KABANATA VII: LIBING

1705 Words
Kasalukuyan akong nakaupo sa isang pabilog na upuan na gawa sa kahoy. Tanging isang manipis, mahaba at puting baro lamang ang suot ko. Pinupunasan ni Nanay Rosalia ang aking katawan habang siya'y umiiyak. "Napakawalang hiya n'ya talaga. Isa siyang hayop. Wala talaga siyang puso," inis na sumbat niya. "Sabi na nga ba at mangyayari 'to sa iyo. Nakutuban ko na no'ng pinaalis na niya ako kahapon. Dapat pala hindi ko na lang s'ya sinunod para… para mapigilan ko siya sa paghalay sa iyo." Siya'y gigil na gigil. "Mabuti na lang po at 'di niyo ginawa ang naiisip niyo, 'nay. Kaya niyang kunin ang buhay n'yo sa isang iglap lamang," tugon ko, pilit na ngumingiti. "Kahit na!" sigaw niya na agad n'ya ring tinikom ang bibig at hininaan ang tono ng kaniyang boses. "Wala akong pake kung mamatay ako. Isa sa pinapahalagahan nating mga babae ang pagkabirhen natin. At isa pa, para sa amin, isa ka pang bata, hija." Bahagya ako ngumiti at tumingin kay nanay na nasa kaliwa ko. "Maraming salamat, 'Nay Rosalia, sa pag-aalala niyo po sa 'kin ngunit… sa tingin n'yo po ba may pagpipilian pa po ako?" Hinaplos ko ang kan'yang kamay na nasa balikat ko. "'Wag po kayo mag-alala, pagbabayarin ko s'ya sa lahat ng mga ginawa niya." "Maghunos-dili ka, hija. Kahit hindi mo sinasabi, ramdam ko na may binabalak kang gawin sa kan'ya… Hari ang kinakalaban mo at hindi basta-basta na hari. Isa s'ya sa pinakamagaling na hari sa buong kontinente at kilala s'ya sa pagiging walang habag at uhaw sa digmaan. Nasaksihan mo naman kung ano ang ginawa niya sa atin. Kapag may ginawa kang mali, maaari mo itong ikamatay — kasasabi mo lang, 'di ba?" takot na paalala sa akin ni nanay. Naintindihan ko naman ang pag-aalala n'ya sa akin subalit kung hindi ako kikilos, walang mangyayari sa kagustuhan kong mabigyan ng hustisya sila mama. "Huwag po kayo mag-alala, 'nay. Basta po magtiwala lang kayo sa 'kin," nakangiti kong sagot sa kan'ya. "Hay, naku, bata ka! Pinapakaba mo naman ako. Kung ano man ang nasa isip mo, pakiusap lang, hija, pag-isipan mo nang mabuti 'yan. Alam ko ang nararamdaman mong galit, ngunit sana iyong gagawin mong paghihiganti ay hindi makakasama sa iyo," buntong hininga niyang sambit, saka n'ya tinuloy ang pagpunas sa akin. "Sino ba ang niloko ko? Wala namang mabuting maidudulot ang paghihiganti, lahat iyon ay masama at higit sa lahat masama ang maghiganti." "Ngunit mas masama at masahol pa sa demonyo ang pagpatay ng mga inosenteng tao, 'nay," sagot ko. Hindi nakapagsalita si nanay at malungkot niya akong tiningnan. Naging tahimik kaming dalawa hanggang sa matapos siya sa paglinis sa akin. Sinuotan n'ya ako ng isang magandang baro na tanging sa panaginip ko lamang maisusuot. Isang mahabang baro na kulay ginto at ito ay kumikinang gawa ng mga maliliit na mga bato na nakadikit sa damit. May mahabang manggas ito na abot hanggang pulso. Sunod niya akong sinuotan ng isang maganda at mala-gintong sandals. Sa huli ay inayusan niya ang mahaba kong buhok. Maganda sana ang damit, subalit hindi ito nababagay sa araw na ito — sa araw na ililibing ang pamilya at ang mga kababayan ko. "'Nay, p'wede po ba na ilugay ang aking buhok? Masyado po kasi mababa ang kwelyo ng suot ko, masyado kita ang taas na bahagi ng aking dibdib," suhestiyon ko. "Walang problema," sagot niya at saka muli tinuloy ang pag-aayos. Makalipas nang mahigit na isang oras na paghahanda ay sabay kaming lumabas ni nanay sa malaki at