JIRO’S POV
TEKA, kanina ko pa napapansin na nagtatakbuhan ang mga tao at nagkakagulo. Nag-iigib kasi ako ng tubig kanina pa dahil pinapapuno ni Tito Ador `yong tatlong drum namin sa bahay. Kung pwede nga lang na mag-transform ako para maging si Super Jiro ako, sigurado na kanina pa ako tapos sa pag-iigib. Pero hindi pwede. Ewan ko ba, gusto ko na sikreto lang na ako si Super Jiro. Gano’n naman talaga dapat kapag superhero, `di ba? Hindi dapat alam ng iba ang tunay niyang pagkatao para astig!
Pero, `eto na nga. Nakakabahala na talaga nag pagkakagulo ng mga tao.
Nang makita ko si Aling Medy na isang dakilang tsismosa dito sa Brgy. Taktak ay agad ko siyang hinarang. “Aling Medy, bakit nagkakagulo ang mga tao?” tanong ko.
Humihingal na sumagot si Aling Medy. “May dalawang baklang halimaw at hawak nila sina Majamba at Bebe! At alam mo ba, si Cora pala ay may anak sa pagkadalaga!”
“Si Bebe?! Saan?!”
“Oo, siya nga! Doon sa lugawan nila! Sige, diyan ka na!” at nagtatakbo na palayo si Aling Medy.
Bigla akong kinabahan…
Halimaw daw at hawak nito sina Bebe. Baka kung anong gawin ng mga halimaw na iyon sa babaeng mahal ko, ah!
Binitiwan ko ang bitbit kong timba. Hahakbang pa lang ako paalis nang bigla akong sigawan ni Tito Ador. “Hoy! Tatakas ka pa sa pag-iigib, ha! Hindi ka pwedeng umalis hangga’t hindi mo napupuno ang tatlong—“
“Mamaya ko na po `yan tatapusin!” At tumakbo na ako palayo sa bahay namin.
“Pucha kang bata ka! Bumalik ka ditooo!!! Jirooo!!!” sigaw pa ni Tito Ador.
Hindi ko na siya pinansin. Mas importante na mailigtas ko si Bebe! Bahala na kung mapagalitan pa ako mamaya.
Agad akong nagtago sa isang poste at doon ay isinuot ko ang Super ring upang maging Super Jiro na ako.
Maya maya nga ay lumilipad na ako papunta sa lugawan nina Bebe. Tama nga si Aling Medy, nanganganib sina Bebe at Majamba!
Lumipad ako paibaba at nakita ko na nagulat ang dalawang baklang halimaw na hindi ko maintindihan ang mga hitsura.
“Ayyy!!! Pogi!!!” tili ng dalawang baklang halimaw nang makita nila ako.
“Super Jiro!” Umaliwalas ang mukha ni Bebe nang makita niya ako. Nakangiti pa rin siya kahit na nakapulupot sa katawan niya ang buhok ng isang halimaw sa kanyang katawan. Buhok ba `yon? Pero parang mahahabang uod.
“Sino kayo? Bakit kayo nanggugulo?” tanong ko sa dalawang halimaw.
“Ako si Baklang Uod at ito naman ang sissy ko na si Baklang Biritera! Ikaw, sino ka naman, pogi? Pwedeng makuha number mo?” kinikilig na sabi no’ng Baklang Uod.
“Pakawalan niyo sina Bebe!” utos ko.
“Ha? Bakit namin sila papakawalan, eh, ininsulto nila kami!”
“Hindi niyo ba sila talaga papakawalan?”
“Hindi! As in, no!”
“Kung gano’n… mapipilitan akong gawin ito!” Walan pang isang segundo ay nasa harapan na agad ako ni Baklang Biritera. “Super punch!” sabay suntok ko sa mukha niya.
Tumilapon siya ng sobrang layo.
Ang buhok naman na uod ni Baklang Uod ang pinuntahan ko. Hinawakan ko iyon.
“Hoy! Hoy! Anong gagawin mo sa hair kong worms?!” natatakot na tanong ni Baklang Uod.
“Super strength!” at binatak ko ang buhok niya dahilan para magkaputol-putol iyon at makawala na sina Bebe at Majamba.
Mabilis namang tumago sa likod ng drum ng basura sina Bebe.
Malakas kong sinipa sa tiyan si Baklang Uod at eksaktong tumilapon din siya sa pwesto kung saan bumagsak si Baklang Biritera.
“Lalaban pa ba kayo?” galit na tanong ko sa dalawang halimaw.
“Hindi na! Bugbog na kami!” sigaw ng dalawa at mabilis silang tumakbo palayo.
Gusto ko sana silang sundan upang tapusin na sila pero naalala ko si Bebe. Baka nasaktan siya o baka may sugat siya. Pinuntahan ko agad si Bebe at kinumusta siya. “Okey ka lang ba, Bebe?” nag-aalala kong tanong sa kanya.
“Ah, eh… medyo hurt ako, Super Jiro…” Parang nag-iinarte na ungot niya. “Here, here and here…” Pinagturturo pa niya ang kanyang braso at kamay na masakit daw.
