Hindi ko na tukoy kung gaano na ako katagal nakatayo sa harap ng mga libingan ng aking pamilya. Unti-unti na ring nawawala ang mga iyak at hagulgol na aking naririnig sa paligid ko. Nararamdaman ko na rin ang pangangalay sa mga paa ko, subalit akin itong ininda. Ayaw ko pa sila iwanan. Hindi pa kaya ng konsensya ko na iwan sila.
"Minerva, hija, tara na. Bumalik na tayo. Kanina ka pa r'yan. Tirik na ang araw at baka mahimatay ka sa init." Nabosesan ko ang taong nagsalita na mula sa aking likuran, si Nanay Rosalia.
"Dito muna po ako," walang gana kong sagot.
Wala na akong narinig na tugon mula kay nanay.
Nananatiling nakatulala at inaalala ang mga nakaraan. Mga panahong buo pa ang pamilya namin.
Noong panahon na buhay pa si papa, tanda ko pa noon na sa tuwing umuuwi siya sa trabaho, agad kami nagtatakbuhan sa likuran ng pinto. Sasabihan kami ni mama na nakauwi na si papa at agad kami nagtatago. Hihintayin namin na pumasok si papa at s'ya naman ay kunwaring walang alam sa nangyayari. Umaarte na nawawala ang mga maliliit n'yang anak at hahanapin kami.
Kapag malapit na s'ya, agad namin siyang bubulagain at yayakapin. Sa lakas ni papa ay kaya niya kaming tatlong buhatin sabay-sabay at bibigyan ng matatamis na halik.
Tanda ko pa na kaming magkakapatid ay nayayamot sa kan'ya 'pag binibigyan niya kami ng halik gawa ng nakatutusok n'yang balbas. Kinukuskos pa n'ya ang baba sa aming mukha para lalo pa kami mainis. Pagkatapos mandidiri kapag hinahalikan ni papa si mama. Sabay pa kami nagtatakip ng mga mata at nagwiwika ng, "Ew…" sa kanila.
Sobrang saya pa namin noon at kahit wala na si papa sa aming piling, nananatiling maayos at masaya ang takbo ng aming buhay. Hanggang kami ay sama-sama, kumpleto kami, sapat na 'to sa amin.
Siguro, sa ngayon, nasa piling na ni Bathala ang pamilya ko. Dininig na n'ya ang aking dasal. Nakasama na siguro nila mama, Kitara, at Liam si papa sa langit. Baka nga hinihintay na nila ako ro'n dahil ako na lang ang kulang.
Tama. Walang mangyayari sa oras na naghiganti ako. Ano ba ang magagawa ng isang tulad ko? Isa siyang hari samantala ako ay isang mababang uri ng tao — walang kalaban-laban, walang kapangyarihan, at higit sa lahat walang boses. Sino ba ang makikinig sa hampaslupang katulad ko? Walang maglalaan ng oras sa mga katulad namin.
Kung mamamatay ako ngayon ay baka masundan ko pa sila mama, magiging kumpleto na rin kami sa wakas. Makikita ko na muli si papa, ang mga ngiti n'ya at mga halik at yakap ay malalasap ko na rin. Magiging payapa siguro ang kalooban ko sa oras na nando'n na ako, wala ng poot at lungkot na madarama.
Nilingunan ko si nanay at niyaya s'yang bumalik sa tolda. Nakita ko sa kaniyang mukha ang ngiti dahil sa aking binanggit. Huminga siya nang malalim at inalalayan n'ya akong maglakad.
Bago pa lang ako papasok sa loob ay huminto ako at nagwika kay nanay, "'Nay, gusto ko po mapag-isa ngayon."
"Oh, sige, hija. Ipaghahanda na lang kita ng makakain mo kung… kung kailangan mo ako, nandito lang ako sa labas, tawagin mo lang ako," malumanay niyang tugon.
Tumango ako kay nanay at pumasok. Nilibot ko naman ang aking paningin at nakita na nandito pa rin ang balde na may tubig na ginamit sa akin sa paghilamos. Naglakad ako at nakita ang isang babasagin na bote. Akin itong binasag at kinuha ang isang pirasong bubog. Mabuti na lamang at walang nakarinig sa aking ginawa.
Hinila ko ang baldeng may tubig sa tabi ng kama at saka ko hiniwa ang aking kaliwang pulso. Napakagat ako sa labi dahil sa sakit. Nabitawan ko ang hawak na bubog dahil sa hapdi, 'tsaka ako humiga. Pagkatapos ay nilublob ko ang kaliwang kamay ko sa balde na may tubig.
Unti-unti ko na nararamdaman ang hilo at panghihina ko. Kahit may nararamdamang sakit, nang maisip na malapit ko na makasama ang aking pamilya, gumaan ang aking pakiramdam hanggang sa tuluyan na akong mawalan ng malay.
"...Erva… Minerva… Anak…" Isang pamilyar na boses ang patuloy na tumatawag sa aking ngalang, pakiwari ko ay isa itong babae.
"Anak, gising… 'Wag tutulog-tulog." Sabay tawa nito, pamilyar din ang nagsalita. Lalaking lalaki ang boses, malalim at medyo garalgal.
"Ate… gumising ka na, magsasanay pa tayo," banggit ng isang babae.
"Oo nga, ate… Susunduin mo pa ako sa labas, may umaaway na naman sa akin, eh," masayang tugon ng isang lalaki sa akin.
Hindi ko makita kung sino ang mga nagsasalita, sapagkat nananatili akong nakapikit. Kahit nakapikit, may naaninag akong liwanag. Bukod doon ay malamig ang nararamdaman ko, ngunit masarap sa pakiramdam — gumaan lalo ang aking pakiramdam. Kung sino man sila at kung nasaan man ako, sana ay manatili ako rito sa piling nila.
"Anak…" banggit ng isang lalaki. "Gumising ka na. May magandang kinabukasan ang naghihintay sa iyo. Marami pa ang nangangailangan sa iyo."
Sa sobrang pamilyar ng boses ay tila ba natukoy ko na kung sino-sino ang mga nagsasalita. Para bang sila papa — ang buo kong pamilya — ang kumakausap sa akin.
Sinubukan kong imulat ang aking mga mata, subalit dahil sa bigat ay hindi ko magawa. Sinubukan ko naman iangat ang aking kamay upang hawakan s'ya — si papa. Naramdaman ko na lang na may isang kamay ang kumuha nito.
"Minerva… Salamat at nagising ka na," banggit ng isang lalaki. Hindi ito ang boses ni papa o ni Liam, ngunit ang boses na ito ay akin ring namumukaan. Kakaiba ang tono ng kan'yang boses na iba sa pagkakatanda ko, halong saya at lungkot ang naririnig ko sa kan'ya. Pamilyar din ang init mula sa kan'yang kamay na nagpagaan sa aking damdamin. Pakiwari ko ay naramdaman ko na ang init nito, subalit hindi ko na tukoy kung saan.
Nananatili pa rin akong nakapikit at hindi makita kung sino-sino ang mga taong kumakausap sa akin. Ngunit may isa lang ako gusto at ito ay manatili lang sa aking tabi ang lalaking may hawak sa aking kamay.
"'Wag mo ako iwan," bulong ko sa kan'ya.
Hindi ko narinig ang sagot n'ya. Naramdaman ko na lang ang mainit at mahigpit niyang yakap sa akin. Lalong gumaan ang aking pakiramdam at ako'y muling nakatulog. Sa pagkakataong ito, nakatulog ako nang mahimbing sa kaniyang bisig.