Chapter 3.

1824 Words
HINDI naging madali para sa kanya na tanggapin ang nangyari at kahit isang buwan na ang lumipas ay malungkot pa rin siya at nagluluksa dahil hindi man lang niya nagawang ipalibing ang labi ng ama. Dahil doon, nakaramdam siya ng galit sa mga taong iyon. Pero wala siyang magawa dahil isa lang siyang simpleng tao. Ngunit, nang magsimula ang klase ay kapansin-pansin ang pagbabago sa kanya. Naging mailap siya sa mga tao, madalang makipag-usap at hindi na nagtitiwala. Tanging ang kanyang Manang Lupe lang ang pinagkakatiwalaan niya. “’Nay, pasok na po ako sa kwarto,” sambit niya pagkatapos nilang kumain ng gabing iyon. Itinuring na niyang magulang si Manang Lupe dahil para na rin niya itong ina. Bahay at eskwelahan lang naging takbo ng buhay niya. Madalas siya magkulong at madalang makipag-usap. Nauunawaan naman iyon ni Lupe dahil talagang malaking kawalan sa kanya ang pagkasira ng kinagisnan niyang pamilya. Pagpasok niya sa kwarto, napatingin siya sa isang notebook na mayroong tatak na dragon. Nilapitan niya iyon at nanlaki ang mga mata nang may maalala siya. “Dragon…ang tattoo ng taong pumatay kay daddy,” wika niya sa sarili at napahigpit ang hawak sa notebook. “Pagbabayarin ko kayo sa ginawa ninyo. Hahanapin ko kayo at papatayin katulad ng ginawa ninyo sa daddy ko. Sisirain ko rin ang buhay ninyo,” dagdag niya habang titig na titig sa dragon. Siya na lang ang kikilos para sa hustisya dahil wala na siyang nabalitaan sa kaso ng kanyang ama. Tila nabasura na lang ng mga pulis kaya mas lalo siyang nagalit. KINABUKASAN pag-uwi niya galing sa paaralan ay nagbihis lang siya at umalis na ulit siya ng bahay. Dahil may nakita siyang street fights sa bakanteng lote. May mga grupo roon na naglalaban-laban dahil sa pustahan. Naengganyo siyang manood kaya naupo siya at nagmasid. Bawat sipa at suntok ng naglalaban sa gitna ay pinapanood niya. Napapapikit siya kapag nakikita niyang nasasaktan ang mga ito. Pero hindi iyon naging dahilan para panghinaan siya ng loob. Napakuyom ang kanyang kamay at mas lalong nasabik na makasali sa ganoong laban. Nang matapos ang laban ay nag-alisan na ang mga ito kaya umuwi na rin siya. “Angel, saan ka galing? Pinag-alala mo naman ako!” bungad sa kanya ni Lupe. Tiningnan niya ito ng walang ekspresyon. “May pinuntahan lang po ako. Matutulog na po ako,” wika niya. “Kumain ka muna,” wika nito pero diret-diretso na siya sa loob ng kwarto niya. Pagpasok niya sa loob ay nagre-search agad siya tungkol sa mga martial arts at self-defense. Nanood din siya ng mga video. At hindi siya natulog sa pag-aaral ng mga iyon. Isang linggo niyang ginawa at pinag-aralan iyon. Hindi siya nagpapahinga hangga’t hindi nakukuntento kaya pagsapit ng linggo ay muli siyang bumalik sa bakanteng lote, dahil nagaganap na naman doon ang isang laban. Nagpagupit siya ng buhok, nagsuot ng ripped jeans, black sleeveless at black denim jacket na tinernuhan niya ng black and white rubber shoes. “Saan ka pupunta, Angel?” tanong ni Lupe sa kanya. “Diyan lang po sa malapit. Huwag na po ninyo ako hintayin,” wika niya at aalis na sana pero pinigilan siya nito. “Sandali. Hindi ko alam kung ano ang plano mo pero sana mag-iingat ka,” sambit nito. “Opo, ’nay. Matulog na po kayo,” simpleng sagot niya at marahang binawi ang kamay niya saka umalis. Tanging pagsunod na lang ng tingin ang nagawa ni Lupe sa kanya. “Oh, sinong lalaban kay Cassiopeia?” tanong ng isang lalaki na sa tingin niya ay tagapamahala ng street fights. Illegal iyon pero malayo sila sa