng lalaki na ikinakunot ng noo ni Eleanor.
Ano at tila mahusay ito sa ingles gayong driver lamang ito?
Habang nasa biyahe ay iniiwasan ng dalaga na tumingin sa gwapong driver. Mahirap na at baka kung ano ang isipin nito.
Isa pa, kahit na ito ay gwapo ay hindi naman mayaman kaya parang nawalan na siya ng interes.
Ngunit kataka-takang maghapon itong hindi nawaglit sa kanyang isipan. Pinipilit niya lamang na gawin ang kanyang trabaho bilang head ng Accounting Department sa pinapasukan niyang kompanya ng mga sasakyan dahil isa nga siyang propesyunal na tao.
Nang makauwi sa kanilang bahay ang dalaga noong hapong iyon ay laglag ang mga balikat niya dahil ayaw man niyang aminin ay umasa siya na makikita niya ang driver ng taxi na sinakyan niya kaninang umaga.
"Kaawaan ka ng Diyos, anak. Magbihis ka na at magpahinga, mukhang pagod na pagod ka, ah?" sunod-sunod na sabi ng kanyang ina.
Napabuntong hininga ang dalaga at bahagyang napaisip.
'Bakit nga ba tila nalulungkot ako at tinatamad?' tanong ni Eleanor sa kanyang sarili.
"Medyo napagod nga po ako sa trabaho, Mommy. Aakyat na po muna ako sa aking silid upang magpalit ng damit."
"Parating na rin marahil ang Daddy mo mula sa bangko kaya magmadali kang manaog dito pagkatapos mong magbihis at ako ay maghahain naman sa hapag."
"Yes, Mommy."
Patungo sa ikalawang palapag ng kanilang simple at makalumang bahay ay pahinahod na naglakad ang dalaga.
Hindi pa rin mawaglit sa isip niya ang driver ng taxi. May kung ano sa kanyang puso ang nananabik na makitang muli ang binata.
Hanggang sa hapag ay paminsan-minsang pumapasok sa isip niya ang lalaki.
Ganoon din ang nangyari habang ginagawa niya ang kanyang panggabing ritwal.
"Gwapo nga siya, mahirap naman. Kaya Eleanor stop, okay? You're getting insane!" paulit-ulit na sinasabi ng dalaga sa kanyang sarili, paminsan-minsan pa siyang napapahinto sa ginagawang pagpapahid ng cream sa mukha para lamang magsalita at kausapin ang sarili.
Sa huli ay nilibang na lamang niya ang sarili sa pamamagitan ng pagbabasa ng pocket book.
Ngunit habang tumatagal siya sa pagbabasa ay hindi niya namamalayan na lumilipad na pala ang isip niya.
At ang masama pa nga ay na-i-imagine niya na siya ang bidang babae at ang taxi driver naman ang bidang lalaki sa kanyang binabasa!
Inis na nagtaklob ng unan sa mukha ang dalaga ng ma-realize ang kanyang ginagawa.
"Nakakainis! Pull yourself together, Zenobia Eleanor!"
Ngunit kahit anong gawin niya ay paulit-ulit na bumabalik sa kanyang imahinasyon ang tagpo kung saan nagsalubong ang paningin nila ng gwapong binata. Tila bumagal pa nga ang paligid habang nasa isip niya iyon.
Biling-baliktad tuloy siya sa kanyang higaan. Kung hindi pa nga katukin ng kanyang ina ang pinto niya sapagkat naririnig nito ang kaluskos niya mula sa kabilang kwarto ay hindi pa siya matitigil kakapa gulong-gulong.
Ang nangyari tuloy ay halos mag-uumaga na ng siya ay lamunin ng antok.