“Ako? Hindi mo tatanungin kung okey lang, Super Jiro?” singit ni Majamba.
Saglit ko lang siyang tiningnan. “Eh, mukhang okey ka naman, eh.”
“Ang sama, ha! Hmp!”
Hinarap ko na ulit si Bebe. “Dadalhin na ba kita sa hospital?”
“`Wag na, Super Jiro… Pwede bang mag-request? Ilipad mo naman ulit ako, please…”
“Iyon lang pala, eh!” Hinapit ko siya agad sa beywang at saka mabilis na lumipad paitaas.
ZI-NOOM-IN ni Super Duper ang pinapanood niya sa tablet na hawak niya. Iyon ay ang recorded na video ng laban nina Baklang Uod at Baklang Biritera sa isang superhero na nagngangalang Super Jiro. May nag-video kasi ng labanan ng mga ito kanina at in-upload sa Youtube.
Pi-nause niya ang video nang kay Super Jiro nakatutok ang camera.
Zoom in sa kamay nito at mas nakita niya ng malinaw ang suot nitong singsing.
“Hindi!” sigaw niya.
Nagulat naman sa pagsigaw niya sina Baklang Uod at Baklang Biritera na nakaupo sa tabi ng trono niya. May hawak-hawak na ice bags ang dalawa niyang alipores na idinadampi-dampi ng mga ito sa ulo. Bugbog-sarado ito sa sipa at suntok ng Super Jiro na iyon.
“Ano ba `yan, Reyna Super Duper! Ang OA naman ng sigaw niyo! Alam niyo naman na nagpapahinga pa kami ditey,” reklamo ni Baklang Biritera.
Hinampas ni Super Duper ng tablet ang nagreklamong alipores sa ulo nito. “Hoy, mga alipores! Wala kayong karapatan na magreklamo kahit magsisigaw ako dito nang bonggang-bongga dahil mga alagad ko lang kayo! May natuklasan lang ako na ikinagulat ko… `Yong nakalaban niyo kanina, alam niyo ba kung saan siya nakatira?”
“Ah, `yong gwapong superhero na si Super Jiro? Hindi po, eh. Binugbog na nga kami, susundan pa ba namin? Mabuti na lang talaga at every five minutes ay tumutubo ulit itong uod na buhok ko!” sagot ni Baklang Biritera.
“Bakit parang interesado kayo kay Super Jiro? Type niyo, Reyna Super Duper?”
Tumayo si Super Duper mula sa pagkakaupo niya sa trono at naglakad-lakad. “Kung hindi ako nagkakamali ay siya ang bunga ng pagtataksil sa akin ng bruha kong kapatid na si Super Jina at ng makati kong ex-jowa na si Super Roro!”
Umasim ang mukha ni Super Duper dahil naalala na naman niya ang pagtataksil ng mga ito sa kanya.
“So, time ba ito para pag-usapan ang love life mo?” ani Baklang Biritera sa kanya.
“Lapastangan!” sigaw ni Super Duper.
Bumuo siya ng kulay pink na energy ball at ibinato iyon kay Baklang Biritera. Mabuti na lang at nakaiwas ang kawawang baklang alipores kundi ay baka iyon na ang ikinamatay nito. Mabilis itong nagtago sa likod ng trono niya at doon ay todo-pagmamakaawa ito sa kanya na `wag na niya itong saktan.
“Igalang niyo ako mga baklang chararat dahil ako ang inyong reyna! Naiintindihan niyo ba?!” galit na turan niya.
“O-opo! Opo, Reyna Super Duper!” magkasabay na sagot ng dalawa niyang alipores. Nanginginig na ang dalawa sa takot.
“Magaling, mga alipores! Ngayon, inuutusan ko kayo na hanapin si Super Jiro at dalhin niyo siya sa akin! Hindi ako pwedeng magkamali, suot niya sa kanyang daliri ang singsing na hinahanap ko—ang Super Ring! Isa pa, tanging mga taga-Super Planet lamang ang may kakayahan na magsuot ng singsing na iyon kaya sigurado ako na anak siya ni Super Jina. `Wag kayong babalik hangga’t hindi niyo iyon nakukuha!” utos niya sa dalawa.
Takot na takot na lumabas mula sa likod ng trono si Baklang Biritera at lumapit ito kay Baklang Uod.
“Ngayon na po ba namin hahanapin si Super Jiro? As in, now na?” tanong ni Baklang Uod.
“Oo, ngayon na!”
“Pwede po bang bukas na lang? Masakit pa ang—“
Muli siyang bumuo ng energy ball. “Ngayon naaa!!!” makapatid-litid na sigaw pa niya.
Natataranta naman na sumunod sa kanya ang kanyang mga alipores.
Kung gayon pala ay ibinigay ni Super Jina sa naging anak nito ang Super Ring at mukhang ginagamit nito iyon sa pagtulong sa mga tao. Ngunit, nasaan na nga kaya si Super Jina? Bakit hindi ito ang gumagamit ng Super Ring?