city at nasa probinsya sila na mayroong bakanteng kalsada. Wala nang dumadaan doon kaya ginagamit na lang tambayan at sa mga ganitong laban. “Ako…” wika niya at lumabas sa kumpol ng mga tao. “Woooah!” “Mukhang bago siya.” “Dayo yata 'yan?” “Bagong mukha 'yan, ah.” “Aba, may pumapalag na kay Cassiopeia.” Naririnig niyang bulung-bulungan kaya nagkaroon agad siya ng ideya na malakas ang makakatapat niya. Hindi siya sigurado sa kalalabasan nito pero gusto niyang maramdaman ang ensayong nakikita niya. Nang makarating siya sa gitna ay tinaasan siya ng kilay ni Cassiopeia at nginisian. “Oooh! Hello, binibini. Bago ka yata sa lugar na ito,” wika noong lalaki. Tiningnan niya ito at tinanguan. “Kung ganoon, Cassiopeia, paano ba ’yan? May gustong pumalag sa ’yo,” wika nito. Ibinalik niya ang tingin niya kay Cassiopeia. “You must be a newbie? Hindi ako pumapatol sa mahinang nilalang,” mayabang na sambit nito. “Bakit hindi natin subukan kung sino ang mahina sa ating dalawa?” saad niya. Kinakabahan siya pero isinantabi niya iyon dahil gusto niyang maging malakas. “Ano, Cass? Papalag ka ba?” tanong ng lalaki. “Why not? Mukha namang hindi ako pahihirapan ng isang ’yan?” wika nito at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. “Ayos! Oh, paano ba ’yan? Lapag ninyo na pusta ninyo!” sigaw ng lalaki at naghiyawan ang mga manonood. Pero ang focus niya ay na kay Cassiopeia. Mukhang may grupo ito dahil sa tattoo nito sa braso. Nakasuot ito ng pink fitted sleeves, jeans at white shoes. Nang matapos ang pustahan ay pumunta iyong lalaki sa gitna nila. May hawak itong pera sa magkabilang kamay. “Aba, may pumusta sa newbie natin,” wika nito at ngumiti. “Oh, two minutes lang ang time interval, ha? After two minutes, malalaman kung sino panalo at magsisimula iyon sa pagbilang ko ng tatlo. Isa…dalawa…tatlo!” sigaw nito at nawalan siya ng focus kaya hindi niya namalayang nasipa siya ni Cassiopeia sa sikmura. Napahiga siya at namilipit sa sobrang sakit. Napangisi ito sa naging reaksyon niya pero dahan-dahan pa rin siyang bumangon habang hawak ang sikmura. Naghiyawan ang mga manonood ay mayroong ilang nag-boo sa kanya pero hindi niya iyon pinagtutuunan ng pansin. Sa pangalawang atake nito ay nakahanda siya kaya nang sisipain siya nito ay mabilis siyang nakaiwas at agad nagpakawala ng sipa sa tiyan ni Cassiopeia. Napaatras ito at tila hindi ininda ang sakit pero sigurado siyang itinodo niya ang pagsipa niya. “Nice, hindi na masama sa tulad mong baguhan,” wika nito sa kanya. Pero naisip niya ang nangyari sa kanyang daddy kaya sumugod siya kay Cassiopeia at nagpakawala ng suntok. Nakaiwas ito pero nahagip pa rin ang panga nito. “What the hell!” bulalas nito. “Masiyado kang mayabang at madaldal. Nakakairita!” wika niya at muling sumugod. Nagpakawala siya ng sunod-sunod na suntok na iniiwasan lang nito. At nang makakuha siya ng tyempo, sinipa niya ito sa tagiliran. Saka sinuntok. Napaatras ito at dumura dahil sa pagdugo ng labi. Hawak din nito ang tagiliran na sinipa niya. Hinihingal na rin siya pero gusto niyang manalo sa laban. “You ruin my lips, b*tchh!” sigaw nito at sumugod. Nagpalitan sila ng suntok habang naghihiyawan ang mga manonood. “Hindi pa ako natatalo kahit kailan!” sigaw nito at akmang sisipain siya. Sinalubong niya iyon pero sinuklian niya ito ng malakas na pagsuntok sa sikmura. Tumalsik siya at gumulong habang napaigtad sa sakit si Cassiopeia. “Ouch! It hurts like hell!” sigaw nito. Hingal na hingal siyang nakahiga habang nakatingin kay Cassiopeia. Pakiramdam