Chapter 02: Girlfriend

822 Words
“BAKIT ang tagal mo namang nakabalik? Gaano karaming tubig ba ang kinuha mo?” Sinamahan pa ni Adrian ng bahagyang pagkunot ng noo ang naunang tanong niyang iyon sa assistant na si Belle. Talaga kasing nagtataka siya dahil hindi naman siya palaging pinaghihintay nito sa tuwing uutusan niya. “Pasensiya na. Nakita ko kasing nag-uusap sa loob sina Miss Kelsey at Miss Maddie. Akala ko, magkakapikunan, eh. Kaya ‘ayun, napausyoso lang ng kaunti,” mahaba ngunit may kahinaan ang boses na paliwanag nito habang iniaabot sa kaniya ang bottled water na lipas na ang lamig. Mabuti na lang at iyon talaga ang kailangan niya. Iinom kasi siya ng gamot sa headache na ilang araw nang namemerhuwisyo sa kaniya. “Magkakapikunan? Why? Ano na naman ba ang pinag-uusapan nila?” balewalang tanong niya, kahit sa loob-loob ay talagang napukaw ang curiosity niya. Hindi lingid kay Adrian ang cold war sa pagitan ng dalawang co-stars niya; napansin na niya iyon sa mga unang linggo pa lang ng taping nila. Kung tutuusin ay wala siyang pakialam sa bagay na iyon noon. Hindi siya interesadong panghimasukan pa ang mga bagay na hindi naman nakaaapekto nang masama sa trabaho niya. Nagkataon nga lang na madalas siyang nakaririnig ng mga kung anu-ano patungkol sa mga ito sa tuwing nakakakuwentuhan niya si Belle, tulad nang sandaling iyon. Hinahayaan na lang niya dahil ‘ika nga ng PA, maganda na rin ang updated siya kahit paano sa mga nangyayari sa mga taong nakapaligid sa kaniya. “Ang dinig ko, parang inaasar yata ni Miss Kelsey si Miss Maddie tungkol sa pakikipaghiwalay ni Sir Jordan.” Kunot-noong umakto si Belle na nag-aayos ng bangs kahit na wala naman itong ganoon. “Ah, ewan! Umeskapo na kasi agad ako at baka madamay pa ‘ko. Nag-worry lang naman talaga akong magpang-abot sila, pero mukhang hindi naman, eh.” “‘Buti alam mo!” tukso niya sa babae. “Payong-kaibigan, Belle. Bawas-bawasan mo ang pagiging tsismosa, hmm? Because next time, baka ikaw ang tumanggap ng sampal at tadyak sa kung sinumang nag-aaway riyan sa tabi-tabi.” “Excuse me, hindi po ako tsismosa, ‘no? Observant lang.” Pabiro pa itong umismid. “Pero seryoso, Sir. Sa iyo ko lang naman ibinubulong iyong mga gano’ng bagay. Tingin ko kasi, kung walang magkukusang magsasabi sa ‘yo ng mga ganap, ay wala kang pakialam sa mundo.” Nasa ganoong pag-uusap sila nang tumunog ang incoming call ringtone ng cellphone ni Adrian. Pangalan ng girlfriend niya ang bumungad sa kaniya nang basahin ang caller ID. Luminga-linga muna siya sa paligid bago sagutin ang tawag. “Hon, napatawag ka?” “Hindi kasi ako mapakali. I’m worried about you,” malambing na tugon nito. Bahagya siyang napangiti. Saglit din niyang pinagsisihang nabanggit pa sa nobya ang pagsakit ng ulo niya nang maka-text ito kani-kanina lang. “You have nothing to worry about, Lara,” mahinahong sabi niya mayamaya. “Malayo sa bituka ang headache na ‘to. Isa pa, nainuman ko na rin naman ng gamot.” Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Lara mula sa kabilang linya matapos ang ilang sandaling katahimikan. “Okay. Am I disturbing you?” Kunot-noong umiling siya, bagama’t hindi nito nakikita. “Hindi. Of course not.” Ngunit pagkasabi noon ay saktong namataan niya ang isang staff na naglalakad mula sa ‘di kalayuan at tinutumbok ang kinaroroonan niya. Upon checking the time on his wristwatch, nahulaan niyang magre-resume na ang taping nila at ang naturang staff ang nautusang tawagin siya. “Uh, pero ngayon, I need to hang up. Magsisimula na yata ulit ang trabaho namin,” mabilis niyang idinugtong sa naunang sinabi. “Sige. Magkita na lang tayo mamaya. I love you.” Siniguro muna niyang wala sa kaniya ang atensyon ng sinumang nasa malapit bago siya sumagot. “See you. I love you, too.” Mismong pagkabanggit niya ng huling salita ay humantong nga sa harapan niya ni Sol, ang staff na nakita niya kanina. Saglit pa silang nagkapalitan ng makahulugang tingin ni Belle habang iniaabot niya rito ang kaniyang cellphone bago niya nakangiting pinansin si Sol. “Sir, ipinatatawag na po kayo ni Direk,” masiglang wika nito. “Sige, kasunod mo na ‘ko,” nakangiti pa rin niyang tugon. He’s walking towards the set for the next scene nang makasabay niya si Maddie. Agad nitong pinatatag ang anyo nang malingunan siya at bahagya pa siyang tinanguan bilang pagbati. But her change of facial expression wasn’t fast enough, dahil bago pa man siya nito mapansin, nauna nang nakita ni Adrian ang lungkot at kapagurang nakapaloob sa mga mata ng babae. Hindi sila maituturing na magkaibigan, ngunit sa nasaksihang hitsura ni Maddie na sinubukan pa nitong pagtakpan, kung bakit ay parang gustong magpaka-feeling close ni Adrian at tanungin ito kung ano’ng problema. Silly! Nakipag-break nga pala ang boyfriend niya, nang makapag-isip ay sagot ng utak niya sa sariling tanong. Of course, that must hurt.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD