Chapter 03: Heart’s Desire

2247 Words
THOMAS Adrian Ricafort Andaya (born June 04, 1994), better known as Adrian Andaya, is a Filipino singer, commercial model and actor. He became popular for his roles in Mundong Pinangarap, Paano, and Power of Love. Andaya was regarded as the “Ultimate Dream Guy” of Dream Star season 3. Matamis na ngiti ang gumuhit sa mga labi ni Lara pagkabasa sa nilalaman ng isang bahaging iyon ng scrapbook na hawak niya. Ginawa niya ang naturang scrapbook na naglalaman ng documentation ng journey ni Adrian sa showbiz career nito, para puwede niya iyong balik-balikan anumang oras niya gustuhin. Natutuwa kasi siya at proud na proud ang pakiramdam sa tuwing mapagmamasdan ang mga narating sa buhay ng pinakamamahal. Magdadalawang taon nang magkarelasyon sina Adrian at Lara, pero kung minsan, lalo na kapag nahuhulog sa malalim na pag-iisip, parang hindi pa rin makapaniwala roon ang huli. Hindi niya lubos-akalaing ang dating crush lang ay naging boyfriend niya makalipas ang halos isang dekada. Lara had been attracted to Adrian since they were in third year high school. Ang kababaang-loob ng lalaki ang pangunahing naging daan upang makuha nito ang interes niya. Sa kabila kasi ng pagiging consistent first honor nito sa klase nila ay never niya itong nakita o nabalitaang nagyabang. Malayung-malayo ito sa ibang mga kaklase niyang lalaki, na karamihan ay wala nang maibuga sa academics dahil puno na ng hangin ang mga utak. Ngunit kahit labis ang pagkakagusto kay Adrian, hindi pa rin iyon naging sapat para bigyan ng lakas ng loob ang batang puso niya na makipaglapit dito. She was too intimidated by him. Ewan niya kung bakit, gayong batid naman niyang hindi ito isang taong mahirap pakisamahan. Saksi siya sa pagiging palabiro nito sa mga kaibigan, na sa tuwina’y kinaiinggitan niya. Often, she would just imagine herself being included in his circle of friends, dahil iyon lang naman ang kaya niyang gawin—ang mag-imagine. Kaya nga gr-um-aduate na lang sila’t lahat ay hindi pa rin nakapagtapat ng damdamin si Lara. Nalungkot siya nang husto sa pag-aakalang hindi na muling makikita at makakasama si Adrian, kaya laking-pasalamat niya nang sumapit ang alumni homecoming ng batch nila tatlong taon na ang nakararaan. There, she had the chance to see him face-to-face, at nakakuwentuhan pa niya. Sariwa pa sa alaala niya ang naging pag-uusap nila nang sandaling iyon. “Hello! Patabi, ha?” Abot-abot ang kaba ni Lara nang sa wakas ay magpasyang lapitan na si Adrian na tahimik na nakaupo sa isang sulok ng venue. She wanted to keep her hopes high, pero hindi niya maiwasang kabaliktaran noon ang maramdaman. Kung noon kasing normal na teenager lang ang binata ay hindi na napansin nito ang isang gaya niya, pa’no pa kaya ngayong isa na itong ganap na artista? “Uhm... D-Daniella?” sabi nito mayamaya, na parang hindi pa sigurado. Bagama’t nakakunot ang noo ay nakangiti naman si Adrian, kaya nakahinga na rin nang maluwag si Lara. Magandang bagay rin para sa kaniya na sinubukan pa ng lalaking alalahanin ang pangalan niya. Ang ibig sabihin niyon, may idea naman pala ito kahit paano sa existence niya sa buhay nito. “Actually, it’s Pamela. But please call me ‘Lara’ na lang: short for Pamela Rachel.” Natawa ito at sumabay na rin siya nang mapansing pinamulahan ito ng mukha. “Okay, sorry. Sorry Lara. Sige na, upo ka lang.” Ginawa ni Lara ang lahat para hindi muling magtapos sa gabing iyon ang koneksyon nila ni Adrian. Alam niyang hindi magiging madali para sa kaniya ang lahat, pero gumawa pa rin siya ng paraan upang pagbigyan ang puso sa pagkakataong iyon. She didn’t want to waste the chance anymore. So she found a way to get his personal number from Eirol, ang class president nila at best friend ni Adrian noong fourth year high school. Hindi naman siya binigo ng dating kaklase—malamang