kulay na abong tolda. Habang naglalakad papunta sa lugar kung saan ipagdaraos ang libing, napansin ko naman na pinagtitinginan ako ng mga tao lalo na ang mga kauri ng hari — mga kawal niya. Narinig ko rin ang mga bulong-bulungan nila tungkol sa kakaiba kong hitsura pati na rin sa pagiging babae ng hari. Hindi ko iyon pinansin, bagkus ay binilisan ko ang paglalakad nang maabutan ang aking pamilya. Nang makarating, agad ko hinanap ang mga bangkay nila. Nakita ko ro'n ang mga nakaligtas na katulad namin ni nanay na hinahanap ang mga mahal nila sa buhay. Maayos na nakahiga sa isang tela ang bawat bangkay at ito ang isa sa naging palaisipan ko. Bakit napakaayos nila inihiga ang mga bangkay na walang awa nilang pinatay? Parang hindi sila ang gumawa nito, samantala para silang halimaw kung pumaslang. Agad naman nakita ni nanay ang kan'yang pamilya at dali-dali niya ito pinuntahan. Sabay n'yang hinagkan ang malalamig na bangkay ng kaniyang asawa't anak at siya'y humagulgol. Nananatili ako nakatayo sa lugar na ito at pinagmamasdan ang nakalulumong senaryo. Mga ilang sandali pa ay may isang lalaki ang sumulpot. "Binibini Minerva?" panlilinaw niya. Akin siyang nilingunan upang matukoy kung sino s'ya. Malaki ang lalaking nasa harapan ko at agad ko siya namukaan dahil sa suot niya. Siya ang lalaking unang pumigil sa akin at tumawag sa aking "binibini." Pinagmasdan ko ang kaniyang mga mata at muli ko nakita ang kalungkutan dito, ibang iba sa mga kawal na nakita ko kanina na pawang masasama. Tila ba naiiba s'ya sa lahat ng mga sumakop sa amin. "Magandang umaga, Binibini Minerva." Saka s'ya yumuko at muling binalik ang tingin sa akin. "Ako si Heneral Alexander Osis, ang punong heneral ng kaharian ng Grandorya. Kung ako iyong pahihintulutan, akin ko kayong gagabayan at ituro ang lugar kung saan nakalibing ang iyong pamilya," seryoso niyang pakilala, matikas ang tindig at walang emosyong pinapakita. Alam ko na isa s'ya sa sumira sa aming bayan at higit sa lahat, isa siyang punong heneral, subalit hindi ko magawang magduda sa kaniyang kilos. Siguro, marahil, dahil sa kakaibang kutob ko sa kaniya — kutob na siya'y mabuting tao. Tumango ako bilang pagtugon at saka s'ya nag-umpisang maglakad. Akin naman siyang sinundan. Habang papalapit sa lugar, dama ko ang pagbigat ng aking dibdib at ang lalim ng aking paghinga. Napakapit ako sa aking dibdib habang naglalakad. Nakita ko na lang na huminto na ang heneral at nilingunan ako, inilahad ang kaniyang kamay — senyales na ako ay mauna sa kan'ya. Huminga ako nang malalim at aking natanaw ang nakahandusay na katawan ng pinakamamahal kong pamilya. Namumutla ang kanilang mga katawan at wala na rin akong nakikitang bahid na dugo sa kanilang katawan. Para lang sila natutulog. Samantala nakatakip naman ng isang puting tela ang mukha ni Kitara. Nilapitan ko si Kitara at aakmang tatanggalin ang tela, ngunit pinigilan ako ng punong heneral. "Sandali lang, binibini. Masyadong… Baka hindi niyo makaya ang iyong makikita…" nahihirapang wika n'ya sa akin, kasalukuyan siyang nakatayo sa likuran ko. "Hayaan mo makita ko ang maganda niyang mukha. Nasaksihan ko kung paano siya pugutan ng isa sa tauhan mo kaya wala lang 'to sa akin." Sabay ko siya nilingunan at sinamaan ng tingin. Napalunok siya ng laway at umatras ng dalawang hakbang. "Ipagpaumanhin ninyo." Sabay siyang yumuko. Bahagya ako nailang sa pagiging magalang n'ya. Mabilis ko naman tinuon ang atensiyon ko sa aking