Chapter 01: Ex-boyfriend

1402 Words
“HINDI ako papayag na agawin mo sa akin si Rayver! Akin lang siya noon hanggang ngayon, at kahit kailan, hindi ko hahayaang makuha siya ng iba sa ‘kin. Isaksak mo ‘yan sa makitid mong kokote!” “Sino ka para pagbawalan akong mahalin siya? Baka nakalimutan mo na, ako ang nasa tabi niya noong mga panahong durog na durog siya at halos wala nang ganang mabuhay. Nung mga oras na kailangan ka niya pero wala ka, dahil mas pinili mong habulin ang makasarili mong ambisyon kaysa manatili sa tabi niya!” Lumagapak ang kanang palad ni Maddie sa kaliwang pisngi ni Kelsey. Sa lakas ng pagkakasampal niya sa babae ay nakaramdam siya ng pangangati sa parte ng kaniyang kamay na tumama sa mukha nito. Iniwasan niya ang mapangiwi nang mamasdan ang saglit na panlilisik ng mga mata nito, na batid niyang hindi para sa karakter niya kundi para mismo sa kaniya. “Para saan ang sampal na iyon, Suzaine?” patuloy pa rin nitong pagsambit sa mga huling linya. “Gumaganti ka ba dahil nasaktan kita? Dahil hindi mo matanggap na tama ang mga sinabi ko, gano’n ba?” “No, darling. Nagkakamali ka. Sinampal kita, dahil iyon ang nababagay sa mga katulad mong mahilig magmarunong tungkol sa mga bagay na wala naman talaga silang kaalam-alam. But of course, hindi ko na sasayangin ang laway at oras ko para magpaliwanag pa sa ‘yo dahil,” Maddie laughed devilishly, kasunod ang paghagod niya ng nanunuyang tingin sa kaeksena mula ulo hanggang paa, “sigurado naman akong hindi mo rin ako magi-gets. Isa lang ang dapat mong tandaan, Hannah. Layuan mo si Rayver. Don't let me catch you flirting with him again, dahil hindi mo magugustuhan ang mangyayari kapag nagalit ako.” Pinanlisikan din ni Maddie ng mga mata si Kelsey bago siya tumalikod at taas-noong naglakad palayo. Kasabay ng pagpunas niya sa pinatulong isang butil ng luha ay ang pagkarinig niya ng katagang inaasahan nang marinig. “Cut! That was a good take!” Dumagundong sa paligid ang baritonong tinig ni Direk Dan. “May ipinadaragdag lang akong props for the next scene so, break muna tayo.” Pakasabi noon ng direktor ay animo mga langgam na naghiwa-hiwalay na’t nagkalat sa buong lugar ang mga tao sa set na nagkaniya-kaniya na ng pinagkakaabalahan. Si Maddie ay agad dinaluhan ng personal assistant niyang si Steffi at sinamahan papasok sa isang kuwarto ng apartment unit na nirentahan ng team nila bilang location ng ginagawa nilang TV series. Ang kuwartong iyon ay nagsisilbing dressing room. “Ang husay mo talaga pagdating sa malditahan, Miss Maddie! Feeling ko, bumakat ang mga daliri mo sa pisngi ni Miss Kelsey, eh,” hindi napigilang papuri ni Steffi sa kaniya. “Pihadong patid-litid na naman ang peg niya n’yan sa katitili sa galit sa ‘yo.” Napahinto si Maddie sa tangkang paghuhubad ng sandals at napakunot-noo. “Paano mo naman nasabi? Eh, alam naman ni Kelsey na normal lang at ‘di maiiwasan sa mga role namin ang magkasakitan nang kaunti. Lalo na ‘pag nadala sa eksena.” Nakagat ni Steffi ang ibabang labi, waring nagdadalawang-isip sa sasabihin. “Alam mo, Miss Maddie, ayokong lumabas na tsismosa at magmukhang pinag-aaway ko kayo ni Miss Kelsey, pero may dapat ka kasing malaman eh.” “Ano ‘yon? Kapag ‘di ka nagsalita, ikaw ang sasampalin ko,” kunwa’y pataray na sabi niya para mahikayat ito. “Eh... noong nakaraan kasi, napadaan ako sa tapat ng tent kung nasaan siya at narinig kong nakikipagkuwentuhan siya sa ilang mga staff natin.” Huminto ito sa sinasabi at luminga-linga sa paligid bago bumulong. “Ang sabi ba naman, sinasadya mo raw na totohanin ang p*******t sa kaniya sa tuwing may pagkakataon ka. Kasi raw, naiinggit at may personal na galit ka raw sa kaniya. Tinawag ka pa ngang bruha, eh.” Kusang nanliit ang mga mata ni Maddie dulot ng mga nalaman. Ang plastik na babaeng ‘yon! Feeling close pa sa tuwing nagkakausap sila off-cam, pagkatapos ay sinisiraan naman pala siya kapag nakatalikod siya! Her instinct was right all along. Kaya pala kahit na dalawang beses na niyang nakakatrabaho si Kelsey ay hindi niya pa rin