niya, nabugbog siya dahil pagod na rin siya. Tumayo siya at hinanda ulit ang sarili sa pagsugod nito pero nanatili pa rin na namimilipit ito sa sakit. Nang biglang pumagitna iyong lalaki. “Time is up! I’m sorry, Cassiopeia. You lose this time. Congratulations, newbie, ikaw ang panalo,” wika nito. “What? Hindi pa tapos ang laban!” protesta nito at tumayo pero napahiyaw ulit sa sakit. Inalalaya ito ng mga kagrupo niya. Alam niyang masakit iyon dahil buong lakas niyang ibinigay ang bawat atake niya. “Pero tapos na ang oras. Tanggapin mo na lang na talo ka,” wika ng lalaki. “No! Babawi ako. Sa isang linggo, bumalik ka at magtutuos ulit tayo,” wika nito sa kanya pero tinitigan niya lang ito at hindi nagbigay ng anumang reaksyon. Tumalikod siya at akmang aalis na nang pigilan siya ng lalaki. “Sandali, ito ang premyo mo,” wika nito at inilahat ang pera sa harapan niya. Tinitigan niya iyon bago bumaling sa kaharap na lalaki. “I don't need that,” sagot niya at tumalikod ulit saka nagpatuloy sa paglalakad. “Hihintayin kita!” sigaw ni Cassiopeia pero tanging pagtaas lang ng kamay ang isinukli niya. Ibig sabihin, tinatanggap niya ang hamon nito. NANG makaalis si Angelina ay nagbulungan ang mga naroon tungkol sa kanya. “Grabe, may ibubuga rin siya, ano?” “Oo, halata naman sa mga atake niya na bigay todo.” “Pansin ko nga, unang atake pa lang niya napangiwi na si Cassiopeia.” “Tama, tama.” Pero si Cassiopeia ay hindi natuwa sa nangyari ngunit napaisip siya kung sino si Angel. “Hoy, David, sino ba ’yon?” tanong niya. “Hindi ko siya kilala pero mukhang dayo talaga siya rito sa Pila. Mukhang mayaman din kasi hindi tinanggap ang pera,” wika nito. Mas lalo siyang nagtaka kay Angel dahil kahit baguhan ito ay hindi rin ito basta-basta. “Kung ganoon, bakit siya narito at bakit siya sumasali sa street fighting?” tanong niya. “Ewan ko, baka gusto niya lang. Mukhang masungit din kaya ang hirap kausapin,” wika nito. Hindi na siya umimik at hinawakan ang sikmura. Gustuhin man niyang magpanggap na hindi siya nasaktan ay hindi niya kaya. Masiyadong malalakas ang atake nito para matawag na newbie. Kaya sino ka ba talaga? Sa isip niya habang pinagmamasdan si Angel na naglalakad sa malayo. Nagpasya na rin siyang umalis dahil gagamutin niya ang sarili at gusto niyang magpahinga para sa susunod na laban, makakabawi na siya. PAGDATING ni Angel sa bahay nila ay tulog na si Lupe kaya naging maingat ang kilos niya. Dahil ayaw niyang makagawa ng ingay, sapagkat mag-aalala ito kung makita ang hitsura niya. Pumasok siya sa kwarto agad naghubad ng jacket at damit. Tumingin siya sa salamin at nakita ang malaking pula sa tiyan. Medyo makirot at mahapdi rin ang sikmura niya pero binalewala niya iyon. Dahil unti-unti niyang nakukuha ang gusto niya para sa plano niyang pagpapalakas. At kung kailangan labanan niya lahat doon, gagawin niya. Napatingin siya sa picture na nasa sidetable ng kama niya. Ang family picture nila. Kinuha niya iyon at hinaplos. “Kahit mahirap at masakit, gagawin ko ito para sa inyo. Dadalawin kita, dad at hahanapin ko si mommy. Miss ko na po kayo,” pagkausap niya sa litrato. Nangilid ang luha niya na agad din niyang pinunasan. ’Hindi ako iiyak. Hindi na ako iiyak. Hindi na ako magiging mahina.’ wika niya sa sarili bago bitawan ang picture. Kumuha rin siya ng damit para magbihis. Hinubad niya ang sapatos at saka humiga. Hindi na siya nag-abalang magpalit ng jeans dahil sa sobrang pagod at sakit ng katawan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD