“Itaas mo.” Matipid na utos ni Kane, habang hinahanda ang mga maliliit na bulak, kasama ang mga pamahid na gagamitin para sa sugat niya. Kasalukuyan siyang nakaupo sa dulo ng kanyang kama, habang nakaupo naman si Kane sa sahig.
Dahil naman sa tono ng pananalito nito, hindi na siya umangal pa at maingat niyang inangat ang kahel na baro na suot-suot niya. Hindi naman niya alam kung anong gagawin, kaya naman kinagat na lamang niya ang laylayan ng kanyang baro. Doon niya napansing nakatitig si Kane sa kanya.
Bigla siyang nakaramdam ng lamig sa nakita. Ngayon niya pa lamang siya nakakita ng ganong pamamaraan ng pagtingin. Halos takasan siya ng kaluluwa dahil sa takot. Hindi niya namamalayang humihigpit na ang pagkakakagat niya sa kanyang baro. Pilit niyang ibinaling ang tingin papunta sa kanyang paa.
Makalipas ang ilang segundo, narinig niyang suminghal ito, kaya naman hindi niya maiwasang makaramdam ng kaba. Lalo na nang magsimula itong kumuha ng isang piraso ng bilog na bulak mula sa isang maliit na kahon.
“Nagugutom ka ba?” Naramdaman niyang uminit ang kanyang pisngi sa biglaan nitong tanong.
Tumango na lamang siya dahil alam niyang rinig na rinig nito ang pagkalam ng kanyang sikmura. “Tsk. Sino ba namang hindi magugutom? Buong araw kang tulog.” Dagdag nito, at agad siyang nakaramdam ng hiya.
Habang nagpapagod sa mga gawain ang mga ito, natutulog lamang siya. Wala naman siyang alam na mangyayari yon, kaya naman hindi na siya sumagot pa. Kung hindi dahil sa barong kagat-kagat niya, kitang-kita ang pagsimangot nito.
“Pagkatapos nito, 'wag ka munang matutulog. Baka hindi ka na magising.” Aniya na ikinalaki ng mga mata ni Keith.
“H-huh? K-kane—” Agad na nangilid ang mga luha nito sa kanyang mga mata. Hindi niya maintindihan ang sinasabi nito.
Bigla na lamang siyang napaungot sa sakit nang walang pasabing nagsimula ito sa pagdampi sa kanyang tiyan. Saktong-sakto pa ito sa malaking pasa roon. Mahigpit siyang napakagat sa kanyang baro, habang iniinda ang pagkirot ng kanyang sikmura. Hindi niya maiwasang mapakapit sa kaliwang braso nito.
“'Wag kang makulit.” Siyang kay tipid na ani nito. Napapikit na lamang siya sa utos nito.
Buong tatlong minuto niyang tiniis iyon, para lamang hindi siya nito pag-initan, o mairita dahil sa mahinang pag-iyak niya. Hindi naman ganon kadiin ang pagkakapahid ni Kane, ngunit malala ang natamo niyang suntok, at sumentro pa ito sa kanyang sikmura.
Bigla na lamang siyang nakaramdam ng kiliti nang maramdaman niya ang pag-ihip nito. Hindi niya naiwasang maalala ang yumao niyang Papa. Ganon rin ang gagawin nito sa kanyang sugat kung nabubuhay pa ito ngayon. Mabilis namang naputol ang pag-iisip niya nang muling magsalita ito.
“'Wag mo munang ibababa 'yan. Kailangang matuyo niyang ointment.” Pagsisimula nito, at sinimulang ligpitin ang mga nagamit nila. “'Wag ka munang matutulog. Hindi ako nagbibiro.” Tumango na lamang siya, bago napabuntong hininga.
Dahil na rin sa takot niyang baka hindi na magising pa, pinilit niyang panatilihing nakadilat ang mga pagod niyang mata. Maagang natulog ang magnobyo, at sila na lamang ni Kane ang gising pa. Sa hindi malamang dahilan, napatingin si Keith kay Shane.
