JUSTEEN
“TOTOO po, Principal Prieto! Totoo po ang nakita namin kagabi dito sa school. Zombie!” Halos maghisterikal na ako sa pagkukwento sa principal ng school sa nakita namin ni Mocha kagabi.
Talagang sinabi ko kay Principal Prieto iyon para mabigyan niya ng warning ang mga students sa gumagalang zombie sa school. Nakakatakot naman kasi talaga. Hindi nga ako nakatulog kagabi kaya medyo antok pa ako ngayon. Si Mocha naman, sa sobrang takot ay nilagnat kaya hindi nakapasok ngayon. Kawawa naman ang bes ko.
Natatawa na umiling si Principal Prieto. “Miss Papio, sigurado ka ba sa sinasabi mo o baka naman hindi ka pa rin nakaka-move on sa Train To Busan? Hindi ka pala dapat nanonood ng horror movies dahil nadadala mo sa reality.”
“Principal, hindi po ako nagsisinungaling. Iyong friend ko nga po nilalagnat ngayon sa sobrang takot sa zombie na nakita namin dito sa school kagabi. Nanlilisik at namumula po `yong mata niya tapos naglalaway. Mabuti na lang po talaga ay nakatakbo kami kung hindi ay—“
“Enough, Miss Papio. You’re just imagining things. I don’t buy your story.”
“Pero—“
“Kilala ka sa Benedictine and do me a favor. Please, huwag mo nang sabihin sa ibang students ang kwento mong iyan dahil baka magkaroon lang ng gulo. Ang gawin mo na lang ay mag-prepare sa nalalapit na Miss Benedictine Academy next month. Alam kong ikaw ang magiging representative ng section niyo.”
Mukhang hindi naman talaga maniniwala si Principal Prieto sa kwento ko kaya hindi na ako nagpumilit. “Sige po. Thank you. Aalis na po ako, principal…” Bagsak ang balikat na lumabas ako ng office niya.
Sigurado talaga ako sa nakita ko kagabi. Zombie talaga iyon, e. Parang iyong sa Train To Busan nga.
JOSEF
FINALLY! Saturday na!
Dalawang araw din akong makakapahinga at magagawa ang gusto ko. Malapit nang magtanghalian pero nakahiga pa rin ako. Tinatamad pa rin akong bumangon. May pagkain na naman ako for lunch hanggang dinner dahil nagluto na si Daddy Amir bago siya pumasok sa work niya.
Halos isang oras din akong nakahiga simula nang magising ako nang magdecide akong bumangon na dahil nagwawala na ang mga ahas sa tiyan ko. Nagbreakfast na ako at hinugasan ang mga pinagkainan. Nagwalis din ako sa buong bahay at sa harapan namin. After no’n ay bumalik na ako sa kwarto ko at ginawa ang assignments namin para wala na akong iintindihin.
Nang wala na akong gagawin ay may kinuha akong box sa ilalim ng kama ko. Nakakandado iyon dahil doon nakalagay ang mga pak na pak kong outfit at ilang gamit sa sikreto kong pagrampa. Make ups, shoes, mga ganoon! Pak!
Binuksan ko iyon at inilabas ang isang yellow gown. Isinuot ko iyon at nagsuot ng wig. Humarap ako sa whole body mirror upang tingnan ang aking repleksiyon. Pak! Feeling beauty queen naman ako nito. Kung hindi lang ako natatakot na umamin kay daddy at tatanggapin niya ako, hindi sana ako nagtatago ng ganito. Pero, wait. Parang may kulang… Wala pa akong make up. Kinuha ko ang aking make up kit at naglagay niyon sa aking mukha. Medyo napadiin ang pag-a-apply ko ng lipstick sa aking lips kaya naputol iyon.
“OMG!” Mahinhin kong bulalas.
Mukhang kailangan ko nang bumili ng bagong lipstick. Iyong matibay at magtatagal. Hugot! Chos!
PUMUNTA ako sa mall that day para bumili ng lipstick. Of course, hindi na ako naka-gown. Baka pagtinginan ako ng mga tao at isipin nila na totoo pala ang mga diwata. Charot lang! Sa department store ako tumingin dahil doon medyo mura ang mga lipstick.
Isang red lipstick na may glitters ang kumuha ng atensiyon ko. Kinuha ko iyon at tiningnan. “Wow…” sabi ko pa pero mahina lang.
“Gusto niyo po `yan, sir?” tanong ng saleslady.
