Maganda ang babae. Isang uri ng ganda na pinaghalong kariktan at pagka-cute. Wala kang mahahanap na kapintasan sa mukha at hubog ng katawan nito. Kung pagbabasehan naman ang kaseksihan, pasok na pasok ito sa panlasa ni Miguel.
May mga lalaking gusto iyong sobrang payat, iyong tipong parang modelo sa runway, pero para kay Miguel, mas bumabato ito sa mga babaeng medyo may laman, iyong may mahahawakan at mukhang malusog. At ang babaeng nasa harap niya ngayon… perfect fit ito sa description na iyon.
Alas-dos na ng tanghali at tirik na tirik ang araw, mainit at nakakapaso, pero wala ni katiting na arte ang dalaga. Wala itong kolorete sa mukha, walang mamahaling alahas o burloloy sa katawan. Simple lang, natural, at malinis tingnan na lalong ikinaganda at lalong pasok sa ideal type niya.
Pinakatitigan niya ito nang mabuti. Napansin niyang may malalim pero maliit na dimple ito sa gilid ng bibig kapag seryoso o nakakunot ang noo. Iyon ang tipo ng dimple na katulad ni Mikee Cojuangco, ang asawa ni Dodot Jaworski na isa sa mga idolo niya noon sa basketball.
Marahil ay mga limang dipa na ang layo nila mula sa pampang nang mapansin ni Miguel na pawisan na ang noo at braso ng dalaga. Mamula-mula ang mga pisngi nito dulot ng init ng sikat ng araw at pagod sa pagsasagwan, pero imbes na kaawa-awa, lalo pa itong nagmukhang kaakit-akit sa paningin niya.
Seryoso na seryoso ito sa ginagawa, nakakunot ang noo at puro focus lang sa paghatid sa kanya. Dahil dito, naisipan ni Miguel na lumipat ng puwesto. Mula sa kinauupuan niya sa dulo, lumipat siya sa upuang nakadikit mismo sa gilid ng bangka, kung saan mas malapit siya sa dalaga.
“Sir, teka po! Huwag po kayong malikot, baka tumaob ang bangka! Bumalik na lang po kayo sa dulo para balanse tayo,” mabilis na bilin at paalala ni Athena nang makita ang ginawa ng lalaki.
“Okay lang ‘yon, marunong naman akong lumangoy,” sagot nito nang walang bahid ng pag-aalala.
“Hindi po ‘yon ang punto, Sir! Sige na po, bumalik na kayo sa kabilang dulo,” giit pa ni Athena.
“Dito na lang ako, eh. Hindi naman maalon, kaya hindi tayo mawawala sa balance,” matigas pa ring sabi ni Miguel.
Napabuntong-hininga na lang si Athena at hindi na kumibo. Bakit ba lahat na lang ng lalaki ay makulit at may feeling na may authority? Tanong niya sa sarili. Kahit yung kababata kong si Berting, ganyan din kakulit at pasaway.
Napangisi na lang siya sa isip. Pustahan tayo, maya-maya lang pati pagsasagwan ko pakikialaman na nito. Sanay na sanay na siya sa ganoong ugali. Kahit babae man o lalaki ang sakay, lahat ay gustong makialam. Pati pagsasagwan gusto maranasan, tapos pagkatapos ay gagawin pa siyang photographer ng mga hinayupak na gustong magpa-picture habang hawak ang sagwan. At hindi nga nagkamali ang kutob ng dalaga. Ilang saglit pa ay nagsalita na nga ito.
“Mabigat ba ‘yang paddle? I mean, gaano kabigat ‘yang hawak mo? Pwede bang mahiram?” tanong ni Miguel, sabay abot ng kamay para kunin ang sagwan.
Napasinghal nang malakas si Athena. “Haaist! Talaga naman, oh! Akala ko ba nagmamadali na kayo Sir? Oh sige na nga! Ayan na! Pero bilisan niyo lang ha, isang metro pa ay nasa malalim na parte na tayo. Doon hindi pwede ‘tong commercial na bangka kasi malakas ang agos.”
Inabot niya ang sagwan dito. “Amin na po muna ang cellphone niyo para mapicturan ko na kayong namamangka! Yan naman ang laging drama niyo eh, gusto lang naman niyo magpa-pogi sa picture!” asik niya.