Hindi niya maiwasang mapangiti sa postura nito. Balot na balot ang katawan sa makapal na itim na kumot, habang ang ulo lamang niya ang tanging nakalitaw dito. Para itong inosenteng bata na wala pang kaalam-alam sa mundo. Napailing si Keith sa naisip. Mukha man itong inosenteng bata, katulad niya, may nagawa rin itong masama.
Maya-maya pa ay nakarinig siya ng pagkaluskos, kaya naman ibinaling niya ang tingin papunta kay Kane. Nakita niyang may kung anong ginagawa ito. Napaka laki ng katawan nito, makisig kung ilalarawan, isama mo pa ang prominente nitong biswal. Parang Kuya niya lamang kung sasabihin. Nakalamang lamang ito sa tangkad, at medyo kayumanggi ang kulay.
Ngayon lamang siya nakapagtuon ng pansin sa mga ganitong bagay dahil buong buhay niya, ang Kuya at ang Papa lamang niya ang tinitingala niyang lalaki pag dating sa biswal. Hindi ito mapayat, ngunit hindi rin mataba. Sakto lamang ang katawan nito, pero mapapansin mo pa rin na puno ito ng pag eehersisyo.
Mula sa balikat nitong malapad, hanggang sa mga braso nitong maskulado. Napasimangot na lamang si Keith sa inggit dahil kailan man, ay hindi niya naranasang magkaroon nito. Kahit na tanggap niya na ang katamtaman niyang katawan, hindi niya pa ring maiwasang magtampo dahil hindi man lang siya nabiyayaan ng katangian ng kanyang Papa.
“'Tama na ang pagtitig. Kumain ka na muna.” Nabigla naman siya sa sinabi nito, lalo na nang makitang may bitbit itong tray na may mangkok na puno ng ramen.
Napalunok siya sa aromang nanggagaling dito, at napaawang ng konti ang kanyang bibig, dahilan upang malaglag ang kagat-kagat niyang baro. Napalunok siyang muli, at ibinaling ang tingin kay Kane. Ganon pa rin ang mukha nito. Walang emosyon, napaka lamig at parang iritado.
“Kain na.” Dagdag pa nito, sabay maingat na inilapag ang tray sa gilid niya.
“S-salamat, Kane.” Pagpapasalamat niya. Punong-puno ito ng sinseridad, kahit na ang isinukli lamang nito ay pagtango.
Nilingon niya muna ito, at nakitang muling bumalik sa kanilang itim na maleta. Isa na rin sa ipinagtataka niya. Kung sila ay may gamit na nadala, baka pwede rin niyang dalhin ang mga bibe niya. Napailing siyang muli sa naisip. Wala siyang magagawa dahil wala naman na siyang natitirang pamilya.
“Ayaw mo bang kumain? Akin na, itatapon ko.” Para naman siyang nanlumo nang muli itong magsalita.
Akmang lalapit na ito papunta sa kanya, nang pigilan niya ito. “K-kane, 'wag.” Nauutal niyang ani dahil sa pagkataranta.
Pinanlisikan siya nito ng mata, kaya naman kaagad niyang inabot ang kutsara, at maingat na sumangkap ng sabaw. Nakahinga siya nang maluwag nang muli itong bumalik sa ginagawa niya. Ganon na lang talaga kalaki ang pasasalamat niya kay Kane. Nakakatakot man ito, nagawa pa rin siya nitong iligtas, asikasuhin at biyan ng makakain.
Napakunot noo siya sa naisip. Ngayon lamang siya nakaengwentro ng ganito. Umiling na lamang siya at nagsimulang kumain. Para sa mga presong katulad nila, parang napakasarap naman ng ramen na ito. Naalala niyang sinabi ni Kane na lugaw at tubig lamang ang kinakain nila, ngunit binti ng inihaw na manok ang nakain nila. Hindi niya ito maintindihan.