“Po? Ah, para po sana sa ate ko. Birthday niya po kasi…” Naging sinungaling pa ako para makabili ng lipstick. Ganoon talaga. Alangan naman kung sasbihin kong para sa akin. Baka maloka si ateng saleslady.
“Tamang-tama po iyan para sa ate niyo, sir! Iyan po ang Devilish Glittery Lipstick! Bestseller po namin iyan dahil mura na ay maganda pa!”
Magsasalita pa sana ako nang may mahagip ang mata ko. OMG! Mga kaklase ko! Lima sila. Tatlong babae at dalawang lalaki. Nandito rin sila sa department store at parang namimili ng damit. Naku! Hindi nila ako pwedeng makita na bumibili ng lipstick at baka magduda sila sa akin. Pinagpawisan tuloy ako.
“Magkano po, ate?”
“Murang-mura lang po!’ Very energetic pa talaga si ate habang ako ay pressured na.
“Magkano nga po?” Tense na ako. Baka makita nila ako!
“Three hundred ninety-nine lang po. Pero meron po kaming buy one, take one promo for the price of five hundred pesos. Malaki po ang matitipid niyo, sir. Baka gusto niyong i-avail ang—“
“Ate, isa lang po ang kapatid ko kaya isang lipstick lang ang bibilhin ko. Okay?”
“Okay po, sir! Ide-demo ko lang po sa inyo ang Devilish Glittery Lipstick. Meron po itong lock dito para kung sakaling—“
“`Wag na, ate. Nagmamadali ako. Babayaran ko na po!”
Panay ang tingin ko sa mga classmates ko. Hindi sila ganoon kalayo sa akin. Mabuti na lang at busy sila sa pagtingin-tingin ng mga damit. Sige lang, tagalan niyo pa diyan!
“Okay po, sir! Salamat po sa pag-avail niyo ng aming Devilish Glittery Lipstick! Sunod na lang po kayo sa akin sa counter, sir.”
Hay! Thank you naman at natapos na rin si ate sa mga kuda niya. Sumunod na ako sa kanya sa counter at nagbayad. Nang mailagay na sa maliit na paperbag ang lipstick ay nakahinga na ako ng maluwag. Wala na akong dapat ikabahala kahit makita pa ako ng classmates ko.
Palabas na ako ng department store nang may tumawag sa pangalan ko. Iyong mga classmates ko pala.
“Anong ginagawa m dito, Josef?” tanong no’ng isa.
“Bumili lang ako ng panyo. `Eto, oh!” Itinaas ko pa iyong paperbag na hindi naman talaga panyo ang laman kundi ang aking new and pak na pak na lipstick.
“Kung gusto mo, sama ka sa amin sa Starbucks para naman maka-bonding ka namin…”
“Nagmamadali kasi ako, e. Walang tao sa bahay namin. Next time, pwede naman.”
“Sir! Wait lang po, sir!”
Nanlaki ang mga mata ko nang biglang lumapit sa akin iyong saleslady ng lipstick. May dala siyang isa pang paperbag at talagang hingal na hingal pa siya.
“A-ano po iyon?” Medyo kinakabahan kong tanong.
Inilabas niya ang isang kulay pink na purse sa paperbag. “Dahil kayo po ang first buyer ng Devilish Glittery namin for today ay may free purse po kayo. Salamat po, sir, for chosing Devilish Glittery Lipstick!” At walang kaabog-abog na umalis rin si ate.
“Akala ko ba panyo ang binili mo. Lipstick pala?” usisa no’ng classmate kong lalaki.
Teka, teka… Paano ko ba ito ipapaliwanag?
Kasalanan ito no’ng intrimitidang saleslady na iyon, e.
Bumilis ang kabog ng dibdib ko sa sobrang tense. Iyong tingin ng mga classmates ko sa akin ay parang nagdududa sila. Hinihintay nila ang explanation ko sa pagsisinungaling ko sa kanila sa pagbili ko ng lipstick.
Halos hindi ako makatingin sa mga classmates ko kaya nagdahilan na lang ako. “Sige na. Aalis na ako. See you na lang sa Monday!” Kumaway pa ako sa kanila bago umalis.
Shit! Nakahalata kaya sila?
Dapat pala pinaliwanag ko sa kanila na kunwari ay sa ate ko ito. Pero baka isipin naman nila na mang defensive ko at paano kung alam nila na wala naman akong kapatid?
Haaay!!!