“ZEL!” Napangiti si Liezel nang makita ang kaibigang si Megan na lumapit sa kanya at naupo sa katapat niyang silya sa isang table sa loob ng coffee shop nila sa Ortigas. Matagal-tagal niya ring hindi nakikita ang mga kaibigan kaya naisipan niyang tawagan ang mga ito at papuntahin dito. Ilang linggo na rin simula nang siya muna ang pansamantalang humahawak sa café nilang Sweet Coffee Princesses. Iyon ay dahil sa kahilingan ng isa sa mga kaibigan niyang si April. Pansamantala kasing umalis ito ng bansa at nagtungo sa Japan para doon ipagpatuloy ang pag-aaral nito ng culinary. Wala namang nagawa si Liezel kundi ang pumayag. Dalawang business na tuloy ngayon ang pingsasabay niya. “Nandito na ba si Raine?” narinig ni Liezel na tanong ni Megan. Tumango siya. “Nagpunta lang siya sa restroom.”