ito lubusang makapalagayan ng loob hanggang ngayon. “Gano’n ba? Pero bakit mo naman sinasabi sa ‘kin ‘yan? Akala ko ba, fan na fan ka nina Kelsey at Adrian?” tudyo na lang niya sa PA upang malihis ang usapan. “Dati, oo. Pero mula nang nalaman kong sinisiraan ka pala ni Miss Kelsey sa iba, nangayaw na ‘ko sa kaniya,” nakalabing paghihimutok ng babae. “Kayong dalawa na lang ni Sir Adrian ang ishi-ship ko!” “Gaga! Eh ‘di ngayon pa lang, lubog na kaagad ang barko mo,” natatawang pagsakay niya sa biro nito. “Kontrabida nga si Suzaine, ‘di ba?” Lihim na nagalak ang puso ni Maddie sa ‘di tuwirang paglalahad ni Steffi ng katapatan sa kaniya. Mahigit limang taon na ring nagsisilbi para sa kaniya ang assistant, at sa tagal na iyon ay napalapit na nang husto ang loob niya rito. Bukod kasi sa ito na ang tanging nakasama niya mula nang magsarili siya sa buhay at bumukod ng tirahan sa ama ay likas na napakabuti rin ng puso nito. Damang-dama niya ang bukal sa loob na pagmamalasakit nito sa kaniya, na sinisikap naman niyang suklian ng kapantay na kabutihan. To her, Steffi is the older sister she never had. Tinapos ni Maddie ang pagpapalit ng damit. Saglit din niyang ni-review ang lines niya sa susunod na eksenang kukunan. Matapos makainom ng tubig ay masigla na siyang tumindig. “Lumabas na tayo. Magsisimula na ulit ang taping.” Mabilisang sininop ni Steffi ang mga gamit niya bago maagap na sumabay sa kaniya sa paglalakad. Palabas na sana sila ng silid nang makasalubong naman nila sa may pinto si Kelsey, na pagkakita sa kaniya ay agad na ngumiti bagama't halatang-halata niyang pilit iyon. "Oh, hi, Mads! Narito ka rin pala sa room," kaswal na bati pa nito. "Palabas na rin kami. 'Di ba, Stef?" balewalang sabi niya. Magiliw na tumango lang ang PA niya. Akmang lalampasan na nila ang babae pagkatapos noon nang biglang pumasok sa isipan niya ang mga isinumbong sa kaniya ni Steffi kani-kanina lang. "Ah, Kelsey," aniya nang muling lingunin ang co-star. "Pasensiya ka na nga pala kung napalakas ang sampal ko sa iyo kanina. Sana, okay lang ang pisngi mo." Nginitian pa niya ito. Magtatagal pa bago nila matapos ang proyektong ginagawa, kaya mas makabubuti kung maiiwasan niya ang masangkot sa isa na namang hindi pagkakaunawaan. Ayaw na niya ng panibagong gulo. "Yeah, don't mention it. Alam ko namang palaging heavy ang mga scene natin kaya natural lang na madala ka. Pero..." Gumuhit ang munting ngisi sa mga labi nito, “‘wag mo naman sa pag-arte ilabas ang frustrations mo sa buhay, para hindi ka masyadong nanggigigil.” Hindi niya napigilang bahagyang mapataas ang isang kilay. “Ano’ng ibig mong sabihin d’yan?” Nagkibit-balikat si Kelsey bago iniharap sa mukha niya ang cellphone nito kung saan naka-play ang isang online video. “‘Di umano'y hiwalayang Maddie Cervantes at Jordan Escalante, kinumpirma na ng aktor sa aming interview,” anang showbiz news anchor na nabungaran niya. Hindi na nag-abala pa si Maddie na tapusin ang panonood. Agad na siyang nag-iwas ng tingin at matapos mapatatag ang anyo ay agad din muling binalingan si Kelsey na halatang nagpipigil na mapangiti nang malawak. Tuluyang napatid ang pisi niya. Hindi deserved ng babaeng ito ang kabaitan at pagpapasensiya niya. “Salamat sa advice. Tatandaan ko ‘yan. Pasensiya ka na ulit, ha?” Lumapit siya nang kaunti rito upang hindi marinig ng iba ang sasabihin niya. “Hayaan mo, sa susunod na magkakatrabaho tayo ulit, isa-suggest ko na ikaw naman ang maging kontrabida sa ‘kin para hindi na kita masaktan. Tutal, mukhang mas bagay sa ‘yo iyon kaysa magbida.” Hindi nakalampas sa paningin niya ang pagdilim ng anyo ni Kelsey. Nagngalit din ang mga ngipin nito at nawala ang plastik na ngiti sa mga labi. Nang tila nakahanap na ito ng mga salitang isasagot sa kaniya ay siya namang paglapit ng isang staff sa kinatatayuan nila. “Miss Kelsey, Miss Maddie, resume na raw po ang taping sabi ni Direk.” Nakangising kinindatan pa niya si Kelsey bago siya tuluyang nagpatiuna sa paglalakad.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD