Magkahalong excitement at kaba ang nadarama ngayon ni Wil habang binabasa ang email ng Publishing Company na pinagpasahan niya ng kaniyang akdang pinamagatang 'Babae Power'. Unti-unting naglaho ang kaba at gumuhit ang malapad na ngiti sa kaniyang mga labi. Napatayo nalang siya sa kinauupuan at napasigaw.
"THANK YOU LOOORD!"
Halos mapunit ang bibig ni Wil habang nakatapat sa tenga ang android phone niya na naghihintay na sagutin ng kaibigan ang tawag niya.
"Hello." Pagsagot ni Jack sa kabilang linya.
"Dude! Guess what?" bungad ni Wil.
"What?"
"Napili ng publisher yung Babae Power!" pagbabalita ni Wil na hindi maitago ang kasiyahan.
"Wow dude! Congratulations!" halata din sa tinig ni jack ang kasiyahan para sa kaibigan.
"Salamat." ani Wil na biglang kumalma at napabuntong hininga.
"Oh? Bakit parang bigla kang nalungkot?" pagpansin sa kaniya ng kaibigan.
"Tagal ko kasing hinintay 'to dude, tapos ito na. Sana ito na talaga yung simula ng pangarap ko."
"Oo naman dude. Ikaw pa ba? Best writer ka para sakin kaya hindi malabong madiskubre ang galing mo."
"Salamat ulit."
Pagdating ng tanghalian ay bumili ng isang litrong softdrinks si Wil. Sa maliit nilang tahanan ay pinagsaluhan ito ng Nanay niya at isang kapatid na lalake.
"Wow naman, may pa-softdrinks si Wil." pagpansin ng Nanay niya.
"Para softdrinks lang eh." wika ng kapatid niyang lalake.
"Ikaw naman Warren. Buti nga't meron." wika ng Nanay nila.
"Ah 'Nay, napili po yung kwento ko ng isang publisher na pinagpasahan ko." balita ni Wil.
"Talaga anak?! Naku! Edi magkakaroon ka na pala ng libro n’yan? Eto oh, kumain ka pa ng kumain." anito na sinandukan pa muli si Wil ng kanin at ulam.
"Psh, eh bago ka pa mabayaran ng mga publishers na yan, namatay na tayo sa gutom. Kung nag a-apply ka ng trabaho kaysa nagsusulat ng mga walang kwentang kwento mo edi sana may pakinabang ka naman dito, hindi yung tomboy ka na nga, patabaing baboy ka pa. Palaging ako at si Nanay lang nagta-trabaho dito." sabat ng kapatid niyang si Warren.
"Warren ano ba? Kaya kayo nag-aaway eh." saway ng Nanay nila.
Napadiretso ng upo si Wil at nagtangis ang bagang niya. "May kanya-kanyang linya ang tao. Hindi mo ako puwedeng itulak sa bagay na ayaw ko. Ipinanganak ako para maging manunulat, hindi para maging langgam na walang ginawa kundi magtrabaho at humalik sa pera." ani Wil sa seryosong tono.
Natawa si Warren, yumukong iiling-iling."Pera ang kailangan sa mundo. Yang mga kwento mo? Hindi mo yan makakain at dadating ang araw aanayin din ang mga libro at malilimutan ang mga walang kwenta mong kwento!" wika ni Warren.
"Tama na kayo! Ano ba!" pag-awat ng Nanay nila.
Tumayo nalang si Wil nagdesisyong umalis ng bahay. Naglakad-lakad siya, pinipilit paglabanan ang masasakit na salitang ibinato sakanya ng kapatid niya. Laking gulat naman niya ng may pamilyar na itim na kotse ang huminto sa gilid niya. Pagbaba ng tinted na bintana nito ay bumungad sakanya si Hera.
"Get in." ani Hera.
Agad na sumakay si Wil sa tabi nito. Laking pagtataka niyang hindi nito kasama si Sheree.
"Congrats pala, naibalita na ni Jack sa group chat na nakuha na nung publisher yung kwento mo. We're very proud of you Wil." pagbati ni Hera habang nagda-drive.
"Maliit na bagay, pero salamat hehe." ani Wil. Sa kabilang banda ay hindi lubos maisip ni Wil kung bakit kung sino pa yung hindi niya kadugong mga tao ay yun pa ang mga nakakakita ng halaga sa kaniya at sa larangan na tinatahak niya. Pinilit niyang huwag nalang isipin pa ang bagay na 'yon dahil mas lalo lang siyang nalulungkot, kaya hinanap nalang niya ang kapareha ni Hera.
