Ilang oras na rin ang lumipas nang huli niyang balik dito sa abong toldang kinalalagyan ko. Nananatiling nakaupo sa kama at nakayuko.
Mga ilang sandali pa ay may narinig akong ingay sa labas. Agad ko tiningnan ang lagusan at may isang matandang babae ang pumasok.
"Minerva? Ikaw ba talaga 'yan, hija?" tanong n'ya sa akin at halata sa kaniyang boses ang pag-aalala.
Pinikit-pikit ko ang mga maluha-luha kong mga mata upang makita siya nang malinaw. Laking tuwa ko na makita ko si Nanay Rosalia na buhay at nakatayo sa aking harapan.
"Nanay Rosalia!" masaya kong tawag sa kaniya at agad ko siyang pinuntahan. Ngunit sabay nito ang pagbagsak ko sa kama dahil na rin sa panghihina ng aking mga tuhod.
Naramdaman ko na lang ang isang mainit na yakap mula kay nanay sa akin at inalalayan akong umupo sa kama. Akin naman s'yang niyakap nang napakahigpit at nagpasalamat kay Bathala na maayos ang kan'yang kalagayan.
Si Nanay Rosalia ang isa sa kaibigan ni mama. Siya rin ang tumulong sa 'min sa paghanda ng pagkain noong kaarawan ko. Malapit lang din ang aming bahay sa kanila kaya malapit din sa puso ang kanilang pamilya sa amin. Siya rin ang isa sa mananahi ng aming bayan, siya mismo ang nagturo sa aking manahi.
"Salamat naman at ligtas ka, hija. Anong nangyari sa iyo? Bakit gan'to ang kalagayan mo? Bakit sobra-sobra ang sugat mo sa katawan? Kumain ka na ba? Naku, hija… Namamayat ka na," pag-aalala niya sa akin habang tinitingnan ang aking katawan.
"'Nay Rosalia… Sila mama…" iyak ko at sabay ang pagtulo ng aking mga luha.
Nang ako ay umiyak, sabay din ang pag-iyak niya at muli ako niyakap. Pagkatapos ay hinagod ang aking likuran at hinalikan ang aking ulo. "Sige lang, 'nak… Ibuhos mo lang iyan. Ilabas mo ang lahat ng galit at lungkot sa iyong puso," pagdadalamhati niya.
Dahil sa mga yakap at hagod niya sa akin ay gumaan ang aking pakiramdam, kahit papa'no ay nabawasan ang kalungkutang nadarama ko.
Maya-maya pa ay humupa ang aking iyak at muli siyang tiningnan. Ningitian ko s'ya at hinawakan ang kaniyang mga kamay.
"'Nay… Ayos ka lang po ba? 'Musta na po sina Dina at Tatang Nestor? Kasama niyo po ba sila ngayon?" tanong ko.
Bumuntong s'ya ng hininga at nakita ko mula sa kan'yang mga mata ang kan'yang pighati. Sa pagkakataong iyon, kahit hindi niya sinasabi, tukoy ko na kung ano ang nangyari sa kanila.
"Mukhang… Kahit papa'no ay ginabayan tayo ni Bathala at nakaligtas sa paglusob," nakangiting tugon ni Nanay Rosalia. Bakas sa kaniyang mukha na napipilitan s'yang ngumiti.
Hindi agad ako nakapagsalita dahil wala na akong lakas upang aliwin siya. Masaya naman ako na buhay at nasa ayos na kalagayan si Nanay Rosalia, subalit hindi pa rin ito sapat sa aking nararamdaman. Naramdaman ko ang unti-unting pagkawala ng aking gana upang mabuhay pa. Unti-unti na ring nagiging manhid ang buo kong katawan gano'n din ang aking pakiramdam. Hindi na rin ako makapag-isip ng kahit na anong masasaya o positibo sa mga oras na ito upang pagaanin ang loob ni nanay.
Ilang saglit lang ay naramdaman ko na lang ang paghimas ni nanay sa aking mga kamay habang pinipilit na ngumiti. Naramdaman ko ang init mula sa kan'yang mga kamay na nagpagaan sa aking damdamin.
"Alam mo, hija… habang nasa labas ako narinig ko ang pag-uusap ng ilang mga kawal. Nalaman ko na bibigyan ng hari ng maayos na libing ang mga namatay sa ating bayan," masaya niyang sambit.
Bigla ko siya tiningnan dahil sa gulat. "Kailan… Kailan po gaganapin?"
"Sa pagkakaalam ko ay gaganapin ito sa makalawa kaya, hija… Mas maganda na magkaroon ka ng sapat na lakas upang makapagpaalam ka sa iyong pamilya, makita mo man lamang sila sa huling pagkakataon," sagot niya. "Kahit… Kahit na ayokong pumunta dahil ayoko makita silang binabaon sa lupa… h-hindi ko naman hahayaan na hindi ko sila makita sa huling sandali," mangiyak-ngiyak na sambit ni nanay sa akin at tuluyan na s'yang bumigay. "Ano ba kasi ang ginawa natin para parusahan tayo nang ganito? Wala naman tayong tinatapakang tao. May mali ba tayong ginawa upang parusahan tayo ni Bathala?"
