“Huwag ka mag-alala, Miss, babayaran pa rin naman kita nang maayos kahit ako ang nagsasagwan,” sagot ni Miguel.
Doon biglang uminit ang ulo ni Athena.
“Aah! So ganun ang tingin niyo sa akin ha?!” sigaw niya nang bahagya. “Hoy, guwapong kumag! May prinsipyo po ako kahit kasingliit ng buhangin ang tingin niyo sa akin! Pinaghihirapan ko ang bawat kinakain ko kahit magkanda-kulaan na ang kilikili ko sa pagod!” nanlalaki pa ang mga mata niyang sabi.
“Ibabalik mo na sa akin ang sagwan ko Sir para makarating ka ng maayos... o itataob ko tong bangka at lumangoy ka na lang patungong kabilang isla!” buwisit na sigaw niya. Umaalma na naman ang pagka-amasona at katapangan niya.
“Woahh! Wait lang! Huwag ka namang masyadong mainit ang ulo! Saka hindi kita ininsulto, Miss! At kailan ko sinabing buhangin ang tingin ko sa'yo? Ang akin lang naman, ’wag ka masyadong mag-alala, tinutulungan lang kita dito,” depensa ni Miguel, sabay tawa.
“Ang tapang mo, siguro ang sarap mong magluto?” biglang sabi pa ni Miguel. Iba sana ang gusto niyang sabihin, medyo may kinalaman sa init ng katawan at kung gaano ito ka-sexy, pero pinigilan niya ang sarili. Baka kasi lalo itong maging tigre at lunurin siya sa gitna ng dagat. Mahirap na.
“Hah! Oo naman! Masarap akong magluto!” nang-aasar na tawa ni Athena. “Specialty ko ang Adobong Ulang at Kuliglig! Sinampalukang Alakdan! At Dinakdakang Palaka! Gusto mo bang matikman, Sir? Baka magustuhan mo, eh!”
Tumawa ito nang malakas habang si Miguel ay napangiti na lang din sa katwiran at katapangan ng dalaga.
“Miss Naman, relax na please. Oh, eto na yung paddle,” sabi ni Miguel habang inaabot ang sagwan pabalik kay Athena.
“At least natulungan kita sa bigat. Ayan o, nangangalahati na tayo sa layo. Yun lang naman ang point ko eh. Ang sungit mo naman talaga. Sayang ’yang ganda mo, Miss ano… ano nga ulit ang pangalan mo?”
“Tse! Matagal ko nang alam ’yan! Nananawa na nga ako sa ganda ko, eh. Wala ring silbi!” asik ni Athena na halatang naiinis pa rin. “Nambola ka pa diyan, ihulog kita eh!”
Dahil sa inis at pagkabuwisit, binilisan niya ang pagsagwan kahit pa sumasakit na at nananakit na ang kanyang mga braso at kalamnan. Pinagpaguran niya talaga hanggang sa marating nila ang kabilang pampang. Pagdaong, tagaktak ang pawis ni Athena, basang-basa ang likod at noo, pero panatag na nasa ligtas na silang lugar.
May maingay na tunog ng musika at togtog na naririnig mula sa malayo, tila may liga ng basketball o sayawan. Malapit kasi ang court ng isla sa daungan, kaya dinig na dinig niya iyon. Kita rin naman daw kasi mula doon ang kabilang pampang kung saan sila galing, lalo na tuwing may ilaw at pista.
“Sir, anong oras ka babalik?” tanong ni Athena habang inaayos ang sagwan.
“Huh? Hindi ako sigurado, Miss, eh,” sagot ni Miguel habang tila malalim ang iniisip.
“Naku, Sir, hindi ho tayo puwedeng magpagabi ha! Bangka lang tayo at delikado. Malalim po ang tubig sa gabi at malakas ang agos dahil nagsasalubong na ang tubig galing sa ilog at dagat,” paalala ni Athena na biglang kinabahan.
Napahawak siya sa sariling batok. Hala, bakit ko ba nakalimutang magdala ng ilaw o kahit flashlight man lang? Wala rin akong jacket o extra damit. Eh tanghali naman kasi kanina, akala niya saglit lang naman ito kaya hindi na siya naghanda.