pamilya. At sunod ko nang tinanggal ang puting tela sa kan'yang mukha. Nang makita silang tatlo, walang luha ang pumatak sa aking mga mata. Siguro dahil na rin sa walang tigil kong pag-iyak noong nakaraang mga araw. Umupo ako at hinalikan sa noo si Kitara at bumulong, "Pasensiya na, mahal kong Kitara." Sunod ay si Liam. "Pasensiya na, mahal kong Liam." At ang huli ay si mama. "Pasensiya na, 'ma, kung mahina ako. Hindi ko man lamang kayo naipagtanggol." Pagkatapos ay hinaplos ko ang malamig niyang pisngi. Parang ayoko pa silang lubayan, mananatili muna ako sa kanilang tabi hanggang sa katapusan. "Kung ako'y iyong mamarapatin na magsalita, gusto ko lang ihayag sa iyo ang paghanga sa iyong ina, mahal na binibini," singit ng punong heneral. Nilingunan ko s'ya at muling binalik ang tuon sa aking pamilya. Hindi ko siya sinagot. Umubo ito at nagsalita, "Hindi ko man nasaksihan ang buong pangyayari; ngunit sa sanaysay mula sa mga kawal na nakaligtas mula sa iyong ina, tunay s'yang karapat-dapat bigyan ng magandang burol… Napaslang n'ya halos tatlumpung kawal at nailigtas ang ibang mamamayan mula sa kanila. Gano'n na rin ang inyong mga kapatid. Matapang silang lumaban hanggang sa huli. Ikinalulungkot ko ang nangyari sa inyong pamilya at sa inyong bayan, Binibini Minerva." Nakahinga ako nang maluwag sa kan'yang sinambit. Napangiti ako sa kanila at tunay ko silang pinagmamalaki. Akin siyang nilingunan. "Maraming salamat sa paghanga mo sa aking pamilya. Ang aking pinagtataka, ba't parang ayos lang sa iyo na mapatay ang iyong kasapi?" Nananatiling tahimik lamang ang heneral at bahagya niyang kinunot ang noo. "Ikaw ba ang humiling sa hari ninyo na bigyan sila ng burol?" tanong ko. "Ipagpaumanhin ninyo, ngunit hindi ko iyan masasagot." Ako'y tumayo. "Kakaiba ka sa lahat. Isa kang heneral, punong heneral, ngunit ni walang bahid na dugo at kasamaan ako nakikita sa iyong espada, gano'n na rin ang ganid sa iyong mga mata," puri ko. Napahawak nang mahigpit si Heneral Osis sa kaniyang nakasarang espada na nakasabit sa kan'yang beywang. Bahagya ako natawa, sapagkat hindi naman iyon ang tinutukoy ko, naliteral n'ya siguro ang aking sinambit. "Kung ikaw nga ang humiling sa hari, ako'y taos-pusong nagpapasalamat sa iyo. Nang dahil sa kabutihan mo, ako at ang aking kababayan ay nagawang ihatid ang mga yumao naming mahal sa buhay sa huli nilang hantungan." Saka ako yumuko bilang paggalang sa kan'ya. "Pakiusap, binibini, 'wag ka magpasalamat sa 'kin," agad niyang pagtanggi. "Nagkakamali ka sa binigkas mo. Isa rin akong mamamatay tao gaya nila. Isa akong pinuno sa p*****n na ito. Tanging sinusunod lang nila ang aking mga utos at iyon ang lusubin ang iyong bayan. Huwag ka magpasalamat sa akin, binibini. Hindi karapat-dapat ako pasalamatin." "Alam ko. Tama ka sa iyong tinuran na sinusunod lamang nila ang iyong utos at iyon ang lusubin ang aming bayan, subalit hindi iyon nangangahulugan na patayin ang mga tao. Ang mga kawal mo mismo ang nagpasya na patayin sila lalo na ang iyong hari," tugon ko. "Nakikita ko sa mga mata mo na hindi mo rin ito ginusto." Sabay ko s'ya ningitian. "Sana marami pa ang katulad mo, heneral." Napatikom ng bibig ang heneral at bahagyang napaatras. Nilingunan ko muli ang aking pamilya at nagdasal. Pinagdasal ko kay Bathala na gabayan ang mga kaluluwa na namatay papunta sa dakong paroon at bigyan ako ng sapat na lakas sa kamay ng hari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD