JUSTEEN
“WHAT?! Josef is… gay?!”
Mabilis kong tinakpan ang bunganga ni Mocha. “Sige! Ipagsigawan mo pa!” Nagpalinga-linga ako sa paligid. Nasa room kasi kami. Chi-neck ko kung may nakarinig sa sinabi ni Mocha pero mukhang wala naman. Busy ang lahat ng classmates namin sa mga ginagawa nila. Iyong iba, nagkukwentuhan at iyong iba ay nagsusulat ng notes. Absent kasi iyong subject teacher namin sa Physics kaya wala kaming ginagawa.
Tiningnan ko si Josef na medyo malayo sa amin. Ang talim ng titig niya sa akin. Nakakahiwa. Ouch!
Ibinalik ko ang atensiyon ko kay Mocha. “Oo nga. Wait at may ipapanood ako sa’yo…” Inilabas ko ang phone ko at sinaksakan iyon ng earphone. Ipinanood ko sa kanya iyong video ni Josef na rumarampa sa kwarto nito.
Naitutop ni Mocha ang kamay sa bibig niya after niyang mapanood ang video. “Oh my! Totoo nga. I really don’t have an idea na… beki siya. At talagang mas malandi pa siya sa akin, ha.”
“Kahit naman ako, e. Kaya pala ang sabi ni Mama Jolina ay parang iba ang feel niya kay Josef. Ito na pala iyon.”
“Nakakaloka naman that. So, ano nang plano mo? Hahanap ka na ba ng ibang guy na ipapalit mo sa ex mo?”
“Of course, not. May naiisip akong bagong plano…”
“Ano naman iyon, bes?”
“Basta…” sabi ko sabay evil laugh.
PAPALABAS na ako ng CR nang may biglang humila sa kamay ko at dinala ako sa isang tagong sulok. Nagulat ako nang malaman ko na si Josef iyon. Galit na galit ang mukha niya to the point na parang kakainin na niya ako ng buhay.
“Josef! Bakit mo ako dinala dito?” Nagtataka kong tanong.
“Sinabi mo kay Mocha, `no?!”
“Ang alin?”
“Alam kong ako ang pinag-uusapan niyo kanina sa room. At talagang pinanood mo sa kanya iyong video.”
Itinaas ko ang dalawang kamay ko. “Okay. Okay. Pinanood at sinabi ko nga sa kanya pero `wag kang mag-alala. Safe ang sikreto mo sa aming dalawa--”
“Safe? Really, huh?”
I stare at him. Oo nga pala. Iyong plano ko. Siguro ay dapat ko nang gawin iyon para makaganti na agad ako kay Lucky. Kailangan ko nang sabihin iyon kay Josef.
“Oo sabi. Safe na safe!”
“Sige nga. Kung safe ang sikreto ko sa inyo, i-delete mo `yong video ko.”
“No-- I mean… hindi ko muna ide-delete iyon dahil…” I stop. Paano ko ba sasabihin sa kanya? Huminga muna ako nang malalim at saka nagsalita ulit. “Ganito kasi `yan. My boyfriend and I broke up--”
“At ano namang pakialam ko sa break up niyo? Delete my video at tapos na tayo!”
“Pwede patapusin mo muna ako? Nang makipag-break ang ex ko sa akin sinabi niya na hindi na ako makakahanap ng mas better sa kanya at hindi daw ako makaka-move on agad sa kanya. I want to prove him wrong! Gusto kong ipamukha sa kanya na kaya ko siyang palitan agad-agad gaya ng ginawa niya sa akin. Kaya ang gusto ko sana ay magpanggap kang boyfriend ko, Josef!” Finally. Nasabi ko rin.
Sandaling natahimik si Josef at biglang tumawa. “At kapag hindi ako pumayag ay hindi mo ide-delete ang video ko at sasabihin mo ang sikreto ko dito sa school. Right?”
“R-right…”
“Bina-blackmail mo ba ako, ha?!”
“This is not a blackmail. Kung blackmail ito, ako lang ang makikinabang. Kapag nagpanggap tayong magjowa, magagantihan ko na ang ex ko. Mawawala na rin ang pagdududa sa’yo na beki ka dahil may girlfriend ka na. Parehas tayong magbe-benefit kung gagawin natin--”
“No!” Matigas na tanggi niya. “Delete my videos!”
“Pero--” Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko dahil bigla na lang niya akong nilayasan.
JOSEF
MABIGAT ang loob na iniwan ko si Justeen after naming mag-usap. Hindi ako makapaniwala na magagawa niya akong I-blackmail. Hanggang sa pag-uwi ko ay nakabusangot ako. Pero kinakabahan din ako. What if ikalat nga niya ang video ko kapag hindi ako pumayag sa gusto niya? For sure, malalaman iyon ni daddy at hindi na ako makakatanggi dahil may ebidensiya na. Tapos na ang maliligayang araw ko kapag nangyari iyon!
Nang mag-text na si daddy na malapit na siyang umuwi ay nagsaing na ako. After no’n ay ininit ko na rin iyong ulam sa ref. Naghain na ako para pagdating niya ay kakain na lang siya. Maya maya nga ay dumating na siya. Nagpalit lang siya ng damit at magkasabay na kaming pumunta sa dining area para kumain.
“Kumusta naman pag-aaral mo?”
“Okay naman po, daddy. Nakakapag-adjust na ako kahit paano sa bago kong school.”
Normal lang ang ganoong usapan para sa akin. Hanggang sa…
“Tumawag ako kanina sa adviser mo at sinabi niya na okay ka naman daw. Pero bakit tinanong niya sa akin kung bakla ka?”
Nabitawan ko ang spoon and fork na hawak ko. “Po?!”
“Kalat daw sa school na bakla ka daw. Josef, magsabi ka nga sa akin. Bakla ka ba?”
“H-hindi po, ah!” Tanggi ko. Sa sobrang nerbiyos ko ay napainom ako ng tubig.
“Eh, bakit may ganoong kwento na kumakalat sa school niyo?”
“Gawa-gawa lang po iyon ng mga walang magawa, daddy. `Wag po kayong maniniwala. Isa pa… paano po ako magiging bakla kung may girlfriend na ako?”
“Girlfriend? Sino?”
“Si… Justeen.”
Patay na. Okay. Kailangan ko na itong panindigan. Bahala na!
“Parang ang bilis naman yata na naging kayo.”
“Eh, mana po ako sa inyo, daddy!”
“Sige. Ang gusto ko ay imbitahin mo siya dito para sa dinner sa Sabado ng gabi para official mo siyang mapakilala.”
“W-wala pong problema…”
Mukhang wala na akong choice nito kundi pumayag sa gusto ni Justeen na magpanggap kaming magjowa. Tama siya. Dalawa naman kaming magbe-benefit sa set-up na ganoon.