Dahil sa gutom na nararamdaman niya, hindi na niya namalayang malapit na niya itong maubos. Kung mabibigyan siyang muli ng pagkakataong magluto, ito ang unang-una niyang lulutuin, at ibabahagi ito kay Kane upang pasasalamat. Pati na rin kina Shane at Jake.
Nang matapos siyang kumain, hindi niya maiwasang mapapikit sa kabusugan. Bigla naman siyang napaungot nang hindi niya namalayang hinihimas na niya ang busog niyang tiyan, kung saan siya may pasa. At sa pagbukas ng kanyang mga mata, nakita niyang tinititigan na siya ni Kane. Nakabusangot ito at halatang iritado.
“'Wag mong sayangin 'yang pinahid ko sa'yo.” Inis na wika nito, dahilan upang yumuko siya sa hiya.
“S-sorry, Kane.” Mahinang paghingi niya ng paumanhin. Sa gilid ng kanyang paningin, nakita niyang kinuha nito ang tray at mangkok na pinagkainan niya.
Naglakad ito pabalik sa kanilang maleta, at inilapag ang tray sa sahig. Nang bumalik ito, may hawak-hawak na itong isang baso ng tubig at isang tableta ng gamot. At nang makita niya ang ekpresyon ng binata, nagsalubong ang kanyang kilay. Nanlalaki ang mga mata nito, at para bang takot. Balisa at mahinang nanginginig.
Doon niya napansing direktang nakatingin ito basong dala-dala niya, kasama ng isang tableta ng gamot. “Inumin mo. Painkillers.” Pagpapasawalang bahala niya.
Halatang nag-aalangan ito sa kanyang utos. Hindi ito gumalaw at patuloy na tinignan ang baso ng tubig na hawak-hawak niya. Napasinghal na lamang siya at inabot dito.
Ngunit hindi niya inaasahang kakabigin niya ito, dahilan upang malaglag ito sa sahig. Mabuti na lamang at hindi ito babasagin, hindi ito nabasag. Hindi niya maiwasang makaramdam ng galit dahil sa inakto nito, at napapikit na lamang siya sa pagpipigil. Hindi nito alam kung bakit bigla na lamang itong ganito. Akmang lalapitan niya na ito nang marinig nito ang mahinang pag-iyak.
“K-kuya... A-ayoko na p-po.” Nanginginig nitong pagtawag sa kanya. Halos buong katawan nito ang nanginginig sa takot, habang yakap-yakap ang mga tuhod nito.
“Keith,” Sinubukan niya itong tawagin, ngunit patuloy lamang ang paghikbi nito. Hindi niya ito sinubukang hawakan. Hindi na ito bago sa kanya, at lalong hindi siya tanga. Kaya naman nanatili siyang nakatayo sa kanyang pwesto.
Pilit nitong ibinuro ang ang mukha sa yakap-yakap niyang tuhod. “K-kuya—Tama na p-po!” Dahil sa ipit nitong boses, halatang pinipigilan niyang gumawa ng ingay. Bakas ng mga abusong natanggap niya sa yumaong kapatid.
At dahil lamang sa basong puno ng tubig, tila ba nabuksan lahat ang mga masalimuot na pahina ng kanyang mga bangungot. Sariwa pa ang mga ito, at napaka imposible pa niya itong malimutan. Halos dalawang taon siya nitong kinulong sa liblib nilang lugar.
Mga panahong magigising pa siya dahil sa pag-hihingalo ng mga alaga nilang manok. Marahas na kinakatay ng kanyang Kuya. Bawat pagdanak ng dugo sa lupang kinalakihan niya, naipon ito sa kanyang munting memorya. Walang araw na hindi siya nakakakita ng dugo. At ang masaklap pa doon, hindi niya ito magawang makasanayan.