"Bakit pala mag-isa ka lang Ate? Nasaan si Ate Sheree?" pagtatanong niya.
"Nagkaroon kami ng misunderstandings kahapon eh." pagkukwento ni Hera pero nakangiti.
"May L.Q kayo pero parang ang saya mo ah." biro ni Wil.
May dinukot si Hera sa kanyang bulsa, isang ring box at iniabot kay Wil. "Open it." utos ni Hera.
"No waaay?!" nasabi nalang ni Wil ng bumungad ang makinang na silver ring. Simple pero elegante.
"Papakasalan ko na siya." nakangiting ani Hera.
"Nag L.Q lang kahapon, proposal na ngayon? Grabe yon! Team HerShe na talaga ako poreber!" maloka-lokang ani Wil. Natatawa nalang din si Hera. Hindi rin niya akalaing papayag din siyang magpakasal at siya pa ngayon ang magpo-propose. Napagtanto niyang tama si Mother Mohini, kung mahal mo talaga ang isang tao ay mas uunahin mo ang kaligayahan nito kaysa sa pansariling opinyon. Sa kabilang banda ay namomroblema siya kung saan na kukunin ang pang IVF nila para magka-baby. Pero naisip niya rin na mas magandang kasal muna bago bumuo ng bata.
Iba na kasi ang panahon ngayon, gumagawa muna ng bata bago kinakasal. Nakakatawa tuloy isipin na piniproblema ng ibang simbahan ang mga homosexuals pero yung premarital s*x ng mga straight couples hindi.
Hindi na nagawa pang makapagkwento ni Wil tungkol sa sama ng loob niya sa kapatid niya, dahil ayaw niyang sirain ang proposal moment mamaya ni Hera. Nagpababa nalang siya sa park na malapit sa condo ni Jack at nag-goodluck and advance congratulations dito.
Pag doorbell niya sa unit ni Jack ay walang nagbukas sa kaniya. Tinext niya si Jack at napag-alaman niyang nasa basketball practice pa pala ito. Malamang matatagalan dahil nililigawan na nito si Anne.
Naupo nalang siya sa gilid ng pintuan ng unit ni Jack. Isa nanamang buntong hininga kasabay ng isipin na ‘Ang hirap din pala maging single.’ Yung may taong ikaw ang priority, yung laging nandyan pag kailangan mo ng masasandalan. Mahihingahan, masasabihan ng mga rants sa buhay. Yung tao na alam mong kahit talikuran ka ng mundo, patuloy siyang maniniwala na kaya mo. Kasi yung mga kaibigan naman hindi palaging available, may mga sarili din silang buhay na inaatupag at mga problema rin na dinadala kaya hindi natin sila masisisi.
Nagdesisyon nalang siyang pumunta ng convinient store, kumuha ng bote ng pulang kabayo. Pero pagtingin niya sa wallet niya, saktong pamasahe nalang pauwi ang natitira.
"Tang*na." napamura nalang si Wil na ibinalik ang bote at bigong lumabas ng convinient store.
Naupo nalang siya sa isang gilid, pinapanuod ang mga abalang tao sa paligid. Abala na kumayod, kumita ng pera, makipag-agawan ng jeep pauwi. Yun ba ang tamang buhay? Naglaho sa diwa niya ang kaisipan na malapit na siyang magkaroon ng libro. Naitanong niya sa kaniyang sarili kung tama pa ba? Tama ba talagang sundin niya ang pangarap niyang ito? Nagsisimula palang siya, wala pa siya sa tuktok pero paano siya makakarating duon kung mismong kadugo niya ay hindi naniniwala sa kaniyang kakayahan?
Sa tuwing kasama ni Wil ang mga kaibigan ay lumalabas ang masiyahin niyang awra, dahil ayaw niya ng malungkot. Ayaw niyang maranasan ng mga kaibigan niya ang lungkot na nagtatago sa kanyang dibdib. Pero mukhang umapaw na ang sakit na kaniyang kinukubli. Dahan-dahang lumabo ang paningin niya sa paligid dala ng mga luhang namumuo sa kaniyang mga mata.
"Tang*na. Tang*na talaga." bulong niya sa sarili niya.
Itutuloy…