ay dahil nakulitan na rin ito sa kaniya. "Hey! Saan mo nakuha ang number ko?" bungad ni Adrian nang unang beses na tawagan siya nito. Nauna siyang magpadala ng text message sa lalaki na naglalaman ng pagbati at pagpapakilala. Malulungkot na sana siya nang lumipas ang ilang minuto at hindi ito nagre-reply, ngunit biglang tumunog ang incoming call ringtone ng cellphone niya at ito ang tumatawag. "Uhm... I got it from Eirol. I hope you don't mind," she responded shyly. "Lokong 'yon ah! Hindi ba niya alam na hindi niya dapat ipinamimigay kung kani-kanino ang cell number ko?" Agad kumirot ang puso niya sa narinig. Oo nga naman, sino ba siya para pangahasang contact-in ang isang Adrian Andaya para lang sa personal niyang interes? Hindi na siya nahiya. Magpapaalam na lang sana siya sa kausap kundi nito dinugtungan ang sinabi. "Uy, joke lang. Of course hindi ka kung sinu-sino lang,” bawi nito, sa tonong parang nahihiya pa. “We’re friends, right?" Sa huli, nangyari din ang gustong mangyari ni Lara. Matagumpay niyang napasok ang tunay na mundo ni Adrian. Ilang buwan silang naging phone pals at paminsan-minsan ay lumalabas, and after roughly a year of getting to know each other, opisyal silang naging magkasintahan. “Ba’t ang laki ng ngiti mo?” Naputol ang pagre-reminisce ni Lara pagkarinig sa boses ng nobyo. Magkasama silang umiinom ng tsaa sa balcony ng bahay niya kanina ngunit saglit itong lumayo nang makatanggap ng tawag mula sa agent. Sa layo ng narating ng isip ay hindi niya napansing nakabalik na pala ito sa kaniyang tabi. Iniligpit niya ang scrapbook sa ilalim ng coffee table saka hinarap ang boyfriend. “Wala naman.” She leisurely shook her head. “I was just thinking about you.” “Gano’n?” Amused na tumawa si Adrian. “Well, dahil d’yan, you deserve a reward.” Ibinungad nito ang kamay na kanina pang nakatago sa likuran, kaya tumambad sa paningin niya ang hawak nitong bouquet. “Daffodil,” mahinang aniya kasabay ng pagtanggap sa mga bulaklak. “You like that, right? I remember na sinabi mo ‘yon minsan,” proud na sabi nito. “Kanina pa dapat ‘yan, eh. Naiwan ko lang sa sasakyan.” “Y-yeah, tama ka. Thank you.” Matipid siyang ngumiti. “Ano’ng pinag-usapan n’yo ni Madam Helena? Natagalan yata kayo, ah?” “Ang dami kasi niyang reminders para sa commercial shoot ko bukas.” “Commercial shoot? Eh, may taping ka pa ng series bukas, ‘di ba? Do you still have time to rest?” nag-aalalang tanong niya. Bumuntong-hininga si Adrian at inakbayan siya. “Ano ka ba naman, hon? Almost four years na ako sa showbiz. I can say na sanay na ‘ko sa tight schedule na gan’yan. You don’t have to worry.” “Pero baka naman bumigay ang katawan mo n’yan? Tulad kanina, sabi mo, masakit na ang ulo mo.” Natatawang pinisil nito nang mahina ang pisngi niya. “I am fine, Lara. Okay? Isipin mo na lang na may pagkakataon din namang maaga akong natatapos sa trabaho—just like today. Kaya hindi naman totally naaabuso ‘yung katawan ko.” Sumusukong bumuga siya ng hangin. “Okay. Ikaw ang bahala.” “GUSTO mo bang kumain muna bago magpahinga, Miss Maddie? Ipagluluto kita.” Pilit ang ngiting nilingon ni Maddie si Steffi bago niya ito inilingan. “Busog pa ‘ko. Salamat na lang, Stef. Ikaw na lang ang kumain.” Wala nang imik na nagtungo siya sa kuwarto niya pagkatapos. Pabagsak na ipinahinga niya ang likod sa kama at sinubukang makatulog. Magandang pagkakataon sana iyon para makakuha ng mahaba-habang pahinga. Maaga kasing nag-pack-up ang taping nila dahil nagkaroon ng emergency ang asawa ni Direk Dan na kailangan nitong daluhan. Iyon nga lang, sa kabila ng pagod ay hindi naman siya dalawin ng antok. Kung anu-ano kasi ang tumatakbo sa isip niya. Mabigat ang loob na kinapa niya ang cellphone sa kaniyang tabi. Binuksan niya ang gallery niyon para lang pakatitigan ang mga natitira niyang picture doon na kasama si