Inalalayan pa ni Athena ang lalaki sa pagsampa upang makatalon ito sa pampang. Medyo nahirapan ito kasi naka-Topsider leather shoes at medyo madulas ang bangin. Ngayon lang niya napagmasdan nang maigi ang binata. Naka-polo shirt lang ito na kulay dark blue at cream slacks ang suot. Maayos ang plantsa at mukhang mamahalin ang tela.
Mukha itong kapitan ng barangay na naimbitahan sa inagurasyon ng kapilya, naisip niya. O kaya ay isang opisyal na dumalo sa okasyon. Ganoon ang datingan ni Miguel—isang imahe ng lalaking suntok sa buwan para sa katulad niyang simpleng dalaga.
Naglakad na palayo si Miguel. Nakalimang hakbang na siya palayo, pero hindi niya magawang humakbang ng ikaanim.
Huminto ito. Ewan niya kung bakit, pero parang may pumigil sa kanya. Alam niyang hindi magandang iwanan lang doon ang babae at hintayin siya. Alam niyang matatagalan siya. Hindi biro ang maging judge sa isang patimpalak. Inimbitahan siya doon bilang judge at panauhing pandangal.
Ang kapitan ng lugar nila ang naglista sa kanya, at nagkataong kaibigan at kabarkada iyon ng lola niya sa islang iyon. Sa experience niya, madalas ay inaabot ng gabi ang ganoong klaseng programa at hindi siya makakaalis agad. Hindi niya ito masabi kanina kay Athena dahil baka umatras ito o magalit.
“Ah, Miss… may favor sana ako sa’yo,” sabi ni Miguel, lumingon at lumapit muli, habang nag-iisip pa rin ng paraan kung paano sosolusyunan ang sitwasyon.
“Alam ko na ’yan, Sir! Sus, huwag kang mag-alala. Tumutupad ako sa usapan. Dito lang ako, Sir, at hihintayin kita. Hindi kita tatakbuhan,” nakangising sabi ni Athena. “Saka ano bang kinakatakutan mo, Sir, eh, ni singkong duling, wala pa akong sinisingil sa’yo, ah!”
“Ah, naku, oo nga pala, hindi pa nga pala kita nababayaran. Wait here, take this,” sabi ni Miguel at mabilis na kumuha ng pera sa bulsa at inabot kay Athena. Limang daang piso iyon.
“Sobra po ito, Sir! Saka pwede namang mamaya na lang pagbalik mo na,” sabi ng dalaga, at ibabalik sana ang pera, pero ininsist nito.
“Okay lang ’yan, sa iyo na rin naman ’yan. Mamaya na lang ang sukli, itago mo muna,” giit ni Miguel.
“Aahh Miss, yung pabor ko sana… eh kung pwede mo sana akong ihatid sa itaas? Kase sa totoo lang, first time kong mapunta dito eh. Medyo hindi ko kabisado ang lugar. Ah, babayaran ko na lang ang abala, Miss,” sabi ni Miguel, medyo nauutal pa.
Napakamot siya sa batok. Iyon lang kasi ang unang pumasok sa isip niya. Sana lang ay hindi mahalata ng babae ang tunay na dahilan kung bakit ayaw niyang umalis ito. Pag-iisipan na lang niya ang iba pang dahilan kapag nakaakyat na sila. Mataas at matarik kasi ang hagdan na gawa sa semento na kailangan akyatin bago marating ang patag at sentro ng isla.
“Ulit-ulit na naman tayo, Sir? Mali yan ah! ’Wag mong laging tinatawaran o pinipresyuhan ang isang tao,” seryosong sabi ni Athena at umakmang aakbayin ito. “Para alalayan ka lang sa lugar na hindi mo kabisado, kailangan may kabayaran agad?”
“Go, Sir, maaasahan mo ako diyan! Kabisado ko ang lugar na 'yan at take note, Sir, pakinggan mong maigi… LIBRE. Maliwanag, Sir? Libre! At ang tawag doon, Sir, ay kawang-gawa! Tandaan mo ’yan, ha!” Idiniin pa niya ang salitang libre at itinuro pa ang sarili.
“Talaga? Sasamahan mo ako? Naku, napakabait mo naman! Maganda na, mabait pa!” tuwang-tuwang sabi ni Miguel. Panalo! Nakalusot ang moves niya sa babae.