“Why are you so bitter? Saka hindi ako magpapapicture,” seryosong sabi ni Miguel habang kinukuha nga ang sagwan at sinubukan itong gamitin.
“Wow! Mabigat din pala ito Miss! Buti hindi ka nagkakulani sa kilikili ha… o baka ilang beses na?” pabirong sabi ni Miguel, pero may halong biro na medyo may lamang-lapad. “Grabe naman, bakit hindi na lang bangka de motor ang gamitin niyo para mas magaan sa buhay at mas mabilis?”
“Pasensyahan na lang po ninyo sa aming kahirapan, Sir. Ganitong bangka lang talaga ang kaya ng bulsa namin,” sagot ni Athena nang may diin. “Kayo po ba? Mukha namang mayaman ah? Bakit hindi kayo umarkila ng bangkang de motor para mas mabilis kayong makarating? Malamang 10 minutes lang, nandoon na kayo agad.”
“Ah, wala kasing available kanina eh. Sabi nila lahat pumalaot, so no choice ako kundi magbangka na lang,” paliwanag ng lalaki. “Saka mas gusto ko ang ganito eh, tahimik. Masakit kasi sa tenga ang ingay ng makina.”
Tumango lang si Athena, pero sa loob-loob niya ay iniisip ang hitsura ng lalaki.
“Ilang taon ka na Miss?” biglang tanong ni Miguel, na parang casual lang pero may halong interes.
“Ahh, twenty-three po. Kayo po, Sir, ilang dekada na?” pabalik na tanong ni Athena na hindi nagpatalo.
“I’m 27. Eh, Miss, ilang taon mo na itong ginagawa? Wala ka bang kapatid o asawa? Buti pinapayagan ka ng kasintahan mong mamalaot nang mag-isa? Kasi kung ako ’yan, never. Hindi kita hahayaang lumayo nang ganyan,” tanong ni Miguel.
Sadyang isiningit niya ang huling tanong na iyon. Gusto niyang malaman kung may boyfriend o asawa na ang babae, kung available ba o may nagmamay-ari na. Hindi agad nakasagot si Athena. Ramdam niya ang diskarte ng lalaki. Alam niyang lumalambat lang ito nang impormasyon sa kanya. Sanay na siya sa ganyang tono at paraan ng pagtatanong. Halos lahat kasi ng mga dayo at bisita ganyan ang approach, pero madalas ay mas bata pa sa kanya ang mga ito.
Minasdan niya ito nang pasimple. Aminado siya sa sarili na guwapo ang lalaki. Maayos manamit at mukhang may itsura talaga. Mas matanda ito sa kanya ng apat na taon, kaya sa isip niya, malamang ay may asawa na ito o kaya naman ay seryosong karelasyon. Sa ganda at yaman siguro nito, hindi malayo na marami itong pinapili o baka nagbibilang pa.
“Ah, baka naman may pupuntahan itong kasintahan sa kabilang isla, kaya willing na willing kahit malayo at mainit. Suwerte naman nung girl ah,” bulong ni Athena sa sarili.
Dahil sa kakaisip at pagpapalipad ng imahinasyon, halos hindi na niya namalayan na si Miguel na pala ang halos buong buhay na nagsasagwan at siya na lang ay parang pasahero na lang din.
“Naku, Sir! Nandito na tayo sa gitna at malalim na! Magiging mabigat na po ang pagsasagwan diyan. Malakas ang agos! Akin na po! Ibalik na ninyo sa akin ang sagwan!” gulat na sabi ni Athena at inabot ang hawak nito.
“It’s okay, Miss, nag-e-enjoy naman ako eh,” ngiti ni Miguel. “Ako nga pala si Miguel... Miguel Del Valle. Ikaw, anong pangalan mo?” tanong nito kahit hindi pa nasasagot ng dalaga ang mga nauna niyang tanong.
“Pero Sir, nasa gitna na tayo at malayo-layo na rin ang nasasagwan niyo, mapapagod lang po kayo eh. Ako dapat ang gumagawa niyan. Sana po sinabi ninyong self-paddle kayo para sana pinahiram ko na lang sa inyo ang bangka. Yung ganun kasi mas mahal ang upa kaysa sa magpahatid na lang,” reklamo ni Athena.
.