PAGDATING SA bahay ni Hera ay naabutan niyang nanunuod ng t.v si Sheree. Nahalata niyang may tampo parin ito sa kaniya sapagkat hindi manlang siya nito tinapunan ng tingin. Napangiti siya ng muling kapain ang singsing sa bulsa, magkahalong pananabik, kaba at saya ang kanyang nadarama. Pero kailangan niyang kumalma kaya pilit siyang sumeryoso at nilapitan ang kaparehang tutok na tutok sa pinapanuod nitong advertisement.
"S-sorry, na-traffic ako." ani Hera sabay halik sa pisngi ni Sheree. Aktong tatayo na si Sheree para maghain sa hapag ng niluto niyang hapunan, ngunit agad siyang pinigil ni Hera.
"Love let me, relax ka nalang muna dito." pagpepresinta ni Hera.
"Pero pagod ka, ikaw ang dapat nagpapahinga." ani Sheree na kahit may tampo ay hindi mapigilan maging concern sa kapareha.
"No, you stay here and I'll prepare our dinner." wika ni Hera na inilapag lang ang bag sa sofa at agad nang nagtungo sa kusina.
Labis na naantig ang puso niya ng makita ang paboritong kare-kare ang niluto ni Sheree. Mas napagtanto niya na tama ang desisyon na gagawin niya dahil bukod sa mapagmahal ito ay responsable pa. Hindi niya papalampasin ang tungkulin niya sa bahay ng dahil lang sa pagtatampo.
Palalambutin ka ng pagiging mahinahon niya at pasusukuin sa angkin niyang kabaitan. Yun si Sheree, isang anghel sa mga mata ni Hera.
Nang maihanda na ni Hera ang hapag kainan ay nilapitan niya at niyakap si Sheree. "Kain na tayo?" aniya sabay halik sa ulo nito.
"Tara kain." malamig na wika ni Sheree na tumayo na sa kinauupuan na sinundan si Hera sa hapag kainan.
Nagsimula ng kumain ang dalawa ngunit nangibabaw padin ang katahimikan sa mesa. Ang sarap ng hapunan ngunit ang pait ng mukha ni Sheree. Nagsisisi tuloy si Hera dahil sa inasal niya kahapon dito.
"Ang sarap, pagaling ka na ng pagaling magluto." papuri at pagbasag sa katahimikan ni Hera, ngunit wala parin reaksyon si Sheree. Inabot niya ang isang kamay ni Sheree na nakapatong sa mesa at hinaplos gamit ang daliri ng hinlalaki niya. "Love, patawarin mo ako sa inasal ko sa'yo kahapon. I'm sorry for being a beast when things don't go the way we planned it." pagsusumamo ni Hera. Sa wakas ay tiningnan na din siya ni Sheree, ang maamo nitong mga mata na walang nanaising makita at mahalin kundi si Hera lang. Nagagawa niyang magtampo ngunit hindi ang iwanan ito, dahil kilala niya si Hera higit pa sa mga kapintasan nito. Higit pa sa "beast" na tingin niya sa sarili niya.
"Love hindi ka beast, dahil ang halimaw hindi yun marunong mag-apologize." ani Sheree na ipinatong ang isang palad niya sa ibabaw ng kamay ni Hera.
"I love you." sambit ni Sheree.
"I love you too." sambit pabalik ni Hera.
Namatay din ang mapait na tampuhan at napalitan ng mga matamis na ngiti ang hapunan.
Matapos ang kanilang pagkain ay tumayo si Hera at naglabas ng wine at yello.
"A-anong meron? Bakit mo inilabas yan? Alalahanin mo may pasok ka pa bukas ha, baka mamaya hindi ka magising ng maaga." paalala ni Sheree.
"Love sip lang, hindi tayo iinom to death." nangingiting ani Hera na inilapag ang dalawang copita sa hapag.
Agad niyang nilagyan ng ice cubes ang copita at sinalinan ito ng wine. Pero hindi na niya hinintay pa si Sheree na uminom, agad niyang hinigop at nilunok ang ubas na may alkohol sabay hinga ng malalim.
