Tunog ng maingay na takong ang maririnig sa buong pasilyo. Mabilis kaming napalingon sa isang gawi at nakita ang babaeng nakangiting nakatingin sa amin. Ang enerhiya na pumapalibot sa kaniya ay hindi biro. Hindi ko rin alam kung ano ang pwedeng mangyari sa amin kung talagang gagamitin na nito ang kaniyang kapangyarihan. Ramdam ko kung gaano ito kalakas at kung anong klaseng kapangyarihan ang nagtatago sa maamo nitong mga ngiti. Nakalugay ang mahaba nitong kulay berdeng buhok. Ang damit nitong sobrang pormal na mas lalong nagpapalakas ng kaniyang aura. “Ate!” Biglang sigaw ni Forrest sabay buntong hininga, “I told you to stop doing that! Nandito mga kaibigan ko, baka kung ano pa ang mangyari sa kanila.” Tila ba ay parang wala lang narinig ang babae at nagpatuloy lamang ito sa paglalakad.