Jordan. Habang ginagawa iyon ay lihim niyang hinihiling na sana ay biglang tumawag o mag-message sa kaniya ang dating nobyo—na sana, magbago pa ang isip nito tungkol sa kanilang dalawa. Pero nakasampung ikot na yata siya sa mga litratong tinitingnan ay wala pa ring nangyayari. Hindi dumating ang inaasahan niya. Kahit sa huling sandali, binigo pa rin siya ni Jordan. Ano pa nga ba ang ine-expect niya, gayong ipinagsigawan na nga nito sa publiko ang pagputol nito sa ugnayan nila? Ginawa nito iyon nang wala man lang pasabi sa kaniya kaya hindi niya maiwasang lalong maghinanakit. Bagama’t nasasaktan ay maiintindihan naman niya kung gusto na nitong magpakatotoo sa lahat, lalo na nga’t mahigit isang buwan na rin naman silang hiwalay. Hindi lang niya matanggap na parang hindi na nito inisip o pinahalagahan ang mararamdaman niya. Naalaala niyang muli ang naging huling pag-uusap nila, sa hindi na mabilang na pagkakataon. "Ano bang sinasabi mo d'yan? A-ano'ng tatapusin?" nanginginig na tanong ni Maddie, na pilit kinukumbinsi ang sariling nagkamali siya ng intindi sa sinabi ni Jordan. Ngunit tuluyan siyang pinanlataan ng mga tuhod nang ulitin nito iyon nang buong-diin. “Narinig mo ako, Maddie. Gusto kong tapusin na natin ang relasyong ito.” "P-pero bakit?! Anong problema? Sabihin mo! Napi-pressure ba kita? Nasasakal? Ano?!" "Napag-isip-isip ko lang na hindi tayo ang nababagay para sa isa't isa. Mas magiging masaya ka sa buhay na wala ako.” Nag-iwas ng tingin ang lalaki at marahas na inalis ang kamay niya sa pagkakakapit sa braso nito. “Sa tingin ko, sapat nang dahilan 'yon para maghiwalay tayo." Hindi naniniwala si Maddie sa ibinigay na rason ng pakikipaghiwalay ng ex-boyfriend. Hindi sana sila umabot ng limang taon kung ganoon pala ang palagay nito. Siguro nga, masyado niya lang itong na-pressure. Sa kanilang dalawa kasi ay siya ang mahilig mangarap at magplano ng tungkol sa kasal at magiging pamilya nila balang-araw. Hindi niya napansing hindi pa pala ito handang pag-usapan ang mga iyon dahil marami pa itong gustong maabot sa lumalago pa lang na career. Kaya ang nangyari, sa kapaplano niya ng future ay wala siyang kaide-ideyang naging dahilan na pala iyon para masira ang kasalukuyan nila. Labis-labis ang pagsisising nadama niya sa napagtanto. TANGING pagkalansing ng mga kubyertos ang maririnig sa hapag-kainan kung saan kasalo ni Maddie sa hapunan ang kaniyang ama, madrastang si Tita Vivian at anak nitong si Valeen. Nasa bahay siya ni Daddy Delfin nang gabing iyon dahil hindi nakatanggi sa paanyaya nitong bumisita roon. Na-corner kasi siya nito nang sadyain pa mismo sa condo unit niya. Mabuti na lang at wala silang schedule ng taping sa araw na iyon kaya nagawa niyang pagbigyan ang hiling ng ama. Mas pabor kay Maddie ang ganoong wala silang imikan, kaya bahagya pa siyang nairita nang magsalita si Valeen. “One week na lang, matutuloy na ang trip natin sa Japan! Aren’t you excited, Dad?” Nabitiwan ni Maddie ang hawak na kutsara’t tinidor sa huling narinig. Awtomatiko talaga ang pagpapanting ng tainga niya sa tuwing maririnig na tinatawag ng babae na “Dad” ang daddy niya. Lalo na’t halatang feel na feel pa nito iyon. “Mukha ngang mas excited ka pa sa akin, hija.” Bumaling si Daddy Delfin sa kaniya. “Sigurado kang hindi ka sasama sa ‘min, Maddie?” “Sorry, Dad, hindi ako puwede. Puno po ang schedule ko next week,” balewalang sabi niya. Ngunit imbes na si Daddy Delfin ang sumagot ay ang magaling niyang stepsister ang sumabad. “Lagi ka talagang busy ‘no? No wonder, iniwan ka ng lover mo. Kahit siguro sa kaniya, lagi kang walang time.” “Valeen!” may pagbabanta sa tinig na saway ni Tita Vivian sa anak. Marahas na bumuntong-hininga si Valeen, saka siya tiningnan nang matalim. “I’m just telling the truth, Mom. Kung sa atin ngang pamilya niya, wala siyang mailaang panahon, eh.” Napipikang