"Okay, I'm ready!" bulong ni Hera sa sarili.
"Ready saan?" pagtataka ni Sheree sa inaasal nito.
Lalo pa siyang nabigla sa sunod na ginawa ni Hera. Lumapit ito sa harap ng kanyang kinauupuan at lumuhod hawak ang isang maliit na kahon. Nakaupo dito ang makinang at eleganteng singsing na pilak. Hindi na niya nagawang inumin pa ang wine na nasa kamay. Nailapag niya muli ito habang naglilipat ang tingin sa singsing at sa mukha ni Hera.
"I want to marry you, not because you asked me too. But because you deserve it. You deserve all the happiness and all the beautiful things in this world. I cannot promise you forever 'coz obviously people dies" nangiting ani Hera ngunit hindi niya maintindihan ang luha sa gilid ng kanyang mga mata.
Speechless na nakayuko si Sheree kay Hera, pinunasan nalang niya ang luhang gumugulong sa pisngi ng kapareha. Halo-halong emosyon ang kanyang nadarama, pero ang pinakalamang ay ang kaligayahang nag-uumapaw sa kanyang dibdib.
"But I can promise you that I will spend the rest of my life with you so Sheree Moreno, will you spend the rest of your life with me?" tanong ni Hera habang hawak ang isang kamay nito.
"Syempre naman. Mahal na mahal kita eh." sagot ni Sheree na nalaglag na rin ang mga luha. Isinuot na ni Hera ang singsing kay Sheree at tumayo para bigyan ng mahigpit na yakap ang soon to be wife niya.
"Mas mahal na mahal kita." sambit niya pabalik kay Sheree.
Isinayaw lang ni Hera si Sheree sa saliw ng gabi. Ang kamay niya sa bewang nito, at kamay nito sa balikat niya. Ramdam na ramdam ng dalawa ang bawat pintig ng puso ng isat-isa. Ninamnam nila ang sandali, mga pagbalik-tanaw sa magpipitong taon nilang pagsasama. Madaming nagbago sakanila ngunit isang bagay lang ang nanatili, ang pagmamahal na hindi maluluma ng panahon.
* * *
ILANG ARAW pa lamang ng simulan ligawan ni Jack si Anne matapos niyang matikman ang matamis na labi nito. Tila ba isang bawal na gamot na lalo niyang hinahanap-hanap kaya naman mas lalo siyang sinisipag sa tuwing niyayaya siya ng Ate ni Anne na mag practice sa bahay nito.
Mga panakaw na tingin at ngitian na palihim. Sa bawat pagpasok ng bola niya ay kay Anne agad magagawi ang kanyang mga mata. Hindi na tuloy napansin ni Jack na napapaghalataan na siya ng Team Captain s***h Ate nitong si Ash.
"Hanggang tingin ka lang. Bata pa yan." wika ni Ash na tinapik ang balikat ni Jack.
Nabigla si Jack sa ginawa nito, hindi niya malaman kung sang-ayon ba sa kaniya si Ash o hindi. Pero mahalaga pa ba 'yon? Ang importante gusto siya ni Anne.
Matapos ang basketball practice ay nahuli na palabas na ng bahay nila Anne si Jack. Laking gulat niya ng bigla siyang akbayan ng Team Captain. "Bro ano bang plano natin?" ani Ash.
Ginapangan ng kaba si Jack sa narinig. Hindi siya makatingin sa mala-evil eyes nito. "P-plano?" nauutal na aniya.
"Pinopormahan mo si Anne diba? Bakit?" tanong nito na mas nagpahina ng mga tuhod ni Jack.
"B-bakit? A-ano kasi bro..." napakamot ulo si Jack. Hindi niya magawang magsalita ng diretso sa takot.
"Ikaw naman." sabay tapik sa likuran niya. Tapik na muntik na siyang humalik sa lupa sa lakas nito. "Wag ka ng mahiya! Usapang babae sa babae 'to." dagdag pa ni Ash.
Maubo-ubo si Jack sa natanggap na hampas. "Ma-mahal ko si-si Anne." aniya kahit uutal-utal sa takot.