Hanggang ngayon, isa pa rin siyang biktima ng mga bangungot na 'yon. Halos hindi siya nakatulog ng ilang araw dahil sa pag-aalalang baka isunod ng kanyang Kuya ang mga munting bibe. Minsan na rin niyang nakita ang kanyang Kuya pinagmamasdan siya habang natutulog. Kaya naman hindi maalis sa kanyang isipan na baka siya na ang isunod nito.
At ngayong wala na ito, tila hindi naman siya tinantanan ng mga multo ng kanyang Kuya. Nakabuntot at maya-mayang dumadalaw sa kanya.
Nang makaramdam siya ng sandaling kaluwagan, unti-unti niyang sinubukang lumingon sa kanyang paligid. Mababaw at hindi pa rin pantay ang paghinga niya, humihikbi at wala pa ring plano gumalaw. At sa kanyang paglingon, dumapo ang kanyang mga mata sa lalaking nakatayo sa harapan niya.
Nakatiklop ang mga braso nito, at para bang hinihintay siyang tumigil. “K-kane, s-sorry—” Hindi na niya natapos ang pagsasalita nang lumapit ito sa kanya.
Sunod niyang nararamdaman ang mga braso nitong nagsisimula nang maging pamilyar sa kanya. Unti-unti siyang niyakap ng mga ito, na nagbigay ng init sa kanyang katawan. Imposible mang isipin, ngunit sa simpleng akto nito, tila ba nagawa nitong mapahinto ang panginginig ng katawan niya.
Hindi niya maisip kung paano sila napunta sa ganitong sitwasyon. Yakap-yakap siya nito, habang marahan nitong hinihipo ang kanyang likod. Pangalawa na ito ngayong araw, ngunit parang ngayon niya lamang naisip na kailangan niya ito. Ang kaninang pagsikip ng kanyang lalamunan, ay siya namang kapayapaan ngayon dahil sa kaligtasang dala ng bisig nito.
Hindi na niya maalala kung kailan siya huling nakaramdam ng ganitong kahinaan, kung saan kailangan niya pang higpitan ang pagkapit dito. Para bang onting galaw niya lamang, ay aalis ito. Unti-unti na ring humuhupa ang paghikbi niya, dahilan upang makahinga't malanghap niya ang lalaking-lalaking amoy nito.
Maya-maya ay nakaramdam na siya ng pagkaantok, kasabay ng kumpletong pagpantay ng kanyang paghinga. Unti-unting lumuwag ang higpit ng pagyakap niya sa bisig ni Kane. Sa hindi malamang dahilan, tila nakatulong para kay Keith ang pamilyar nitong amoy, at init ng katawan nito.
Nang maramdaman ni Kane na humimlay na ito, dahan-dahan niyang inihiga ito na parang sanggol sa kama nito. Humigpit namang muli ang pagkakayakap nito sa kanyang baiwang, at ibinuro ang mukha nito sa kanyang dibdib. Para bang ayaw pa nitong mawala ang init na nagpapakalma sa kanya.
Napabuntong hininga na lamang siya, at hindi na nagprotesta pa. “Ano bang ginawa sa'yo ng Kuya mo? Tsk.” Mahinang ani ni Kane, at dahan-dahang humiga sa tabi nito. Ito na ang pangalawang pagkakataon na tatabihan niya ang bata na ito. Gayon pa man, ipinikit na lamang niya ang mga mata, at sinubukang matulog.
Sana lang hindi siya maunahang magising ng magnobyo, dahil naiirita siya sa mga tingin na ibinabato sa kanya. Hindi man natuloy ang plano nila kanina, wala pa rin siyang nais na baguhin dahil mas importante ngayon ang kalagayan ng 'bata' na ngayon ay yakap-yakap niya.
AUTHOR'S NOTE
ENJOY READING! DON'T FORGET TO VOTE! MARAMING MISTERYO ANG MANGYAYARI DITOOOO! STAY TUNED, MGA DZAI! ?