Akin naman niyakap si nanay. "Wala, 'nay… Wala tayong ginawa. Ang dapat sisihin sa nangyari ay ang hayop na 'yon! Siya ang dahilan kung bakit namatay ang ating pamilya… kung bakit nasira ang ating bayan! Ang halimaw na iyon ang dapat sisihin sa lahat na ito!" diin kong sambit. "Pagbabayaran niya ang lahat ng mga ginawa niya sa atin. Gagawin ko ang lahat upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng ating pamilya. Hindi ko s'ya hahayaan na mabuhay siyang masaya at nasusunod ang lahat ng mga luho niya."
Tama. Hindi ko rapat siya pagbigyan sa lahat ng naisin niya sa akin. Hindi rin dapat ako basta-basta mamamatay dahil hindi ko mabibigyan ng hustisya sila mama kung ako ay isang malamig na bangkay na. Hindi dapat ako maging isang mahina sa panahong ito.
Pagkatapos kumalma si Nanay Rosalia, tumawa siya nang mahina habang pinupunasan ang mga luha niya. At saka niya ginamot ang mga sugat ko sa braso. Pinagalitan naman niya ako dahil nalaman niya kung ano ang ginawa ko sa aking sarili at saka n'ya ako dinalhan ng pagkain.
Sa tagal naming pag-uusap ay hindi namin namalayan ang oras, bumaba na pala ang araw.
Habang masaya kaming nag-uusap at nagtatawanan ay bigla na lang may susulpot na isang hayop na bumasag sa aming kasiyahan. Kami'y huminto at tiningnan siya. Agad namang tumayo si Nanay Rosalia at sunod s'yang lumuhod, saka siya yumuko. Nagulat ako sa naging reaksyon niya.
"Magandang gabi, mahal na hari," bati niya sa hayop na ito.
Bigla ko na lang naalala na isa pala s'yang hari.
Naglakad s'ya papunta sa akin at yumuko, nilapit ang mukha niya at hinawi ang buhok na nasa mukha ko.
"Mas lalo kang gumaganda kapag nakangiti ka." Pagkasabi ay tumingin siya sa gilid kung nasaan ang pagkain na aking naubos at saka s'ya tumingin kay Nanay Rosalia.
'Di ko matukoy kung ano ang nasa isip niya sa mga oras na ito.
"Rosalia, tama ba?" paglilinaw niya kay nanay.
"O-oho, mahal na hari," nauutal na tugon ni nanay sa kan'ya, may halong takot siyang nararamdaman.
"Simula ngayon, ikaw na ang magbabantay sa aking diwata – pagsilbigan mo siya." At saka siya tumingin sa akin at muli niya ako hinalikan.
Inatras ko ang ulo ko at sinusubukang itinulak siya. Nagtagal din ang mga halik n'ya bago niya inalis ito. Mabilis kong pinunasan ang aking labi at tiningnan siya nang masama.
"Mabuti naman at kumain ka na. Bukas, pagkatapos ilibing ang lahat ng mga pumanaw, aalis na tayo. May lulusubin pa tayong lugar. Kailangan mo maghanda sa mahaba nating paglalakbay. At ikaw," tumingin siya kay nanay, "ikaw na bahala sa kaniya." At muli niya binalik ang tingin sa 'kin.
"Masusunod ho, mahal na hari," tugon ni nanay na hanggang ngayon ay nakaluhod at nakayuko pa rin.
"Kumuha ka muli ng aming makakain at 'wag kang pumasok hanggang sa wala akong sinasabi," utos ng hayop na ito.
"M-masusunod ho, mahal na hari." Kahit nakayuko ay nasilip ko na nanlaki ang mga mata ni nanay. Nagtaka naman ako kung bakit siya nagulat.
Tumayo na siya at umalis. Bago pa siya lalabas ay muli n'ya ako tiningnan at nakita ko ang takot at pag-aalala niya.
Pagkaalis niya ay sabay na hinaplos ng lalaking nasa harapan ko ang aking pisngi at muli niya ako hinalikan. Nabigla ako sa ginawa n'ya at akin siya tinulak.
Tinulak naman niya ako na dahilan ng paghiga ko sa kama. Sunod niyang hinawakan ang mga kamay ko – sobrang higpit upang hindi ako makawala sa kan'ya.
Pagkatapos niyang halikan ang aking labi ay sunod niyang hinalikan ang leeg ko pababa sa aking dibdib.
"Huwag… Pakiusap lang. 'W-wag mo 'to gawin sa akin…" iyak ko sa kan'ya, ngunit hindi niya ako pinakinggan.
Naging halimaw siya sa gabing ito. Sa bawat baon at halik niya, unti-unti niya nakukuha ang natitira kong lakas sa aking katawan. At sa gabing ito, tuluyan na nabahiran ng dumi ang aking pagkatao.
Nakakadiri.
Kinakahiya ko ang aking sarili.
Bakit ito nangyari sa 'kin?
Pakiusap lang, kung sino man ang nakakarinig, tulungan n'yo ako.