"Alam mo bro, hindi naman ako hahadlang sa love story nyo eh. Tsaka hindi ko din mapipigilan si Anne sa kung anong gusto niya." biglang pisil sa balikat ni Jack.
"Ang akin lang, pare-pareho tayong babae dito kaya sana alam mo yung mga dapat mong iwasan para hindi siya masaktan. Okay ba tayo d'on?" paalala ni Ash.
Bahagyang nabawasan ang kaba ni Jack, nagawa na niyang tingnan si Ash sa mata at ngumiti. "Makakaasa ka captain." ani Jack na sumaludo pa. Nagtawanan sila at tuluyan ng naglaho ang kaninang tensyon.
"Salamat bro. Sige uwi na ako." paalam ni Jack.
"Teka lang. Anne, Aaanne." pagtawag ni Ash sa kapatid niya.
"Yes Ate?" paglitaw ni Anne mula sa sala.
"Ihatid mo nga 'tong future sister in law ko palabas ng gate." ani Ash. Gumuhit ang ngiti ni Anne, niyakap niya ang Ate niya. "Thank you Ate! Thank you! Thank you!" masayang sabi niya dito.
"Anong thank you? May kapalit yan, maghuhugas ka mamaya ng pinggan ah?" utos ni Ash.
"No problem! Sige na, sige. Pasok ka na dun. Kailangan namin ng privacy." biro ni Anne na kumindat pa kay Jack.
"Umayos kayo ah, hanggang gate lang." paalala ni Ash na pumasok na ng bahay.
Naiwan ang dalawa sa garahe, sabik na sabik na hinawakan ni Anne ang kamay ni Jack at hinila malapit sa gate.
"Anong ginawa mo't botong-boto sa'yo si Ate?" tuwang-tuwa na tanong ni Anne.
"W-wala naman. Sinabi ko lang sakanya na-" natigilan si Jack sa sasabihin.
"Na ano?"
Lumunok muna si Jack ng laway bago itinuloy ang sasabihin. "Na mahal kita."
Bumilis nanaman ang t***k ng puso niya, at parang matutunaw siya sa malalim na pagtigtig sakanya ni Anne. Ang maliliit na kuryente sa palad nilang dalawa, at ang mga ngiti nitong kay ganda.
"Oo." wika ni Anne.
"Oo? Anong oo?" nalilitong ani Jack.
"Sinasagot na kita, let's make this relationship official." diretsahang sabi ni Anne.
Tila bumukas ang langit at nagkantahan ang mga anghel. Halos hindi makapaniwala si Jack sa narinig pero para siyang nakatanggap ng tropeyo. Hindi, higit pa pala d'on. Na-imagine niya na ikinasal na sila ni Anne at may mga supling ng inaalagaan.
Sobrang advance mag-isip.
"Jack? Hey Jack!" pagkaway ni Anne sa tapat ng mukha nito.
"Ha?" ani Jack na bumalik sa realedad.
"Ayaw mo ba? Ayaw mo yata eh." humalukipkip si Anne.
"H-hindi! Ang ibig kong sabihin masaya ako. Masayang-masaya!" wika ni Jack.
Kahit nahihiya pa ay hinalikan ni Jack si Anne sa pisngi na nagpangiti dito. "I l-love you Anne. You're my first and last." sambit ni Jack. Totoo nga, na si Anne ang first girlfriend ni Jack at hopefully will be her last.
Habang nasa byahe pauwi ay hindi matanggal ang ngiti ni Jack. Agad niya itong ibinalita sa gc nilang magkakaibigan. Pero ng makita ang relationship status request ni Anne ay biglang naglaho ang ngiti niya. Hindi niya nagawang accept-in ito. Pumasok sa isip niya ang mga magulang at relatives niyang naka-add sakanyang account. Dahil sa kabila ng very obvious lesbian appearance niya ay hindi parin ito alam ng kanyang mga magulang.
Dahil anak siya ng negosyanteng tsinoy, alam niyang magiging kahihiyan siya ng pamilya kapag nalaman ang tunay niyang sekswalidad.
Itutuloy...