tuluyan nang tumayo si Maddie. “Puwede ba, Valeen? ‘Wag kang umastang parang kapatid ko. Huwag mong pinakikialaman ang personal issues ko!” “Tama na ‘yan!” Umalingawngaw sa buong komedor ang sigaw ni Daddy Delfin, na galit na nakatitig sa kaniya. “Maddie, huwag mong pagsalitaan si Valeen nang gan’yan! Totoo naman lahat ang mga sinabi niya. Ikaw na nga itong nagkukulang sa pamilya, ikaw pa ngayon ang may ganang magtaas ng boses at magsalita ng hindi maganda!” Nag-alab ang matinding galit at sama ng loob sa dibdib ni Maddie, ngunit sa kabilang banda ay naiinis din siya sa sarili kung bakit naramdaman pa ang mga iyon. Ano pa ba’ng bago sa pagkampi ng daddy niya sa anak-anakan nito laban sa kaniya? Hindi na siya nasanay. “Eh ‘di, okay. Ako na ang mali.” Ipinamalas niya sa mga kaharap ang ngiting palaging ipinapakita sa harap ng camera. “Sorry kung nasira ko ang masayang family dinner ninyo. Pero ‘wag kayong mag-alala, aalis na rin naman ako. Enjoy na lang kayo sa Japan trip n’yo, ha?” Taas-noo na siyang tumalikod, pero ang bigat sa loob niya ay hindi pa rin nabawasan. Alam niyang hindi gagaan ang kaniyang pakiramdam kung hindi mailalabas ang mga nais pang sabihin, kaya sa huli ay muli rin siyang lumingon sa pinanggalingan. “Mali ka lang sa isang bagay, Valeen. Walang ‘pamilya natin,’ dahil si Daddy lang ang pamilya ko rito.” Paismid niyang tinapunan ng tingin si Tita Vivian. “Wala akong kapamilyang traydor at mang-aagaw!” Sa kaniyang muling pagtalikod ay narinig niya ang gigil na pagtawag ng ama. “Madelline! Bumalik ka rito! Hindi pa tayo tapos!” Ngunit hindi na siya nagpapigil pa. Sa halip ay tuluy-tuloy na siyang naglakad patungo sa parking space kung saan iniwan ang kotse niya, na parang walang nangyari. Saka lang siya naapektuhan ng mga pangyayari noong nakauwi siya sa condo unit niya at walang dinatnang tao. Kadalasan ay nakakasama niya roon si Steffi dahil doon din ito nakatira, ngunit kapag magaan lang ang araw niya o wala siyang taping ay pinagdi-day off niya ang assistant para makauwi sa anak at ina nito. Kapag ganoon ay napag-iiwanan siyang mag-isa—katulad na lang nang gabing iyon. Pahinamad niyang ibinagsak ang katawan sa sofa. Pagod na pagod ang pakiramdam niya. Naubusan yata siya ng energy sa pakikipagtalo sa mga taong kung tutuusin ay kakampi niya dapat. Pero paano niya maituturing na kakampi ang mga taong nagki-claim pa man ding “pamilya” niya ngunit hindi man lang nagawang kumustahin siya o konsolahin tungkol sa kaniyang problemang-pampuso? Imbes ay nagamit pa ng mga ito ang pinagdaraanan niya para lalong pasamain ang loob niya. Napadako ang tingin ni Maddie sa partition shelf na nasa isang sulok ng sala, kung saan naka-display ang mga trophy na natanggap niya sa mga acting award sa nakalipas na labindalawang taon. Mapait siyang napangiti habang pinagmamasdan ang mga iyon. Iyon ang patunay na sa kabila ng ilang mga taong humuhusga sa pagkatao niya ay marami pa rin ang humahanga at nakaa-appreciate sa talentong ipinagkaloob sa kaniya. Saglit siyang napasaya ng isiping iyon, pero agad ding nabura ang saya nang makaramdam siya ng tila pagkainggit sa sarili—sa katauhan niya bilang ang artistang si Maddie Cervantes. Alam naman kasi niyang ang pagiging aktres lang ang dahilan kung bakit marami ang nagmamahal, pumupuri at sumusubaybay sa kaniya. Ngunit kapag nasa likod na ng camera, kapag wala na ang mga nakabubulag na ilaw na nakatutok sa kaniya, sino na lang ba ang nananatili sa tabi niya? Sino ang may malasakit at pakialam sa kaniya kapag siya na lang ang simpleng babaeng si Madelline? Hindi na niya kailangang mag-isip para masagot ang sariling tanong. Sapat na ang nakabibinging katahimikan sa paligid niya upang makuha ang sagot. Kung nandito ka lang sana, Mommy, daing ng puso ni Maddie.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD